Mamasapano Massacre --- Kapahamakan sa Ilalim ng Direksiyon ng mga Ahenteng Kano

Bago maghating-gabi nitong Enero 24 ay tumulak ang may 392 commandos ng Special Action Force (SAF) ng Philippine National Police (PNP) mula sa kanilang himpilan sa Awang, malapit sa Cotabato City, lalawigan ng Maguindanao, para sa isang operasyon (binansagang “Operation Exodus”) na nakatuon sa pagdakip o pagpatay sa 2 pangunahing terorista na nasa lalawigang iyon. Ang mga targets ay ang Malaysian na si Zulkifli bin Hir, alias “Marwan” (na may “bounty” na USD$6-Milyon na ipinangako ng pamahalaang Kano), at ang Pilipinong si Abdul Basit Usman (na may “patong” naman na USD$3-Milyon na ipinangako rin ng pamahalaang Kano).
 
Si Marwan ang tinatawag ng USA na “Osama-bin-Laden-ng-Timog-Silangang Asya” --- siya ay isang mataas na pinuno ng “Jemaah Islamiyah” (JI) na naka-base sa Indonesia at sinasabing sangay sa Timog-Silangang Asya ng pandaigdigang teroristang grupong “Al-Qaeda”. Si Marwan ay dating pinuno ng “Kumpulan Militant Malaysia” na may ugnay sa JI ; at siya ay may kinalaman sa mga teroristang pambobomba sa Malaysia, Indonesia at Pilipinas. May kinalaman din daw siya sa isang pagtatangka na pasabugan ang mga tropang Kano na nasa Singapore.
 
Si Usman naman ay dating pinuno ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF, na sinasabing humiwalay daw mula sa Moro Islamic Liberation Front o MILF noong 2008), at dating nagsanay pa kasama ng Al-Qaeda sa Pakistan at Afghanistan. Sina Marwan at Usman ay parehong experto sa paggawa ng bomba at mga improvised explosive devices (IEDs), at nakapagturo hinggil rito para sa maraming mga teroristang operatiba ng BIFF, MILF at maging ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa Mindanao.
 
            Ang SAF ay isang natatanging sangay ng PNP na sinasanay at tinutulungan ng mga puwersang Kano sa Mindanao. Ang mga puwersang Kano ang nagbigay ng impormasyon sa pamunuan ng SAF hinggil sa kinaroroonan ng mga targets nila. Iyon ay batay sa reports ng mga ahente ng Kano sa target area, na kinumpirma pa ng drone over-flights sa target area. Bale ang desisyon ng pagsalakay sa target area, na ginawa ng SAF Commander na si Chief Superintendent Getulio Napeñas noong Enero 24, ay bilang response lamang sa pinakahuling impormasyon na ipinadala sa kanya ng mga Kano noong araw na iyon.
 
            Ang 392 SAF commandos na kasama sa “Operation Exodus” ay binubuo ng 2 teams na nagmula sa 4th at 5th Special Action Battalions. Sila ay nakarating sa bayan ng Mamasapano noong mga alas-3 na ng madaling araw ng Enero 25. Ang 319 sa kanila ay naiwan sa highway ng Barangay Tukanalipao, bayan ng Mamasapano, samantalang 73 lamang ang naglakad sa latian o “marshland” papasok sa target area na mga 5 kilometro ang layo mula sa naturang highway. Kinailangan ang mahigit isang oras para marating ang target area, kaya madaling-araw na sila nakarating doon.
 
Sa bilang na ito na 73 commandos na pumasok sa target area, ang 37 ay ang attacking force na mula sa 84th Special Action “o Seaborne” Company (bahagi ng 4th Special Action Battalion), at nasa pamumuno ni Superintendent Raymond Train. Ang 36 naman ay ang blocking force na mula sa 55th Special Action Company (bahagi ng 5th Special Action Battalion), at nasa pamumuno ni Senior Inspector Ryan Pabalinas.
 
