Ang “Refugee Crisis” sa Europa ay Nag-uugat sa Pandirigma ng USA-NATO sa mga Bansa sa Gitnang Silangan at Hilagang Aprika

Isang dambuhalang migration ang nagaganap ngayon mula sa mga bansang Syria at Iraq, at gayundin mula sa Libya at iba pang bahagi ng hilagang Aprika, patungo sa mga bansang kabilang sa European Union (EU). Mahigit 200,000 na ang mga refugees mula sa mga bansang ito ang nakapasok sa EU, at inaasahang aabot sa isang milyong refugees ang pilit na magtutungo sa mga bansang kasapi ng EU hanggang sa pagtatapos ng taong ito.

Sa pagpupulong ng EU sa sentro nito sa Brussels, Belgium, nitong Setyembre, pinagpasyahan ang paghahati-hati ng alokasyon ng bilang ng mga refugees na dapat tanggapin ng bawat bansa na kabilang sa EU. Ang mga pinuno ng Alemanya at Inglaterra ay agad nangako na tatanggap sila ng tig-20,000 mga refugees, bagama’t may lumalagong pagtutol rito ang mga mamamayan ng mga bansang iyon.

Sa kabilang dako, ang mga bansang Hungary, Romania, Slovakia at Czech Republic ay laban sa pagtanggap sa sinumang refugee. May pagtutol rin ang Finland. Si Punong Ministro Viktor Orban ng Hungary ay humihingi naman ng kabayarang 3-Bilyong Euros bilang “tulong” ng EU, kapalit sa pagtanggap nito ng ilang refugees.

Maraming mamamayan sa Europa ang nababahala dahil ang karamihan ng mga refugees ay mga muslim, at ang takot na baka may mga jihadists at terorista sa hanay ng mga refugees ang gumagatong sa paglago ng mga racist na pananaw laban sa mga refugees. Mayroon na ring mga kaso ng pag-atake ng mga racist at neo-fascist na mga gangs laban sa mga refugee centers, lalo na sa Alemanya.

May pagkabahala rin na marami sa mga refugees ay hindi mga political refugees na mahihirap, kundi mga economic refugees na tumutungo sa EU sa pag-asang makakukuha ng mas mahusay na trabaho sa mga mauunlad na bansang Europeo tulad ng Alemanya, Austria, Pransiya at Inglaterra. Mayroon rin kasing mga “refugees” na nagmumula sa Turkey, Pakistan, Ehipto, Tunisia at iba pang bansa na hindi naman apektado ng giyera, na humahalo sa malawakang migration patungong Europa.

Ang bansang kasapi ng EU na kadalasang unang nilulunsaran ng maraming mga refugees ay ang Gresya. Ang karamihan ng mga refugees na tumutungo sa Gresya ay galing sa Syria at Iraq, at unang dumadaan sa Turkey upang doon ay maghanap ng mababayarang mga bapor, lantsa at maging mga motorized na bangka (na pawang pag-aari ng mga hidhid na human smugglers) upang tumawid sa Aegean Sea patungo sa Gresya. Mayroon ring mga refugees na nagmumula sa Libya at iba pang bansa sa hilagang Aprika na humahanap ng paraan (kadalasan sa pamamagitan rin ng mga human smugglers) upang makatawid sa Mediterranean Sea patungo sa Gresya.

Ngunit hindi nais ng mga refugees na mamalagi sa Gresya dahil sa krisis ng pamumuhay doon, kaya ang mga refugees ay kadalasang tumutuloy sa mga bansang dating bahagi ng Yugoslavia, upang galing doon ay makapasok sa Hungary o Austria, at tuloy na sa mga mauunlad na bansang kabilang sa EU. Ngunit dahil sa nagsarado ng mga borders ang Hungary, Croatia at Slovenia, maraming mga refugees ang stranded sa Gresya at sa dating Yugoslavia, kung saan ang kanilang kalagayan ay isa nang humanitarian disaster.

Sa nangyayaring mass migration by daan-daang mga refugees na rin ang namatay sa mga trahedya sa dagat (paglubog ng mga lantsa at bangka), at maging sa mga daan (halimbawa, sa pamamagitan ng suffocation sa loob ng mga container vans na gamit ng mga human smugglers). Ang paglisan ng mga refugees mula sa sarili nilang mga bansa --- dala ng takot sa mga terorista, sa mga pambobomba ng mga puwersa ng USA-NATO, at sa kawalan ng nakikitang kinabukasan sa wasak na nilang mga bansa --- ay may kaakibat na humanitarian tragedy para sa bawat pamilya at sa bawat indibidwal na refugee.

