Mensahe ng PKP-1930 sa Ika-24 na Anibersaryo ng PATAMABA (Mayo 5, 2014)

Mga kasama at mga kaibigan :

 

Ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP-1930) ay nagpapaabot ng rebolusyonaryong pagbati sa Pambansang Kalipunan ng mga Manggagawang Impormal sa Pilipinas (PATAMABA) na nagdaraos ngayon ng mga selebrasyon ng Ika-24 na Anibersaryo nito sa lungsod ng Caloocan at sa lungsod ng Iloilo. 

Ang PATAMABA ang katangi-tanging samahang pambansa na kumakatawan sa mga manggagawa sa bahay (tulad ng mga mananahi na sina-subcontract sa paggawa ng mga garments), mga self-employed (tulad ng mga vendors sa lansangan at mga namamasada ng mga tricycles), mga kasambahay, at iba pang kahalintulad ang gawain. Ang mga impormal na gawaing ito ay mababa ang kita, walang katiyakan o seguridad, walang benepisyo, at walang maaasahang pensiyon. Ang karamihan sa mga manggagawa sa bahay at mga kasambahay ay kababaihan, kaya nagkakaroon ng konsepto ng tinatawag na “feminization” ng kahirapan, dahil sa dami ng kababaihang nasasadlak sa mga gawaing ito na maituturing na hazardous ang mga kalagayan.

Hindi maitatanggi na ang kababaihang napapasok bilang manggagawa sa bahay at kasambahay ay vulnerable sa pagkakahuthot, abuso at pagmamaltrato, sexual harassment at maging pisikal na karahasan. May mga pag-aaral na kung ihahambing sa trabaho sa industriya, mas madalas pa ang aksidente at pagkakasakit sa mga trabahong impormal (lalo na iyong palalako, pagiging vendor, o pagiging kasambahay). Marami rin sa mga napapasok sa impormal na mga trabaho ay mga kabataang wala pang 18 anyos, na kadalasan ay bilang pambayad sa pautang na ibinibigay ng mga recruiters sa kanilang mga magulang. Tinatayang sa mga 10% lamang ng mga kasambahay nasusunod ang mga probisyon ng batas hinggil sa minimum na pasahod at mga benepisyo, samantalang sa karamihan ay walang limitasyon hinggil sa lingguhang bilang ng oras ng trabaho, at wala ring lingguhang rest period o “day-off”.

Tinataya ng International Labor Organization (ILO) na sa buong mundo, at maging sa Asya, ang isa sa bawat tatlong manggagawa na “non-agricultural” ang gawain ay mga manggagawang impormal. Ang mga manggagawang impormal kung gayon ang pinakamalaking bilang ng mga manggagawa sa ating lipunan at maging sa buong mundo. At habang dumarami pa ang natatanggal sa regular na mga trabaho, dahil sa patuloy na paglala ng pandaigdigang krisis ng kapitalismo, ay higit pang dumarami ang mga manggagawang impormal. Iba’t-iba ang gawain ng mga manggagawang impormal, kaya’t iba’t-iba rin ang kanilang mga kahingian.

Ilan sa mga pangkalahatang kahingian ng mga manggagawang impormal ay ang pagkilala sa kanila bilang mga manggagawa na may mga karapatan sa ilalim ng mga labor laws ; ang pagkilala sa kanilang karapatang magbuo o sumapi sa mga demokratikong unyon ; ang pagkilala sa kanilang karapatan sa collective bargaining at sa pagkakaroon ng kinatawan sa mga pampamahalaang tanggapan na may kinalaman sa kanilang gawain ; at ang pagkilala sa kanilang mga pangkabuhayan at panlipunang mga karapatan (tulad ng karapatan sa maternity leave at sa mga paalagaan para sa mga sanggol at bata).

Para naman sa mga vendors at kahalintulad na mga self-employed, ilan pa sa kanilang mga kahingian ang pagkakaroon ng access sa pautang ; ang may-katiyakang paggamit sa mga public areas ; ang proteksiyon laban sa mga mangongotong ; ang simpleng paraan ng pagpapa-rehistro ng kanilang munting “negosyo” ; at ang makatarungang lebel ng buwis na ipapataw sa kanilang munting “negosyo”.

