Ang Sikretong Pandirigma ni Obama sa 134 na Bansa

Unang nahalal bilang pangulo ng USA noong 2008 si Barack Obama, sa pag-asa ng maraming voters na Kano noon na siya ang kandidatong tatapos sa mga giyera ng USA sa ibang mga bansa, pangunahin na sa Afghanistan at Iraq. Ngunit lumalabas sa katotohanan na si Obama ay tagapagpatuloy lamang ng imperyalistang patakaran na dapat laging may dinidigmang ibang bansa ang USA.

Ang patuloy na pandirigma ay upang lumawak pa sa maraming bahagi ng mundo ang kontrol ng mga korporasyong transnasyunal ng USA (lalo na sa larangan ng petrolyo at iba pang mga istratehikong resources na nalalapit nang masaid), at upang patuloy na mabuhos ang yaman ng USA sa pagbili ng mas makabagong mga armas na gawa ng kanyang military-industrial complex.

           Ang giyera ng USA sa Iraq ay na-privatize na, kung saan naiurong na ang karamihan sa mga dating puwersang militar ng Kano doon, at ang panglulukob doon ay ipinapatupad na sa pamamagitan ng mga pribadong korporasyong pang-seguridad at pampinansiya na gumaganap na advisers ng pamahalaan doon. Ang bilang ng mga puwersang militar ng Kano sa Afghanistan ay pinaliliit na rin, at ang privatization ng pandirigma doon (tulad ng isinagawa sa Iraq) ay ipinatutupad na rin.

           Ngunit sa kabila nito, sa panahon ni Obama ay nagkaroon ng paglaki ng mga puwersang militar ng Kano na nakatalaga sa Aprika, sa Amerika Latina at sa Asya-Pasipiko. Ang mga Special Operations Forces ng USA ay nakatalaga na ngayon sa 134 na bansa (o sa 70% ng mga bansa sa mundo), kumpara sa 60 bansa lamang sa pagtatapos ng termino ni George “Dubya” Bush, Jr. noong 2008. Ito ay sang-ayon mismo sa hepe ng Special Operations Command (SOCOM) ng USA na si Admiral William McRaven, na may kontrol sa lahat ng mga special operations forces ng USA. Gayundin, ang lawak ng electronic surveillance ng USA ay kumukubkob na rin ngayon sa buong mundo, sang-ayon sa National Security Agency whistleblower na si Edward Snowden.

           Sa pamumuno ni Obama, lumawak rin ang tinatawag na “drone war” ng USA, na sa katunayan ay mga targeted assassinations mula sa papawirin. Kung noong panahon ni Dubya Bush ay naglunsad siya ng 51 “drone strikes”, sa panahon naman ni Obama ay nakapaglunsad na siya ng 330 “drone strikes” para sa assassination ng mga itinuturing niyang kaaway, hanggang sa pagtatapos pa lamang ng 2013. Gayundin, sa panahon ni Obama ay labis nang lumawak ang mga disinformation at propaganda operations na inilunsad ng mga Kano sa cyberspace. Ilan sa mga bagong global networks na itinatag ng SOCOM, na nagpapanggap na mga independienteng ahensiyang pambalitaan, ay angCentralAsiaOnline.compara sa gitnang Asya, angSabahi.compara sa hilagang Aprika, angAl-Shorfa.compara sa Gitnang Silangan, atInfoSurHoy.compara sa Amerika Latina.

Secret Forces Para sa Secret Wars

           Ang buod kung gayon ng mga isinasagawa ng imperyalismong Kano sa larangang militar ay ang sumusunod : (a) conventional wars, tulad ng isinagawa ni Bush Jr. laban sa Afghanistan at Iraq, at ni Obama laban sa Libya ; (b) targeted assassinations sa pamamagitan ng “drone strikes” ; (k) malawakang electronic spying ; (d) disinformation at propaganda operations ; at (e) “overseas power projection” sa pamamagitan ng lihim na paggamit sa mga Special Operations Forces --- tulad ng mga Green Berets, Army Rangers, Navy SEALs, Delta Force Commandos, specialized helicopter crews, boat teams at mga “civil affairs personnel”. Sa lahat ng mga larangang ito, malaking pagdaragdag at pagpapalawak ang naisagawa sa panahon ngayon ni Obama.

