Ilang mga Tala hinggil sa ating Pambansang Kalagayan

A) MGA MAIDS PA RIN ANG PANGUNAHIN NATING “HUMAN EXPORT”

Sang-ayon sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) nitong nakaraang buwan (Enero 2014), ang mga maids o kasambahay (“household service workers”) pa rin ang pangunahing OFW export ng bansa. Noong 2013 daw, isa sa bawat tatlong new hires sa land-based category (145,447 o 35% sa kabuuang 419,257) ay mga katulong sa bahay. Ang mga pangunahing pinatutunguhan ng Filipina maids ay ang Hong Kong, Singapore at Kingdom of Saudi Arabia (KSA).

Pinaka-delikadong lugar pa rin para sa mga Filipina maids ang KSA, kung saan may maraming kaso ng pambubugbog, panggagahasa at pamamaslang na ginagawa ng mga employers sa kanilang mga Filipina maids na kanilang kadalasang itinuturing na mga alipin sa bahay.

Sang-ayon din sa datos ng POEA hinggil noong 2013, ang kasunod na pinakamaraming bilang ng mga newly-hired na OFWs ay mga waiters at bartenders (13,063), nurses (12,656) at cleaners (10,455). Ang karamihan sa mga maids ay nakatapos naman ng mataas na paaralan dito sa ating bansa, ngunit napipilitang magtrabaho bilang mga domestic helpers dahil sa kawalan ng mapapasukang trabaho sa ating bansa.

Ang kalagayang ito ng kawalan ng trabaho para sa maraming Pilipinang nakapag-aral, at ng pagkakaroon ng napakaraming bilang ng mga Pilipinang nagpapa-katulong sa bahay sa loob mismo ng ating bansa, ay isang malinaw na pambansang trahedya na nag-uugat sa neokolonyal na kapitalistang sistema ng ating kabuhayan --- kung saan walang malayang industriyalisasyon na makapagbubukas ng mga trabaho para sa ating sambayanan, at kung saan ang exportasyon ng mga tao ang nagiging kapalit sa dapat sana’y exportasyon ng mga kalakal na gawa ng ating sambayanan.

B) PATAKARANG PRIVATIZATION NI PNOY : PANDARAMBONG  SA YAMAN NG BANSA, AT PAGPAPAHIRAP SA SAMBAYANAN

Ipinahayag ng Department of Health ngayong Pebrero na matutuloy na ang privatization (o “corporatization” daw) ng National Orthopedic Hospital at 70 iba pang ospital ng pamahalaan sa buong bansa. Ang mga ito raw ay magiging bahagi ng “public-private partnership projects” o PPPP ni PNoy. Ang ikinakatwiran ay wala daw pondo ang pamahalaan para sa maintenance ng mga ospital na ito, kaya kailangan daw ang pagpasok ng puhunan mula sa mga pribadong korporasyon para sa pagpapahusay sa mga pasilidad at serbisyo ng mga ospital na ito.

Tiyak lamang na sa pagkontrol ng pribadong mga korporasyon sa mga pampublikong ospital ay labis na tataas ang mga singilin sa mga pasyente. Ang pagpapatakbo sa mga ospital na ito ay itutuon tungo sa paghahatid ng labis na tubo para sa mga may-ari nito, at hindi na tungo sa paghahatid ng serbisyong panlipunan. Ang karamihan sa pinakamalalaking mga pribadong ospital sa Pilipinas ay pag-aari ng malalaking mga bangko na mayaman ang kinikita sa larangan ng kalusugan. Kaya malamang na ang privatization (o “corporatization”) ng mga pampamahalaang ospital ay magiging daan para sa pandarambong ng mga bangko sa mga pambansang yamang ito, at magdudulot ng higit na pagpapahirap sa ating sambayanan.

Ngunit ang pangangalaga sa kalusugan ng sambayanan sa pamamagitan ng pagmamantine ng mga pampublikong ospital --- tulad rin ng pagbibigay ng edukasyon at iba pang serbisyong panlipunan, at ang pag-aayos ng mga daanan at tulay at iba pang imprastraktura --- ay mga tungkulin ng pamahalaan. Ano pa ang saysay ng pamahalaan kung wala itong obligasyon sa sambayanan ? At ano pa ang saysay ng pagbabayad ng sambayanan ng mga buwis kung wala namang ibabalik na serbisyo para sa kanila ang pamahalaan ?

Dapat alalahanin na ang pinakamalaking bahagi ng mga buwis na nako-kolekta ng pamahalaan ay hindi nanggagaling sa mga taripa at mga corporate taxes na ibinabayad ng mga kapitalista, na sa katunayan ay ipinapasa naman sa balikat ng mga consumers sa pamamagitan ng matataas na presyo. Ang pinakamalaking bahagi ng mga buwis na nakukuha ng pamahalaan ay nagmumula sa mga buwis na ibinabayad ng nakararaming sambayanan, tulad ng VAT na nakapatong sa presyo ng lahat ng mga bilihin at serbisyong binibili at binabayaran ng sambayanan.

Maging ang problema ngayon ng trapik sa Metro Manila ay nagiging paraan bilang pang-pressure para tanggapin ng sambayanan rito ang pagtataas ng mga pasahe sa LRT/MRT, at ng mga toll fees sa mga expressways. Pinalalabas lagi na ang krisis sa trapiko ay hindi matutugunan ng pamahalaan na wala naman daw pondo para panglutas rito, at ang kailangan na lamang ay ipaubaya sa mga monopolistang korporasyon ang mga expansion projects ng mga daanan at expressways na dapat sana ay trabaho at obligasyon ng pamahalaan.

