Ilang Pagtaya sa mga Hinaharap Natin sa Taong 2016

Panayam ng Pangkalahatang Kalihim ng PKP-1930

sa pangkalahatang pagpupulong ng Panlalawigang

Komite ng partido sa Bulakan, Disyembre 20, 2015)

Mga Kasama :

            Bilang mga komunista ay mayroon lagi tayong positibong pagtingin o optimismo sa hinaharap, na nababatay sa ating pagtaya sa di-mapipigilang pag-ulad at paglawak ng pananaw ng mga uring gumagawa sa ating bansa, at maging sa buong daigdig, hinggil sa mga katangian ng pambansang pang-aapi at makauring panghuhuthot. Ang pag-unlad ng pagkaunawa hinggil sa lupig na kalagayan ng ating bansa sa ilalim ng mga bansang imperyalista, ay inaasahan nating magdadala ng katatagan upang tuligsain at labanan ng ating sambayanan ang iba't-ibang anyo ng pambansang pang-aapi –- maging iyon man ay sa larangang militar, pangkabuhayan, pulitikal o pang-kalinangan.

            Gayundin, ang pagpapatuloy ng paghihikahos at maging kagutuman ng marami, samantalang patuloy naman ang pagkakamal ng yaman ng iilang dayuhan at lokal na oligarko sa lipunan, ay inaasahan nating magdadala ng malawakang pagkasiphayo at pagtuligsa ng ating sambayanan sa sistemang kapitalista na siyang batayan ng panghuhuthot ng iilan sa nakararami.

            Sa kabila ng ganitong optimismo, alam din natin na ang mga imperyalista at ang pambansang oligarkiya ay hindi tumitigil sa paggawa ng mga “paliwanag” hinggil sa lupig na katayuan ng ating bansa, at hinggil sa huthot na kalagayan ng mga uring gumagawa. Ang pagkakapailalim natin sa imperyalismo --- kasama na ang pananatili sa ating bansa ng mga puwersang militar ng Kano --- ay inilalarawan bilang isang pangangailangan upang hindi daw tayo malupig ng Tsina na isa na ring mapangamkam na bansang imperyalista. Ang malawakang paghihikahos ay isinisisi naman sa mga natural na kalamidad at sa umano'y kakulangan sa edukasyon at kasanayan ng mga manggagawang Pilipino.

            Totoo na ang Tsina ay isa na ngayong banta sa integridad na pang-teritoryo ng ating bansa, ngunit hindi ito dapat maging dahilan para naman buksan natin ang ating teritoryo sa paghimpil ng mga puwersang militar ng Kano, Hapon at iba pang bansang imperyalista. Ang pagtutol sa pangangamkam ng Tsina sa Exclusive Economic Zone ng Pilipinas ay dapat tutukan sa pandaigdigang arbitration tribunal na inaasahang  maglalabas ng desisyon hinggil rito sa loob ng unang ilang buwan ng 2016. Higit pa sa pagsalig sa ganitong mga proseso ng pandaigdigang batas, dapat ring palakasin at palawakin ang kampanya ng pag-boykoteo sa lahat ng mga produkto ng Tsina, sapagkat bahagi ng kinikita ng Tsina sa Pilipinas ay ginagamit ng Tsina sa pangangamkam sa ating karagatan. 

            Totoo rin na ang mga natural na kalamidad dala ng climate change ay nagdudulot ng paghihikahos, ngunit hindi ito dapat maging pantabing sa katotohanan na ang sistemang kapitalista ang siyang ugat ng malawakang kawalan ng trabaho at ng huthot na kalagayan ng mga manggagawa, na siyang pangunahing batayan ng paghihikahos at kagutuman ng marami nating kababayan.

            Sa pag-aaral ng mga dalubhasa sa environmental science, may mga pagtaya na sa taong 2016 ay  makararanas tayo ng laganap na tagtuyot o “El Niño”, na maaaring masundan ng malalakas na pagbagyo o “La Niña”. Sa ganitong pagtaya ay dapat paghandaan agad ng pamahalaan ang pagtiyak sa seguridad sa pagkain ng ating sambayanan, ang pagbibigay ng ayuda sa mga magsasakang masasalanta, at ang pagliligtas sa mga komunidad na maaapektuhan ng mga kalamidad. Sa nagbabantang panahon ng kalamidad ay dapat na may mga nakahandang patakaran upang sugpuin ang pagkaganid (greed) ng mga kapitalista –- lalo na ng oligarkiya –- na ang nais ay higit pagkakitaan ang panahon ng paghihirap ng napakarami.

