Ilang Pansin sa mga Pangyayaring Pambansa

SAAN NAPUNTA ANG DAP : Lumalabas sa mga ulat sa mga pahayagan na halos P150-Bilyon ang pondong ginamit ng rehimeng PNoy sa ilalim ng kontrobersiyal na Disbursement Acceleration Program (DAP) mula 2011 hanggang 2013. May P13.5-Bilyon daw nito (mga 9% ng kabuuan) ang pinadaan sa mga senador at kongresista, P30-Bilyon (mga 25%) sa mga LGUs, at P37-Bilyon (mga 30%) sa DPWH. Marami daw sa nakinabang sa DAP ay mga miyembro ng Liberal Party ni PNoy, lalo na iyong nabigyan ng mga “Supplemental Internal Revenue Allotments” para sa mga “discretionary funds” noong Marso 2013. Kaya naman ang DAP noong 2013 ay ipinapalagay na pondong pantulong sa mga kandidato ng LP noong eleksiyong 2013. Ang pondo ng DAP ay mula sa inaasahang “savings” ng mga tanggapan ng pamahalaan ; hindi pinapahintulutan ang paggastos sa mga inaasahang “savings” na ito, na inililipat ang “savings” sa kontrol ng Malacanang upang magamit (o juggling) patungo sa ibang proyektong gusto ng Malacanang. Walang audit ang DAP hanggang ngayon, di tulad ng masinsinang COA audit sa PDAF “pork barrel” na natanggap ng mga nasa oposisyon.

ANOMALYA NG MGA BINAY, IBINUNYAG : Nagsimula na ang imbestigasyon ng Senado hinggil sa mga anomalya sa Makati sa panahon nina Jejomar, Elenita at Jejomar Erwin (Junjun) Binay. Mabigat ang mga dokumentadong paratang na may kinalaman sa overprice sa pagtatayo ng Makati City Hall 1 & 2 buildings, at sa pagbili ng mga kagamitan para sa Ospital ng Makati (OsMak). Nakakapagduda ang pagtanggi ni VP Binay na humarap sa imbestigasyon, at ang kanyang pagsasabi na ang imbestigasyon ay “pamumulitika” lamang ng mga “talunan” sa eleksiyon sa Makati. Dapat alalahanin na bago ma-appoint ni Cory si Binay bilang OIC-alkalde ng Makati noong 1986, siya ay dati ring natalo sa pagtakbo bilang konsehal sa ilalim ng partidong “Itaas-ang-Tao” noong 1971. Ang katotohanan o kasinungalingan ng mga paratang ay dapat ibatay sa mga ebidensiya, at hindi kumporme sa kung nanalo o natalo sa nakaraang eleksiyon ang nagpaparatang, lalo na at ang kasalukuyang sistema ng eleksiyon ay maanomalya rin. Dapat lamang na tuwirang sagutin ng mga Binay ang mga paratang. Bumuwelta naman ang mga Binay sa pamamagitan ng paghahain ng plunder case laban kina Senador Allan Peter Cayetano at sa kanyang asawa na alkalde ng Taguig. Nakapagtataka rin naman kung saan nanggagaling ang pondong ginagamit ng mga Cayetano para sa kanyang mga TV ads hinggil sa Taguig, na tipong maagang pangangampanya na para sa eleksiyong 2016.

“BERDUGO”, NADAKIP NA : Nadakip na si retired Maj. Gen. Jovito Palparan --- ang kilalang berdugo ng rehimeng GMA laban sa mga grupong aktibista --- noong Agosto 12 sa isang hideout niya malapit sa PUP sa Sta. Mesa, Maynila. Maaalala na maraming mga pinuno at kasapi ng mga progresibong samahang pangmasa sa Gitnang Luzon ang ikinulong nang walang arrest warrant, at pinahirapan pa, noong panahon na si Palparan ang military commander doon. Nananawagan ang CHR sa mga human rights victims sa panahon ni Palparan na maghain ng kani-kanilang reklamo.