Mensahe ng PKP-1930 sa Ika-4 na Kongreso ng National Confederation of Labor (Mayo 22, 2014)

Mga kasama at mga kaibigan :

(I)

            Isang paboritong kasabihan ng mga komunista na sa likod ng bawat napakalaking yamang pribado o personal ay isang napakalaking krimen. Ito’y malinaw sa ating pambansang kalagayan na pinangingibabawan ng iilang monopolistang nagnenegosyo sa ating bansa --- mga Kano, Hapon at iba pang dayuhan, at mga Tsinoy, Castilanoy at Pinoy na nabibilang sa mga pinakamayayamang bilyonaryo sa mundo.

Sila ang may kontrol sa importasyon, pag-proseso at distribusyon ng mga produktong petrolyo. Sila ang may kontrol sa generation, transmission at distribusyon ng kuryente. Sila ang may kontrol sa supply ng ating tubig. Sila ang may hawak sa LRT, MRT, NLEX, SLEX at iba pang mga tollways. Sila ang may hawak sa mga bangko at kompanyang pampinansiya, mga airlines at shipping lines, mga telecommunication facilities, mga pangunahing pabatirang pangmadla, mga pantalan at minahan, mga malalaking malls at supermarkets. Sila rin ang may kontrol sa mga ospital, mga malalaking laboratoryo at botika ng mga pangunahing gamot na kailangan sa pangangalaga ng kalusugan ng sambayanan. Sila ang may kontrol sa mga pangunahing pagkain at inumin, mga pabahay at materyales sa pabahay, at lahat ng mga pangunahing pangangailangan ng sambayanan.   

            Sila ang nagdidikta ng mga presyo at singilin, at sa pamamagitan nito ay higit silang yumayaman mula sa pandarambong at panghuhuthot sa sambayanang Pilipino. Ito ang malaking krimen kung paanong ang iilang mayayaman ay higit pang yumayaman, samantalang ang karamihan ng sambayanan ay higit na naghihirap. Ang pandarambong at panghuhuthot ng mga monopolistang kapitalista sa buong sambayanan ay sistematiko at pangmatagalan, at ang “pork barrel” na pinagkakaguluhan ng mga pulitiko sa lahat ng lebel ng pamahalaan ay wala sa kalingkingan ng yaman na nahuhuthot ng mga monopolista.

(II)

Isa ring paboritong kasabihan ng mga komunista na ang gobyerno ay utusan lamang ng naghaharing uri --- ng uring kapitalista. Ang naghaharing uri ang siyang estado na nakapangyayari sa ibabaw ng mga uring gumagawa at iba pang mga uring marginalized sa ilalim ng sistemang kapitalista. Sa isang neokolonyal na bansa na tulad ng Pilipinas, lalo na sa kalagayan ngayon ng globalisasyon ng puhunan o finance capital, ang estado ay hindi isang pambansang estado ng mga Pilipino. Ang estado sa ating bansa ay isang multinational na estado ng mga dayuhan at lokal na monopolista at iba pang malalaking kapitalista. Ang estadong ito ang siyang nagdidikta sa pamahalaan, na siya namang makinarya --- o utusan at tagapagtanggol --- ng naghaharing uring kapitalista.

Nangingibabaw sa ating bansa ang mga imperyalista na kinakatawan sa larangang pangkabuhayan ng mga pandaigdigang institusyong pinansiyal at mga korporasyong transnasyunal. Ang mga institusyon at korporasyong ito ay tuwirang humuhuthot sa ating buong bansa sa pamamagitan ng labis na pagpapatubo sa mga pautang, sa labis na pagpre-presyo sa mga produktong kanilang ipinapasok sa ating bansa, at sa labis na pambabarat sa mga likas na yaman at hilaw na sangkap na kanilang kinukuha sa ating bansa.

Ang pangkabuhayang pangingibabaw ng imperyalismo sa ating bansa ay sinusuhayan ng mga sumusunod :  ng kanilang pamamalaging militar sa ating bansa ; ng kanilang kontrol sa ating sandatahang lakas at ugnayang panlabas ; ng kanilang impluwensiya sa lahat ng pangunahing partido pulitikal sa ating bansa ; ng malawak na hibo ng kanilang propaganda sa mga pabatirang pangmadla rito ; at ng malalim na impluwensiya ng kanilang kultura at wika sa ating pambansang kamalayan.

