“BREXIT” : Simula ng Paghiwalay ng mga Bansa mula sa European Union (EU)

Sa isang referendum nitong Hunyo 23 hinggil sa “Brexit”, o sa paglisan ng Britanya at United Kingdom mula sa European Union (EU, na binubuo ng 28 bansang Europeo), nagpasya ang mga mamamayan ng UK na umalis mula rito. Patunay ito na ayaw na ng mga mamamayan ng UK na manatili ang kanilang ekonomya at patakarang panlabas sa ilalim ng dikta ng EU na hawak ng mga monopolyo-kapitalistang pinamumunuan naman ng oligarkiya sa Alemanya.
 
Sa panahon ng kampanya bago idaos ang referendum, nanawagan si Tagapangulong Liz Payne ng Partido Komunista ng Britanya sa mga manggagawa sa buong UK na bumoto para sa paglisan mula sa EU. Tinuligsa niya ang mga pananaw na ang pagiging kabilang sa EU ay nagbigay ng higit na biyaya at karapatan sa mga manggagawa ng UK. Ipinaalala niya na ang mga biyaya at karapatan ay bunga ng pakikibaka ng mga manggagawa, at ang mga ito –- maging sa Britanya, sa Pransiya, Belgium, Italya at iba pang bansang kabilang sa EU –- ay patuloy na tinatapyasan ng burgesyang Europeo sa pamamagitan ng European Commission at ng European Central Bank.
 
Si UK Prime Minister David Cameron ay agad nag-resign dahil sa pagkatalo ng kanyang posisyon na pabor sa pananatili ng UK sa EU. Marami sa kanyang mga kasamahan sa Conservative Party (o “Tories”) ang pumabor din sa “Brexit” dahil sa pagnanais ng mga kapitalista sa UK na huwag ipatupad sa UK ang iilang mas matataas na mga lebel ng pasahod at benepisyo na itinatakda ng EU para sa mga manggagawa. Ang “Brexit” ay paraan rin ng burgesya ng UK upang huwag matalo sa masidhing kumpetisyong dala ng ibang mga monopolistang Europeo sa loob ng sistema ng EU.
 
Para naman sa mga manggagawa, marami ang bumoto para sa “Brexit” dahil ayaw nila ang patuloy na pagpasok sa UK ng mga walang trabaho mula sa ibang bansa ng EU na sa ngayon ay kailangang bigyan ng social benefits sa UK. Ayaw din nila ang plano ni Chancellor Angela Merkel ng Alemanya na paghati-hatian ng mga bansa sa EU (kasama na ang UK) ang bilang ng mga tatanggaping refugees mula sa mga bansang ginigiyera ng NATO. Hindi man malinaw sa maraming manggagawa sa UK ang pangangailangan ng pagkakaisa upang itigil na ang panggigiyera ng NATO/EU sa ibang bansa, at upang wakasan na sa buong EU ang sistemang kapitalista na ugat ng unemployment at paghihirap, ngunit gayunpaman ay naipahayag nila ang kanilang pagkamuhi sa patakarang “austerity” para sa lahat ng mga manggagawa na ipinatutupad sa buong EU.
 
Sang-ayon kay Robert Griffiths, Pangkalahatang Kalihim ng Partido Komunista ng Britanya, ang paglisan ng UK mula sa EU ay isang mariing pagtuligsa sa naghaharing uring kapitalista sa UK, sa EU-NATO at sa USA. Tapos na ang panahon ng mga sikretong negosasyon ng mga pambansang burgesya ukol sa mga magiging tunguhing pangkabuhayan at pampulitika ng mga bansa sa EU. Tapos na ang panahon ng pananakot na ang mga pambansang ekonomya ay babagsak kapag hindi sinunod ang mga kontra-demokratikong patakaran ng European Central Bank.
 
Ang EU ay matagal nang gumampan bilang tagapanakot sa mga mamamayan ng Gresya, Portugal, España, Irlandia, Italya at Cyprus, upang tanggapin ang “debt-slavery” o ang pagbabayad sa mga inutang ng mga bankero at monopolista ng kani-kanilang mga bansa. Ang mga patakaran ng EU ay sampal sa demokrasya at sa karapatan ng mga mamamayan na malayang magtakda ng kanilang mga panlipunan at pangkabuhayang prayoridad. Ang paglisan ng UK ay magandang halimbawa para sa paglisan rin mula sa EU ng iba pang mga bansa na nais magtakda ng alternatibong mga direksiyon tungo sa muling pagsusulong sa kanilang pambansang soberanya at demokrasya.