Ang Kasalukuyang Opensiba ng Imperyalismong Kano sa Amerika Latina

Matapos ma-maniobra ang pagpapaalis sa progresibong pamahalaan ni Cristina Fernandez de Kirchner sa Argentina, minaniobra naman ng imperyalismong Kano ang isang kudeta sa Brazil sa pamamagitan ng pag-impeach sa progresibong pangulong si Dilma Rousseff. At ngayon, ang pangunahing target naman ng imperyalismo ay ang Rebolusyong Bolivariano sa Venezuela na pinamumunuan ni Pangulong Nicolas Maduro.

            Sa Argentina ay inumpisahan ang opensiba noong nakaraang taon sa pamamagitan ng isang kautusan ng isang US federal judge na nagbabaliktad sa debt restructuring program ng pamahalaang Kirchner. Dahil sa nakaraang mga defaults ng  Argentina sa mga utang panlabas nito, ang Argentine bonds sa US bond market ay nagkakahalaga na lamang ng ilang cents sa bawat dolyar, at ang mga iyon ang binili ng mga US “hedge funds” (na mas kilala sa tawag na “vulture funds”). Matapos mabili nang bargain ang mga Argentine bonds, ang mga “vulture funds” na ito ang humingi ng tulong sa korte at gobyerno ng USA upang sila ay “suwertehin” sa pamamagitan ng pagpipilit sa Argentina na bayaran sila sa dating buong halaga ng mga bonds (Note : Nag-default ang Argentina sa pagbabayad ng US$100-Bilyong utang panlabas noon pang 2001, o bago pa mahalal si Kirchner sa pagka-pangulo.

            Tumutol si Pangulong Kirchner dahil ang halaga ng bonds sa market trading ay matagal nang bumaba, at ang “vulture funds” na humihingi ng mataas na kabayaran ay hindi naman iyong mga orihinal na bumili ng bonds, at hindi rin iyong mga orihinal na nagpautang sa Argentina sa panahon ng mga naunang rehimen rito. Ngunit ang mga oportunistang naghahanap lang ng easy money ang sinuportahan ng USA. Nag-default muli ang Argentina sa pagbabayad ng utang panlabas noong 2015, at ginamit ang isyung ito para pahinain ang ekonomya ng Argentina at para magkaroon ng krisis. Ang krisis na minaniobra ng imperyalismong Kano ay ginamit upang mapagalit ang sambayanan laban sa progresibong administrasyon ni Kirchner, laban sa kanyang Partido para sa Katarungan, at laban sa alyansa niyang “Frente para Victoria”.

            Sumunod ay naglubid ng kuwento ang Washington na pinagtakpan daw ni Kirchner ang papel ng Iran sa isang pambobomba na ginawa sa Buenos Aires (kabisera ng Argentina) noong 1994. Ang alamat na ito hinggil sa isang pangyayaring mahigit 21 taon na ang nakararaan, at kung saan wala namang anumang ebidensiya ng kinalaman ng Iran, ay pinalaki ng state prosecutor’s office sa Washington, upang gamiting panira kay Kirchner. Bagamat tapos na ang 2 termino ni Kirchner at hindi naman siya ang kandidato sa eleksiyon noong pagtatapos ng 2015, ginamit ng USA ang lahat ng paninira kay Kirchner upang matalo si Daniel Scioli, ang kandidato ng partido at alyansa ni Kirchner.

            Sa unang eleksiyon noong Oktubre 2015 ay nakakuha ng 35% ng mga boto si Scioli, samantalang ang inilaban sa kanya ng mga reaksiyonaryo na si Mauricio Macri  ay nakakuha ng 34% lamang. Dahil sa patakaran na kailangan ang “run-off” o kasunod pang election kapag walang makakuha ng 45% ng boto sa unang laban, nagkaroon ng “run-off” election sa pagtatapos ng Nobyembre 2015, kung saan nakahigit si Macri ng mga 700,000 boto lamang (isang napakaliit na panalo mula sa kabuuang 24 na milyong bumoto).

            Agad ipinahayag ni Macri, isang kabilang sa oligarkiya sa Argentina na gumamit sa slogang “pagbabago”, na aalisin niya ang mga maka-sosyalistang patakaran ni Kirchner, pahuhusayin ang ugnayan sa USA at sa mga dayuhang banko, at lalayo ng relasyon sa Cuba at mga bansang kabilang sa ALBA. Tuwang-tuwa ang imperyalismong Kano sa kanilang bagong katiwala sa Argentina, samantalang ang alyansa naman ni Kirchner ay naghahanda ng mga kilos-pagtutol sa mga patakarang neo-liberal ng rehimeng Macri.

