Ang Patuloy na Pamba-braso ng Tsina sa South China Sea

Noong Mayo 1 ay nagdala ang Tsina ng kanyang higanteng floating oil drilling rig, na inaalalayan ng mga 50 barko nito, sa lugar ng Paracel Islands na mas malapit sa Biyetnam. Umalma ang Biyetnam, na nagpadada ng mga 20 barkong nais magpaalis sa flotilla ng Tsina. Nagkaroon ng stand-off at ilang engkwentro (banggaan at bombahan ng tubig ng mga magkatunggaling barko). Noong Mayo 26 ay binangga at pinalubog ng isang malaking barkong Tsino ang isang barkong pangisda ng Biyetnam sa lugar na malapit sa oil drilling rig ng Tsina.

Nag-riot ang maraming mamamayang Biyetnames, at sa kabila ng mga pagbabawal ng pamahalaan ay sinira ang halos 100 kumpanya sa Biyetnam na pag-aari ng mga Intsik (kasama na iyong mga pag-aari ng mga Taiwanese). May 4 na Intsik ang napatay at mahigit 200 ang nasugatan. Napilitan ang Tsina na magpadala ng mga barko sa Biyetnam upang ilikas ang mahigit 1,000 Intsik na nagtratrabaho sa mga kumpanyang inatake.

Bago pa tayo lumawig sa isyung ito, ilan munang pagpapaliwanag. Ang halos kabuuan ng “South China Sea” (mula katimugang baybayin ng Tsina hanggang sa bandang Brunei at Malaysia) ay inaangkin ng Republika ng mga Mamamayan ng Tsina, at maging ng Taiwan, batay sa tinatawag nilang “9-dash-line” map (na nagmula pa raw sa Song dynasty ng Tsina na mga 1,000 taon na ang nakararaan). Isang bahagi ng “South China Sea” na nasa kanluran ng Pilipinas ang tinatawag nating “West Philippine Sea”. Nasa loob ng 200 nautical miles (380 kilometro) na Exclusive Economic Zone o EEZ ng Pilipinas sa West Philippine Sea ang Kalayaan Islands at ilan pang isla na kabilang sa Spratly group of islands.

Isang bahagi naman ng “South China Sea” na nasa silangang baybayin ng Biyetnam ang tinatawag ng Biyetnam na kanyang “East Sea”. Sa East Sea na ito ay naroon ang dalawang island groups. Sa bandang hilaga ay naroon ang Paracel Islands na tinatawag ng Biyetnam na “Hoang Sa” (ngunit tinatawag naman ng Tsina na “Xisha”). Sa bandang timog naman ay naroon ang karamihan sa mga Spratlys Islands na tinatawag ng Biyetnam na “Truong Sa” (ngunit tinatawag naman ng Tsina na “Nansha”).

Kung may pag-aangkin ang Tsina sa “South China Sea” batay sa “9-dash-line” ng mga discoveries daw ng makalumang Song dynasty ng Tsina, ang Biyetnam ay may dati na ring pag-aangkin sa kanyang “East Sea” batay sa mga expeditions ng Nguyen dynasty na namahala sa Biyetnam hanggang noong Ika-19 na siglo. Nang lusubin at masakop ng Pransiya ang Biyetnam, nakuha ng Pransiya ang pamamahala sa Paracels at Spratlys mula sa nalupig na Nguyen dynasty.

Noong Mayo 7, 1954 ay tuluyang natalo ng mga puwersang VietMinh at Pathet Lao ang mga puwersang Pranses sa Dien Bien Phu. Nagkaroon ng Geneva Accords noong Hulyo 21, 1954, na pinagkasunduan ng VietMinh (Hilagang Biyetnam), Laos, Cambodia, Tsina at USSR sa isang magkaalyadong panig ; at ng Pransiya, UK, USA at ng papet na Timog Biyetnam sa kabilang magkaalyadong panig. Temporaryong nahati ang Biyetnam sa 2 estado : Hilaga at Timog Biyetnam, bagamat itinadhana rin sa Geneva Accords na magkakaroon ng eleksiyon sa 1956 upang muling pagkaisahin ang Biyetnam (bagay na hindi nangyari dahil sa pagtutol ng USA dahil alam nito na si Ho Chi Minh ang mananalo kung magkakaroon ng eleksiyon).

