Kasunduan sa Bangsamoro - Lutong Makaw

Nilagdaan noong Marso 27 sa Palasyo ng Malakanyang, sa harap nina PNoy at Prime Minister Najib Razak ng Malaysia, ang “Comprehensive Agreement on the Bangsamoro” o CAB sa pagitan ng pamahalaan ng Pilipinas at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Ang mga negosasyon para sa kasunduang ito ay ginanap nang mahigit 4 na taon sa Malaysia (kung saan rin ginanap ang mga negosasyon sa naunang naunsyaming “Memorandum of Agreement on Ancestral Domain” o MOA-AD), at ang naghaharing uri sa bansang iyon ay interesado sa usaping ito dahil sa 2 mahahalagang bagay. Una ay upang ihanda ang kalagayan para sa pag-uurong ng pag-aangkin sa Sabah ng Pilipinas at ng sultanato ng Sulu. At ikalawa ay ang pagpasok ng puhunang Malaysian sa negosyo ng natural gas (sa Liguasan marsh sa Maguindanao at North Cotabato) at sa iba pang mga negosyo sa kabuuan ng magiging “Rehiyon ng Bangsamoro”. 

Ang kasunduang ito ay hindi pa naman agad maipatutupad, dahil kailangan pa ang pag-aproba ng Kongreso sa isang batas ukol sa pagbubuo ng Bangsamoro Transition Authority, at ng kasunod na Bangsamoro Entity, bilang kapalit sa kasalukuyang Autonomous Region of Moslem Mindanao (ARMM). Matapos noon ay kailangan pang magdaos ng referendum sa Mindanao upang matiyak kung aling mga lalawigan, lungsod at munisipyo lamang ang papayag na sila’y mapabilang sa “Rehiyon ng Bangsamoro”. Ngayon pa man ay mayroon nang mga pulitiko sa Mindanao ang nagpapahayag ng pagtutol na sila’y mapabilang sa rehiyong iyon.

Ang anumang kasunduan na naglalayon ng kaunlaran para sa sambayanang Bangsamoro, at kapayapaan para sa kabuuan ng ating bansa, ay dapat lamang suportahan. Ngunit ang mga ito nga kaya ang tunguhin ng kasunduang ito, kung ang kasunduan ay “niluto” ng mga kapakanang imperyalista na siyang bumubuo sa “International Contact Group (ICG)” na “nagpastol” sa Pilipinas at sa MILF upang pumayag sa mga panukala na binuo ng Asia Foundation ng USA ? Ang ICG ay binubuo ng USA, Hapon, UK at iba pang nangungunang bansa sa European Union.

Maliban sa Asia Foundation ng USA, isa rin sa mga pangunahing ahensiyang imperyalista na nakikialam sa usaping Bangsamoro ay ang Human Rights and Democracy Fund (HRDF)  ng United Kingdom, na nais daw tumulong (sa panahon mula Hunyo 2014 hanggang Pebrero 2015) sa pagpapaunlad ng mga “moderate” na pulitiko at partido pulitikal sa rehiyon ng Bangsamoro. Ngunit mayroon ba dapat na maging pakialam ang isang dayuhang ahensiya sa panloob na pulitika ng Bangsamoro o ng Pilipinas ? Ano ang inaasahan na magiging pakinabang ng UK mula sa “moderate” na pulitika na nais niyang ipairal sa rehiyon ng Bangsamoro ?

At higit pa rito, ano ang inaasahang maging pakinabang ng USA --- ang pangunahing miyembro ng ICG --- sa ginawa nitong “pagpapastol” sa negosasyon ? Isang nakakabagabag na pangitain ay ang pagiging interesado ng USA hindi lamang sa pagkontrol sa petroleum at iba pang natural resources na inaasahang makukuha sa Mindanao, kundi gayundin sa pagkakaroon ng mga base militar sa Mindanao (pangunahin na sa General Santos City sa South Cotabato). Ang mga base militar para sa mga Kano ang siyang pipiliting “ibigay” ng isang Bangsamoro statelet bilang pagtanaw ng MILF ng “utang-na-loob” sa USA.

Maaalala kasi na noong Enero 2003, noong nakabalaho ang negosasyon ng Pilipinas at MILF, ang noo’y tagapangulo ng MILF na si Hashim Salamat ay sumulat kay US President George W. Bush, Jr. upang humingi ng tulong sa pakikipag-negosasyon sa pamahalaan ng Pilipinas. Huwag tayong magtaka kung bakit kay Bush humingi ng tulong ang MILF, sapagkat ang international office ng MILF noon pa man ay nasa USA. Ang MILF ay matagal nang kaugnay ng mga intelligence agencies ng USA, noon pa mang pagtatapos ng 1980s kung kailan binubuo ng CIA ang isang pandaigdigang pagkakaisa ng mga islamic fundamentalists na panglaban nito sa pambansang-demokratikong pamahalaan sa Afghanistan. Hindi lahat ng naglalagay ng magandang mga katagang “Liberation Front” sa kanilang pangalan ay tunay na naghahangad ng kalayaang pambansa o demokrasya.