ANG INAASAHANG PAGTUMAL NG KABUHAYAN

            Sa pag-aaral naman ng mga ekonomista, may mga pagtaya na sa taong 2016 ay makararanas ang mundo ng malawakang pagtumal ng kabuhayan. Ang sanhi nito ay ang over-production o labis na supply ng mga kalakal at mga serbisyo sa lahat ng mga pangunahing bansang kapitalista. Kasama na rito ang bansang Tsina na apektado na ng grabeng anarkiya ng produksiyong kapitalista, sa kabila ng ipinangangalandakan nitong sistemang sosyalista. Ang pagbagsak kamakailan ng stock market ng Tsina ay agad nagdulot ng pagbagsak rin ng stock markets sa ibang bansa, kasama na ang Pilipinas. Ang devaluation ng salaping yuan ng Tsina ay agad ring nagdulot ng pagbagsak ng halaga ng mga currencies sa ibang bansa, kasama na ang ating piso.

            Ang paghina ng ekonomya ng Tsina ay nakakaapekto sa lahat ng bansang kapitalista, ngunit nakalulungkot na mukhang hindi ito nakapipigil sa tunguhin ng Tsina na gumawa ng marami pang mga artificial islands sa ating West Philippine Sea. Ang patuloy na “pagbabakod” ng Tsina sa mga hangganan ng tinatawag nitong “9-dash-line” sa South China Sea, na sumasakop sa Exclusive Economic Zones ng Pilipinas, Biyetnam, Malaysia, Brunei at maging Indonesia, ay malaking banta sa integridad na pang-teritoryo ng mga bansang ito ng ASEAN, at maging sa pangkalahatang kalayaan sa paglalayag at paglipad (freedom of navigation and overflight) sa malawak na karagatang ito.

            Sa taong 2016 ay tinatayang hihina lalo ang ekonomya ng ating bansa. Isang salik rito ay ang magiging pagliit ng remittances mula sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na nasa Kaharian ng Saudi Arabia at sa iba't-ibang bansa sa Europa. Ang pamahalaang Saudi ay magsisimula nang magpatupad ng mga hakbang ukol sa “Saudization” ng mga trabaho doon. Mayroon kasing mga 400,000 na mga mamamayang Saudi ang papasok taun-taon sa kanilang labor force, at mga kalahati lamang rito ang maaaring maipasok sa mga trabahong pampamahalaan, lalo pa at ang revenues ng pamahalaang Saudi ay apektado na ng pagbagsak ng presyo ng iniluluwas nitong petrolyo.

            May pressure ang pamahalaang Saudi sa pribadong sektor na huwag nang tumanggap ng mga dayuhang manggagawa, at tiyakin na mabibigyan ng trabaho ang mga Saudi citizens. Kung dati ay puro trabahong pang-tagapangasiwa o pang-palamuti lang (o pagiging “bisor”, wika nga) ang gustong pasukan ng maraming mga tamad na Saudi citizens sa mga pribadong kumpanya, ngayon ay may pressure na rin sa kanila na talagang gawin ang mga trabaho ng mga maaalis na dayuhang manggagawa.

            Apektado ang marami sa may isang milyong OFWs na nasa kahariang iyon, at kapag nag-umpisa ang unti-unting pagpapauwi sa kanila ay liliit ang remittance ng Saudi riyal at dolyar na dati nilang naipadadala sa mga banko rito. Magkakaroon ng paghina ang ating sistemang pampinansiya. Natitigatig na rin ang negosyo ng pabahay sa ating bansa, dahil marami sa mga OFWs sa kahariang iyon ay naghuhulog pa ng kanilang mga kinuhang condominiums at housing units sa iba't-ibang bahagi ng ating kapuluan. Ang pagkawala ng trabaho ng mga OFWs sa Saudi Arabia ay maaaring magdulot ng krisis sa negosyo ng pabahay sa Pilipinas.