Ang pangunahing mga patakarang patuloy na ipinatutupad ng mga imperyalista sa ating bansa ay ang mga sumusunod : ang privatization ng mga yamang publiko upang pakinabangan ng mga dayuhan at lokal na kapitalista ; ang deregulasyon o pag-aalis ng mga kontrol sa mga pagpapatubo at gawaing mapanira o mapanugpo ng mga kapitalista ; at ang  liberalisasyon sa importasyon ng lahat ng kalakal (pati na iyong mga pangluho lamang, at iyong mga kumukumpetensiya sa sarili nating mga produkto).

Ang pamumuhunan o finance capital ay walang nasyunalidad ; ito ay laging handang lumipat sa ibang bansa kung saan may higit itong pagkikitaan. Wala itong utang-na-loob sa sambayanan na nagpalaki sa kanya, at wala itong pakialam sa paghihirap na magaganap kapag i-abandona nito ang kanyang bayang pinagtubuan. Ang tanging hangad nito ay ang higit na pagpapatubo, kaya naman madalas nating makita ang paglabas at paglipat sa ibang bansa (pangunahin na sa Tsina) ng puhunang dito sa Pilipinas lumago (pangunahin na ng mga puhunang Tsinoy).

Bale wala ang panawagan ng pamahalaan para akitin rito ang mga dayuhang mamumuhunan, samantalang ang mga mamumuhunan na narito na ay pinapayuhang maghanap ng ibang oportunidad sa ilalim ng ASEAN integration. Alalahanin rin natin na ang pamahalaan, sa pamamagitan ng GSIS at SSS, ay namuhunan sa ibang bansa, sa kabila ng matinding pangangailangan sa gayong pondo ng mga miyembro mismo ng GSIS at SSS.

(III)

            Isa ring paboritong kasabihan ng mga komunista na ang paggawa o labor ang tanging pinagmumulan ng lahat ng value o yaman sa mundong ito. Batay rin sa “Labor Theory of Value”, ay batid maging ng mga ekonomistang burges, ang lahat ng halaga o yaman ay nagmula sa patong-patong na mga pagtratrabaho ng mga manggagawa na kinakailangan upang makakuha ng mga hilaw na sangkap at hanggang sa makagawa ng mga yaring produkto o kalakal. Ngunit ang yaman na nalilikha ng mga manggagawa sa mga prosesong ito ay higit na napupunta sa mga kapitalista, sa pamamagitan ng kanilang pagsaklit o appropriation ng surplus labor ng mga manggagawa. Kung gayon, ang yamang napupunta sa mga kapitalista --- ang puhunan mismo nila --- ay nagmula sa kabuuan ng sambayanang gumagawa, at dapat lamang mabalik sa pag-aari ng buong lipunan ng mga mamamayang gumagawa.

Sa pangkabuuan, malaking bahagi ng yamang nalilikha ng mga uring gumagawa ang nahihigop lamang patungo sa tubo (o profit) ng uring kapitalista. Maliban pa rito, ang malaking bahagi rin ng kakarampot na sinusuweldo ng mga manggagawa ay nahihigop naman tungo sa patubo (interest sa utang) at renta (pangunahin na ang upa sa tirahan) na pakikinabangan rin ng ibat-iba pang latag ng mga kapitalista. At higit pa rito, malaking bahagi rin ng natitirang suweldo ang napupunta sa mga pampamahalaang buwis na nakapatong sa anumang bilihin, serbisyo o utilities na binabayaran ng manggagawa.