Batay sa kahilingan ni Hashim Salamat, ang unang “niluto” ng US State Department para sa MILF ay ang MOA-AD na binuo ng US Institute for Peace o USIP. Ang USIP ay binuo noong 1984, o halos kasabay sa pagkakabuo rin ng National Endowment for Democracy (NED). Ang dalawang ahensiyang ito na gumagamit sa mga katagang “peace” at “democracy”, ay binuo ng pamahalaan ng USA upang magsagawa ng mga tungkulin na dating nakaatang sa CIA, ngunit hindi na epektibong maisagawa ng CIA dahil mabantot na noon ang madugong imahen ng CIA.

Ang mga kagawad ng board of directors ng USIP ay appointed ng pangulo ng USA, at dumadaan sa ratipikasyon ng US Senate. Ang mga kasalukuyang ex-officio members ng board nito ay sina secretary of state John Kerry, defense secretary Chuck Hagel, at Maj. Gen. Gregg Martin na pangulo ng US National Defense University. At ang mga nagiging direktor ng USIP ay iyong may malalapit na ugnayan sa US intelligence services.


            Ang MOA-AD na niluto ng USIP ay kinatigan ng negotiating team ni Gloria Arroyo noong kalagitnaan ng 2008, sa kabila ng mga maling probisyon niyon. Una rito ay hinggil sa pagbubuo ng isang Bangsamoro Juridical Entity o BJE na sasakop sa buong Mindanao at Palawan (na hindi naman predominantly Moslem). Ikalawa ay hinggil sa pagganap ng MILF army (ang “Bangsamoro Islamic Army” o BIA) bilang panloob na security force sa BJE. Ikatlo ay hinggil sa pagbibigay ng labis na kapangyarihan sa bubuuing Islamic statelet na iyon, lalo na ang jurisdiction sa natural resources. Dahil sa ginawang reklamo ng mga opisyales ng North Cotabato, naglabas ang korte suprema ng temporary restraining order (TRO) noong Agosto 2008 laban sa pagpirma ng pamahalaan sa MOA-AD.

            Nang lumabas ang TRO ay nasa Kuala Lumpur na noon si US Ambassador Kristie Kenney upang palakpakan ang paglunok ng Pilipinas sa MOA-AD na binuo ng USIP. Naroon rin ang mga maoista na handa rin sa pagpalakpak kasama ni Kenney, sa pangarap na kung naloko at napilit ng USIP na tanggapin ng pamahalaan ng Pilipinas ang pagtatalaga sa BIA bilang panloob na security force sa BJE, baka maipatanggap rin ng mga foreign backers ng mga maoista na italaga ang NPA bilang “security force” naman sa mga inaangkin nitong “liberated areas”.

            Sa hindi inaasahan ng USA at ng mga maoista, idineklara ng korte suprema noong Oktubre 2008 na unconstitutional ang MOA-AD, at pinagalitan pa ang mga negotiators ni GMA tungkol sa kawalan nila ng transparency hinggil sa mga pagbibigay nila sa mga kondisyones ng MOA-AD (na sa katunayan ay idinisenyo naman para sa MILF ng USIP). Nagwala ang MILF sa mga lugar na may puwersa sila, at nanunog ng maraming baryo ng mga kristiano, bagay na ikinasawi ng maraming sibilyan at nagtulak sa evacuation ng maraming naging mga internal refugees. Bandang huli ay isinisi na lang ng MILF ang mga ito sa tinatawag na “lost command” ng humiwalay daw sa kanila na “Bangsamoro Islamic Freedom Fighters” o BIFF.

            Matagal na natigil ang negosasyon sa pagitan ng pamahalaan ng Pilipinas at ng MILF, ngunit patuloy ang ugnayan ng MILF sa USA at sa bagong rehimen ni Obama na nanungkulan simula noong Enero 2009. Ang bagong chairman ng MILF na si Murad Ebrahim (pumalit sa namatay na si Hashim Salamat) ay sumulat kay Obama noong pag-uumpisa ng 2009 upang humingi ng tulong upang ipatanggap sa Pilipinas ang isang bagong MOA-AD.

Noong Oktubre 2009, lingid sa kaalaman ng rehimeng Arroyo (GMA), isang team na pinangungunahan ni US Embassy Charge d’Affaires Leslie Basset ang dumalaw kay Murad Ebrahim sa Maguindanao. Sumunod rito, dumalaw si US Deputy Assistant Secretary of State Scott Marciel kay MILF chief negotiator Mohagher Iqbal sa Maguindanao, upang ibigay ang isang liham na pirmado ni Assistant Secretary of State Kurt Campbell na maituturing na rin bilang sagot ni Obama sa naunang sulat ni Murad Ebrahim.