Sa Geneva Accords ay isinaad na ang Hoang Sa (Paracels) at Truong Sa (Spratlys) ay bahagi ng teritoryo ng Biyetnam. Ang kinatawan ng Tsina ay isa sa mga sumang-ayon sa 1954 Geneva Accords. Ngunit noong pagtatapos ng dekada ’50, nag-umpisa nang humiwalay ang Tsina sa pandaigdigang kilusang komunista. Sa kabila ng pag-ayon nito sa Geneva Accords, trinaydor ng Tsina ang Biyetnam sa pamamagitan ng paglusob at pagsakop ng Tsina sa silangang mga isla ng Paracels. Kasabay nito, sinakop rin ng Taiwan ang pinakamalaking isla sa Spratlys. Magkatunggali man ang Tsina at Taiwan, parehas nilang ninais na isahan ang Biyetnam na napahina nang husto dahil sa ilang dekada ng kanyang pakikibaka laban sa imperyalismo. Gayunpaman, ang papet na pamahalaan sa Timog Biyetnam ang siyang patuloy na tumao sa ilang isla sa Paracels at Spratlys na nasa kontrol pa noon ng Biyetnam.

Ang Tsina naman ay naging maoist na noong pangalawang hati ng dekada ’60, at tuluyan nang tumigil sa anumang pakikipagkaisa sa Biyetnam. Nag-umpisa ang lihim na sabwatan ng maoistang Tsina at imperyalismong Kano noong pag-uumpisa ng dekada ’70. Noon ay pinaigting ng rehimeng Richard Nixon ang pambobomba sa Hilagang Biyetnam, at isinarado naman ng Tsina ang pagdaan sa kanilang mga riles ng mga tren ng Unyong Sobyet na nagdadala ng armamento, pagkain at iba pang supplies para sa Hilagang Biyetnam. Napilitan ang Unyong Sobyet na ipadaan ang kanyang mga tulong sa Biyetnam sa pamamagitan ng mas mabagal na biyahe ng mga barko mula Vladivostok patungo sa puwerto ng Hai Phong.

Ang sikretong pagdalaw ni US State Secretary Henry Kissinger kay Zhou Enlai sa Beijing noong 1971, at ang lantarang pagdalaw ni Nixon kina Mao Zedong at Zhou Enlai sa Beijing noong Pebrero 21-28, 1972, ay naging tanda ng hayagang sabwatang istratehiko ng imperyalismong Kano at maoistang Tsina. Noong pagtatapos ng 1974 ay alam na ng rehimeng Gerald Ford (pumalit kay Nixon na nagbitiw dahil sa Watergate scandal) na pabagsak na ang kanilang papet na rehimen sa Saigon. Alam ng rehimeng Ford na kapag magwagi ang reunified na sosyalistang Biyetnam, iyon rin ang makakakontrol sa mga isla ng Paracels at Spratlys. Kaya binigyan ni Kissinger ng “green light” ang maoistang Tsina na lusubin at sakupin ang mga kanluraning isla ng Paracels, para hindi na iyon mapunta sa isang sosyalistang Biyetnam.

Sa operasyong militar na isinagawa ng maoistang Tsina noong pagtatapos ng 1974, maraming mga tropa ng Tsina at Biyetnam ang namatay sa labanan. Mula noon, ang kabuuan ng Paracels (Hoang Sa) ay nasakop na ng Tsina, bagamat ang pananakop na ito ay patuloy na tinututulan ng Biyetnam.

Ang alyansang kontra-Biyetnam ng USA at Tsina ay nagpatuloy. Noong 1979 ay nilusob ng Tsina ang hilagang Biyetnam, dahil sa tumulong ang Biyetnam sa pagpapalaya sa mga Cambodians mula sa genocidal at baliw na rehimeng Khmer Rouge na pinamunuan ng mga maoistang sina Pol Pot at Ieng Sary. Ilang taon ring ipinagpatuloy ng USA at Tsina ang pagsuporta sa rehimeng Pol Pot sa UN, sa kabila ng pagkamuhi sa rehimeng iyon ng sambayanan mismo ng Cambodia. Noong 1988, muling patraydor na umatake ang navy ng Tsina at kinuha mula sa Biyetnam ang 6 na mga isla sa Spratlys (Truong Sa).

