Mensahe ng PKP-1930 sa Pandaigdigang Araw ng mga Manggagawa (Unang Araw ng Mayo, 2014)

Noong Mayo 1, 1886, inumpisahan ng organisadong mga manggagawa sa Estados Unidos ang apat na araw na pangkalahatang welga para hingin ang limitasyon sa 8 oras ng kanilang pagtratrabaho bawat araw. Sa lungsod ng Chicago, estado ng Illinois, ang demonstrasyon ng mga manggagawa sa unang araw na iyon ng pangkalahatang welga ay ginulo at pinaputukan ng mga pulis at mga probokador na ipinakalat ng mga kapitalista. Maraming demonstrador ang hinuli, at ang apat na pinuno ng pangkalahatang welga sa Chicago  (sina August Spies, George Engel, Adolf Fischer at Albert Richard Parsons) ay binitay noong Nobyembre 11, 1887. Maraming iba pa ang nahatulan ng mahabang pagkakakulong, at ang ilan ay namatay habang nakapiit.

Noong Disyembre 1888, sa kumbensiyon ng pederasyon ng mga unyon sa Estados Unidos, na ginanap sa lungsod ng Saint Louis, nagkaroon ng kapasyahan na magkaroon ng pamamahayag sa Unang Araw ng Mayo na nakatuon sa kahingiang limitahan sa 8 oras ang trabaho bawat araw. Noong Hulyo 14, 1889, sa pagbubukas ng Unang  Kongreso ng Ikalawang Internasyunal (ang samahan ng mga partido sosyalista noon) nagpasya ito na magsagawa ng taunang pamamahayag sa lahat ng bansa sa Unang Araw ng Mayo, bilang pagdakila sa demonstrasyon noong 1886 ng mga manggagawa ng Chicago. Ang pandaigdigang pamamahayag ay itinalaga sa ilalim ng slogan ng pagtatanggol sa mga karapatan ng manggagawa, at ng paglaban sa kapitalistang panghuhuthot at paniniil.

Noong Unang Araw ng Mayo, 1890, unang naganap ang pandaigdigang demonstrasyon ng pagkakaisang proletaryo, sa pamamagitan ng magkakaugnay na mga pamamahayag at welga na isinagawa sa Alemanya, Pransiya, Belgium, Austria-Hungary, Italya, Espanya, Switzerland, Denmark, Norway, Sweden, Finland, Rusya, Estados Unidos, Mexico, Argentina at Cuba. Mula rito, ang pagdaraos ng mga pamamahayag ng mga manggagawa sa Unang Araw ng Mayo ay lumawak hanggang naging tunay nang pandaigdigan.

Sa pag-uumpisa ng 1900s, ang Rusya ang naging sentro ng pandaigdigang kilusang rebolusyonaryo, kung saan ang mga uring gumagawa roon ay nanawagan hindi lamang para sa 8 oras na limitasyon sa pagtratrabaho bawat araw, kundi para rin sa mga kalayaang pampulitika, sa pag-aalis sa Tsar (emperador) at sa sistema ng awtokrasya, at sa pagtutol sa digmaang ibinubunsod ng mga imperyalistang bansa at kaharian. Ang pakikibaka ng mga uring gumagawa sa Rusya ay nahantong sa pagtatagumpay ng Dakilang Rebolusyong Sosyalista noong Nobyembre 7, 1917, kung saan unang nakaagaw ng kapangyarihang pampulitika ang mga manggagawa’t magsasaka. 

Bilang Pandaigdigang Araw ng mga Manggagawa, ang Unang Araw ng Mayo ang siyang araw ng pagdakila sa pagkakaisa ng uring manggagawa na nakikibaka sa kalabang uri na humuhuthot sa kanila. Ito rin ay araw ng pagdiriwang sa mga tagumpay ng uring manggagawa, hindi lamang sa pagkakamit ng dagdag na umento at pang-ekonomikong benepisyo mula sa mga kapitalista at mga pulitiko ng burges na mga pamahalaan, kundi maging sa pagpapalakas sa pampulitikang kilusan ng uring manggagawa. Hindi maitatanggi na ang pinaka-lundo ng tagumpay ng uring manggagawa ay ang kanilang pag-agaw sa kapangyarihang pampulitika at ang kanilang pagtatatag ng sosyalismo. Ang Unang Araw ng Mayo, kung gayon, ay araw ng muling pagtatalaga ng uring manggagawa sa lahat ng bansa sa tunguhing rebolusyonaryo na iwaksi ang kapitalistang paghahari at itatatag ang sosyalismo sa buong mundo.