(IV)

            Isa pang paboritong kasabihan ng mga komunista ay ganito : hindi makakairal ang lipunan kung walang manggagawa ; ngunit ang lipunan ay maaaring umiral nang walang kapitalista. Ito’y napatunayan na sa matagal na pag-iral ng mga sosyalistang lipunan simula nang magtagumpay ang Dakilang Rebolusyong Sosyalista sa Rusya noong Nobyembre 7, 1917. Ang tagumpay ng rebolusyong iyon ang nagbukas para sa buong sangkatauhan ng bagong epoka ng paglipat mula kapitalismo tungo sa sosyalismo. Sa kabila ng isinasagawa ng imperyalismo na kontra-rebolusyon sa maraming bahagi ng mundo, sa pangkabuuan ay nabubuhay pa rin tayo sa epokang ito ng paglipat sa sosyalismo.

Pangunahin sa pagtatag ng sosyalistang lipunan ay ang pag-agaw ng uring manggagawa sa kapangyarihang pampulitika mula sa uring kapitalista. Ang paglipat sa sosyalismo ay mangangailangan ng pagwawaksi sa kapitalistang pribadong pag-aari sa mga kagamitan sa paglikha (means of production), at ang transpormasyon sa mga iyon bilang panlipunang pag-aari. Sa pamamagitan nito ay mapuputol na ang napakalaking krimen ng pangungulimbat at panghuhuthot na sa kasalukuyan ay nagdadala lamang ng napakalaking pribadong yaman sa iilang mga monopolistang kapitalista. Sa pamamagitan nito, ang estado ng iilang kapitalista ay mapapalitan ng estado ng mga mamamayang gumagawa, at ang pamahalaan ay maglilingkod na sa kapakanan ng mga mamamayang gumagawa na siyang tunay na nakararami sa lipunan. Sa pamamagitan rin nito, mapipigil ang paglabas ng puhunan mula sa ating bansa.

Ang sosyalismo ay nangangahulugan ng sentralisadong pagpa-plano ng buong kabuhayan ng bansa, upang makapagbukas ng trabajo para sa lahat ng manggagawa, at upang mapigilan ang pagkakaroon ng krisis. Tanging ang sosyalismo ang titiyak sa patuloy na pag-unlad ng mga produktibong puwersa na tutugon sa mga pangangailangan ng sambayanan --- sa pagbibigay ng libreng edukasyon, ospitasasyon at mga kalingang panglipunan ; at sa pagtiyak sa nakabubuhay na pasahod, mura at sapat na pagkain, pabahay, pananamit, utilities (tulad ng tubig, kuryente, telepono, atbp.), at mahusay na pagpapaunlad sa kultura at palakasan (sports).

Sa pananaw ng PKP-1930, ang sosyalismo ay isang mahabang yugto ng pagpapahusay sa lahat ng larangan ng pamumuhay ng lipunan, na siyang magiging batayan ng paglipat o transition tungo sa lipunang komunista na wala nang pagkakahati sa uri ang mga tao (pagkakaroon ng classless society) na siyang tuluyang papawi sa panghuhuthot ng tao sa kanyang kapwa, at ng bansa sa kanyang kapwa.

(V)

Sa palagay ko, ang karamihan sa mga delegado sa Ika-4 na Kongresong ito ng NCL ay may pagkakaisa ng pananaw sa mga naunang puntong nabanggit ko rito. Ngunit hayaan ninyo na banggitin ko rin ang ilang pananaw ng PKP-1930 na maaaring maging kontrobersiyal sa ilan. Sana’y tanggapin ang aking paglalahad ng mga pananaw na ito sa spirit o batayan ng prangka, matapat at magalang na pagpapaliwanagan.  

Una, sa kabila ng naging kabiguan ng dating Unyong Sobyet at ng sosyalistang komunidad, ang PKP-1930 ay nananangan na sosyalismo ang umiral doon hanggang noong pagtatapos ng 1980s, kung kailan nalagay sa kapangyarihan ang ilang taksil at tuwirang ahente ng imperyalismo. Ang mga karanasan ng Unyong Sobyet at ng sosyalistang komunidad --- sa paglalapat ng diktadurang proletaryo, sa sosyalisasyon ng mga kagamitan sa paglikha (means of production), sa sentralisadong pagpa-plano ng buong kabuhayan, sa pagpapaunlad sa lahat ng larangan ng pamumuhay, sa pandaigdigang paglaban sa imperyalismo at reaksiyon, at sa pagpapaunlad ng internasyunalismong proletaryo --- ay laging mapaghuhugutan ng mahahalagang aral para sa pagtatatag ng sosyalismo sa iba’t-ibang bansa sa darating na mga panahon.