Ito ang madugong background ng pakikibaka ng Biyetnam laban sa hegemonismo ng Tsina sa South China Sea. Noon nga palang 1982 ay nilagdaan ng lahat ng mga bansa sa United Nations ang U.N. Convention on the Law of the Sea, o UNCLOS, na siyang itinakdang pandaigdigang batas hinggil sa mga karagatan sa buong mundo. Ang UNCLOS ay matagal na pinanday sa mga pagpupulong ng UN simula pa noong 1958, at nagkabisa bilang pandaigdigang batas noong Nobyembre 16, 1994, isang taon makalipas na ito’y ratipakahin ng Guyana bilang ika-60 bansang nagpailalim sa batas na ito.

Simula pa noong 1977 ay gumawa na ng mga batas ang Biyetnam na sumusunod sa mga naunang napagkasunduan sa UN na mga regulasyon hinggil sa karagatan, na hindi na nakabatay sa mga “historic claims” ng Nguyen dynasty. Sa pagkakapasa ng UNCLOS noong 1982, iniayon rin rito ng Biyetnam ang kanyang mga batas hinggil sa kanyang karagatan. Nagkaroon na rin ng kasunduan ang Biyetnam at Malaysia hinggil sa kanilang joint exploration ng langis at gas sa isang bahagi ng South China Sea sa bandang Gulf of Thailand, kung saan may overlapping ang mga Extended Continental Shelf ng 2 bansang ito. Inaasahan rin ng Biyetnam na magkakaroon ng katanggap-tanggap na pagtatakda ng mga common maritime borders sa pagitan ng Biyetnam at kanyang mga kalapit na bansa

Sa pagkakapasa ng UNCLOS noong 1982, nawalan na rin ng bisa ang dating pagkakatakda ng mga pangkaragatang boundaries ng Pilipinas sang-ayon sa Treaty of Paris noong 1898 at sa Treaty of Washington noong 1900. Iyong dating kwadradong ayos  ng ating pangkaragatang mga hangganan ay nagbago, at iniayon sa mga pagtatakda sa UNCLOS ng mga standard maritime zones tulad ng territorial waters, exclusive economic zone (EEZ) at extended continental shelf (ECS). Sa pangkabuuan ay lumiit ang lawak ng ating mga pangkaragatang hangganan.

Ngunit sa isang banda ay naging legal na ang pag-aangkin ng Pilipinas sa Kalayaan Islands, dahil ang bahaging ito ng Spratlys ay napapaloob sa EEZ ng Pilipinas. Noong wala pang UNCLOS, ang pag-aangkin ng Pilipinas sa Kalayaan Islands ay batay lamang sa sinasabing mga “discoveries” doon ni retiradong Admiral Cloma noong 1960s, bagay na hindi kinikilala sa ilalim ng pandaigdigang batas. Ang UNCLOS kung gayon ang nagbigay legalidad sa pag-aangkin ng Pilipinas sa Kalayaan Islands at sa lahat ng mga kapuluan, batuhan at karagatan na napapaloob sa EEZ ng Pilipinas. 

Sa ginanap na ASEAN summit sa Myanmar nitong nakaraang buwan (Mayo) ay iniharap ng Biyetnam at ng Pilipinas ang isyu ng pambabraso ng Tsina sa South China Sea. Inungkat ng Biyetnam, Pilipinas at maging ng Malaysia ang paglabag ng Tsina sa 2002 “China-ASEAN Declaration of Conduct of Parties in the South China Sea”, at ang ginagawa ng Tsina na pagpigil sa pagkakaroon ng “Code of Conduct” para sa South China Sea.

Samantala, sa harap nina PNoy at Pangulong Susilo Bambang Yudhoyono, nagpirmahan sa Maynila ang 2 panels ng Pilipinas at Indonesia noong Mayo 23 sa “Sea Border Agreement” (sa pagitan ng Mindanao Sea at Celebes Sea) na nakabatay sa UNCLOS. Ito sana ang nais mangyari rin sa pagitan ng Tsina at mga kalapit na bansa ng ASEAN, ngunit ito ay tinututulan ng Tsina na nagnanais na maangkin ang halos kabuuan ng South China Sea.   

