Ilang Pansin sa mga Pambansang Kaganapan

(A)  LAND RECLAMATION AT MILITARISASYON NA GINAGAWA NG TSINA SA SPRATLYS, DAPAT KONDENAHIN

            Simula noong Abril 19 at hanggang sa kalagitnaan ng buwang ito, may 7 ulit nang binalaan ng mga puwersang Tsino sa Subi Reef ang mga eroplanong Pilipino na lumalapag sa Pag-asa Island (international name, Thitu island). Ang Pag-asa Island ay isang barangay ng Puerto Princesa, samantalang ang kalapit na Subi Reef ay dating nakalitaw na batuhan lamang na ginagawa na ngayong isang artificial island bilang military outpost ng Tsina.

Sa radio messages ng mga puwersang Tsino na nasa Subi Reef, binabalaan nila na umalis agad ang mga eroplanong Pilipino mula sa “military area” ng Tsina upang maiwasan ang anumang insidente ng “misjudgment” (o pag-atake sa eroplano). Dito pa lamang ay makikita na ang layong militarisasyon sa ginagawa ng Tsina sa mga lugar na malayo sa sarili nitong teritoryo at nasa loob ng 200-nautical miles na Exclusive Economic Zone ng Pilipinas. Lagi namang isinasagot ng mga pilotong Pilipino na sila ay lumilipad sa international airspace at nagsasagawa ng normal na pagpapatrulya. 

Ang mabilisang land-reclamation na isinasagawa ng Tsina sa iba’t-ibang batuhan (reefs) sa Spratlys ay kinokondena ng Pilipinas, Biyetnam at maging ng USA. Sa Panganiban Reef (Fiery Cross Reef) na nasa loob rin ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas ay mayroon nang ginagawang 3-kilometrong runway at mga pasilidad pang-militar. Nitong Mayo 20 ay nagkaroon ng insidente kung saan nais pigilan ng mga barkong pandigma ng Tsina sa Panganiban Reef ang overflight ng isang eroplanong militar ng USA (isang P-8 spy plane) malapit sa reclamation at construction area na ginagawa ng Tsina. Ang ginagawa ng Tsina na pagpigil sa overflight ng mga eroplano sa ginagawa nitong land reclamations sa Spratlys ay isang pagsagka sa malayang pagdaan sa international airspace, bagay na dapat lamang kondenahin ng pandaigdigang komunidad.

Ang pag-aangkin ng Tsina sa halos kabuuan ng 3.5-million square kilometers na “South China Sea”, sa pamamagitan ng “9-dash line” map na inimbento nito, ay hindi kinikilala ng alinmang bansa sa mundo, at ito’y lumalabag sa konsepto ng UN Convention on the Law of the Sea (UNCLOS). Kaya naman inaasahan na ang kasong isinampa ng Pilipinas laban sa Tsina sa International Tribunal on the Law of the Sea (ITLOS) ay magkakaroon ng desisyon sa pagtatapos ng taong ito na magbabasura sa “9-dash-line” map ng Tsina.

Ang isang malaking bansang hegemonista tulad ng Tsina ay malamang na hindi rerespeto sa anumang desisyon ng anumang pandaigdigang tribunal na kokontra sa “9-dash-line” map nito, ngunit ang ganitong desisyon ay magpapatibay sa pandagidigang pagkakaisa laban sa agresibo at mapangamkam na tunguhin ng Tsina. Ang paglaban sa ganitong tunguhin ay hindi tungkulin lamang ng mga pamahalaan sa Timog-Silangang Asya, kundi ng lahat rin ng mga sambayanang mapagmahal sa kapayapaan. Ang pangangamkam ng Tsina ay natutustusan rin ng pagtangkilik ng mga sambayanan sa mga produktong iniluluwas ng Tsina, kaya naman ang pagtitigil sa ganitong pagtangkilik ay isang mahalagang bahagi ng paglaban sa agresibo at mapangamkam na tunguhin ng Tsina.   