            Sa Brazil naman, gumawa ang Washington ng mga pahiwatig hinggil sa diumano'y corruption ni Pangulong Dilma Rousseff upang siya ay maipa-impeach. Walang ebidensiya, puro alegasyon lamang na agad ginamit ng mga tuta ng Kano sa Kamara ng Brazil upang maibagsak si Rousseff na hindi nila kayang talunin sa eleksiyon. Mahalaga para sa USA na maalis si Rousseff upang mapahina ang alyansang BRICS (Brazil, Rusya, India, China at South Africa) at ang ALBA (Alyansa Bolivariana para sa America).

            Lalong mahalaga naman para sa mga tuta ng Kano na maalis si Rousseff upang matigil na ang mga imbestigasyon sa kanilang sariling mga kaso ng corruption. Isang malaking kabalintunaan na ang impeachment ay pinangunahan ng bulok na Speaker ng Kamara na si Eduardo Cuna, na napatunayang nagsinungaling na wala daw siyang foreign bank accounts, ngunit nabulgar na may ilang milyong dolyar sa ilang secret Swiss bank accounts. Noong Mayo 12 ay minadali ng Senado ng Brazil ang pag-suspinde kay Rousseff, upang mailuklok agad ang reaksiyonaryong bise-presidente na si  Michel Temer bilang pangulo. Si Temer ay kabilang sa kinasuhan ng corruption kaugnay sa kickbacks mula sa PetroBras, at dapat rin ngayong sampahan ng kasong impeachment. Kahit bilang interim president, si Temer ay agad kumilos upang alisin mula sa pamahalaan ang lahat ng appointees ni Rousseff, at upang baliktarin ang mga progresibong patakaran ng Brazil bilang kabilang sa BRICS at sa ALBA.

            Sa ilalim ng batas sa Brazil, ang paglilitis ng Senado kay Rousseff ay dapat matapos sa loob ng 180-araw upang magkaroon ng desisyon kung siya nga ay mai-impeach. Samantala, si Rousseff ay malayang nakakapangampanya sa iba't-ibang bahagi ng Brazil upang tuligsain ang ginawang suspensiyon sa kanya. Lumalabas nga lang na ang nangyaring impeachment ay isang naka-planong “kudeta” na isinagawa ng mga reaksiyunaryong kongresista at senador, at may basbas ng ilang matataas na pinunong militar at ilang mahistrado sa korte suprema.

            May 13 taon na nasa posisyon sa Brazil ang  progresibong Partido ng Trabahadores, simula sa pagiging pangulo ni Luis Inacio Lula da Silva noong 2003-2010, na sinundan naman ni Rousseff mula noong 2011. Ang nakalulungkot nga lamang, sa 13 taon ng pamamahala ng Partido ng Trabahadores ay hindi nito napigilan ang paglaki ng puwersang reaksiyonaryo sa Brazil. Ang pagsasagawa ng pamahalaang Rousseff ng mga patakarang austerity nitong bandang huli ay nakapagpahina rin sa suporta para sa kanya mula sa masang gumagawa.

            Lilitisin si Rousseff sa bintang na “improper transfer” ng pondo mula sa mga pampublikong banko tungo sa mga programa ng pamahalaan, isang budgetary practice na regular namang ginawa ng nakaraang mga pangulo ng Brazil. Nakatatawa na 33 sa mga senador na bumoto para sa kanyang suspensiyon ay nahaharap sa mga kasong corruption at money laundering (13 sa mga ito ay may kaso sa Korte Suprema hinggil sa kickbacks mula sa kumpanyang PetroBras, samantalang ang iba pa ay may magkakaibang kaso tulad ng murder, rape at exploitation of slave labor). Ang imbestigasyon sa mga kasong corruption ay isinagawa sa ilalim ng “Operation Car Wash” na inumpisahan ni Rousseff. Kung gayon, ang pag-aalis kay Rousseff ay kailangan para matigil na ang mga imbestigasyon.  

            Ang tunay na “krimen” nina Kirchner at Rousseff ay ang kanilang pagsisikap na ang kanilang mga pamahalaan ay kumatawan sa kapakanan ng kanilang sambayanan, at hindi sa kapakanan ng Wall Street at ng lokal na mga oligarko. Ito ay grabeng pagkakasala sa imperyalismong Kano, na gumagamit lagi sa mga lokal na oligarkiya upang mapanatili ang kontrol sa mga bansa sa Amerika Latina. Tuwing maghahalal ang mga taga-Amerika-Latina ng isang pamahalaang tunay na kumakatawan sa kanila, agad kumikilos ang Washington upang ibagsak ang gayong pamahalaan o kaya'y upang patayin ang pangulo nito.