            Ang 84th S.A.Company ni Supt. Raymond Train ang tumuloy sa Sitio Inunug o Inugog, Barangay Pidsandawan, bayan pa rin ng Mamasapano, kung saan napatay nila sa palitan ng putok si Marwan noong mga 4:30 na ng umaga. Nasugatan rin daw nila ang 2 bodyguards ni Marwan, ngunit nakatakas si Usman. Dahil nabulabog na ang mga puwersa ng BIFF at MILF na nagkakanlong kina Marwan at Usman, at dahil sa may nasugatan na rin sa mga commandos ng attacking force na ito, hindi na magawang dalhin pa ang bangkay ni Marwan, kaya pinutol na lamang ang isa niyang daliri para sa DNA testing na nais isagawa ng mga ahenteng Kano.
 
 

MGA KINAHINATNAN NG “OPERATION EXODUS”

 
Ang patalilis na attacking force ni Supt. Train ay tinugis ng mga puwersa ng BIFF at ng MILF sa Barangay Pidsandawan, at ilang commandos pa ang nasugatan sa palitan ng putok at sa pagsabog ng mga booby-traps na nakatanim sa paligid ng 4 na kubo na ginawang kuta nina Marwan at Usman. Ang plano ng attacking force na pansumandaling pagsalakay sa gabi lamang ay napag-abutan na ng umaga at ng pagdating ng di-inaasahang napakaraming bilang ng mga kaaway.
 
Masuwerte lamang na nakatakbo pa ang attacking force na ito sa isang burol, kung saan mas mataas ang kanilang kinalagyan kaysa sa mga kaaway na pumaligid sa kanila. Sa 37 kabilang sa attacking force na iyon, 9 sa kanila ang nasawi, at mahigit 10 ang nasugatan, sa mahigit 12 oras ng labanan. Umurong lamang ang kanilang mga kalaban noong lagpas na sa ika-6 ng gabi, at ang attacking force na iyon ay natagpuan ng army reinforcement na nakapasok sa lugar na iyon noong mga ika-10 na ng gabi.
 
            Ang 55th S.A.Company naman, sa pamumuno ni Sr. Insp. Ryan Pabalinas, ay namalagi sa isang taniman ng mais sa Sitio Manggapang (katabi ng Ilog Kabulnan) sa Barangay Tukanalipao, bayan pa rin ng Mamasapano. Bilang blocking force ay tungkulin nila na pangalagaan ang pabalik na daraanan ng attacking force. Ngunit ang blocking force na ito ay napaligiran ng mga puwersa ng “1st Brigade” ng BIFF (sa pamumuno ni Muhaiden Animbang, alias Kagi Karialan, ang pangunahing pinuno ng BIFF sa ilalim ni BIFF commander Ameril Umbra Kato), at ng “105TH Base Command” ng MILF (na nasa pamumuno ni Ustadz Zacaria Goma na noon ay nasa Sharif Aguak). Ang blocking force na iyon ay nawalan ng pwedeng takasan o “escape route” sapagkat ang tanging tawiran pabalik sa kabilang pampang ng Ilog Kabulnan ay isang makitid na kahoy na footbridge lamang, at nagawa ng kanilang nakararaming mga kalaban na maka-posisyon rin sa kabila ng footbridge na iyon.
 
Sa 36 na kabilang sa blocking force na iyon, tanging iisa lamang ang nakatakas at natagpuan ng army reinforcement kinagabihan, samantalang ang 35 ay pinaligiran at na-massacre ng magkasanib na mga puwersa ng BIFF, MILF at iba pang sinasabing mga “private armies” sa lugar na iyon. Nalagas ang 35 commandos ng blocking force na iyon, hanggang napatay silang lahat noong tanghali ng Enero 25. Sang-ayon sa imbestigasyon ng PNP, ang ilan sa 35 na na-massacre dito ay mga sugatan na pinagbabaril nang malapitan, at 16 sa mga ito ay pinaputukan hanggang mawasak ang mga mukha at ulo. Pinag-“piyestahan” ng mga puwersa ng MILF at BIFF ang lahat ng mahuhusay na gamit ng 35 napatay nilang commandos --- mga ispesyal na armas at natitirang mga bala, night-vision goggles, bullet-proof vests, communication equipment, mobile phones at maging mga uniporme at boots.
 