            Alam ng lahat na dehado ang Pilipinas sa anumang marahas na paglalabanan sa West Philippine Sea, dahil sa dominanteng lakas militar ng Tsina kung ikukumpara sa Pilipinas. Hindi maaasahan ang mga Kano na tumulong sa Pilipinas dahil mas mahalaga sa kanila ang istratehikong relasyong pangkabuhayang US-Tsina, at dahil na rin sa ang Tsina na lang ang pangunahing sumusuhay sa pandaigdigang katatagan o stability ng US dollar. Idiniin na rin ng rehimeng Obama na hindi sila makikialam sa anumang sigalot sa West Philippine Sea, at itinuturing ng USA na ang anumang sigalot sa West Philipine Sea ay labas sa mga probisyon ng 1951 USA-Philippines Mutual Defense Treaty (MDT). Hindi makatutulong sa Pilipinas ang MDT, bagamat ang MDT ay laging magagamit ng mga Kano para kaladkarin ang Pilipinas sa mga panggigiyera ng Kano.

Sa larangang panlabas, kung gayon, ang tanging maaasahan natin ay ang pakikipagkaisa sa iba pang mga bansang bina-braso rin ng Tsina sa South China Sea --- ang Biyetnam, Malaysia at Brunei. Kinakailangan ang pagkakaisa ng mga bansang ito sa paghaharap ng mga reklamo laban sa Tsina sa ilalim ng UNCLOS. Sa larangang panloob naman, dapat maunawaan ng ating sambayanan na ang patuloy na pagbili ng mga produkto ng Tsina ay nakapagbibigay lamang sa Tsina ng higit na resources at lakas para manakot sa Pilipinas. Kinakailangan kung gayon ang isang malawakang kampanya para sa pag-boykoteo sa mga produktong mula sa Tsina.

Noon pang Enero 2013 ay inireklamo na ng Pilipinas ang Tsina sa arbitral tribunal sa ilalim ng International Tribunal on the Law of the Sea (ITLOS). Ito ay matapos na lusubin at sakupin ng Tsina noong 2012 ang Panatag Shoal (Scarborough Shoal) na malapit sa Zambales at nasa loob ng 200 nautical miles (370 kilometro) na EEZ ng Pilipinas. Nauna pa rito, nilusob at sinakop rin ng Tsina noong 1995 ang Mischief Reef na nasa loob rin ng EEZ ng Pilipinas. Nitong Marso 2014 ay nagsumite ang Pilipinas ng karagdagang ebidensiya ng pagpasok ng mga puwersang Tsino sa mga isla at lugar na nasa loob ng EEZ ng Pilipinas. Inatasan naman ng arbitral tribunal ang Tsina na sagutin ang reklamo ng Pilipinas hanggang sa Disyembre 15.

Iginiit ng Tsina na hindi niya kinikilala ang arbitral tribunal, kung saan tinutuligsa ng Pilipinas ang “9-dash-line” map na batayan ng pag-aangkin ng Tsina sa halos 90% ng 3.5-milyong square kilometers na South China Sea. Kasama na sa lawak ng inaangking ito ng Tsina ang mga katubigang malapit sa baybayin ng Biyetnam, Pilipinas, Malaysia at Brunei. Pati ang Taiwan (na bahagi ng Tsina) ay may sarili ring pag-aangkin sa South China Sea, na nakabatay rin sa “9-dash-line” map. Ang “9-dash-line” nga pala ay ayos o korteng malapad at mahabang dila na nakalawit pababa mula sa Tsina, at sumasakop sa halos kabuuan ng South China Sea. Kaya naman ang “9-dash-line” ay tinatawag na rin ng dumaraming Pilipino bilang “Dilang Masiba” (“Glutton’s Tongue”) o “Dilang Demonyo” (“Devil’s Tongue”) ng Tsina.

Ang pagtanggi ng Tsina na kilalanin ang arbitral tribunal na dumidinig sa kasong iniharap ng Pilipinas sa ilalim ng UNCLOS, ay inaasahang magkaroon ng masamang batik sa kredibilidad ng Tsina bilang responsableng miyembro ng pandaigdigang komunidad.