Hindi papanig ang PKP-1930 doon sa mga nagnanais na bale-walain ang mga karanasang iyon ng tunay na sosyalismo, sa mga nagpapanukala na hindi pa naman nagkaroon ng tunay na sosyalismo sa mundo, at sa mga nagpapanukala na ang sosyalismo ay ngayon pa lamang maitatatag bilang bagong proyekto ng isang bagong “internasyunal”. Hindi rin papanig ang PKP-1930 doon sa mga nagpapanukala na ang sosyalismo ay hindi maitatatag sa iisa o iilang bansa lamang, o doon sa mga nagpapanukala na ang sosyalismo ay magiging kaganapan lamang kung ito’y maipagtatagumpay sa buong mundo nang sabay-sabay. 

Ikalawa, ang PKP-1930 ay hindi nagpapanukala ng tuwirang pagtalon mula sa neokolonyal na sistemang kapitalista, tungo sa isang ganap na sistemang sosyalista. Ito ay batay sa pagsusuri ng PKP-1930 sa objective condition ng kakulangan ng means of production na agad maaaring ma-socialize, at gayundin sa subjective condition ng kahinaan pa ng kakayahan ng uring manggagawa na umagaw ng kapangyarihan para sa tuwirang pagtatatag ng sistemang sosyalismo. Ang lipunang hinog na para sa sosyalismo ay iyong may mga susi at mahahalagang industriya, at may sanay at militanteng latag ng mga manggagawa na handang hawakan at patakbuhin ang mga industriyang iyon para sa kapakanan ng buong sambayanan.

Totoong mayroong mga ilang utilities at pasilidad (tulad ng petrolyo, kuryente, tubig, telepono, railways, expressways, transportasyon, atbp.) na maaari agad ma-socialize o mabalik man lang agad sa pampublikong sektor. Ngunit wala tayong mga batayang industriya na nakalilikha sa karamihan ng ating mga pangangailangan, mula sa ating mga lokal na hilaw na sangkap. Ang marami sa ating bansa ay mga malls na naka-depende sa importasyon ng mga ititindang kalakal, at mga call centers na naka-depende sa pangangailangan ng mga kapitalistang kumpanya sa mga imperyalistang bansa. Kapag mga malls at call centers ang i-socialize, agad rin itong magiging tiwangwang dahil sa gagawing pagbalikwas ng mga kasalukuyang may-ari nito. Ang mga negosyo na hindi nakatuon sa paggamit at pagpapaunlad ng mga lokal na resources para punan ang mga pangangailangan ng ating sambayanan --- lalo na iyong mga naka-depende sa panlabas na supply, at sa pangangailangan lamang ng panlabas na merkado --- ay hindi angkop para sa matatag na sosyalisasyon. 

Kung susuriin naman ang subjective forces para sa pagbabago sa ating bansa, mapapansin na sa katunayan ay kakaunti ang bilang ng mga tunay na proletaryo, o iyong mga regular na manggagawa sa industriya at mga agri-industrial corporations. Mas marami pa ang mga informal workers at agricultural workers na nasa kani-kanilang mga maliliit na negosyo, gawaing-bukid o gawaing-bahay. Isang bahagi pa ng ating mga skilled na manggagawa at mga propesyunal ay wala rito, at naglilingkod sa ibang bansa bilang mga OFWs.

Sa ating kalagayan, imposible ang agad na pagtalon sa ganap na sosyalismo. Imposibleng ma-socialize o gawing collective agad ang pag-aari sa mga sakahan, dahil hindi pa nga natutugunan ang “land-hunger” o pagnanais ng mga magsasaka na magkaroon ng kani-kanilang indibidwal na lupang pag-aari, at hindi pa sila sanay sa sama-sama at malawakan o mechanized na produksiyon. Imposible rin na ma-socialize agad iyong maliliit na tindahan at iyong mga kariton ng mga nagtitinda sa palengke, dahil lamang sa kagustuhang mapawi agad ang kapitalismo at tumalon agad patungo sa ganap na sosyalismo. Lalong imposible ang agarang pagbubukas ng maramihang regular na trabaho na dapat maibigay sa milyun-milyong informal workers upang sila’y tumigil na agad sa kanilang maliliit na pangangalakal o “negosyo”.

