Hinggil sa Lumalalang Kalagayan sa Ukraine

Nitong nakaraang buwan (Disyembre 2013) ay naging tampok sa mga balita ang ginawang riot ng mga “oposisyonista” sa pangunahing liwasan (square o “maidan”) ng Kiev, kapitolyo ng Ukraine na dating isang republikang Sobyet. Nai-focus ng mga imperyalistang pabatirang pangmadla ang sinasabing galit ng mga “oposisyonista” sa pamamahala ni Pangulong Viktor Yanukovych, na isa rin namang anti-komunista. Ngunit nakapagtataka na ang riot ay nabaling sa pagpapabagsak sa monumento ni USSR founder Vladimir Lenin, na ikinatuwa ng lahat ng imperyalista at reaksiyonaryong mga mamamahayag.

Kaugnay nito, ang mga istatwa ni Lenin at iba pang mga Soviet-era monuments ng mga bayani ng pakikibaka laban sa pasismo noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay sistematikong winasak rin sa iba pang bahagi ng Ukraine. Bagama’t ang sinasabing target ng mga “oposisyonista” ay si Pangulong Yanukovych, ang epektibo nilang winawasak ay ang lahat ng alaala ng Unyong Sobyet at ng pakikibaka nito laban sa pasismo. Ngayong buwang ito, ang nagiging tampulan naman ng mga pag-atake ng mga “oposisyonista” ay ang mga opisina ng Partido Komunista ng Ukraine.

Hindi ito nakapagtataka kung susuriin na ang mga “oposisyonista” sa Ukraine ay mga neo-nazi at mga extreme rightist at xenophobic forces na suportado ng USA, ng European Union (EU) at ng samahang militar na North Atlantic Treaty Organization (NATO). Ang mga ito ay pawang nagnanais na maalis ang Ukraine mula sa impluwensiya ng Rusya, at mapasok ang Ukraine sa bitag ng EU na ngayon ay dumaranas ng matinding krisis pangkabuhayan dahil sa sistemang kapitalista. Nais rin ng mga imperyalista na maisama ang Ukraine sa NATO, upang ang Ukraine ay maging bago at mas malapit na base para sa mga missiles ng NATO na nakatutok sa katabi nitong bansang Rusya. 

Ang mga neo-nazi at ultra-rightists sa Ukraine ay suportado ng imperyalismo, kaya malinaw kung sino ang pumapaypay sa kaguluhan --- sa teroristang mga pag-atake at anarkiya --- sa bansang iyon. Ilan sa mga ultra-reaksiyonaryong organisasyon ay ang “Spilna Sprava” (“Common Cause”), “Trizub” (“Trident”), “Right Sector” at ang “Svoboda” (“Freedom”) party. Ang “Svoboda” (o “Freedom”) party ay may ispesyal na papel sa pagpapahayap ng labanan sa Ukraine ; ito ay isang pamparliyamentaryong partido na may base sa Kanlurang mga rehiyon ng Ukraine (malapit sa Poland, na may territorial claims rin sa Ukraine), at may kakayahang magsagawa ng subversion laban sa constitutional order sa Ukraine.

Ang lahat ng mga organisasyong ito ay may pagkakaisa sa idyolohiya. Sila ay mga revanchists (mga nagnanais na mabago pa ang resulta ng World War II, upang pumabor sa mga pasista). Sila’y mga tagahanga nina Bandera at Shukhevich na gumanap bilang mga pangunahing collaborators ng nazi occupation sa Ukraine noong WW-II, at nagsagawa ng malawakang mga massacres ng mga ethnic na Ukrainian, Russian and Polish na mga mamamayang Sobyet sa Ukraine noong panahong iyon.

Mahalagang alalahanin na sa isang resolusyon ng European Parliament noong Disyembre 13, 2012, ay kinondena nito ang “Svoboda” (“Freedom”) party bilang xenophobic (labis na kontra-dayuhan) na partidong may racist ideology na kontra sa mga pamantayan ng EU. Pero ngayon, ang mayoryang reaksiyonaryo sa EU parliament ay sumusuporta sa “Svoboda” (“Freedom”) party, at pumapalakpak pa sa pangwawasak nito sa mga monumento ni Lenin at ng mga bayaning anti-pasista, at sa panununog nito sa mga opisina ng Partido Komunista ng Ukraine. Ilan sa mga pinuno ng “Svoboda” (“Freedom”) party ay ang magkapatid na Andrew at Oleg Tyagnibok na siyang nanguna sa riot na nagpabagsak sa monumento ni Lenin sa sentrong liwasan ng Kiev noong nakaraang buwan.