           Hindi nakapagtataka na dahil sa lumalagong pagkasiphayo ng mga taga-Metro Manila sa administrasyong PNoy, ang anibersaryo ng tinatawag na “EDSA people power revolution” sa buwang ito, na pinangunahan mismo ni PNoy, ay mistulang nilangaw at wari’y nababaon na sa limot --- tulad ng dapat namang mangyari.

K.GAHAMAN AT TUSO TALAGA ANG MERALCO

Napaka-gahaman at napaka-tuso talaga ng MERALCO --- ang monopolyo sa kuryente sa Metro Manila at mga karatig-lugar, na kontrolado nina Manuel V. Pangilinan, Manuel Lopez, Ramon Ang, ng mag-anak na Gokongwei, at ilan pang mga dambuhalang monopolistang Pinoy at Chinoy.

Pansamantalang tumigil ang operasyon ng Malampaya (natural gas supplier para sa malalaking mga power plants sa Batangas na nagsu-supply ng kuryente sa MERALCO) para sa maintenance works noong Nobyembre 2013. Matagal nang naka-plano ang maintenance shut-down ng Malampaya, kaya naman dapat nang nakapaghanda ang MERALCO na kumuha ng kapalit na supply ng kuryente mula sa ibang power plants. Pero ang pangyayaring ito ay agad ginamit ng MERALCO para humiling sa Energy Regulatory Commission ng pagtataas ng singil sa kuryente nang mahigit doble. Ito raw ay dahil sa ang presyo ng kuryenteng kailangang kapalit na bilhin ng MERALCO mula sa mga Independent Power Producers (IPPs) ay mga triple ang presyo kaysa sa dating presyo ng kuryente mula sa mga power plants ng Malampaya.

Pinalabas ng MERALCO na wala siyang kontrol o pakinabang mula sa pagtataas na ito ng presyo ng kuryente. Ang nakinabang lamang daw ay ang mga IPPs na siyang nagtakda ng presyong ibebenta sa MERALCO sa pamamagitan ng tinatawag na Wholesale Electricity Spot Market (WESM). Ang WESM ay isang sistema ng “bidding” kung saan ang lahat ng mga IPPs na magsu-supply sa kabuuang pangangailangan ng MERALCO ay magtatakda ng kani-kanilang mga singilin o presyo. Pero sa sistemang ito, ang pinakamataas na presyo na itinakda ng alinman sa mga IPPs na magsu-supply sa MERALCO ang siyang gagamiting iisang presyo na dapat bayaran ng MERALCO para sa lahat ng IPPs. At lumabas nga na ang “spot price” noong Nobyembre-Disyembre 2013 ay P64.00 para sa bawat kiloWatt-hour, na mga triple sa dating binabayaran ng MERALCO sa Malampaya. Sinisi ng MERALCO ang pagtataas ng presyo ng kuryente sa WESM.

Ngunit lumalabas nitong nakaraang buwan (Enero 2014) na ang isa pala sa pinakamalaking mga IPPs na pinanggalingan ng kapalit na supply ng kuryente para sa MERALCO ay kontrolado rin naman pala ng MERALCO. Sa isang pahayag, sinabi ng Aboitiz Power Corporation na ang subsidiary nitong Therma Mobile Corporation (operator ng diesel power barges na nakadaong sa pier ng Navotas) ay matagal nang naka-kontrata sa MERALCO bago pa man tumigil ng operasyon ang Malampaya. Ibinulgar ng Aboitiz Power Corporation na ang contract price sa pagbebenta nila ng kuryente sa MERALCO ay P10.00 per kiloWatt-hour lamang. Ngunit noong magkaroon ng bidding sa WESM ay ipinasa rin ito ng MERALCO sa presyong P64.00 per kiloWatt-hour. Ang MERALCO rin bale ang nakinabang sa pagtataas ng presyong ito mula P10.00 tungo sa P64.00 per kiloWatt-hour.

Sa kontrata sa pagitan ng MERALCO at Therma Mobile Corporation, ang may kontrol sa pagpe-presyo ng 230 megaWatts na electricity-generating capacity ng mga power barges sa Navotas ay ang MERALCO. Simula pa noong Nobyembre 2013 ay mga 100-megaWatts na kapasidad ng elektrisidad ang isinu-supply ng power barges sa Navotas para sa MERALCO, at ang kabuuang 230-megaWatts na kapasidad nito ay inaasahang maku-kumpleto sa kalagitnaan nitong 2014. Dito pa lamang ay limpak-limpak na ang tinutubo ng MERALCO mula sa pagtataas nito ng singil sa kuryente. Nagma-maang-maangan pa, pero gahaman at tuso nga lang talaga !

Upang lumaya ang sambayanang Pilipino mula sa mapanghuthot na mga pakana ng mga monopolistang may-ari ng mga pribadong kompanya sa kuryente, ang Electric Power Industry Reform Act o EPIRA, na siyang batayan ng pag-privatize sa industriya ng kuryente, ay dapat nang wakasan. Dapat nang mabalik sa pampublikong sektor ang buong industriya ng kuryente.