Ito ang dahilan kung bakit ang agarang nilalayon ng PKP-1930 ay hindi ang sosyalismo, kundi ang sistema ng pambansang demokrasya na mayroon pa ring mixed economy o iba’t-ibang hugis ng pagmamay-ari sa mga kagamitan sa paglikha. Pangunahin nga lang dito ang papel ng pampublikong sektor, na siyang gigiya sa kabuuan ng pambansang kabuhayan. Sa yugto ng pambansang demokrasya, walang puwersahang pagpapatigil sa maliliit na mga pangangalakal o negosyo, lalo na ng mga informal workers. Ang pagdami ng mabubuksang mga regular na trabaho, dahil sa pag-unlad ng industriya, ang siya mismong aakit sa mga informal workers at mga magsasaka na lumipat patungo sa regular na mga gawain bilang mga pormal na manggagawa.

  Sa pananaw ng PKP-1930, ang sistemang ito ng pambansang demokrasya ang magiging daan tungo sa pagtatatag sa kasunod na sistema ng sosyalismo para sa ating bansa. Walang nakikita ang PKP-1930 na mga ispesipikong “hangganan” o delineations sa pagitan ng mga yugto ng pambansang demokrasya at sosyalismo. Ngunit ang pangunahing pagkakaiba sa pagitan ng mga yugtong ito ay ang lebel o degree ng kontrol ng organisadong mga uring gumagawa sa kapangyarihang pampulitika, at ang lebel o degree ng sosyalisasyon ng mga kagamitan sa paglikha.

Ang pambansang demokrasya ay nakatuon sa nakaplanong pagpapataas sa produksiyon, sa pagbubukas ng nakabubuhay na gawain para sa lahat, at sa pagpapahusay sa pamumuhay ng buong sambayanan --- na pawang magagawa sa pamamagitan ng malawakang industriyalisasyon, sa paglilipat sa pampublikong sektor at sa pag-aaring panlipunan ng mga mahahalagang kagamitan sa paglikha, at sa pagpapalawak sa demokratikong partisipasyon ng mga uring gumagawa sa kapangyarihan sa pampulitikang pagdedesisyon.

Ang sosyalismo naman ay matutuon sa konsolidasyon ng lahat ng kapangyarihan sa kamay ng uring manggagawa, sa konsolidasyon sa pag-aaring panlipunan ng lahat ng mga kagamitan sa paglikha, sa sentralisadong pagpa-plano sa kabuhayan ng buong bansa, sa pagpawi sa mga di-kapantayan sa pagitan ng mga lungsod at kanayunan, sa pagwawaksi sa panghuhuthot ng tao sa kanyang kapwa, sa pagpawi sa pagkakahati ng mga tao sa mga uri, at sa pangkalahatang pagpapatibay sa kamalayang sosyalista. Walang de-kahon na modelo o recipe para sa pagtatatag ng pambansang demokrasya at sosyalismo sa ating bansa, at ang mga ito ay magkakaroon ng mga katangian o features na ispesipikong angkop para sa ating pambansang realidad.

            Ikatlo, kaugnay sa mga layunin na ibagsak ang imperyalismo at mapawi ang kapitalismo, layunin rin ng PKP-1930 ang pagpapahusay sa mga kalagayan ng mga uring gumagawa kahit sa loob pa mismo ng kasalukuyang neokolonyal na sistemang kapitalista. Ang mga kahingian ng mga uring gumagawa --- para sa pagtataas ng suweldo, pagpapahusay ng mga kalagayan ng paggawa, pagpapaikli sa oras ng trabaho, at pagkakaroon ng mga unyon ng kanilang bahagi sa management function sa loob ng pagawaan --- ay maipagtatagumpay kung may malakas at militanteng kilusan ng paggawa.