           Tulad ng nabanggit na, ang mga US Special Operations Forces sa ilalim ng SOCOM ay nakatalaga na ngayon sa 134 na bansa, o mahigit sa doble ng bilang ng mga bansa noong pagtatapos ng termino ni George Bush, Jr. Ang SOCOM ay itinatag noong 1987, at lumaki nang husto matapos ng pagsalakay ng mga terorista sa Twin Towers sa New York noong Setyembre 11, 2001 (o lalong kilala bilang “9-11”). Ang kabuuang bilang ng mga tauhan ng SOCOM ay tumaas mula 33,000 noong 2001, tungo sa mga 72,000 ngayong 2014. Ang budget nito na USD $2.3-Bilyon noong 2001 ay umabot na sa USD $10.4-Bilyon noong 2013.

Noong 2013, ang mga US Special Operations Forces ay nagsagawa ng mga combat operations sa Afghanistan, Libya, Pakistan, Somalia, South Sudan at Yemen. Maliban pa rito, ang mga puwersang ito ay nagsasagawa rin ng mga training exercises kasama ng mga kaalyadong puwersa. Halimbawa, noong Abril at Mayo 2013, nagdaos sila ng joint training exercises sa Djibouti at Malawi sa Aprika, at sa Seychelles Islands sa Indian Ocean. Noong Hunyo 2013, nagdaos ang US Navy SEALs ng irregular warfare simulations sa Aqaba, Jordan, kasama ng mga puwersa ng Jordan, Lebanon, Iraq, Israel at iba pang kaalyado nitong mga puwersa sa Gitnang Silangan.

Noong Hulyo 2013, nagsagawa ng “tactical exercises” ang mga Green Berets kasama ng mga lokal na tropa sa Trinidad and Tobago. Noong Agosto 2013 ay nagsagawa naman sila ng “explosives training” kasama ng mga piling tropa ng navy ng Honduras (ang bansa kung saan pinondohan at sinulsulan ng mga Kano ang kudeta upang maalis ang progresibong si Pangulong Jose Manuel Zelaya noong 2009). Noong Setyembre 2013, nagsagawa naman ang US Special Operations Forces ng “joint counter-terrorism exercises” sa Sentul, West Java, Indonesia, kasama ang mga special forces ng lahat ng mga bansa ng ASEAN, at gayundin ng Australia, New Zealand, Japan at South Korea. At noong Disyembre 2013, ang 352nd Special Operations Group ng SOCOM ay nagsagawa ng training exercises para sa mga airmen ng NATO sa isang airbase sa England.

           Ang pamamalagi ng mga US Special Operations Forces sa 134 na bansa sa labas ng USA ay binigyang-katwiran ng SOCOM chief na si Admiral William McRaven, sa pamamagitan ng pagsasabi ng ganito sa harap ng Armed Services Committee ng US House of Representatives noong nakaraang taon : “Pinahuhusay ng SOCOM ang kanyang global network upang suportahan ang ating mga dayuhang kaalyado, upang magkaroon ng malawak na kaalaman hinggil sa mga banta sa atin, saan mang lugar sa mundo.” Sinabi pa niya na ang network na ito ay “mga maliliit ngunit patuloy na pamamalagi ng mga US special forces sa mga critical locations kung saan maaari silang makipag-sagupaan kung kinakailangan.” Ito mismo ang sumasalamin sa pakay ng pamamalagi ng mga puwersang Kano sa Mindanao sa ilalim ng Visiting Forces Agreement (VFA).