            Sa ngayon, ang pangunahing target naman ng imperyalismong Kano ay ang Venezuela. Nais ng Washington na maibagsak si Pangulong Nicolas Maduro na demokratikong inihalal ng sambayanang Venezolano, maigupo ang Rebolusyong Bolivariano, at ibalik ang Venezuela sa kontrol ng oligarkiyang Espanyol doon na kapanig ng imperyalismong Kano.

            Lahat ng paraan ay ginagawa ng imperyalismong Kano at ng kanilang kasapakat na mga oligarko upang masabotahe ang kalagayan sa  Venezuela. Ang pagbagsak ng presyo ng petrolyo, na pangunahing export ng Venezuela, ay nagdulot ng malaking kakulangan sa kakayahan ng pamahalaang Maduro upang ipagpatuloy ang mga maka-sosyalistang benepisyo para sa sambayanan –- pangunahin na ang murang pagkain at gamot. Bilang tugon, pinalakas ni Pangulong Maduro ang pagtatatag ng mga medium production projects na pinangangasiwaan ng mga konsehong pang-komunidad o mga “communes”, isang demokratikong sistema ng produksiyon at distribusyon sa grassroots level na kung tawagin ay “Communal Power”.

            Ngunit nitong huli ay inumpisahan ng ilang malalaking kapitalista ang pagsasara ng mga pagawaan na nagpo-proseso ng pagkain at iba pang mga batayang pangangailangan, na nagdulot ng mahabang mga pila sa mga tindahang minamantine ng pamahalaan. Bilang tugon, nagpatawag si Maduro ng mga pagpupulong ng “Communal Power” upang bantayan nito ang produksiyon ng mga kapitalista sa kani-kanilang lugar, at i-take-over ang mga pagawaang isinasara. Sinabi ni Maduro na iyong mga kapitalistang ayaw nang magpatuloy ng produksiyon ay malayang makakaalis, pero ang kanilang mga pagawaan ay magiging bahagi ng istrukturang pang-estado na titiyakin ang patuloy na pag-function.

            Nagdeklara rin si Maduro ng 60-araw na “state of emergency” simula nitong Mayo 13, upang magkaroon siya ng malawak na discretion sa pagtatalaga ng mga pondo bilang tugon sa grabeng tagtuyot, at upang palakasin ang produksiyon at mahusay na distribusyon ng pagkain at gamot. Sinusulsulan naman ng mga reaksiyonayo ang pagsasagawa ng mga grupong lumpen ng mga riots sa mga tindahan ng pamahalaan tuwing nagkakaroon ng temporaryong kakulangan ng supplies. Sa ganitong kalagayan, ang Rebolusyong Bolivariano sa Venezuela ay napapanganib pa rin, at nangangailangan ang Venezuela ng pagkikipagkaisa (solidarity) mula sa lahat ng progresibong puwersa sa buong mundo.

            Kahit abala sa paghalukay ng gulo sa Venezuela, ang imperyalismong Kano ay tumatarget rin sa Ecuador at Bolivia na kapwa kabilang rin sa ALBA at kapwa nagpapatupad ng mga patakarang maka-sosyalista. Partikular na galit na galit si Obama sa ginawa ng Ecuador na pagbibigay ng asylum sa Ecuadorian Embassy sa London para kay Julian Assange, ang Australyanong pinuno ng “WikiLeaks” na nagbulgar sa mga dokumento ng iba't-ibang mga US embassies na may kinalaman sa pakikialam at pamamaslang ng mga operatibang Kano sa iba't-ibang mga bansa. Ginagawa ngayon ng rehimeng Obama ang lahat upang makapaglagay ng isang tuta ng Kano sa panguluhan ng Ecuador, upang sa gayon ay ma-repeal ang asylum ni Assange at mahuli na ito sa sandaling palayasin mula sa embahada ng Ecuador.

            Nais ng imperyalismong Kano na ang lahat ng mga mamamayan ng Amerika Latina ay manatiling alipin ng kanyang imperyo. Ang anumang bansa na ang kabuhayan ay kontrolado ng mga dambuhalang korporasyong Kano ay mananatiling busabos. Ito'y hanggang ang napakalaking mayorya ng kanilang sambayanan ay makapaghahalal ng makabayang pamahalaan na makapagpapalayas sa mga traidor na oligarko at sa mga korporasyong Kano, at makapagpapasara sa embahada ng USA.