(B) PANAGUTIN ANG KENTEX MFG., INC. SA PAGKASAWI NG 72 KATAO NA DAHIL SA PAGLABAG SA SAFETY STANDARDS AT LABOR LAWS

Nitong Mayo 13 ay nasunog ang planta ng Kentex Mfg. Inc., pagawaan ng mga gomang tsinelas, sa Bgy. Ugong, Valenzuela City, Metro Manila, na ikinasawi ng 70 manggagawa at 2 tagapangasiwa. Ang 69 sa mga manggagawa ay natupok sa ikalawang palapag ng planta na walang fire escape, at ang kanilang mga bangkay ay hindi na makilala sa pagkasunog. Ang 3 iba pang biktima ay namatay naman sa ground floor dahil sa chemical smoke inhalation (ang 2 sa mga iyon ay kabilang sa mga Intsik na may-ari ng pagawaan).

Maraming paglabag ang kumpanya sa mga occupational safety and health standards, at gayundin sa mga labor laws, ngunit regular na nakakakuha pa rin ng mga permits mula sa mga tiwaling opisyales ng pamahalaan. Mga kalahati ng bilang ng mga namatay ay mga arawang manggagawa na kinukuha mula sa isang “labor-only” contractor sa lalawigan ng Bulacan, ang CJC Manpower Services, na kakutsaba ng Kentex sa pambabarat sa pasahod at sa pagsiil sa mga karapatan ng mga manggagawa.

Ang mga may-ari ng Kentex ay dapat na panagutin sa grabeng criminal negligence na natungo sa pagkamatay ng 72 biktima. Dapat rin managot si Mayor Rexlon Gatchalian ng Valenzuela City, administratively at criminally, bilang siyang pinuno ng lokal na pamahalaan na regular na nagbibigay ng mga business permits sa Kentex sa kabila ng mga paglabag ng Kentex sa mga occupational safety at health standards. Ang fire department ng siyudad na iyon (na nasa ilalim ng Bureau of Fire Protection ng DILG) ay dapat ring managot sa kapabayaan nito sa pagpapatupad ng fire prevention and safety measures sa Kentex, na itinatadhana sa Revised Fire Code ng Pilipinas (R.A.-9514).

Sa ngayon ay nagtuturuan ang 4 na ahensiya ng pamahalaan --- ang pamahalaang lokal ng Valenzuela, ang Bureau of Fire Protection (BFP), ang Department of Labor and Employment (DOLE, na dapat nagpapatupad rin sa mga safety at health standards) at ang Department of Public Works and Highways (DPWH, na dapat nagpapatupad sa building safety standards sang-ayon sa National Building Code ng Pilipinas) --- dahil sa overlapping na responsibilidad nila sa isyu ng safety standards. Dapat lamang na ma-repaso agad ang mga batas upang maayos ang ganitong overlapping responsibilities ng mga ahensiya ng pamahalaan, at upang matukoy ang pangunahing responsibilidad ng pamahalaang lokal (na may sapat namang mga tauhan sa pagpapatupad ng building code, fire code at safety and health standards) bilang siyang panghuling nagbibigay ng business permit sa lahat ng negosyo sa buong lokalidad na nasasakupan nito.

            Ang pag-uusig sa lahat ng may-ari ng Kentex at sa lahat ng mga tiwaling opisyales ng pamahalaan na may kinalaman sa trahedyang ito ay dapat na madaliin. Hindi dapat maulit ang pangyayari sa Ozone Disco tragedy na tumagal nang 20 taon ang kaso bago nahatulan ang mga may-ari at ang mga tiwaling building officials ng Lungsod ng Quezon. 

(K)  COURT OF APPEALS, INIUTOS ANG “FREEZING” NG MGA ASSETS NI VP BINAY AT MGA HINIHINALANG “DUMMIES” NIYA

Kinatigan ng Court of Appeals nitong Mayo 11 ang kahilingan ng Anti-Money-Laundering Council (AMLC) para sa “freezing” ng mga assets nina VP Jejomar Binay at kanyang asawa’t mga anak, at gayundin ng kanyang mga associates na hinihinalang mga “dummies” ni VP Binay sa pagtatago ng kanyang mga yaman na diumano’y nakulimbat mula sa mga mamamayan ng Lungsod ng Makati. May pruweba ang AMLC na ang biglang paglaki ng assets nina Binay at mga itinuturong kasapakat nito (pangunahin na sina Gerardo S. Limlingan, Jr. at Eduviges Baloloy, mga opisyales ng Makati na appointed ni VP Binay) ay mula sa kickbacks sa pagtatayo ng mga gusali ng pamahalaang lungsod ng Makati.