Ngunit napakaraming mga tangka ng uring kapitalista --- ng burgesya --- na iligaw o palabnawin ang mapanghimagsik na kahulugan ng araw na ito. Nariyan ang ginagawa sa Estados Unidos at iba pang bansa na ilipat ang Araw ng Paggawa sa ibang araw at buwan, o ang pagtatakda rito bilang “family day” para sa mga picnics sa pinakamalapit na araw ng linggo. Sa ating bansa, inililigaw rin ng burgesya at ng iba pang reaksiyonaryo ang pagdiriwang sa Araw ng Paggawa. Ilang taon nang itinatakda ng burgesya at ng pamahalaan ang araw na ito bilang “Araw ng Job Fairs”. Wari’y dapat lamang na pagtiisan sa araw na ito ng libo-libong mga kabilang sa uring manggagawa ang pagpapaligsahan upang matanggap lamang sa mangilan-ngilang bakanteng trabaho, imbes na sumama sa mga pagkilos upang hingin ang tunay na kalutasan sa unemployment --- ang pagwawaksi sa neokolonyal na sistema, at pagtungo sa makabayang industriyalisasyon na magbubukas ng sapat na trabahong may makataong kalagayan at makabubuhay na pasuweldo.

            Isang ilusyon na ibinibigay sa mga “Job Fairs” sa araw na ito ay ang maling pag-asa sa pangingibang-bansa bilang kalutasan ng unemployment. Sa halip na pursigihin ang pamahalaan na gumawa ng mga hakbang upang magbukas ng sapat na trabaho sa loob ng sarili nating bansa, ang ginagawang pag-asa ay ang employment opportunities sa ibang bansa. Ngunit anong uri ng trabaho ang naghihintay sa karamihan ng Pilipinong nagiging OFW ? Sang-ayon mismo sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA), ang karamihang trabaho ay bilang maids o domestic helpers, na may pinagandang katawagang “household service workers” (HSWs).

Noon daw kasing 2013, sa kabuuang 419,257 mga “new hires” sa land-based category, 145,447 o mga 35% ay mga HSWs, na halos lahat ay kababaihan. Kung idadagdag pa rito ang mga tagapag-linis at ang mga laborers/helpers na may kabuuang bilang na 20,910 (o 5% ng kabuuang bilang), lumalabas na 40% ng mga bagong OFWs ay mga maids at katulong. Mas darami pa daw sana ang mga mapapadalang maids kung pumayag lamang ang Hong Kong at Singapore sa patakaran ng POEA na USD$400.00 na ang dapat na minimum na buwanang pasahod sa mga Pinay maids at Pinoy helpers. Sa kabila ng ganitong patakaran, marami pa rin sa mga dayuhang employers ang hindi tumutupad sa ganitong pasahod, at hindi rin makatao ang kanilang pagtuturing sa mga Pinay maids at Pinoy helpers. Sa Saudi Arabia, marami pa ring Pinay maids ang nakararanas ng pagmamaltrato, pagkakakulong sa kwarto, sexual harrassment at mala-aliping kalagayan sa mga pamamahay na kanilang pinaglilingkuran.

Samantala, ilang dekada na ring itinatakda ng simbahang kolonyal na ang Unang Araw ng Mayo ay banal na araw daw ng pagsisimba at paghingi ng tawad at swerte mula kay “St. Joseph the Worker”. Kasalanan daw kasi na “mainggit” ang mga manggagawa sa yaman ng kanilang mga kristiyanong kapitalista, na yamang hindi naman daw nagmula sa mga manggagawa. Ang mga kristianong kapitalista daw ay  umunlad dahil sa swerteng hulog ng langit bilang kapalit ng kanilang mga alay sa simbahan. Kayat tanging sa pananalig lamang daw sa simbahan at sa pagdarasal sa iba’t-ibang mga santo maaaring makakuha ng suwerte ang mga manggagawa. Ang ganitong mga pangaral ay taliwas sa katotohanan na ang yaman ay nalilikha lamang sa proseso ng paggawa, at ang uring manggagawa sa kabuuan ang siyang pinagmumulan ng yamang nakakamkam ng mga kapitalista.