            Ang pagbuhos ng mahigit isang milyong refugees sa Europa (na ang karamihan ay mga Syrians na lumikas mula sa giyerang inilunsad sa Syria ng imperyalismo at mga kasapakat nilang teroristang islamiko) ay magkakaroon rin ng epekto sa mga OFWs na nasa Kanlurang Europa. Ang mga refugees na iyon ay naghahanap ng trabaho at handang tumanggap ng mabababang suweldo. Ang mga Syrians ay produkto ng mataas na kalidad ng  edukasyong sosyalista, at sa kabila ng language barrier (dahil Arabo ang kanilang lengguwahe sa pag-aaral), sila ay magiging kakumpetensiya ng mga OFWs maging sa mga larangan ng gawaing industriyal, agrikultural o pang-serbisyo. Ang pagkawala ng trabaho ng mga OFWs sa Europa ay magpapalubha lamang sa kalagayang pangkabuhayan sa Pilipinas, lalo pa at wala namang maibibigay agad na kapalit na trabaho para sa kanila pagbalik nila dito sa ating bansa.

ANG MGA BANTA NG TERORISMO

            Ang terorismong islamiko, na kinalinga pangunahin na ng imperyalismo at ng despotikong kahariang Saudi,  ay patuloy na nananalasa sa Gitnang Silangan (pangunahin na sa Syria, Iraq, Lebanon at Yemen), sa Timog Asya (pangunahin na sa Afghanistan at Pakistan), at maging sa Aprika (pangunahin na sa Tunisia, Nigeria, Niger, Chad at Somalia). Sa Mindanao at ilang bahagi ng Indonesia at Malaysia ay mayroon na ring mga grupong nagpapahayag ng pagsapi sa teroristang Islamic State (IS, o “Daesh” sa wikang Arabo), at nagbabanta na magsasagawa rin ng mga hiwalay na operasyong terorista tulad ng ginawa sa Paris, Pransiya, noong nakaraang Nobyembre 13. 

            Sa Mindanao, may mga maliliit na pangkatin ngayon ang kumukuha ng atensiyon sa pamamagitan ng pagpapahayag ng pakikiisa at pagsapi sa IS, at sa pagbabanta na magsasagawa rin sila ng hiwalay na mga pag-atakeng terorista sa loob ng ating bansa. Bagama't itinatanggi ng MILF na may kinalaman sila rito, sinasabi naman nila na ang pag-usbong ng ganitong mga teroristang pangkatin ay dahil sa hindi ipinasa ng Kongreso ang panukalang “Bangsamoro Basic Law (BBL)”.

            Hindi dapat magpadala sa ganitong tipo ng blackmail ang pamahalaan, at dapat lamang na higit pang pag-amyenda ang gawin sa “BBL” upang iyon ay tumugon –- hindi lamang sa kagustuhan ng MILF (at ng USA na siyang unang nagdisenyo nito) --- kundi para sa kapakanan rin ng iba pang mga grupong Muslim, Lumad at Kristiyano sa bagong rehiyong bubuuin bilang “Bangsamoro”. Ang pag-amyenda sa “BBL” upang iyon ay umayon sa ating Saligang-Batas, ay hindi dapat gawing pagkakataon ng MILF upang bumalik muli sa armadong pakikibaka, at hindi rin dapat gawing dahilan para sa pag-usbong ng mga teroristang pangkatin. 

            Ang isa pang pambansang problema hinggil sa terorismo ay ang pagpapatuloy ng armadong pakikibaka ng mga maoista na ang mga pinuno ay mga exiles na matagal nang kinakanlong ng napaka-reaksiyunaryong kaharian ng Netherlands. Samantalang ang armadong pakikibaka sa ibang bansa ay natutungo na sa pampulitikang pakikipagkasundo –- tulad ng nangyayari ngayon kung saan ang pamahalaan ng Colombia  at ang FARC (Fuerza Armada Revolucionaria de Colombia) ay nag-uusap sa Havana upang itigil na ang paglalabanan –- ang mga maoistang Pilipino naman ay nag-i-ilusyon pa rin hinggil sa armadong pag-agaw daw nila ng kapangyarihan.