May pruweba rin ang AMLC na mahigit P1-Bilyon ang halagang inilabas mula sa mga bank accounts at investments ng itinuturong malalapit na kasapakat ni VP Binay simula nang mag-imbestiga ang Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa mga anomalya sa Makati. May 17 itinuturong malalapit na kasapakat ni VP Binay ang hinahanap na ngayon ng NBI at mga tauhan ng Senado, kasama na sina Limlingan at Baloloy na hindi na pumapasok sa Makati City Hall simula nang mag-imbestiga ang Senate Blue Ribbon Committee. Sa kabila ng napakaraming mga ebidensiyang iniharap ng AMLC, ipinipilit ni VP Binay at ng kanyang mga tagapagsalita na ang lahat ng mga ikinakaso laban sa pamilyang Binay ay pawang kasinungalingan at paninira lamang daw, upang pigilin lamang daw ang pagtakbo at tiyak na pananalo ni VP Binay sa pagka-pangulo sa 2016.  Ha ?

(D) PAGBITAY SA PINAY “DRUG MULE” SA INDONESIA, IPINAGPALIBAN 

Ang pagbitay sa Indonesia kay Mary Jane Veloso, isang nahuling “drug mule” na Pinay, ay hindi natuloy sa Indonesia noong Abril 29. Ito ay dahil sa naunang pakiusap ni PNoy kay Indonesian President Joko Widodo na kailangan ang testimonya ni Veloso para maituro ang mga Pilipinong sangkot sa West African drug ring na gumagamit sa mga Pilipino bilang tagapagdala ng droga patungo sa iba’t-ibang bansa sa Asya.

Bumuhos ang awa ng sambayanang Pilipino para kay Veloso, na nanindigan na hindi niya alam na may heroin sa bagahe niya na ipinadala lamang sa kanya (mula Malaysia patungong Indonesia) ng kanyang mga recruiters. Ngunit nasira ang ganitong pagtingin nang magsalita ang ina ni Veloso, sa pagbabalik niya sa Maynila mula Indonesia, kasama ng mga pinuno ng “National Union of People’s Lawyers” at ng partylist organization na “Migrante”, na maniningil daw sila sa pamahalaang PNoy dahil hindi naman daw ito tumulong, at bagkus ay nangloko lang daw sa kanila.

Dahil rito ay umani ng batikos ang ina ni Veloso, at gayundin ang mga grupong gumamit sa kanya upang atakihin lamang ang pamahalaan. Anupaman ang naging kakulangan ng pamahalaan, maliwanag namang sinabi ng opisyales ng Indonesia na ang pagpapaliban sa pagbitay ay dahil sa kahilingan ni PNoy, at pagpapakita ng pagiging ingrato ang ginawa ng ina ni Veloso na nagpagamit sa mga grupong ang pakay lamang ay ang pagtuligsa sa pamahalaan. Patuloy ang imbestigasyon sa mga nahuling lokal na recruiters ni Mary Jane Veloso, ngunit hindi pa rin natutukoy ang mga kabilang sa West African drug syndicate na nagpadala sa kanya ng maletang may lamang heroin.

 

(E) ILANG MGA LIDER-MAOISTA, BINASAHAN NA NG SAKDAL KAUGNAY SA “PURGING” O PAG-TORTURE AT PAMAMASLANG SA MGA PINAGHIHINALAANG “AHENTE” NA NAKAPASOK SA KANILANG HANAY

Natuloy na rin nitong Mayo 7 ang arraignment o pagbasa ng sakdal sa Manila Regional Trial Court laban sa ilang mga pinuno ng maoistang CPP/NPA/NDF na sina Satur Ocampo, Vicente Ladlad, Rafael Baylosis, Randall Echanis, at mag-asawang Benito at Wilma Tiamson, dahil sa kanilang pananagutan sa ginawang “purging” (pag-torture at pamamaslang) noong 1985 sa mga hinilalang mga ahente o DPAs ng pamahalaan na nakapasok sa loob ng kanilang hanay.