Sa kabuuan ay 44 na SAF commandos ang napatay (35 mula sa 55th S.A.Co. o blocking force, at 9 mula sa 84th S.A.Co. o attacking force). Hanggang mga 15 SAF commandos rin ang sugatan, at kinailangang tawagan ng SAF commander ang kanyang mga kaugnay na ahenteng Kano upang magpadala ng helicopter ang mga ito para sa pagkuha sa mga sugatan. Sa mga inosenteng sibilyan sa target area, may iniulat na 5 ang nadamay sa labanan at napatay (kasama ang isang 5-taong gulang na bata, at isang lalaking may sapat na gulang na diumano’y nakasalubong ng SAF attacking force, at itinali sa likod upang hindi makapag-ingay hinggil sa palihim na pagpasok sa lugar na iyon ng mga SAF commandos). May mga 12 inosenteng sibilyan rin ang nasugatan habang lumalayo sa labanan, at aabot sa 1,500 sibilyan ang lumikas patungo sa evacuation center sa poblacion ng Mamasapano mula sa mga barangay ng Pidsandawan at Tukanalipao.
 
Iniulat na mga 18 sandatahan ng MILF ang napatay, at 12 ang nasugatan. Sa panig ng BIFF at iba pang private armies na nakasama rin sa pakikipaglaban sa SAF commandos, hindi malaman kung ilan sa kanila ang napatay at nasugatan. Gayunpaman, sa unang ulat ng MILF ay may 66 daw silang nakitang mga magkakaibang unipormadong bangkay na inakala nilang sa SAF lahat --- 37 sa Sitio Manggapang ng Bgy. Tukanalipao, 27 sa Sitio Inunug/Inugog ng Bgy. Pidsandawan, at 2 sa Ilog Kabulnan sa Tukanalipao. Lumalabas na maliban sa mga nasawing 44 na SAF commandos at 18 sandatahan ng MILF, ay maaaring may 22 pa ang nasawi sa panig ng BIFF at mga private armies na nakasagupa ng SAF.
 
 

KAWALAN NG KOORDINASYON SA MGA PUWERSA NG AFP SA MAGUINDANAO

 
            Lumalabas na ang “Operation Exodus” ay inilunsad sa tuwirang utos lamang ng SAF commander sa Maguindanao na si Chief Superintendent Getulio Napeñas, nang walang anumang koordinasyon sa mga puwersang militar sa lalawigang iyon na maaari sanang makatulong sa kanila. Ang tanging katungo ni Napeñas sa paglulunsad ng operasyon ay ang kanyang mga kaugnay na mga ahenteng Kano, na nagbibigay sa kanya ng pinakahuling kaalaman hinggil sa kinaroroonan at mga galaw nina Marwan at Usman. Gayundin, ang tanging pinagbibigyan niya ng ulat ay si PNP Director-General Alan Purisima na sinuspinde ng Ombudsman noon pang Disyembre 2014 dahil sa corruption at unexplained wealth.
 
Si Purisima ay malapit kay PNoy dahil sa pagliligtas ni Purisima kay PNoy sa panahon ng mga tangkang kudeta laban kay Pangulong Cory noon pang 2007. Sa kabila ng kanyang suspensiyon bilang PNP Chief noong Disyembre 2014, si Purisima pa rin ang kinokonsulta ni PNoy hinggil sa mga kaganapan sa PNP. Noong Enero 9, 2015, sa isang natatanging pulong sa Malacañang na dinaluhan ni Pinoy, ng suspendidong si PNP Director-General Alan Purisima, at ng PNP Intelligence Group Director na si Sr. Supt. Fernando Mendez, ay nag-ulat si SAF Commander Getulio Lapeñas hinggil sa balak na “Operation Exodus”.
 
            Matapos ng briefing para kay PNoy, si Purisima pa ang nagpayo kay Lapeñas na huwag ipaalam ang balak na “Operation Exodus” sa mga pinuno ng AFP at kina PNP OIC Deputy Director-General Leonardo Espina at DILG Sec. Mar Roxas. Kaya nang ilunsad ni Lapeñas ang “Operation Exodus” noong gabi ng Enero 24 ay wala iyong back-up support mula sa military. Lumalabas na ipinaalam na lamang ni Lapeñas ang operasyong iyon sa pamunuan ng mga puwersang militar sa Maguindanao nang ang mga SAF commandos ay pinapuputukan na ng napakaraming kalaban.
 