            Ang mga pinunong maoista sa Netherlands ay patuloy na nag-i-ilusyon na sa loob lamang ng ilang taon ay aakyat na daw ang kanilang armadong pakikibaka rito mula sa yugto ng “strategic defensive” tungo sa “strategic parity” (o pagkakapantay daw sa puwersa ng pamahalaan), at mula doon ay susulong pa daw sa “strategic offensive” tungo sa armadong pag-agaw kuno ng kapangyarihan.

            Ang ilusyong ito, na malayo sa makatotohanang kalagayan sa ating bansa, ang patuloy na gumagatong sa terorismong isinasagawa ng NPA sa ilang bahagi ng ating bansa. Ang terorismong ito ay inaasahang magpapakitang-gilas sa taong 2016, kaugnay sa kampanya para sa eleksiyon sa Mayo. Ito ay magiging pagkakataon na naman para sila mangikil ng tinatawag nilang “revolutionary taxes”, at manakot sa mga kandidato na magbayad ng tinatawag nilang “permit-to-campaign fees” at “permit-to-win fees”.

            Sa ganitong mga gawain ng pangongotong –- at gayundin sa kanilang pag-ambush kamakailan sa mga pampamahalaang convoys na nagdadala ng  relief goods para sa mga nasalanta ng bagyo –- ay makikita ang pagyurak ng mga maoista sa mga karapatang pantao at makataong mga batas (humanitarian laws) ; at ang kanilang kawalan ng paggalang sa boses ng mga mamamayan, partikular na ng mga botante.

            Kapansin-pansin na ang ilang kinatawan ng mga maoista ay kasama noon ni US Ambassador Kristie Kenney sa Kuala Lumpur upang palakpakan ang gagawing pirmahan sana sa Memorandum of Agreement on Ancestral Domain (ang MOA-AD na inihanda ng mga Kano upang paghatiin ang Mindanao). Mabuti na lamang at tumutol ang korte suprema sa MOA-AD, bilang labag sa ating Saligang-Batas, kaya hindi iyon natuloy noong panahon ng rehimeng Gloria Macapagal-Arroyo. Kapansin-pansin rin na ang mga maoista ay sumusuporta naman ngayon sa pagpasa sa BBL (na dinisenyo rin ng mga ahente ng imperyalismong Kano) nang walang anumang amyenda. Lumalabas na ang anumang disenyo ng imperyalismong Kano upang paghatiin ang ating bansa ay suportado ng mga maoista.

ANG HALALAN SA MAYO 2016

            Sa Mayo 9, 2016, ay magkakaroon ang ating bansa ng isang pangkalahatang eleksiyon, kung saan ihahalal ang mga pambansa at lokal na mga elective officials (maliban sa mga pinuno ng barangay). Tulad ng maaasahan, ang eleksiyong ito ay magiging labanan, pangunahin na, ng iba’t-ibang “trapo” (traditional politicians) at political dynasties na pawang nagtatanggol sa sistema ng kapitalismong neokolonyal na matagal nang kalakaran sa ating bansa.

            Ito ang sistema ng patuloy na pangingibabaw sa ating ekonomya ng isang oligarkiyang kinabibilangan ng iilang dayuhan at katutubong manghuhuthot. Dahil sa suporta ng pamahalaan, ang oligarkiyang ito ang may hawak sa ating tubig, kuryente, telekomunikasyon, LRT/MRT, expressways, mga banko at institusyong pampinansiya, airlines at shipping, mga malls at pantalan, mga economic zones at housing, at iba pang mga utilities at negosyong protektado ng bawat administrasyon. Ang oligarkiyang ito ang nakapagdidikta ng kanilang matataas na mga singil at presyo ; at nakapagdidikta rin sa pambabarat sa pasahod at benepisyo ng mga manggagawa, magsasaka, pensionado, estudyante, atbp.

            Ang higit na pagyaman ng oligarkiyang ito, at maging ang kanilang pagluluwas ng malalaking pamumuhunan tungo sa ibang mga bansa (halimbawa, sa buwang ito ng Disyembre 2015 ay iniulat na nabili ni Andrew Tan, taipan ng Megaworld conglomerate at ng Emperador Distillers, Inc., ang kumpanyang Fundador at ang pangatlong pinakamataas na gusali sa bansang Espanya), ay nagmumula sa panghuhuthot at pagpapahirap nila sa mga manggagawa, magsasaka, mga informal sectors, consumers at iba pang saray ng masang Pilipino. Ang malawakang paghihirap at kawalang-trabaho ang pangunahing salik sa paglala at paglawak ng krimen at corruption sa pang-araw-araw na larangan ng pribado at pampublikong pamumuhay sa ating bansa.