At para naman sa mga sahurang pansamantalang manggagawa tulad ng nasa construction, ang ilan sa kanilang mga kahingian ay ang katiyakan sa makatarungang sahod batay sa kanilang kahusayan, na hindi dapat bababa sa nakatakdang minimum wage ; ang katiyakan sa mga occupational health and safety standards ; ang katiyakan na ang mga nagpapatrabaho sa kanila ay nagbabayad ng tumpak nilang kontribusyon sa Social Security System, Workmen’s Compensation Commission, Pag-ibig at Philhealth ; at ang karapatang sumapi sa unyon para sa collective bargaining.

Sa isyu ngayon ng mga manggagawang impormal, madalas nating maririnig ang tinatawag na “formalization” --- ang pag-ahon daw ng informal economy (na tinatawag rin na “underground” economy) tungo sa formal economy. Sa bagay na ito ay nais akitin ng pamahalaan at ng mga kapitalistang financiers o bangko ang isang latag ng mga manggagawang impormal (pangunahin na ang mga vendors) na pormal na magbayad ng buwis at tanggapin ang mga pampamahalaang regulasyon, bilang kapalit ng pampamahalaang proteksiyon at ng access sa pautang. Isang bahagi ng ganitong “formalization” ay ang kinakailangang pagsasama-sama ng mga vendors sa mga kooperatiba na siyang magiging “co-maker” o “guarantor” ng kanilang pagkakautang sa mga financiers o bangko.

Mayroon ring tinatawag na “formalization” ng mga manggagawang impormal, sa pamamagitan ng “formalization” daw ng kanilang mga karapatan at benepisyo bilang mga manggagawa. Ang problema nga lang, ang mga manggagawang impormal na walang employer-employee relationship ang siya ring pangunahing inaasahang magbayad ng mga premiums para sa kanilang health, pension at iba pang social insurance. Halos wala itong pagkakaiba sa kasalukuyang pagbabayad nang buo sa SSS/WCC, Pag-ibig at Philhealth ng mga manggagawang nasa “self-employed” na kategorya.

 

Mayroon rin namang tinatawag na “formalization” ng mga manggagawang impormal, sa pamamagitan ng kanilang paglipat sa mga pormal na gawain, pero ito ay isang malaking ilusyon sa ilalim ng ating kapitalistang sistemang neokolonyal. Sa sistemang ito, ang ating pamahalaan ay nasa ilalim ng diktasyon ng World Bank, International Monetary Fund, World Trade Organization at iba pang ahensiyang pampinansiya ng imperyalismo. Sa sistemang ito, ang mga patakaran ay privatization (o paglilipat sa pribadong mga korporasyon ng mga service utilities na pinagkikitaan ng pamahalaan) ; ang deregulasyon (o pag-aalis sa anumang pagkontrol sa pagtutubo at operasyon ng mga pribadong korporasyon) ; at ang liberalisasyon sa pag-aangkat ng lahat ng kalakal, kahit na ang mga iyon ay kumukumpitensiya sa sarili nating mga produkto.

Sa ilalim ng ganitong kapitalistang sistemang neokolonyal, walang puwang ang malayang industriyalisasyon ng ating bansa. Ang malayang industriyalisasyon ay ang pagkakaroon ng kapasidad na ang mga hilaw na sangkap o likas na yaman ng ating bansa ay ma-proseso at magawang iba’t-ibang makinarya, kagamitan at mga kalakal para sa ating pambansang pangangailangan. Tanging ang malayang industriyalisasyon ang pag-asa para makalikha ng sapat na trabaho para sa lumalaking bilang ng ating populasyon. Habang wala ito, at habang nasa diktasyon ng WB-IMF-WTO ang ating pamahalaan, ang tanging maaasahan natin ay ang patuloy na paglaki ng unemployment, at ang kaugnay na patuloy na paglaki ng mga manggagawang lulusong sa iba’t ibang impormal na gawain para lamang mabuhay. 