Sa kabila ng mga panggugulo ng mga grupong pasista, patuloy naman ang demand ng USA na pagbigyan ng rehimeng Yanukovych ang mga kahingian ng mga grupong ito na nag-occupy na sa mga pangunahing liwasan (square o “maidan”) at ilang gusaling pampamahalaan sa Kiev. Nais pa ng USA na alisin daw ng Ukraine ang mga kontra-demokratikong batas nito, katulad ng batas na nagtatakdang dapat magpa-rehistro bilang foreign agents ang mga NGOs na pini-pinansiyahan mula sa labas ng bansa. Nakalimutan ng USA na ang batas na ito ay kinopya lang mula sa isang batas na ipinatutupad sa USA mula pa noong 1930s.

Isa pang batas na nais ipaalis sa Ukraine ay iyong pagbabawal sa pagtatakip ng mukha ng mga demonstrador, at wari’y nakalimutan ng USA at EU na ito ay kinopya lamang mula sa mga batas nila. Sa Alemanya at Pransiya, ang paggamit ng helmet at panangga na nagtatakip sa mukha ng demonstrador ay nilalapatan ng penalty na 3 taong pagkakulong, at multang hanggang 45,000 Euros. Ang panggugulo sa demonstrasyon sa UK at USA ay may parusang hanggang 10 taong pagkakulong. Karagdagan pa rito, ang pananakit o paglaban (“assault”) sa isang police officer sa USA ay may parusang 3 hanggang 10 taong pagkakakulong.

Sa isang pahayag, sinabi niPetro Symonenko, Unang Kalihim ng Partido Komunista ng Ukraine, na si Pangulong Yanukovych as dapat ring sisihin sa kaguluhan ngayon sa Ukraine. Dati kasi siyang nangako ukol sa integrasyon ng Ukraine sa EU, at sumuporta pa sa mga reaksiyonaryong puwersa, upang makahingi ng tulong mula sa mga kanluraning imperyalista. Alam naman niya na maraming Ukrainians ang kontra sa ganitong deal, dahil ang integrasyon sa EU ay magtutuloy sa pagiging miyembro ng Ukraine sa NATO na kontra sa Rusya. Ang Ukraine ay magiging neo-kolonya ng EU, at magiging base pa ng NATO missiles na nakatutok sa Rusya. Ang ganitong patakaran ni Yanukovych ay nagpainit sa tensiyon sa pagitan ng Ukraine at Rusya, at nagsapanganib sa supply ng mga produktong petrolyo at pautang mula sa Rusya.

Ang ganitong patakaran ni Yanukovych ay naging mapanghati sa lipunang Ukrainian, at napilitan na rin siyang bumalik sa pakikipagkaibigan sa Rusya. Dito na nagalit nang husto sa kanya ang EU at ang USA, na gumamit na sa mga neo-nazis at sa mga ultra-rightists upang maglunsad ng marahas na kampanya tungo sa pagpapaalis kay Yanukovych mula sa puwesto, sa pamamagitan ng kudeta. Nauna rito ay nanawagan ang Partido Komunista ng Ukraine ukol sa pagdaraos ng isang pambansang referendum hinggil sa direksiyon ng patakarang panlabas ng Ukraine --- kung pabor ang mga Ukrainians na ma-integrate sa EU, o manatiling kaibigan ng Rusya. Kung naisagawa sana iyon ay hindi na magkakaroon pa ng ganitong kaguluhan sa Ukraine sa pagitan ng mga puwersang maka-EU at maka-Rusya.

Ngunit sa halip ay pinigil ni Yanukovych ang mga pagkilos ng Partido Komunista ng Ukraine ukol sa pag-kolekta ng mga lagda para sa gayong referendum. Sa paglala rin ng krisis sa kabuhayang kapitalista ng Ukraine, si Yanukovych ay nagpatupad ng mga kontra-mamamayang mga patakaran tulad ng pagtataas ng bayad para sa serbisyong medikal, pabahay at pang-komunidad. Nagtaas din siya ng buwis sa mga manggagawa, at hinayaan ang pagtaas ng mga presyo ng mga bilihin. Ang mga ito ay nagdala ng higit na kahirapan at pagdurusa sa sambayanan, ng mataas na unemployment, ng higit na corruption sa pamahalaan, at ng pagdami ng mga krimen na kinasasangkutan pa ng mga civil servants at mga law enforcement officers na higit na ikinagalit ng sambayanang Ukrainian.

Sa kasalukuyang kalagayan, nananawagan ang Partido Komunista ng Ukraine ukol sa pagtapos sa paggamit ng dahas, ukol sa patuloy na negosasyon, at ukol sa pagtiyak na hindi pwedeng makialam ang mga dayuhang puwersa at ang kanilang mga ahente sa mga panloob na kaganapan sa Ukraine. Gayunpaman, nananawagan rin ang Partido Komunista ng Ukraine ukol sa pagsugpo sa mga grupong neo-nazis na nais makakuha ng kapangyarihan sa pamamagitan ng isang kudeta na maaaring matungo sa pagkakahati ng Ukraine.