            Maraming iba pang paraan ng pangliligaw sa mga manggagawa ang isinasagawa ng burgesya upang malihis ang tunay na kahalagahan ng Unang Araw ng Mayo. Kaya naman ang araw na ito ay dapat agawin muli ng mga manggagawa bilang  pagdiriwang sa lakas ng pandaigdigang uring manggagawa --- sa lakas ng pagtutol nito sa privatization (o paglilipat sa kamay ng mga pribadong korporasyon) ng mga public utilities, sa lakas ng pagtutol nito sa deregulation sa tubo at operasyon ng mga pribadong korporasyon, sa lakas ng pagtutol nito sa import at trade liberalization, at sa lakas ng pagtutol nito sa pagpapataw ng mga austerity measures sa mahirap na sambayanan.

            Ayaw ng uring manggagawa ang nakabingit o temporaryong mga uri ng trabaho (o “precarious employment”). Hindi rin nito nais ang umasa sa kawanggawa. Ang nais ng uring manggagawa ay ang sapat, produktibo at disenteng mga gawain na magbibigay ng pasahod na makabubuhay sa kanilang mga pamilya. Ang nais ng uring manggagawa ay ang katarungang panlipunan at pagkakapantay na siyang batayan ng kapayapaan at pag-unlad. Ang pagkakaroon ng trabaho ang pangunahing batayan ng dignidad ng tao, ngunit ang pagpapatuloy at maging paglaki ng unemployment ay bahagi ng sistemang kapitalista na nakabatay sa makasariling pagpapatubo.

            Sa globalized na sistemang kapitalista, ang mga manggagawa ng iba’t-ibang bansa ay pinaglalaban-laban para sa limitadong mga trabaho. Walang katiyakan ang trabaho sa ilalim ng kapitalistang sistema na nakabatay sa makasariling pagpapatubo ng mga kapitalista. Ang mga manggagawa sa iba’t-ibang bansa ay pinipilit na tumanggap sa higit pang pagpapababa ng kanilang mga pasahod at kondisyon ng paggawa. Kung gayon, ang pandaigdigang pag-uugnayan at pagkakaisa ng mga manggagawa ay higit pang kinakailangan sa ngayon, upang mawakasan na ang kapitalistang sistema ng kawalang-kapantayan at walang habas na pangangamkam ng mga kapitalista, at upang maitatag ang sosyalistang sistema na mamamahagi sa lahat ng mga yamang nalilikha ng lahat.

Ang kapitalismo ay hindi tugma sa konsepto ng katarungang panlipunan, at ang sistemang kapitalista ay dumating na sa isang “dead end” kung saan patuloy na paglala ng krisis pangkabuhayan, at mas malawak na mga digmaan, ang siya na lamang maaaring maasahan mula rito. Ang imperyalismo --- ang labanan ng mga malalaking kapitalista para sa pagtutubuang mga larangan ng pamumuhunan at likas na yaman sa iba’t-ibang bansa --- ang siyang ugat ng mga digmaan, kung saan ang mga manggagawa ng iba’t-ibang mga bansa ang siyang namamatay at napipinsala.

            Ang pandaigdigang pakikibaka laban sa imperyalismo ang daan sa pandaigdigang kapayapaan at pag-unlad, at sa paglaya ng mga manggagawa ng lahat ng bansa. Ang kalutasan sa kasalukuyang krisis at mga digmaan ay sa pamamagitan ng pagwawaksi sa kapitalismo, at sa pagtatatag ng pandaigdigang sosyalismo, kung saan ang lunggati ay hindi ang pakikinabang ng iilan, kundi ang kapupunan sa mga pangangailangan ng lahat. Ang mga uring gumagawa sa Pilipinas ay may mabigat na tungkulin na ipaglaban ang pambansang demokrasya at sosyalismo sa ating bansa, bilang ating pambansang bahagi sa pandaigdigang pakikibaka laban sa imperyalismo. Tungkulin rin ng mga uring gumagawa sa Pilipinas ang pakikipagkaisa (solidarity) sa mga bansang sosyalista (pangunahin na sa Cuba) at sa mga bansang maka-sosyalista (tulad ng iba pang mga bansang kabilang sa ALBA, o Alyansa Bolivariana sa Amerika Latina at sa Caribbean).

            Sa Pandaigdigang Araw ng mga Manggagawa ngayon, ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP-1930) ay nananawagan sa uring manggagawa ng ating bansa na magkaisa para sa pagtataguyod at pagsusulong sa ating Pambansang-Demokratikong Rebolusyon, bilang daan tungo sa pagtatatag ng sosyalismo sa Pilipinas.