Ang 6TH Infantry Brigade ng AFP ay nagpadala ng mga tangke sa Mamasapano noong mga 8:30 na ng umaga, at gayundin ng mga troop reinforcements noong mga ika-9 na ng umaga. Ngunit hindi sila mabigyan ng guidance o direksiyon ng napakaraming mga tauhan ng SAF na nasa highway ng Tukanalipao, na hindi naman alam kung nasaan talaga ang mga lugar ng labanan.
 
Hindi rin agad maka-responde ang militar dahil sa pag-aalala na ang tuwiran nilang pakikihamok sa MILF ay maaaring magsapanganib sa usapang pangkapayapaan sa grupong iyon. Pinilit ng mga opisyal ng militar na matawag ang kinatawan ng MILF sa Ad-Hoc Joint (GRP-MILF) Action Group o AHJAG ng Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities (CCCH), ngunit tumanggi ang mga napalabang puwersa ng MILF na agad magkaroon ng tigil-putukan. Lumalabas na pumayag lamang ang puwersa ng MILF sa tigil-putukan matapos na malagas at ma-massacre na nila ang blocking force. Kaya noon lamang mga ika-1 ng hapon nakapasok sa lugar ng labanan sa Tukanalipao ang Joint (GRP-MILF) Ceasefire Monitoring Team. 
 
Sa kabila nito ay nagpatuloy pa rin ang pagkubkob ng magkasanib na puwersa ng BIFF at MILF sa SAF attacking force na nasa Sitio Inunug (o Inugog) sa Bgy. Pidsandawan. Umurong lamang ang mga puwersa ng BIFF at MILF nang magpaputok na ng “white phosphorus” na artillery ang isang tangke ng AFP noong lagpas na sa ika-6 ng gabi. Narating ng military reinforcement ang natitirang tauhan ng SAF attacking force noong mga ika-10 na ng gabi, matapos tiyakin ng kinatawan ng MILF sa Joint Ceasefire Monitoring Team na umurong na nga mula sa lugar na iyon ang mga puwersa ng MILF.
 
 

ILAN PANG MGA KAKULANGAN SA PAGHAHANDA SA “OPERATION EXODUS”

 
Lumalabas sa mga paunang imbestigasyon na maraming kakulangan sa paghahanda ng SAF para sa paglulunsad ng “Operation Exodus”. Hindi nila kabisado ang terrain, at hindi matiyak kung ipinaalam sa kanila ng mga ahenteng Kano (batay naman sa reports ng mga ahente ng mga Kano na nasa Mamasapano) na walang labasan  sa target area maliban sa nasabing kahoy na footbridge. Hindi rin nila alam na may mga “booby-traps” pala na nakatanim sa paligid ng 4 na kubo na ginagamit ng grupo nina Marwan at Usman sa target area.
 
Ang kampo ng BIFF kung saan nagkukuta sina Marwan at Usman ay nasa isang lugar kung saan naroon rin ang mga kampo ng MILF. Bale ang MILF ay kumakalinga rin sa BIFF at kina Marwan at Usman, sa kabila ng sinasabing paghiwalay na ng BIFF mula sa MILF. Ikinabigla ng SAF commandos ang napakaraming bilang ng kanilang nakalaban, kayat malamang na hindi nila alam ang bilang at kinaroroonan ng mga puwersa ng BIFF at MILF sa Mamasapano. Lumalabas na nasa Mamasapano ang 3 kampo ng MILF --- ang Camp Omar ibn al-Khattab, Camp Abubakar as-Siddique, at Camp Badre --- na siyang mga kuta ng 105th, 106that 118th  “Base Commands” ng MILF.
 
Sang-ayon sa mga ulat sa pahayagan nitong Enero 30, 2015, ang “Operation Exodus” ay isina-plano noon pang Setyembre 2014 nang makipagpulong ang mga ahente ng FBI at CIA sa ARMM police headquarters sa Parang , Maguindanao. Sa pagpupulong na iyon, pinayuhan ng mga ahenteng Kano ang SAF na huwag magbigay ng impormasyon sa iba pang ahensiya ng pamahalaan, para mapigilan ang pag-“leak” ng plano. Ang kawalan ng koordinasyon sa mga puwersa ng AFP, na ikinapahamak ng 44 na SAF commandos, ay utos bale ng mga ahenteng Kano.
 