May kinalaman ito sa pagkakahukay ng mga labi ng 15 biktima ng “purging” na natagpuan sa Sitio Sapang Daco, Bgy. Kaulisihan, Inopacan, Leyte, matapos na ituro ang kanilang mass grave ng isang dating miyembro ng NPA noong 2006. Noon pang 2007 inihabla ang mga nasasakdal na ito, ngunit matagal na panahong ipinagpaliban ang arraignment dahil mga NDF consultants daw sila sa ginaganap noong usapang pangkapayapaang sa pagitan ng pamahalaan at ng NDF.

            Matatandaan na simula nang lumabas ang aklat na “To Suffer Thy Comrades” tungkol sa ginawang pag-torture at pamamaslang sa Luzon ng CPP/NPA/NDF sa kanilang mga kasaping pinaghinalaang mga “ahente” ng pamahalaan, marami pang ibang katulad na ulat ang lumabas mula sa iba pang rehiyon ng bansa. Hanggang sa ngayon ay hindi pa natitiyak ang dami ng bilang ng mga naging biktima ng “Oplan Missing Link”, “Kampanyang Ahos” at  iba pang panloob na “purging” operations ng CPP/NPA/NDF sa iba’t ibang bahagi ng ating bansa.    

(G) IBA PANG MGA ANOMALYA NG MGA SENADOR AT KONGRESISTA SA “PORK BARREL FUNDS”, INILAHAD NG COA

Iniulat ng Commission on Audit na mga P670-Milyong “pork barrel funds” na nakalaan sana para sa mga Pilipinong Muslim noong 2011 hanggang 2013 ang nahigop ng mga pekeng NGOs sa pamamagitan nina Senador Juan Ponce Enrile at Gregorio Honasan II, at ng 47 representante na mga kaalyado ng administrasyon. Ilan sa mga representanteng ito ay ang mga kinatawan ng partylist organizations na Aangat Tayo, I-Care, Agap, A-Teacher, Abante Mindanao, Kalinga, Agham, Kakusa, AAMBIS-Owa, PBA, An Waray, 1-Utak, Ating Koop, at APEC.

Nauna rito, inilahad rin ng COA na marami pang ibang dating kinatawan sa Kamara noong 2001-2010 ang sangkot rin sa mga anomalyang may kinalaman sa pag-divert ng “pork barrel funds” patungo sa ilang pinapaboran o pekeng mga NGOs. Ilan sa mga iniulat na tiwaling kinatawan ay malapit kay PNoy.

Isa rito si Emmanuel Joel Villanueva, ang dating kinatawan sa kamara ng CIBAC (Citizens Battle Against Corruption) partylist, na hinirang ni PNoy noong 2010 bilang Director-General ng TESDA. Panay ngayon ang kanyang pagpapalabas ng advertisements sa TV, upang mapagtakpan ang issue ng corruption, at upang mapataas ang kanyang chance sa pagtakbo sa senado sa susunod na taon. Isa pa rito si Rufus Rodriguez na isa pa ring kongresista at pangunahing inaasahan ni PNoy sa pagtutulak na maipasa sa Kamara ng panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL).

Samantalang madaling nakahanap ng panahon si Justice Secretary Leila de Lima upang ihabla ang mga oposisyonistang senador hinggil sa katiwalian sa pork barrel, sinasabi niya ngayon na hindi na siya magkakaroon pa ng panahon, hanggang sa pagtatapos ng kanyang termino, upang ihanda ang paghahabla laban sa kasunod na batches ng mga tiwaling senador at kongresista. Hindi ito nakapagtataka dahil ang kasunod na mga dapat ihabla ay mga kapartido at kaalyado ni PNoy.