           Sa panahon ni Obama, naging malinaw ang higit na paggamit sa mga sikretong US special forces para sa mga sikretong military operations. Bale ang mga natatanging tactical forces na ito ay higit na ginagamit para sa pagsusulong sa mga strategic goals ng USA, nang hindi naman nalalaman mismo ng sambayanang Kano kung nasaan at ano ang ginagawa ng mga puwersang ito. Sa panahon ni Obama ay higit na napahina ang military accountability, at higit na napalakas ang tinatawag na “imperial presidency”. Laging nakapag-uutos si Obama ng mga sikretong operasyong militar nang walang pagsangguni sa, o pagsang-ayon ng, kanilang lehislatura. 

“Blowback” o “Boomerang Effect”

Ngunit ang ganitong mga secret operations ng mga secret forces ay may tendensiya na magdulot ng mga delikadong pag-“boomerang” (o kung tawagin ng CIA ay “blowback”) laban sa USA mismo. Maaalala na noong 1980s ay binuo ng CIA ang grupong Al-Qaeda sa Saudi Arabia at Pakistan upang tumulong sa pagpapabagsak sa pambansang-demokratikong pamahalaan sa Afghanistan na noon ay pinamumunuan ng People’s Democratic Party of Afghanistan o PDPA. Bandang huli, ang Al-Qaeda ang itinuturong nagplano at nagsagawa ng pag-atake sa USA noong Setyembre 11, 2001, o kung tawagin ay “9-11”. (Noon nga palang 1980s at 1990s ay napasama rin sa Al-Qaeda ang ilang kasapi ng MNLF at MILF na sinanay ng CIA upang manggulo sa Afghanistan, at doon nagsimula ang pagkakabuo ng teroristang grupong Abu Sayyaf.)

Sa Afghanistan ngayon, matapos ng 12 taon mula nang lusubin at sakupin ito ng USA, hindi pa rin mapigil ng mga puwersang Kano ang mga pag-atake sa kanila ng grupong Taliban na sinanay ng CIA sa Pakistan noong unang bahagi ng 1990s. At sa Pakistan naman, matapos ng 10 taon mula nang umpisahan ng CIA ang kanilang “drone war” doon, hindi pa rin masugpo ang kalaban nito doon na kung tawagin ay “Haqqani Network” --- na isa namang grupong pinondohan at binigyan pa ng CIA ng supply ng short-range missiles na pangwasak sa Afghanistan noong 1980s.

Ang iba pang mga bansa na naging larangan ng operasyon ng mga US special forces (na may kinalaman sa pagkontrol sa yamang petrolyo) ay pawang mga trahedya ngayon. Ang South Sudan na sinuportahan ng USA upang mabuo, at naging sikretong sentro pa ng mga special forces nito, ay bumubulusok ngayon sa isang giyera-sibil. Ang Mali, na ginamit ni Obama bilang sikretong base ng mga US special forces sa kanyang kampanya upang pabagsakin si Moammar Gaddafi sa karatig bansang Libya, ay bumubulusok na rin sa isang giyera-sibil matapos magsagawa ng kudeta ang ilang opisyal militar doon na sinanay ng mga Kano.

Ang Libya mismo, na dati’y walang hibo ng Al-Qaeda noong panahon ni Gaddafi, ay bumubulusok na rin sa isang giyera-sibil kung saan may malakas na puwersa ang Al-Qaeda. Pinaghahati-hati ang mga bansang nabanggit batay sa iba’t-ibang sekta ng Islam, at batay sa iba’t-ibang tribo o ethnic groups, upang mapahina silang lahat at hindi makalaban sa pangkalahatang kontrol ng USA. Ngunit gayunpaman, ang kasanayang naibigay sa kanila ng mga US special forces ay nagagamit ngayon ng ilang fundamentalist groups upang magsagawa ng mga pag-atake sa mga puwersang Kano.