            Ipinagbabawal sa mga kasunduang GRP-MILF ang pagkakanlong ng MILF sa mga taong itinuturing ng pamahalaan bilang mga terorista. Kung gayon, ang SAF ay hindi kailangang humingi pa ng permiso mula sa MILF upang tugisin ang mga teroristang ikinakanlong sa lugar ng MILF. Ngunit mayroon namang probisyon sa Implementing Operational Guidelines ng 1997 GRP-MILF Agreement on the General Cessation of Hostilities na nagpapayo ng pakikipag-koordinasyon sa MILF ng mga puwersa ng pamahalaan. Sang-ayon sa Article II ng nasabing Guidelines : “Police and military actions and administrative/logistic activities shall continue to be undertaken by the GRP throughout Mindanao and the entire country. In the pursuit thereof, confrontational situations between the GRP and the MILF force shall be avoided by prior coordination with the latter.”
 
 

PAGLINGON SA MGA NAUNANG TERORISTANG PAGKILOS NG MILF

 
            Ang ginawa ng magkasanib na puwersa ng MILF at BIFF na walang-awang pamamaslang sa mga sugatang commandos, at pagsalaula sa kanilang mga bangkay, ay nagsanhi ng sindak at galit ng buong bansa. Ngunit dapat alalahanin na hindi ito ang unang pangyayari. Noong Hulyo 2007, 14 na miyembro ng Marines na naghahanap sa kinidnap na paring Italyano na si Fr. Giancarlo Bossi, ay inambush at mabangis na tinortyur ng magkasanib na puwersa ng MILF at Abu Sayyaf Group (ASG) sa Al-Barkah, Basilan. Sinalaula ang kanilang mga bangkay, at pinugutan pa ng ulo ang 11 sa kanila.
 
Walang nangyari sa demand ng rehimeng GMA noon na isuko ng MILF ang kanilang mga tauhan na gumawa ng karumal-dumal na krimeng iyon. Matapos ng isang linggo ay pinakawalan si Fr. Bossi, at ang pag-kidnap sa kanya ay isinisi lamang ng MILF sa ASG at sa grupo ng isang renegade commander nito (o “lost command” na umalis na daw sa MILF).
 
Naulit pa ang ganitong kahindik-hindik na krimen noong Oktubre 2011, nang ma-ambush ng magkasanib na puwersa ng MILF at ASG ang 19 na tauhan ng Army Special Forces sa Al-Barkah, Basilan (na naman). Muli pa, ang mga bangkay ay sinalaula at ang ilan ay pinugutan pa ng ulo. Walang ginawang pagganti ang rehimeng PNoy para daw magpatuloy noon ang usapang pangkapayapaan. (Note : Sa pangyayari ngayon ay dapat repasuhin rin ni PNoy kung ang mga pamilya ng mga biktima ng MILF at ASG sa Al-Barka noong 2007 at 2011 ay nabigyan ng karampatang ayuda.)
 
Dapat ring alalahanin na sa kabila ng lahat ng teroristang pagkilos ng MILF ay hindi ito isinasama sa listahan ng USA ng mga organisasyong terorista. Ang paghiwalay ng MILF (na kumakatawan sa tribong Maguindanao) mula sa MNLF noong 1977 ay may basbas ng USA, na hindi nasiyahan sa pagsalig ng MNLF sa Libya sa panahon ni Moammar Gaddafi na may naunang pagpapakita ng tunguhing anti-imperyalista. Ang pamunuan ng MNLF ay nanatili sa Libya, samantalang ang pamunuan ng MILF ay lumipat sa Pakistan, isang malapit na kaalyado ng USA.
 
