Corporate Personhood --- Pagkuha ng mga Karapatan at Pribilehiyo, Samantalang Inaalis ang Anumang Responsibilidad

Sa Pilipinas ay uso na rin ang pagbibigay ng parangal sa mga korporasyon na sinasabing may “Corporate Social Responsibility” (CSR). Ito ay ginaya natin sa USA kung saan unang binuo ang konsepto ng “CSR” bilang patunay kuno na may “puso at konsensiya” ang mga korporasyon. Ngunit totoo nga kaya na may panlipunang kapanagutan o “social responsibility” ang mga korporasyon ?

Mapapansin na ang pinaka-walang-hiyang mga korporasyon sa USA --- tulad ng Enron at Lehman Brothers --- ay kabilang sa mga unang ginawaran ng parangal sa USA hinggil sa “CSR”.  Ang kanilang mga gawain at pamamaraan ng pagsalaula o pagsira sa kapaligiran, manipulasyon sa supply at presyo, panunuhol, pandarambong, panloloko o panunuba sa mga maliliit na stockholders, at iba pang kahalintulad, ay hindi mga ehemplo o halimbawa ng “social responsibility”. Kadalasan, ang “corporate social responsibility” ay sinusukat lamang sa halaga ng “kawanggawa” o limos na ibinibigay ng korporasyon na ilang proyektong sponsored ng mga institusyong siya namang nagbibigay ng gawad na “CSR”.  

Sa totoo lang, sinabi mismo ng “guru” ng neo-liberalismo --- ang nasirang si Milton Friedman --- na ang isang korporasyon, bilang isang artipisyal na “legal person”, ay maaari lamang magkaroon ng ilang artipisyal na pananagutan, ngunit ang negosyo nito sa pangkabuuan ay walang panlipunang responsibilidad. Tanging ang mga natural na tao o indibidwal lamang daw ang maaaring magkaroon ng ethics at moralidad, samantalang ang tanging gawain sa negosyo ng isang korporasyon ay ang higit na pagpapalaki sa nilalagom nitong tubo.

Sa USA, ang sentro ng pandaigdigang sistemang kapitalista, ang mga korporasyon ay may mga karapatan sa ilalim ng batas na higit pa sa mga karapatan ng indibidwal na tao. Isa rito ang karapatan sa malayang pagtatalumpati o free speech sa pampulitikang larangan. Ngunit dahil sa ang korporasyon ay wala namang dila, ito ay pinapayagang magsalita sa pamamagitan ng kanyang bulsa. Ang paggastos ng pera at pagbibigay ng political contributions para sa pag-impluwensiya sa halalan ay itinuturing kung gayon na bahagi ng karapatan sa “free speech” ng isang korporasyon.

Ngunit samantalang ang korporasyon, sa kabila ng higanteng laki nito, ay nakapagtamo ng lahat ng mga karapatan ng isang natural na tao, ito ay walang anumang konsensiya o sense ng pananagutan sa lipunan. Dahil rito, ang kilusang “Occupy Wall Street” --- na siyang nagbabandila ngayon sa pakikibaka laban sa corporate greed sa Estados Unidos --- ay may malakas na panawagan laban sa patuloy na paggamit sa konsepto ng “corporate personhood”.

Tunay kasi na ang solusyon o paraan sa pagpigil sa corporate greed ay wala sa pagtatangka na ipilit sa mga korporasyon na magkaroon sila ng “social responsibility”. Wala sa naturalesa o kalikasan ng korporasyon ang pagkakaroon nito. Ang tanging paraan sa pag-aalis sa corporate greed (o sa likas na kasakiman ng mga korporasyon) ay ang pag-aalis mismo sa kategorya at konsepto ng pribadong korporasyon.

Unang-una na, ang mga korporasyon ay produkto lamang ng tinatawag na “legal fiction”. Ang mga ito ay hindi naman natural na tao, ngunit binibigyan lamang ng legal na personalidad para makapag-negosyo. Hindi makokontrol ang kanilang greed o kasakiman, sapagkat ang korporasyon ay itinatatag ng mga pribadong kapitalista upang malimita lamang ang kanilang responsibilidad o liability at sagutin. Sakaling magkaroon ng pagkalugi o sakuna na makakaapekto sa maraming tao, ang sagutin ng korporasyon ay limitado lamang sa kabuuang halagang ipinuhunan sa korporasyon ng mga opisyal at stockholders nito. Maliban pa rito, wala nang saguting personal ang mga may-ari, pinuno o stockholders ng korporasyon.   

Samantalang “unli” ang nais na pagpapatubo ng mga may-ari at pinuno ng korporasyon, gusto naman nilang limitado lamang ang kanilang magiging responsibilidad sa lipunan, at gayundin ang kanilang sagutin sa kanilang mga hinuhuthutan o biktima. Bagamat hindi mga natural na tao, ang mga korporasyon ay “nanganganak” rin. Patong-patong na mga layers ng mga korporasyong subsidiaries ng iisang may-ari ang binubuo ng mga kapitalista upang higit na mapalaki ang kanilang kikitain sa pamamagitan ng “transfer pricing” --- kung saan ang kanilang mga produkto at serbisyo ay pinadadaan sa ilang layers ng mga kumpanyang iisa rin naman ang mga may-ari, ngunit kanya-kanyang pagtaga ang isinasagawa sa bawat pagdaraanang layer o subsidiary.

            Ang mga korporasyon ay walang responsibilidad at hindi makokontrol nang husto ng pamahalaan. Halimbawa, ang mga korporasyon ang pumipili kung saang lugar ito magbabayad ng buwis, depende kung saan mas pabor sa kanilang interes. Kaya naman hindi umuunlad ang rural areas dahil ang mga dambuhalang korporasyon na yumayaman mula sa mga minahan at pataniman sa rural areas, ay doon sa mga urban areas nagbabayad ng kanilang pangunahing buwis. Imbes na tulungan ang rural areas, ang tinutulungan nila ay ang kanilang mga napipisil na mga dynastiyang pulitikal tulad ng kina Binay sa Makati at Belmonte sa Quezon City.

Ang mga malalaking korporasyon ay kadalasan pang “nanganganak” ng isa pang uri ng korporasyon --- ang “foundation” na ginagawang paraan upang makabawas sa pagbabayad ng buwis sa pamahalaan. Sa pamamagitan ng kanilang foundations, ang mga sakim na oligarko ay nakababawas sa buwis na dapat nilang ibayad at dapat sanang mapunta sa paglilingkod sa sambayanan. Sa pamamagitan rin ng kanilang mga foundations, nagkakaroon pa sila ng pagkakataon na magpalabas na sila’y mga “pilantropo” o mapag-kawanggawang mga mababait na tao.

Sa dakong huli, ang magiging komunistang tugon sa corporate greed sa ating bansa sa yugto ng Pambansang Demokrasya ay ang pag-aalis mismo sa konsepto ng mga pribadong korporasyon, at ang paglilimita sa pribadong pamumuhunan doon lamang sa mga natural na indibidwal na may puhunan, at handa sa mga pananagutan at  saguting kaakibat ng gayong pamumuhunan.