Ang paglaki ng bilang ng mga manggagawang impormal sa buong mundo ay nag-uugat sa kawalang kakayahan ng maraming bansa na makapagbukas ng sapat na bilang ng mga regular na trabaho para sa dumaraming labor force, lalo na sa mga lugar na rural. Ang kapitalistang globalisasyon, kung saan ang ibat-ibang bansa ay pinaglalaban-laban sa pababaan ng pasahod at benepisyo para sa manggagawa, ay nagtutulak rin sa “informalization” ng employment. Sa kabila ng mas lumalaking yaman na nakakamkam ngayon ng mga kapitalistang korporasyon, maraming mga regular na trabaho ang inililipat nila sa impormal na mga larangan sa pamamagitan ng “outsourcing” at kontraktwalisasyon.

Ang tanging pag-asa para sa paglutas sa kalagayan ng napakaraming bilang ng mga manggagawang impormal, at tungo sa poverty reduction, ay ang pagpaparami sa mga regular na gawain sa pamamagitan ng malayang industriyalisasyon. Ito’y matatamo lamang sa pamamagitan ng pag-aalis sa kasalukuyang kapitalistang sistemang neokolonyal, at sa pagtahak sa pambansang-demokratikong landas tungo sa sosyalismo. Ilan sa mga pangunahing tunguhin ng pambansang-demokratikong landas ay ang pagwawaksi sa imperyalistang diktasyon at pangingibabaw sa ating bansa ; ang paglulunsad ng malayang industriyalisasyon ; ang muling pagsasabansa sa mga service utilities (kuryente, tubig, expressways, LRT/MRT, at telecommunications, na sa ngayon ay hawak ng ganid na oligarkiya sa pinansiya) ; ang lubos na pagpapatupad ng repormang pansakahan sa lahat ng pataniman at palaisdaan ; ang pagbibigay-proteksiyon sa ating panloob na produksiyon ; at ang pagbibigay-katiyakan sa mga karapatan at benepisyo ng mga uring gumagawa. Sa pambansang-demokratikong landas ay malilikha ang maraming regular na trabaho na mapaglilipatan ng mga manggagawang impormal.

Ang lohikal na tunguhin ng pambansang-demokratikong landas ay ang sosyalismo, ang sistemang titiyak sa patuloy na paglago ng kabuhayan upang tuluyang mapawi ang unemployment, kamangmangan, kagutuman at kahirapan. Ito ang sistemang magsasabansa at magpaparami sa lahat ng antas ng paaralan, upang matiyak ang libreng edukasyon para sa lahat. Ito ang sistemang magsasabansa at magpaparami sa lahat ng uri ng ospital, upang matiyak ang libreng kalingang pangkalusugan para sa lahat. Ito ang sistemang titiyak sa abot-kayang pabahay at mga service utilities (kuryente, tubig, pamasahe, komunikasyon, atbp.). Ito ang sistemang magpaparami sa mga paalagaan ng mga sanggol at bata ; mga palaruan ; mga espesyal na paalagaan para sa mga matatanda at may kapansanan ; mga sentrong pangkalinangan ukol sa pagpapaunlad ng literatura, musika at sining ; atbp.

Ang sosyalismo ang konsentradong ekspresyon ng demokrasya na maghahanda ng daan tungo sa pag-aalis ng panghuhuthot ng tao sa kapwa tao, at ng bansa sa kapwa bansa. Ang sosyalismo ang titiyak sa pagkakapantay-pantay sa kabuhayan ng buong lipunan. Ang sosyalismo ang titiyak na ang lahat ng pag-unlad ng siyensiya, teknolohiya at kultura ay magsisilbi sa kabutihan ng lahat. Ang sosyalismo, sa pamamagitan ng pambansang-demokratikong landas, ang siyang tanging pag-asa sa pag-alpas sa kahirapan ng sambayanang Pilipino, lalo na ng mga nabibilang sa ngayon sa mga manggagawang impormal.

Nananawagan kung gayon ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP-1930) sa lahat ng manggagawang impormal na makiisa at aktibong lumahok sa pakikibaka para sa pagtatamo ng pambansang demokrasya at sosyalismo sa ating bansa.

Muli pa, maalab na pagbati sa Ika-24 na Anibersaryo ng Pambansang Kalipunan ng mga Manggagawang Impormal sa Pilipinas (PATAMABA).

Mabuhay ang PATAMABA !

Palakasin ang pakikibaka para sa pambansang demokrasya at sosyalismo!

                                                                                         KA. TONY PARIS

                                                                        Pangkalahatang Kalihim, PKP-1930