Batay sa pagsusuri sa mga kongkretong suliranin at pangangailangan ng ibat-ibang saray ng masang Pilipino, ipinaglalaban ng PKP-1930 ang mga pasulong na reporma sa loob ng kasalukuyang sistema. Kaagapay sa paglaban sa kasalukuyang sistema ay isinusulong ng PKP-1930 ang mga kinakailangang kagyat na reporma o demokratisasyon, sa loob mismo ng kasalukuyang sistema, para sa pagpapahusay sa kalagayan ng mahihirap na saray sa ating lipunan. Ang mga repormang ito ay hindi ibibigay mula sa kagandahang loob o pagka-pilantropo ng mga naghaharing uri, o mula sa pagmamakaawa ng mga uring gumagawa. Kinakailangan lagi ang pakikibaka ng mga uring gumagawa at iba pang apektadong saray upang matamo ang anumang reporma. Ang mga reporma ay hindi makapagbabago sa pangkalahatang katangiang mapanghuthot ng neokolonyal na sistemang kapitalista, ngunit maaari lamang makapagbigay ng kaunting kaluwagan na dapat magamit tungo sa pagsusulong ng higit pang mga pagbabago.

Layunin rin ng PKP-1930 ang pagpapalawak sa pampublikong sektor kahit sa ilalim ng kasalukuyang neokolonyal na sistema ng kapitalismo. Ang mga na-privatize na mga industriya ng petrolyo at kuryente, at mga serbisyo ng patubig at expressways, ay dapat mabalik sa pampublikong sektor, upang ang mga ito ay makapaglingkod sa pangangailangan ng nakararaming naghihirap na mamamayan. Layunin rin ng PKP-1930 ang pagpapalawak ng pampublikong sektor sa mga larangan ng pagbabangko at pinansiya, paseguruhan, at sa mga istratehikong industriya at serbisyo na sa ngayon ay hawak ng mga dayuhang korporasyong transnasyunal. Ang pampublikong sektor ay dapat maging huwaran sa pasahuran at kapakanang pang-manggagawa, sa mga pamantayan sa kaligtasan, at sa pagpapalawak sa kamalayang anti-imperyalista at kontra-kapitalista.

            Ikaapat, nais kong banggitin na ang PKP-1930 ay bukas sa pagbubuo ng mga progresibong alyansa na may hayag at de-prinsipyong pagkakaisa ng mga layunin at pamamaraan ng pakikibaka. Ang PKP-1930 ay handa na makipag-dialogue, sa paraang walang pagmamalaki o sektaryanismo, sa mga organisasyong naglalayon rin ng pambansang demokrasya at sosyalismo. Handa ito sa pakikiisa ng pagkilos sa lahat ng maka-sosyalista at makakaliwang puwersa na parehas ring tumatalunton sa mapayapa at pamparliyamentaryong porma ng pakikibaka.

Hindi inaalis ng PKP-1930 ang posibilidad ng pangangailangan ng paggamit ng dahas para sa tuwirang pag-agaw ng kapangyarihan sa panahong mayroon nang makatotohanang mapanghimagsik na kalagayan o “revolutionary situation”. Ngunit kontra ang PKP-1930 sa pagtuturing na isang dogma ang armadong pakikibaka para sa lahat ng kalagayan at panahon. Sa palagay ng PKP-1930, ang protracted o patuloy na armadong porma ng pakikibaka --- ang pamamaslang, pananakot at pagpapadanak ng dugo para sa sinasabing panlipunang pagbabago --- ay matagal nang hindi katanggap-tanggap sa sambayanang Pilipino.

Ang bangkaroteng maoistang idyolohiya na batayan ng dogma ng pagpapatuloy ng armadong pakikibaka sa ating bansa, ay matagal nang ibinasura sa mundo. Sa mga “naiinip” at “nagmamadali” para sa pagbabago, walang naitulong ang halos 45 taon ng armadong pakikibaka ng mga maoista para “pabilisin” kuno ang pagwawaksi sa ating neokolonyal na sitemang kapitalista. Sa pangkabuuan, ang maoistang armadong pakikibaka ay hindi naman nakasaling sa imperyalistang pangingibabaw sa ating bansa ; bagkus, nagamit pa ito upang idamay sa imaheng terorista ang lahat ng nagnanais ng progresibong pagbabago sa ating bansa (pati na iyong hindi kasama sa maoistang pag-aarmas).