            Noong Nobyembre 2009, sa isang stop-over patungo sa Asia-Pacific Economic Cooperation o APEC summit sa Singapore, ay sandaling dumaan sa Malacanang si US State Secretary Hillary Clinton. Hinimok niya si GMA na makipagkasundo na sa MILF, at gawing final ito bago umalis sa posisyon si GMA sa 2010. Pagkaalis ni Hillary Clinton ay nanawagan ang rehimeng GMA sa MILF na makipagkasundo na sa kanyang pamahalaan bago pa maganap ang eleksiyon sa Mayo 2010. Agad namang nag-umpisa muli ang negosasyon sa Malaysia noong Disyembre 2009, ngunit hindi ito natapos sa termino ni GMA at minana na ito ni PNoy.

Dahil sa nabuking na ang papel ng USIP hinggil sa naunsyaming MOA-AD, ang inatasan naman ng US state department sa paggawa ng bagong kasunduan ay ang Asia Foundation, na siyang kumatawan para sa US interests sa International Contact Group (ICG). Ang Asia Foundation ang siyang nag-draft sa mga probisyon ng “Comprehensive Agreement on the Bangsamoro” o CAB, kung saan inalis ang ilang kontrobersiyal na probisyon ng dating MOA-AD. Bilang kapalit sa nilagyan naman ng mga pampatamis na mga probisyon para sa MILF hinggil sa ispesyal na sharing ng mga taxes at fees na makukulekta sa rehiyon ng Bangsamoro, tulad ng sumusunod :

  1. 100% share sa mga capital gains at documentary stamp taxes, donor’s tax at estate tax ;
  2. 100% share sa lahat ng revenues mula sa non-metallic minerals (quarry resources) ;
  3. 75% share sa lahat ng revenues mula sa metallic minerals ;
  4. 75% share sa lahat ng iba pang taxes, fees at charges na kinukulekta ng BIR sa Bangsamoro region.

d)  50% share sa lahat ng revenues mula sa fossil fuels (oil, natural gas at coal) at uranium ; at

Ngunit naiiba ba ang Asia Foundation sa USIP ? Ang Asia Foundation ay binuo ng CIA noong 1954 upang magsagawa ng mga “cultural and educational activities on behalf of the United States Government in ways not open to official US agencies.” Bagamat ito ay nagpapanggap bilang isang pribadong institusyon, ang Asia Foundation ay suportado sa pamamagitan ng mga lantad na US government grants. Isang matagumpay na operasyon ng Asia Foundation sa Pilipinas ay ang pagpopondo sa Radio Veritas ng simbahang katoliko na gumanap na propaganda arm ng February 1986 “snap revolution” na nagpabagsak ay Marcos. Ito ay inamin mismo ni dating US Ambassador Michael Armacost ilang buwan matapos maibagsak ang rehimeng Marcos.

Kung isasaalang-alang na ang kasunduan sa Bangsamoro ay “lutong makaw” ng imperyalismong Kano, at ang MILF mismo ay may mga lantad at lihim na ugnayan sa imperyalismong Kano (sa kabila ng sinasabing pakikipag-ugnayan ng MILF sa Jemaah Islamiyah na itinuturing na kaaway naman kuno ng USA), malabo pa rin na magkaroon ng kaunlaran at kapayapaan sa Mindanao. Hindi kailanman nanaisin ng imperyalismo na magkaroon ng tunay na kaunlaran sa ating bansa, o maging sa rehiyon ng Bangsamoro man lamang. Ang tunay na kaunlaran ay magmumula lamang sa malayang industriyalisasyon at sa pagpapalaganap ng demokrasya, mga bagay na hindi ipatutupad ng imperyalismo sa atin.

Hindi maiaasa sa imperyalismo ang pagpapaunlad sa ating bansa o sa rehiyon ng Bangsamoro. Ang mga yamang nahihigop ng mga korporasyong transnasyunal ng imperyalismo ay hindi kailanman babalik at magsisilbi sa pangangailangan ng sambayanan. At ang paglalapat ng sistemang islamiko sa neokolonyal na kalagayan ng ating bansa ay paraan lamang upang ipatanggap sa sambayanang Bangsamoro ang mga makaluma at kontra-demokratikong paraan ng pamamahala na matagal nang tinitiis ng sambayanang Bangsamoro sa ilalim ng sistema ng mga sultanato, mga datu, mga warlords at mga bulok na political dynasties na nagdulot na ng Maguindanao massacre at mga “rido” (ubusan ng mga angkan).

Mahalagang mga hakbang tungo sa kaunlaran ng rehiyon ng Bangsamoro ang pagbabalikwas ng sambayan doon laban sa religious intolerance, laban sa makaluma at malaaliping sistema ng mga mapanghuthot na angkan at sultanato na may monopolyo sa mga lupain at resources, at laban sa mababang pagtrato sa mga uring gumagawa at sa mga “lumad” at mga taong itinuturing na walang “dugong bughaw” o royal lineage. Ang pakikipagkaisa (solidarity) ng sambayanang gumagawa sa rehiyon ng Bangsamoro, at ng sambayanang gumagawa sa kabuuan ng Pilipinas, laban sa imperyalismo at mga lokal na reaksiyonaryo, ang susi sa tunay na paglaya ng sambayanang Bangsamoro at ng ating buong bayan.