Samantalang nasa Pakistan, ang MILF ay nagkaroon ng malapit na relasyon sa Al-Qaeda na ginagamit pa noon ng CIA sa panggugulo sa pambansang-demokratikong pamahalaan sa Afghanistan. Ipinagmalaki pa noong mga 2000 ng MILF na nakapagpadala sila ng 600 tauhan para magsanay sa Al-Qaeda training camps sa Afghanistan. Dito rin nabuo ang relasyon ng MILF sa mga Indonesian at Malaysian jihadists na sumunod na bumuo sa Jemaah Islamiyah bilang branch sa South-East Asia ng Al-Qaeda. (Note : Gayundin, ang paghiwalay mula sa MNLF ng “MNLF-Reformist Wing” na kumakatawan naman sa tribong Maranaw, at ang paglipat ng pamunuan nito patungo sa Saudi Arabia na malapit ring kaalyado ng imperyalismo, ay may basbas rin ng USA.)
 
Samantalang ang MNLF ay nakipagkasundo sa administrasyong Cory tungo sa pagtatatag sa Autonomous Region of Moslem Mindanao (ARMM) noong 1987, ang MILF ay nagpatuloy sa mga teroristang pagkilos. Ngunit ang rehimeng Ramos ay pumasok sa isang kasunduan sa MILF ukol sa cessation of hostilities o tigil-putukan noong Hulyo 1997, dahil na rin sa pressure ng USA na sumusuporta sa MILF bilang mas reliable na papet ng imperyalismong Kano (kumpara sa MNLF).
 
Ito ay  dahil sa ang tribong Maguindanao, na siyang basehan ng MILF, ay mas marami kaysa sa mga tribong Tausug at Yakan na siyang basehan naman ng MNLF. Ang teritoryo ng tribong Maguindanao ay inaasahan ring mas marami ang natural resources na agad makukuha ng mga Kano, kaysa sa teritoryo ng mga tribong Tausug at Yakan. Ang sentro rin ng ARMM ay nasa Cotabato City na nasa lalawigan ng Maguindanao. 
 
Dahil sa patuloy na teroristang gawain ng MILF ay naglunsad ng opensiba ang rehimeng Erap noong 2000 na sumira sa lahat ng mga kampo ng MILF. Ang ginawang iyon ng rehimeng Erap ay isa sa mga dahilan kung bakit sinuportahan ng USA ang maagang pagpapaalis kay Erap mula sa Malacanang. Nang mapaalis na sa posisyon si Erap, ang rehimeng GMA ay pumasok muli sa pakikipag-negosasyon sa MILF, sa direksiyon ng USA.
 
Noong Enero 2003 ay nagpadala ng liham kay George W. Bush ang chairman noon ng MILF na si Hashim Salamat. Hiniling sa liham na higit na pressure ang gawin para ipatanggap sa rehimeng GMA ang mga demands ng MILF. Pangunahin sa demands ang pagbubuo ng sarili nitong sub-state na may malayang kapangyarihan ng tuwirang pakikipag-negosasyon sa ibang mga bansa hinggil sa mga usaping nakaatang lamang sa ngayon sa pambansang pamahalaan. Bale kung mapagbibigyan ang MILF sub-state ay malilimitahan ang pambansang soberanya ng Pilipinas, at magkakaroon ng kapagyarihan ang MILF sub-state hinggil sa pagbibigay ng kontrol sa natural resources (at maging sa paghihimpil ng mga puwersang militar) sa USA na siyang tunay na amo ng MILF.
 
 

MGA PAGTULONG NG USA SA MILF

 
Ang draft ng Memorandum of Agreement on Ancestral Domain (MOA-AD) at ng Bangsamoro Juridical Entiry (BJE) ay binuo ng US Institute for Peace (USIP), na isang “think-tank” na ang mga direktor ay appointed ng presidente ng USA. Ang mga ex-officio members rin ng USIP ay ang secretary of state, defense secretary, at pangulo ng National Defense University ng USA. Bilang isang miyembro ng tinatawag na “International Contact Group”, ang USA ay tuwirang lumalahok sa mga usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at MILF. Ang kumakatawan para sa USA sa mga usapang ito ay ang Asia Foundation, isang supling ng CIA. 
 
Ano ang inaasahang pakinabang ng USA mula sa ginagawa nitong “pagpapastol” sa negosasyon sa pagitan ng GRP at MILF ? Interesado ang USA hindi lamang sa pagkontrol sa petroleum at iba pang natural resources na inaasahang makukuha sa Bangsamoro sub-state. Higit pang interesado ang USA sa pagkakaroon ng mga base militar sa Mindanao. Ang mga base militar para sa mga Kano ang siyang inaasahang ibibigay ng isang Bangsamoro statelet bilang pagtanaw ng MILF ng “utang-na-loob” sa USA.
 