Kung susuriin, ang “refugee crisis” ngayon sa Europa ay dulot ng pandirigma ng USA at iba pang mga bansa ng NATO laban sa Iraq, Libya at Syria. Sa Iraq noong panahon ng pamahalaan ni Saddam Hussein ay walang grupong jihadist o fundamentalist na nakapangyayari saan mang bahagi ng bansa. Ngunit matapos ng 3 taong pananakop ng USA sa Iraq (pananakop na naka-reinforce sa kontrol ng USA sa langis at iba pang resources ng Iraq) ay inumpisahan mismo ng imperyalismong Kano na palaganapin ang jihadismo at ang teroristang IS sa Iraq. Ang pakay nito ay upang paghati-hatiin at pag-away-awayin ang sambayanan ng Iraq --- Sunni kontra Shiite kontra Kurdish kontra Yazidi kontra Kristiano kontra iba pa.

Dahil sa pagpaypay ng imperyalismo sa terorismo, napaghahati-hati ang Iraq batay sa “New Middle-East Plan” ng USA at Israel, kung saan ang bansang iyon ay bibiyakin sa maraming maliliit at naglalabanang mga sub-states batay sa mga pagkakaibang pang-sekta at pang-ethniko. Ang pagkawasak ng bansa at ang pagpapatuloy ng terorismo ng IS, Al-Qaeda at mga grupong jihadist ang siyang nagtutulak sa daan-daang libong mga Iraqi na lumisan sa kanilang bansa, tumungo sa Turkey, maghanap ng anumang sasakyang-pandagat upang tumawid mula sa Turkey patungong Gresya, at mula doon ay tumahak sa dating Yugoslavia papunta sa mga mauunlad na bansang kasapi sa EU. 

Ang Libya ay dating pinakamayamang bansa sa Hilagang Aprika noong panahon ng pamumuno ni Moammar Gaddafi. Ngunit sa pamamagitan ng IS at Al-Qaeda (at ng no-fly-zone na imposisyon ng USA) ay naibagsak ng imperyalismo ang mala-sosyalistang pamahalaan si Gaddafi. Ang Libya ngayon ay nahahati sa 3 tribal na mga sub-states (na may mga sentro sa Tripoli, Sirt at Benghazi) at walang epektibong sentral na pamahalaan.

Nakamkam ng mga imperyalista ang langis at iba pang yaman ng Libya, samantalang ang mga mamamayan ng dating Libya ay nawalan ng kabuhayan at mga social guarantees na dati nilang natatamasa sa mala-sosyalistang sistema noon. Nawalan ang mga Libyano ng pambansang kalayaan at pagkakaisa, ng pambansang soberanya at ng integridad na pang-teritoryo. Nawasak ang halos kabuuan ng Libya (maliban sa mga oil fields na prinotektahan ng mga imperyalista), at isang reign-of-terror na dala ng IS at iba pang jihadist groups ang nagtutulak sa daan-daang libong mga Libyano na mag-migrate bilang refugees sa pamamagitan ng pagtawid sa Mediterranean Sea patungo sa Europa. 

Sa Syria ay nawasak na ang maraming mga siyudad at kabayanan dahil sa teroristang mga operasyon ng IS, na sinusuportahan ng US-NATO, ng Israel, at ng mga awtokratikong kahariang Arabo. Isang reign-of-terror ang ipinalaganap ng IS (na kabilang sa sektang Sunni) laban sa mga lugar ng sektang Shiite at Alawite; laban sa mga lugar ng mga kristiano ; at laban rin sa mga lugar ng mga Kurdish, Turkmen at iba pang mga grupong ethniko sa Syria. Ang takot sa terorismo ng IS at sa pambobomba ng mga puwersang US-NATO, at ang kawalan ng pag-asa sa kinabukasan ng nawasak nilang bansa, ang siyang nagtutulak sa milyon-milyong Syrians na maging refugees --- una sa Turkey, at sumunod na rito ang pagtungo sa Gresya, Yugoslavia at sa mga mauunlad na bansang kasapi sa EU.

Simple lamang ang solusyon upang mapigil agad ang “refugee crisis” sa Europa --- ang agarang pagtitigil sa pambobomba ng US-NATO sa Syria at Iraq ; ang pagtitigil sa suportang ibinibigay sa teroristang IS mula sa imperyalismo (pangunahin na ng USA), sa Israel at sa mga awtokratikong mga kahariang Arabo; at ang pag-uumpisa ng reconstruction ng Syria, Iraq at Libya. Tanging ang reconstruction ang magbibigay ng pag-asa sa mga mamamayan nito hinggil sa kinabukasan ng kanilang mga bansa, at magpapatatag sa kanilang pagnanais na manatili sa kanilang mga bansa upang tumulong sa muling pagbangon ng mga ito.

Nakalulungkot nga lang na wala sa plano ng imperyalismo at ng mga kasapakat nito ang paglutas sa “refugee crisis”. Sa kabila ng refugee crisis na ito (na nakakaapekto sa EU ngunit hindi naman nakakaapekto sa USA), ay ipinasya pa rin ng NATO at EU na makiisa pa rin sa ginagawa ng USA na patuloy na pambobomba sa infrastructures ng Syria at Iraq.