Isa pang bansang labis ang naging trahedya sa ilalim ng imperyalistang panlulupig ay ang Iraq, kung saan milyun-milyong mamamayan ang namatay mula noong US-NATO invasion noong 2003. Sa ngayon ay plano ng USA na paghati-hatiin ang Iraq sa mga bahaging Sunni, Shiite at Kurdish. Ngunit ang planong ito ay napipigilan pa dahil sa paglaban ng ilang mga grupong fundamentalist. Nitong nakaraang buwan lamang (Enero 2014) ay nagbangon ang isang grupo na kung tawagin ay “Islamic State of Iraq and the Levant” o ISIL, na nagnanais na pagsamahin ang Iraq at Syria sa iisang Islamic state. Ang ISIL ay isang grupong Sunni na kaugnay sa Al-Qaeda, at ito’y nagbangon laban sa pamahalaan ni Prime Minister Nouri Al-Maliki na kontrolado ng mga Shiites.

           Mistulang nag-giyera-sibil sa Iraq nitong Enero nang makubkob ng ISIL ang mga lungsod ng Fallujah at Ramadi, at ilan pang lugar sa lalawigan ng Anbar sa Kanlurang Iraq. Sinusuportahan ng USA si Maliki laban sa ISIL, pero sinusuportahan naman ng Saudi Arabia at mga Gulf monarchies and ISIL dahil ito ay nagagamit nila (at pati na ng USA) sa kanilang pag-atake sa mga karatig na lugar sa Syria. Ganito ang kaguluhan sa Iraq kung saan karaniwan na ang mga teroristang pag-atake halos araw-araw. Bale ang terorismo ay nag-uugat mismo sa iba’t-ibang puwersang kaugnay rin naman ng imperyalismo, kasama na ang mga puwersang fundamentalist.

Kung tutuusin, noong bago lusubin ito ng USA at NATO, sa Iraq ay walang impluwensiya ang Al-Qaeda, at ang pamahalaan noon ni Saddam Hussein ay kontra sa islamic regime sa Iran. Ngunit ngayon, ang watawat ng Al-Qaeda ang nagwawagayway sa ibabaw ng mga lungsod ng Fallujah at Ramadi, samantalang ang rehimen naman ni Maliki sa Baghdad ay kaalyado na ng Iran. Dahil na rin sa galit sa panlulukob ng imperyalismo sa kanilang bansa, ang iba’t-ibang puwersa na dating nagamit ng imperyalismo ay nagsasagawa na rin ng mga hayagan at sikretong paglaban sa mga puwersa at kapakanang imperyalista.

Ang problema nga lang, maraming mga puwersa sa Iraq at iba pang bansang lukob ng imperyalismong Kano --- lalo na iyong mga grupong fundamentalist --- ang nagagamit pa rin ng mga Kano para sa kanilang pakay na mawasak, mapahina at kung maaari ay mapaghati-hati ang mga bansang iyon, para sa kapakinabangan ng mga korporasyong transnasyunal ng imperyalismo. Ang pagkalagas ng maraming buhay ng mga mamamayan ay bale-wala sa pakay na ito ng imperyalismo, at maging sa pakay ng mga puwersang fundamentalist na makapagtatag ng mga kapitalistang islamic states.

Ang mga kalagayang ganito sa mga bansang tuwirang lukob ng imperyalismo ay dapat na maging leksiyon sa mga bansa kung saan may presensiya ang mga puwersang Kano sa ngayon, tulad sa Pilipinas. Ang pamamalagi ng mga puwersang Kano rito ay siya mismong pangunahing banta sa seguridad ng ating sambayanan, lalo pa at ang imperyalismong Kano ay may mga lantad at di-lantad na mga ugnayan sa mga grupong fundamentalist maging dito sa ating bansa. (Halimbawa, lantaran ang pagsuporta ng USA sa MILF.)

Ang pagpigil sa pagkakaroon ng kaguluhan, giyera at pagkakahati sa ating bansa ay nakasalalay sa agarang pagpapaalis sa mga imperyalistang puwersang Kano mula sa ating bansa. Ganito rin ang dapat mangyari sa iba pang bansa sa buong mundo. Para sa pagsusulong ng kapayapaan at panatag na pagtuturingan, ang bawat bansa ay dapat na maging malaya mula sa anumang dayuhang base o puwersang militar