Ilang Pansin sa mga Pandaigdigang Kaganapan

                                                                              A) US-CHINA DIALOGUE --- PANGUNAHIN PA RIN

ANG KANILANG MGA PANSARILING INTERESTS

 

Natuloy ang US-China Dialogue sa Washington DC, USA, nitong Hunyo 22-25, bilang paghahanda sa gagawing pagdalaw kay Barack Obama ni Xi Jinping sa darating na Oktubre. Naunsyami ang mga umaasa na ang dialogue na ito ay magiging pagkakataon para ungkatin ng USA ang isyu ng paghimpil ng mga puwersang militar ng Tsina sa West Philippine Sea. Ipinaalala lamang ng USA ang kanilang concern hinggil sa “freedom of navigation and overflight” sa mga karagatan na sinasaklaw sa “9-dash line” map ng Tsina. Ang higit na pinagtuunan ng USA ay ang mga isyu ng “web-hacking” at “cyber-piracy” na ibinibintang nito sa Tsina. Ang mga personal data daw kasi ng may 4 na milyong government workers at contacts ng USA ay nakuha ng mga Chinese hackers. Syempre pa, mga isyu ng pansariling interests ang pangunahing uungkatin sa ganitong mga dialogues. Para sa mga umaasa na ipagtatanggol ng USA ang kapakanan ng Pilipinas kontra sa Tsina, tigilan na ninyo ang pangangarap. Mas mahalaga sa USA ang pananatili ng mahusay na relasyon sa Tsina, na siyang pangunahing trading partner ng USA, at siya ring pangunahing suhay ng US dollar.

B) MAS GRABENG PAKIKIALAM NG USA

SA BALTICS AT SILANGANG EUROPA

Ipinahayag ng pamahalaang Kano ang balak nito na magpadala ng mga 3,000 tropa sa Lithuania, Latvia at Estonia --- ang 3 Baltic countries na dating kabilang sa USSR, ngunit mayroon ngayong maka-pasista at anti-Russian na mga patakaran. Balak rin daw ng USA na magpadala ng mga 750 tropa sa Poland, Romania, Bulgaria at Hungary. Bahagi rin dito ang “pre-positioning” ng mga tangke, infantry fighting vehicles, mobile howitzers at iba pang armas ng mga tropang Kano sa naturang mga bansa. Sa ginagawang ito ng USA ay nais nitong mag-build-up ng malakas na puwersang militar na nakatutok at nakaka-panakot sa Kanlurang Rusya. Ito ay upang pilitin ang Rusya na tanggapin na ang dominasyon ng USA sa mga bansang iyon na dating bahagi ng USSR at ng Warsaw Pact. Ngunit ang ganitong patakaran ng pananakot at konprontasyon ay lubhang mapanganib, at nagsisilbing mitsa ng labanan at maging ng malawakang digmaan, lalo pa at alam ng Rusya na ang pangmalayuang pakay ng mga Kano ay ang paghahati-hati mismo sa Rusya.  

 

 

ILANG PANSIN SA MGA PAMBANSANG KAGANAPAN : 

SUPORTADO NG NDF ANG “UNDILUTED” VERSION NG BBL

 

Nitong Hunyo 5 ay nagpahayag ang maka-maoistang National Democratic Front (NDF) ng pagsuporta sa pagpasa sa Kongreso ng “undiluted” version ng Bangsamoro Basic Law (BBL). Hindi ito nakapagtataka dahil ang konsepto ng Bansamoro sub-state sa ilalim ng BBL, ay halos katulad rin ng konsepto ng dating “Bangsamoro Juridical Entity” (BJE) sa ilalim ng Memorandum of Agreement on Ancestral Domain (MOA-AD), na handang palakpakan sana ng mga kinatawan ng NDF at ng pamahalaang Kano sa Kuala Lumpur noong panahon ni GMA. Ngunit mabuti na lamang at agad nagpalabas noon ng kautusan ang korte suprema upang pigilin ang pirmahan sa MOA-AD sa Kuala Lumpur, dahil ang kasunduang iyon ay unconstitutional ay matutungo sa pagkakahati ng ating bansa.

Ang BJE at MOA-AD ay ipinanukala ng mga Kano sa rehimeng GMA, samantalang ang Bangsamoro at BBL at ipinanukala rin ng mga Kano para naman sa rehimeng PNoy. Ang MOA-AD at BBL ay parehas na inakda ng US Institute for Peace (USIP), isang ispesyal na intelligence agency ng pamahalaang Kano. Mabuti na lamang at taliwas sa pananaw ng NDF na sumusuporta sa mga akda ng USIP, nagpahayag na ang komite ng Kamara ukol sa BBL na maraming probisyon nito ang kailangang baguhin upang maging katanggap-tanggap sa buong bansa.

Samantala, nitong Hunyo 16 ay nagsalong ng ilang malalakas na armas ang MILF sa Sultan Kudarat, Maguindanao, sa isang “decommissioning” ceremony na dinaluhan ni PNoy, Kalihim Mar Roxas ng DILG, at Peace Process Special Adviser Ging Deles. Nagbigay din agad ng kabayaran at tulong ang pamahalaan sa mga mandirigma ng MILF na nagsalong ng armas. Pero nagbabala si MILF Chairman Murad Ebrahim na walang isusunod na “decommissioning” ng kanilang mga armas at mandirigma kung hindi muna ipapasa ang isang BBL na paborable sa kanila. Gayunpaman, maraming senador ang nagsabi na ang undiluted version ng BBL ay unconstitutional, at hindi maaaring maipasa nang walang major na mga pagbabago.