Ang maoistang pagpapasabog sa miting-de-abanse ng Liberal Party sa Plaza Miranda noong Agosto 21, 1971, ay nagdala lamang sa pambansang trahedya ng martial law na hindi naman talaga kayang labanan ng maoistang pag-aarmas. Hungkag ang maoistang panaginip ng malawakang pagbabangon noon, at pinaglaruan lang nila ang larangan ng rebolusyon. Pinaglaruan lang nila ang buhay ng napakarami nating mga kababayan. Ang kanilang pag-aarmas ay hindi nakasaling sa mga korporasyong transnasyunal ng imperyalismo. Hindi rin iyon nakasaling sa mga negosyo ni Marcos at ng kanyang mga cronies --- bagamat ang ilang maoistang pag-atake ay nakasira sa ilang negosyong itinuturing na ring kakumpitensiya ng puhunang imperyalista, at kalaban rin ng lumang oligarkiyang nasapawan nina Marcos. Ang maoistang pag-aarmas ay walang naging papel sa pagpapabagsak kay Marcos, at hindi rin nakasaling sa lumang oligarkiyang nakabalik sa pagtitimon sa ating pambansang kabuhayan simula pa noong panahon ni Cory.

Sa maraming pagkakataon, ang pagsapi sa maoistang NPA ay naging daan lamang para sa personal na paghihiganti o vendetta, at sa teroristang pangongotong at pansariling militarisasyon at paghahari sa mga binabansagang “liberated areas”. Sa marami ring pagkakataon, ang mga lumahok sa maoistang pag-aarmas ay napunta sa panloob na pamamaslang o “purges”, sa likidasyon ng mga humiwalay at humihiwalay, at sa paglalabanan ng mga natitirang armadong paksiyon.

Ang mga armas na noong una’y sinasabing tagapaglingkod daw sa rebolusyon at sa masa ay naibaling bilang panakot at pamatay sa mga kasamahang napaghinalaan bilang ahente ng AFP (tulad ng nangyari sa Oplan “Missing Link” at “Kampanyang Ahos”), sa hanay ng ibang mga rebolusyonaryong samahan na walang armadong grupo, at gayundin sa maliliit at mahihirap na nanunungkulan sa pamahalaan, at maging sa masang umaalma sa maoistang pangongotong.

Sa hanay ng mga maoista at dating maoista na kapwa nagmamantine ng mga lokal na armadong grupo, marami na rin ang napunta sa pagiging private army ng mga lokal na pulitiko, sa pagiging illegal loggers, sa pagiging tulisan at mangongotong, at maging sa pagiging recruiters ng mga manggagawang ipinahuhuthot sa mga hidhid na kapitalista. Ito ang kinapuntahan ng marami sa mga nasama sa maoistang armadong pakikibaka --- isang porma ng pakikibaka na wala nang pag-usad, samantalang ang umuusad naman at nakaaakit ng maraming kapanalig ay ang pamparliyamentaryong porma ng pakikibaka.

Bilang panghuli, nais kong banggitin na noon pa mang nakaraang siglo ay nagkaroon na ng mga halimbawa ng pagwawagi sa pamparliyamentaryong pakikibaka ng mga nagpapanukala ng pambansang demokrasya at sosyalismo. Una na rito ang Spanish Republic noong 1931, bagamat iyon ay nilunod sa dugo ng mga pasistang puwersa nina Hitler, Mussolini at Franco sa 1936-1939 Spanish civil war. Sumunod rito ang pagwawagi ni Mohammad Mossadegh bilang prime minister sa Iran noong 1951, ngunit siya ay ibinagsak sa isang kudeta ng CIA noong 1953.