            Kung ating lilimiin, ang pinaka-grabeng krimen at sistematikong corruption ay ang mga patakaran ng privatization kung saan patuloy na inililipat ng gobyerno sa mapanghuthot na kamay ng pribadong oligarkiya ang mga pampublikong larangan ; ang deregulation o pag-aalis ng pampamahalaang kontrol sa pagpapatubo at maruruming operasyon ng oligarkiya ; at ang import liberalization na kumukumpitensiya at pumipigil sa pag-unlad ng ating sariling produksiyon.

            Matagal na nating nais makalahok sa Kongreso upang maski papaano ay makapaghain ng mga panukala at pahayag tungo sa muling pagsasabansa sa mga istratehikong sektor ng ating kabuhayan ; tungo sa pagpigil sa pagkaganid (corporate greed) ng oligarkiya ; at tungo sa pagbabalikwas laban sa huthot na kalagayan ng mga manggagawa, magsasaka at iba pang aping sektor ng ating sambayanan. Hindi man tayo pinalad sa mga nakaraang halalan, ngunit inaasahan natin na ang isa nating kapatid na organisasyong Partylist ay makalalahok sa darating na eleksiyon.

            Tulad nang dati, ang mga pangunahing nagbibigay-giya sa karamihan ng mga botante ay ang mga pinuno ng mga simbahan, at ang mga may-ari ng mga pabatirang pangmadla (mass media) na pawang pabor o kabilang din naman sa oligarkiya. Ang oligarkiya sa telebisyon ay garapalang kumikita mula sa lahat ng kandidatong handang magbayad sa kanila, bagama't mayroon lamang silang ilang sinusuportahan.

            Ang pambansang halalan ng Mayo 9, 2016, ay pagkakataon para madagdagan ang bilang ng ating mga kadre na mahahalal sa mga posisyon sa mga pambayan, panlungsod at panlalawigang mga pamahalaan. Dapat nating pagtulungan ang pagwawagi ng ating mga kadre na tumatakbo sa iba't-ibang mga lokal na posisyon.

            Ngunit higit pa rito, kaharap natin sa halalang ito ang makasaysayang oportunidad na makapaghalal --- sa unang pagkakataon simula pa sa naunsyaming pagkakahalal sa Kamara ng 6 na kinatawan ng Democratic Alliance noong Abril 1946  –- ng tunay na progresibong mga kinatawan sa Kamara ng mga uring gumagawa sa ating bansa. Ito nga ay sa pamamagitan ng pagsuporta natin sa isang kapatid na organisasyong  Party-list.

            Kaya naman ngayon pa man ay dumudulog na ako sa puspusang pagtulong ng lahat para maikampanya at maipanalo natin sa eleksiyon ang ating kapatid na Partylist organization. Ngayon pa man ay alertohin na natin ang lahat ng ating mga kamag-anak, kaibigan at mga contacts na botante sa iba’t-ibang bahagi ng ating bansa ; at gayundin ang lahat ng ating mga kamag-anak at kaibigang OFWs na boboto sa mga embahada at konsulado ng Pilipinas sa labas ng ating bansa.  

            Tulad sa iba pa nating mga ginagawang makabayang pagkilos, sa ating gagawing pangangampanya ay wala tayong maaasahang anumang kapalit na personal na biyaya --- maliban sa katiyakan na tayo ay nakatulong sa pakikibakang elektoral ng isang Partylist organization na kikilos sa Kamara bilang tagapagtanggol at tagapagsulong sa kapakanan ng mga uring gumagawa at iba pang patriyotikong sektor ng sambayanang Pilipino.

            Muli pa, italaga na natin ang ating mga sarili ukol sa puspusang kampanyang elektoral, upang matiyak ang ating panghalalang tagumpay sa Mayo 2016! Marami pong salamat.