            Sa ipinanukala ng USA noon na Memorandum of Agreement on Ancestral Domain (MOA-AD), ang bubuuing Bangsamoro Juridical Entity (BJE) ay mas lalawak kaysa sa ARMM, at magkakaroon ng sariling mga batas, sariling pulisya at internal security force, sariling sistema ng pinansiya at pagba-banko, sariling civil service, lehislatura, at mga institusyong pang-edukasyon at pang-eleksiyon. Ito ay magkakaroon rin ng full authority upang i-develop at ipamahagi ang mineral at iba pang mga natural resources sa BJE.
 
Noong Agost 4, 2008, pinigil ng korte suprema ang pirmahan sa MOA-AD, lalo pa at ang teritoryo ng bubuuing BJE ay magpapalawak sa dating ARMM at makasasakop na sa Palawan and ilan pang mga lalawigan sa Mindanao na hindi naman nakararami ang mga naninirahang Muslim. Noong Oktubre 14, 2008, ay unang idineklara ng korte suprema na ang MOA-AD ay labag sa ating pambansang Saligang-Batas. At noong Nobyembre 11, 2008, tuluyang nagdesisyon ang korte suprema na ang MOA-AD ay unconstitutional. Bilang ganti ay inatake ng MILF ang mga komunidad na kristiyano sa North Cotabato at Sultan Kudarat, na ikinasawi ng 400 sibilyan at nagresulta sa paglikas mula sa kanilang mga tahanan ng 750,000 katao. Dito natigil ang negosasyon sa MILF noong panahon ng rehimeng GMA.
 
 

SI PNOY, ANG MILF AT ANG IMPERYALISMONG KANO

 
Noong Hulyo 2010, matapos na maupo sa kapangyarihan, si Pnoy ay agad nagbuo ng bagong panel para buksan muli ang peace talks sa MILF. Noong Agosto 2011 ay sikretong nakipagkita sa Tokyo si PNoy sa bagong chairman ng MILF na si Murad Ebrahim, kung saan napagkasunduan nilang madaliin ang negosasyong pangkapayapaan. Nakapagtataka, ngunit mayroon pang malaking halaga na ibinigay ang administrasyong PNoy sa pamunuan ng MILF. Sa pagpupulong na iyon sa Tokyo ay ipinilit ng MILF ang pagkakaroon nila ng Bangsamoro sub-state, at ang konseptong iyon ang naging batayan ng mga sumunod na negosasyon na nauwi sa pagkakaroon ng Comprehensive Agreeement on the Bangsamoro (CAB).
 
Noong Oktubre 15, 2012, nilagdaan ang isang kasunduan ng GRP at MILF ukol sa Bangsamoro na semi-independent, may mas malaking bahagi ng revenues mula sa extraction ng natural resources, may budgetary autonomy, may sariling police force, at may Sharia law para sa mga Muslim. Noong Pebrero 2013 ay binisita pa ni PNoy ang mga pinuno ng MILF sa kanilang pangunahing kampo na Camp Darapanan na nasa Maguindanao. Noong Enero 24, 2014, ang GRP-MILF peace agreement ay nilagdaan sa Kuala Lumpur, kung saan mabubuo ang Bangsamoro, kapalit ng pangako ng de-activation ng MILF forces at ng turn-over of mga armas ng MILF sa isang international body na pipiliin ng GRP at ng MILF. Ang ilan sa mga ipinangako ng administrasyong PNoy sa MILF ay taliwas sa ating pambansang Saligang-Batas, at nais ni PNoy na baguhin ang Saligang-Batas upang mapagbigyan ang mga kahingian ng MILF.
 