Si Jacobo Arbenz ay nagwagi naman bilang pangulo ng Guatemala noong 1951, ngunit siya ay ibinagsak rin sa isang kudeta ng CIA noong 1954. Sumunod rito ang pagkakahalal kay Salvador Allende bilang sosyalistang pangulo ng Chile noong 1970, ngunit siya ay naibagsak at namatay sa kudeta ng CIA noong Setyembre 11, 1973. Gayunpaman, simula noong dekada ’70 ay nagkaroon ng maraming mga pagsulong sa pamparliyamentaryong pakikibaka ang mga progresibo sa India, Sri Lanka at maging sa Bangladesh, sa kabila ng mga panggugulo ng imperyalismo.

Kung susuriin natin ang pandaigdigang kalagayan nitong nakaraang dalawang dekada, sa maraming bansa ay nagkaroon ng mga pagsulong tungo sa iba’t-ibang sistema ng pambansang demokrasya at sosyalismo na naipagwagi sa pamamagitan ng pamparliyamentaryong mga porma ng pakikibaka, at hindi sa pamamagitan ng pagpapadanak ng dugo. Ito ang pangyayari sa mga bansang kabilang sa Alyansa Bolivariana para sa Americas (ALBA), maliban sa Cuba. Ito ang naging pangyayari sa South Africa at Nepal. Ito’y naging pangyayari rin sa Cyprus, bagamat nagkaroon ng reverses ang rebolusyonaryong partido doon (ang AKEL) sa nakaraang eleksiyon.

Noong nakaraang taon, sa kabila ng pagkamatay ng progresibong si Pangulong Hugo Chavez, naipagwagi sa pamamagitan ng halalan ang pagpapatuloy ng Rebolusyong Bolivariana sa Venezuela. Nahalal bilang pangulo doon noong Abril 2013 si Nicolas Maduro, ang tagapagpatuoy ni Hugo Chavez. Nito namang Marso 2014 ay nagwagi ang Frente Farabundo Marti para la Liberacion Nacional (FMLN) sa halalan sa El Salvador. Nagwagi ang mga lider ng FMLN na si Sanchez Ceren bilang pangulo, at Oscar Ortiz bilang pangalawang pangulo.

Ang FMLN ang nanguna sa 12 taon ng armadong pakikibaka laban sa diktadurang iniluklok ng imperyalismong Kano sa El Salvador noong 1980s. Pero ang FMLN ay pumasok sa isang mapayapang political settlement sa pamahalaan noong 1992, at naging isang partidong pampulitika na lumalahok sa eleksiyon simula noon. Ang pagwawagi ng FMLN sa El Salvador ay dahil sa kanilang tumpak na rebolusyonaryong pananaw, katatagan, tapang at kahusayan sa pagtitipon sa pagkakaisa ng sambayanan sa pamparliyamentaryong pakikibaka.

Saan mang bansa ay kailangan ang pagtitipon sa pagkakaisa ng sambayanan para magtagumpay sa pamparliyamentaryong pakikibaka. Kaya naman patuloy na nananawagan ang PKP-1930 sa lahat ng puwersang progresibo, makakaliwa at makabayan sa ating bansa, para sa pagbubuo ng isang hayag at malawakang pambansang pagkakaisang hanay laban sa imperyalismo at para sa mga progresibong pagbabago. Kailangan ang tunay na pagtutulungan at pakikipagkaisa ng iba’t-ibang progresibong samahan upang labanan at baklasin ang imperyalismo sa ating bansa, at upang isulong ang mga panlipunang pagbabago --- tungo sa pambansang demokrasya at sosyalismo --- para sa kapakinabangan ng naghihirap nating mga uring gumagawa.

Kaugnay sa ganitong panawagan, ang PKP-1930 ay nagpapaabot ng mapanghimagsik na pagbati sa Ika-4 na Kongreso ng National Confederation of Labor (NCL), at umaasa na ang kongresong ito ay maghahatid ng higit na paglakas ng ating pakikibaka tungo sa pambansang demokrasya at sosyalismo.

            MABUHAY ANG PAKIKIBAKA PARA SA PAMBANSANG DEMOKRASYA AT SOSYALISMO !

            Maraming salamat po sa inyong pakikinig.

                                                                                                      KA. TONY PARIS

                                                                                    Pangkalahatang Kalihim, PKP-1930