Ang Patuloy na Krisis sa Edukasyon

Batay sa ating Saligang-Batas (sa Artikulo 14, Seksyon 5), ang edukasyon ang dapat bigyan ng pamahalaan ng pinakamataas na prayoridad sa budget. Ito ay bilang pagkilala hindi lamang sa nararapat na karapatan sa edukasyon ng sambayanan, kundi maging sa papel ng edukasyon sa pagsulong ng bansa. Ngunit sa pagbubukas ng klase nitong Hunyo 2014 ay muling nakikita ang matagal nang mga problemang kinahaharap ng mga estudyante sa ating bansa, lalo na sa mga pampublikong paaralan.

Ayon sa pamahalaan, maglalaan daw ng malaking budget sa halagang  P1-Bilyon para sa pagpapagawa ng mga bagong silid aralan, lalo na sa mga lugar na nasalanta ng super-typhoon na “Yolanda”. Ayon din sa pamahalaan, ang kakulangan sa mga classrooms at pasilidad sa paaralan ay mabibigyang kasagutan. Subalit ang mga suliraning ito ay patuloy pa ring nararanasan ng mga estudyante.

Sa datos ng Depart­ment of Education (Dep­Ed), ngayong  2014 may 7.3 milyong bata sa bansa ang out-of-school, bunga na rin  ng patuloy na nararana­sang kahirapan sa buhay kasabay ng pagtaas ng matri­kula at mga bayarin sa paaralan. Sa kabu­uang bilang na ito ng mga out-of-school youth, 3.3-mil­yon ang nasa edad na 12-taon pababa, habang 4 na milyon naman ang 13-taon pataas.

Karamihan sa mga estudyante ay pilit pinagkakasya at nagsisiksikan sa mga pambublikong paaralan. Nito lamang pasukan, ang pinakamaraming naitala ay sa Quezon City na may 170,518 mag-aaral sa elementarya at 93,136 estudyante sa high school, na nagsisiksikan sa 2,437 silid-aralan.

Ang mga ganitong suliranin sa edukasyon ay higit pang pinalalala dahil sa pagsasabatas at papapatupad sa K+12 program, na magdadagdag ng dalawa pang taon sa basic education sa Pilipinas. Sa ilalim ng Republic Act 10533, ipinatutupad ang bagong K+12 program ng gobyerno kung saan magkakaroon ng isang taon na kindergarten, anim na taon na primary school, apat na taon na junior high school, at dalawang taon na senior high school.

Kasama rin dito ang pagpatutupad ng mother-tongue-based multilingual education program, o ang paggamit ng “wikang kinagisnan” sa pagtuturo sa mga mag-aaral mula Grade 1 hanggang Grade 3. Imbes na maagang maitanim sa mga bata ang konsepto ng pambansang pagkakaisa sa pamamagitan ng paggamit sa iisang pambansang wika, ang ganitong paraan ng pagtuturo na walang national standard sa lengguwahe ay makapagtatanim lamang ng mapanghating rehiyonalismo.

Sa pagpapatupad ng K+12 program, nanganganib mawalan ng trabaho ang maraming mga guro sa mga kolehiyo. Kailangang pumasok sa dalawa pang taon ng senior high school ang mga magtapos sa fourth year high school o Grade 10. Sa patakaran ng DepEd, ang unang batch ng Grade 11 ay magsisimula sa school year 2016, habang sa 2017 naman ang simula ng Grade 12. Kaya naman dalawang taon ring mawawalan (sa mga school years na magsisimula sa 2016 at 2017) ng bagong estudyante ang mga kolehiyo at unibersidad.

Sa pagpapanukala at pagpapatupad sa programang K+12 ay ni hindi kinonsulta ang mga magulang at mga mag-aaral. Dahil sa dagdag na 2 taon ng pag-aaral, higit na  mahihirapang  ma­tus­tusan ng kanilang mga magulang ang panganga­ilangan ng ka­nilang mga anak sa pagpasok sa esku­wela­, tulad ng baon, pamasahe at pagkain araw-araw.

Kapansin-pansin pa rin ang mga kakulangan sa pangangailangan para sa edukasyon.  Sa  nagdaang taong 2013  ay may kakulangan sa classrooms na mahigit 66,000.  Kulang din ng mga 60,000 guro, mga 11,000 na mga head teachers, mga 990,000 silya, at mga 95.5-milyong libro. Sa pagtatayang ito ay kinakailangan na ang mahigit P309.43-Bilyong taunang pondo bilang karagdagang budget para sa edukasyon.

Ang ilang mga paaralan naman sa bansa, kahit na hindi tag-ulan, ay lubog pa rin sa baha at nangangailangan ng puspusang pagsasaayos. Tinataya na nangangailangan ng mahigit sa P44.6-Bilyon upang ang mga ito ay maisaayos at magamit nang mahusay ng mga mag-aaral.

Malaking problema rin ang pagkaunti ng mga guro, na sa halip na magsipagturo ay sa mga malls na lamang pumapasok dahil na rin sa kakapusan ng kanilang kinikita bilang mga guro. Ang iba naman ay napipilitang mangibang bansa at mamasukan na lamang bilang mga  domestic helpers (DH).

Hinggil sa pagtataas ng bayad-matrikula, lumalabas sa datos ng Commission on Higher Education (CHED) na mga 361 na kolehiyo at unibersidad ang nagsumite sa kanila ng aplikasyon para sa pagtataas ng matrikula. Ayon kay CHED Chairman Patricia Licuanan, aabot sa mahigit na siyam na porsyento (9%), o katumbas ng P37.00 bawat unit, ang maaring itaas. Aabot kung gayon sa mga P777.00 ang itataas na bayarin bawat semestre para sa estudyanteng kumukuha ng karaniwang full-load na 21 units, o katumbas ng mga P1,554.00 bawat taon.

Ngunit bakit sa kabila ng pagtataas ng matrikula at iba pang mga bayarin sa paaralan, ay hindi naman bumubuti ang serbisyo sa edukasyon? Sa katunayan, maraming unibersidad at kolehiyo ang patuloy na bumababa ang kalidad ng pagtuturo, kaya maraming graduates ang hindi nakakapasa sa licensure examinations at nauuwi sa wala ang kanilang mga kursong pinag-aralan. Dito makikita ang kawalang-prayoridad ng gobyerno para sa edukasyon ng kabataan.

Bagama’t sinasabi na inaaksyunan naman ang mga problema sa edukasyon, ang kalidad ng edukasyon sa Pilipinas ay nanatiling bagsak, at ang mga Pilipinong mag-aaral at huli sa kaalaman partikular sa science, math at information technology.Ang edukasyon kasi sa ating bansa sa nasa ilalim rin ng sistemang kapitalista, kaya’t ang mga paaralan ay mga negosyo na pangunahin nang nakatuon sa pagdadala ng yaman at pakinabang para sa mga may-ari nito.

Sa ganitong kalagayan, ang edukasyon ay nananatiling isang pribilehiyo para lamang sa mga kabataang may nakaririwasang pamilya, at hindi nagiging tunay na karapatan para sa lahat ng mamamayan.

Pambansang Dibisyon ng Kabataan, PKP-1930