Sa nakaraang 38 taon ng pag-iral ng MILF, ang mga operasyon nito, at ang mga ginawang pagganti ng AFP, ay pumuti sa 150,000 mga buhay, at nagdulot ng displacement ng ilang daang libong katao. Sa kabila ng pakikipag-negosasyon sa pamahalaan, naging patuloy rin ang pagkakanlong ng MILF sa mga teroristang pinaghahanap ng pamahalaan, tulad nina Marwan at Usman. Patuloy rin ang pakikipag-ugnayan ng MILF sa BIFF at maging sa ASG. Ilan sa mga naging targets ng nakaraang pagpapasabog ng MILF ay ang mga bus, mga istasyon ng bus, at mga palengke, lalo na sa mga lalawigan ng North Cotabato, South Cotabato, Sultan Kudarat, Basilan, at mga lalawigan ng Zamboanga.
 
            Ang BIFF naman ay patuloy pa rin sa mga teroristang pagkilos, sa tulong na rin ng mga tagapagturo sa paggawa ng mga bomba na tulad nina Marwan at Usman. Ilan sa mga iniulat na teroristang operasyon ng BIFF ay ang pambobomba sa isang national convention ng mga duktor na ginanap sa Cagayan de Oro, at ang kamakailang pagpapasabog sa isang bus na punong-puno ng mga pasahero sa may tapat ng Central Mindanao University sa Musuan, Bukidnon. Noong Setyembre 2014, ang BIFF at ang ASG ay parehas na nagdeklara ng pakikipag-alyansa sa “Islamic State” sa Iraq at Syria, at parehas ring nagsabi na sila ay may tuwirang komunikasyon sa pinuno ng IS na si Abu Bakr al-Baghdadi. 
 
            Hinggil muli sa Mamasapano massacre, ito ngayon ay nagagamit upang pagalitin ang sambayanan laban kay PNoy. Ito ay dahil sa alam ni PNoy ang balak na paglulunsad ng “Operation Exodus” ; dahil sa ang kinonsulta ni PNoy hinggil doon ay ang suspendidong hepe ng PNP na si Director General Alan Purisima ; dahil sa di-pagdalo ni PNoy sa pagdating sa Villamor Air Base ng 42 bangkay ng mga napatay na SAF commandos ; at dahil sa kabagalan ni PNoy sa pagtukoy sa responsibilidad sa massacre ng mga puwersa ng MILF (na mukhang hindi talaga kontrolado ng kanilang pamunuan). Marami na rin ang sumisisi kay PNoy hinggil sa pagpayag ng government peace panel sa ilang mga kahingian ng MILF na naitakda sa mga kasunduang GRP-MILF, sa kabila ng pagiging labag sa Saligang-Batas ng mga iyon.
 
            Ang Mamasapano massacre ay isang grabeng batik sa usapang pangkapayapaan na isinagawa at patuloy na isinasagawa ng administrasyong PNoy sa MILF. Iyon din ay isang maliwanag na ehemplo kung paanong ang mga puwersang pampamahalaan ng Pilipinas ay kayang pasunurin at kayang-kayang ipahamak ng mga ahente ng imperyalismong Kano. Kung mayroon mang pinakamahalagang kontribusyon sa ating bayan at bansa ang pagkamatay sa Mamasapano ng 44 na SAF commandos, iyon ay ang pagtawag ng pansin sa tunay na katangiang mabangis, terorista at maka-imperyalista ng mga jihadist na puwersang tulad ng MILF na nais makaagaw ng kapangyarihan sa Mindanao.
 
Upang hindi masayang ang sakripisyo ng mga nasawi at nasugatang SAF commandos sa Mamasapano, dapat lamang ay ilantad ang paggamit ng imperyalismo sa MILF para sa pangmalayuang mga layuning mapahina ang ating pambansang soberanya at sirain ang ating integridad na pang-teritoryo. Dapat ilantad kung paanong tayong mga kapwa-Pilipino ay pinaglalaban-laban batay sa mga pagkakaibang ethniko at pang-relihiyon, para sa istratehikong mga kapakanan ng imperyalismo. Dapat ilantad kung paano ang pamamalagi ng mga puwersang Kano sa ating bansa ay nakapagpapalakas lamang sa kamay ng imperyalismo na nagsasagawa ng mga mapanghating pakana sa ating bansa. At dapat ilantad kung bakit kailangan agad ibasura ang Enhanced Defence Cooperation Agreement (EDCA), ang Visiting Forces Agreement (VFA) at ang Mutual Defense Treaty (MDT) sa pagitan ng USA at ng Pilipinas.