Kondenahin ang Tangkang Kudeta ng U.S.A. sa Venezuela

Nitong buwang ito ay grabeng panggugulo ang isinasagawa ng mga galamay ng imperyalismong Kano sa Venezuela, lalo na sa kabisera nitong lungsod ng Caracas. Ang mga kalaban ng progresibong pamahalaan ni Pangulong Nicolas Maduro, na mula sa malalaking kapitalistang saray na hindi matanggap ang mga kaunlarang idinulot ng rebolusyong Bolivariano sa bansa nila, ay nagsasagawa ng mga riots at mga pangwawasak sa mga tanggapan ng pamahalaan. May ilan na ang namatay at marami na ang nasugatan sa mga panggugulo ng mga reaksiyonaryo.

           Sa halip na kondenahin ang mga nanggugulo, tinutuligsa pa ng rehimeng Obama, sa pamamagitan ni US Secretary of State (kalihim sa ugnayang panlabas) John Kerry, ang administrasyon ni Pangulong Maduro. Nagbanta si Kerry ng mga “sanctions” kapag hinuli daw ang mga rioters at ang mga nagsusulsol sa mga iyon.

           Ang mapayapang pag-protesta ay isang karapatang garantisado para sa sambayanang Venozelano sa ilalim ng kanilang saligang-batas. Ngunit ang pagsasagawa ng mga riots at pangwawasak sa mga tanggapan ng pamahalaan ay isang krimen maski saang bansa, kaya naman sinopla lang ng administrasyong Maduro ang mga pagbabanta ni Kerry. Maaalala na ganito rin ang pagbabanta ng rehimeng Bush laban sa pamahalaan noon ni Pangulong Hugo Chavez noong maglunsad ang mga Kano ng kudeta laban kay Chavez noong 2002.

           Ngayon, lumalabas na ang rehimeng Obama naman ang nasa likod ng panunulsol para sa isang kudeta laban kay Maduro. Isang reaksiyonaryong pulitiko at dating heneral na si Leopoldo Lopez ang tinutulungan ng mga Kano upang magsagawa ng kudeta, at ang mga riots ng mga reaksiyonaryo ang ginagamit na “smoke-screen” para sa kudeta. Nalantad rin na ang reaksiyonaryong dating pangulo ng Colombia na si Alvaro Uribe ay may kinalaman sa planong kudeta. Gayundin, may malaking kinalaman rin sa balak na kudeta si Otto Reich, ang dating adviser para sa Amerika Latina ng mga administrasyong Reagan at Bush.

           Lumalabas rin na ang panggugulo ng mga reaksiyonaryo sa Venezuela ay pinopondohan ng mga ahensiya sa panggugulo ng imperyalismong Kano, tulad ng Central Intelligence Agency (CIA) at National Security Agency (NSA), at mga kaugnay nitong mga tagapangalap na institusyon tulad ng National Endowment for Democracy (NED), National Democratic Institute at International Republican Institute.

           Ngunit ang pamahalaan ni Pangulong Maduro ay hindi natitinag ng mga reaksiyunaryo. Siya ay suportado ng sandatahang lakas at ng sambayanan ng Venezuela, na pinanawagan ni Maduro na mag-mobilisa upang masugpo ang panggugulo ng mga reaksiyonaryo. Ang galit ng sambayanan sa mga reaksiyonaryo ay napukaw rin dahil sa paninira ng mga reaksiyonaryo sa mga klinika at tindahang pang-komunidad na itinayo ng pamahalaan upang mailapit ang mga serbisyong panlipunan sa sambayanan.

           Maliban sa panloob na suporta para kay Maduro, suportado rin siya ng mga pamahalaan ng mga bansa sa Amerika Latina at Caribbean, na pawang kumondena sa kaguluhang ginagawa ng mga reaksiyonaryo. Tanging ang rehimeng Obama lamang ang hindi kumikilala sa panalo ni Pangulong Maduro sa eleksiyon noong Abril 2013. (Si Maduro nga pala ay dating pambansang pinuno ng mga tsuper ng bus, naging pinuno ng pambansang pederasyon ng mga unyon ng mga manggagawa, at naging kabilang sa administrasyon ni dating Pangulong Hugo Chavez bilang kalihim panlabas at bise-presidente.)

           Si Maduro ay patuloy na target ng destabilization ng rehimeng Obama dahil ipinagpapatuloy niya ang mga sosyalistang patakaran ng rebolusyong Bolivariana na pinasimulan ng pumanaw na pangulong Hugo Chavez. Labis ang galit ng imperyalismong Kano kay Maduro dahil ang pamahalaan niya --- tulad rin ng pamahalaan ng Cuba --- ay nananatiling matibay na gulugod ng Alyansa Bolivariana (ALBA) ng mga bansa sa Amerika Latina at Caribbean na lumalaban sa mga diktasyon ng USA at ng Wall Street.

Ang mga maka-sosyalistang patakaran ng rebolusyong Bolivariana sa Venezuela, at maging sa iba pang mga bansang kabilang sa ALBA, ay nagdulot ng malawak na poverty-reduction at ng pagpapahusay sa mga kalagayan ng edukasyon at serbisyong pangkalusugan sa rehiyon ng ALBA. Ang mapagkapatirang mga patakaran ng rebolusyong Bolivariana sa Venezuela, na ipinagpapatuloy ni Maduro, ay nakatutulong nang husto sa ibang mga bansa ng ALBA. At ang mga kaunlarang naitatala ngayon ng ALBA ay hindi kailanman nangyari noong panahon na ang rehiyon ng ALBA ay kontrolado pa ng imperyalismong Kano.

Sa panahon ngayon ng bagong panganib na kinakaharap ng rebolusyong Bolivariana sa Venezuela, ang PKP-1930 ay nagpapaabot ng pakikipagkaisa (solidarity) sa pamahalaan ni Pangulong Maduro, sa Partido Comunista de Venezuela (PCV) na may bahagi sa pamahalaang iyon, at sa partidong pinangungunahan ni Maduro na Partido Socialista Unidad de Venezuela (PSUV). Kinokondena ng PKP-1930 ang kampanya ng destabilization na patuloy na isinasagawa ng USA laban sa administrasyong Maduro.

Dapat lamang na pormal nang kilalanin ng rehimeng Obama ang administrasyong Maduro, at kilalanin ang karapatan ng mga mamamayan ng Venezuela at iba pang bansa na pumili ng kanilang sariling mga pinuno at sistema ng pamahalaan. Dapat na ring kilalanin ng USA na sa rehiyon ng ALBA sa Amerika Latina at Caribbean, ang pagwawagi sa kapangyarihang elektoral ng mga makakaliwa at progresibong puwersa ay malinaw na patunay lamang ng kagustuhan ng nakararaming bilang ng mga sambayanan doon na makapagtatag ng mga lipunang sosyalista.