Mensahe para sa Nobyembre 7, 2014

Mga kasama at mga kaibigan :
 
            Una sa lahat ay nais kong pasalamatan ang Pambayang Komite ng ating Partido dito sa Bustos, at ang Panlalawigang Komite ng ating Partido dito sa Bulakan, sa kanilang mga paghahanda na isinagawa upang matiyak ang mahusay na pagdaraos rito sa Casita de San Jose Resort ng ating pagdiriwang ng Ika-84 na Anibersaryo ng Pampublikong Paglulunsad sa ating Partido noong Nobyembre 7, 1930. Gayundin ay idinaraos natin ngayon ang pagdiriwang sa Ika-97 Anibersaryo ng Dakilang Rebolusyong Sosyalista na nagtagumpay sa Rusya noong Nobyembre  7, 1917.
 
Maraming salamat rin sa pagdalo ng maraming kasapi ng ating Partido sa pagdiriwang ngayon ng napakahalagang araw na ito. Bagama’t mas maraming kasapi ang wala rito dahil sa mga suliraning pangkabuhayan, pero malaking kaligayahan para sa ating lahat ang magkaroon ng malakihang pagsasama-sama na katulad nito. Dapat higit na pasalamatan ang ating mga kasama mula sa malalayong lalawigan, na gumagawa ng lahat ng sakripisyo --- gastos, pagod, puyat --- upang makadalo rito ngayon. Sila’y nagbabahagi ng mga balita hinggil sa paglawak at pag-unlad ng ating kasapian --- bagama’t unti-unti --- sa kani-kanilang mga lalawigan. Mamaya ay maghahandog rin sila ng kanilang mga inihandang mga rebolusyonaryong pagtatanghal na pangkalinangan.
 
            Tulad ng alam na nating lahat, ang  ating Partido --- ang Partido Komunista ng Pilipinas o PKP-1930 --- ay itinatag noong Agosto 26, 1930, sa Ika-34 na Anibersaryo ng paglulunsad nina Gat Andres Bonifacio ng Himagsikang 1896 laban sa kolonyalismong Espanyol. Para sa pampublikong paglulunsad ng ating Partido, na itinakda sa Plaza Moriones sa Tundo --- sa pusod ng distrito ng mga mahihirap na manggagawa sa Kamaynilaan --- ay pinili ang araw ng Nobyembre 7. Pinili ang araw na ito ng mga tagapagtatag ng ating Partido --- sa pangunguna nina Kas. Crisanto Evangelista at Antonino Ora --- dahil sa kahalagahan ng Nobyembre 7, 1917.
 
            Inilunsad sa publiko ang ating Partido noong Nobyembre 7, 1930, sa ika-13 Anibersaryo noon ng pagtatagumpay ng Dakilang Rebolusyong Sosyalista sa Rusya, ang kauna-unahang rebolusyong sosyalista sa daigdig. Lagi nating idinidiin na ang rebolusyong iyon ang nagbukas sa bagong pandaigdigang epoka ng rebolusyong sosyalista para sa sangkatauhan. Mula sa larangan ng teorya na binuo nina Karl Marx at Friedrich Engels, ang sosyalismo ay naging realidad sa Rusya, sa siyentipikong pagtatatag rito ng mga Komunistang Ruso sa pamumuno ni Vladimir Ilyich Lenin. Sa ilalim ng kanilang hibo, ang rebolusyong sosyalista ay lumawak sa iba pang mga bansang kalapit ng Rusya, at naitatag ang mapagkapatirang Unyon ng mga Republikang Sobyet Sosyalista noong 1922.
 
Matagal na pinagyaman at pinalakas ng mga mamamayang Sobyet, sa pamamagitan ng napakalaking sakripisyo, ang sosyalistang sistema sa kabuuan ng Unyong Sobyet. Ang pag-unlad ng Unyong Sobyet noon pa man ang siyang nagsilbing inspirasyon sa pagtatatag ng ating Partido dito sa ating bansa, at gayundin sa pagtatatag ng mga Partido Komunista at Partido Obrero sa iba pang mga bansa. Bakit naging inspirasyon ng mga pundador ng ating Partido ang Dakilang Rebolusyong Sosyalista sa Rusya ? Ito’y sapagkat ang sistemang sosyalista na unang naitatag sa pagtatagumpay ng Dakilang Rebolusyong Sosyalista noong Nob. 7, 1917, ang siyang naging kaganapan ng kalayaan at katarungang panlipunan na matagal nang mga pangarap ng sangkatauhan.
 
Pangunahin na, naipakita nito na maaaring maalis ang pribadong pag-aari at kontrol ng mga mapanghuthot na kapitalista mula sa industriya, agrikultura at mga serbisyo. Ang mga ito ay maaari palang ilipat sa pag-aari ng buong sambayanan, at mas epektibo pang mapatatakbo sa pamamahala ng mga uring gumagawa. Sa pamamagitan nito, pwede palang mapawi ang unemployment, at ang lahat ng may kakayahan ay pwede palang mabigyan ng nakabubuhay na trabaho. Ang kabuuan ng pambansang ekonomya, na dati’y pinakikinabangan lamang ng iilang kabilang sa oligarkiya, ay maaari palang ituon sa pagtustos sa mga pangangailangan ng buong sambayanan --- para sa abot-kaya o affordable na pagkain, pabahay, tubig, kuryente at iba pang mga utilities ; para sa libreng edukasyon, hospitalisasyon, pagbabakasyon, mga crèche para sa mga sanggol at bata, at iba pang mga kalingang panlipunan.
 
Naging kaakit-akit ang sosyalismo na naitatag simula noong Nobyembre 7, 1917, dahil sa sosyalismo lamang nagkaroon ng tunay na katarungan, kung saan ang lahat ng tao ay nagkaroon ng pantay na oportunidad sa pagpapaunlad sa sarili at sa lipunan, nang hindi nakabatay sa personal na yaman. Sa ilalim lamang ng sosyalismo napawi ang pang-aaping ethniko o pang-relihiyon, at nagkakaroon ng kultura ng mapagkapatirang kolektibismo at pagtutulungan. Sa ilalim lamang ng sosyalismo nagkatotoo ang kapantayan ng kababaihan at kalalakihan, at natiyak ang katiwasayan ng mga retirado o matatanda. Sa ilalim lamang ng sosyalismo nabigyan ng ayuda ang mga may-kapansanan at iba pang nangangailangan --- bilang bahagi ng kanilang mga karapatang pantao, at hindi bilang limos o kawanggawa mula sa mayayamang kapitalista.
 
            Bagama’t nawala ang Unyong Sobyet at ang sosyalistang komunidad noong 1990s (gawa ng mga ispesyal na ahente ng imperyalismo na nakagapang patungo sa mataas na pamunuan ng mga bansang iyon), ang sistemang sosyalista na naitatag mula sa pagtatagumpay ng Dakilang Rebolusyong Sosyalista sa Rusya noong Nobyembre 7, 1917, ay patuloy pa rin bilang inspirasyon para sa ating Partido at sa lahat ng mga Partido Komunista at Partido Obrero na tumatalunton sa Marxismo-Lenininsmo. Sa inspirasyon ng Dakilang Rebolusyong Sosyalista sa Rusya, puspusang kumikilos ang mga Partido Komunista sa mga bansang bumubuo sa dating Unyong Sobyet at sa dating sosyalistang komunidad, upang muling maitatag doon ang sistemang sosyalista.
 
            Sa okasyon ng pampublikong paglulunsad sa ating Partido noong Nobyembre 7,  1930, inilahad ng ating mga pundador ang 6 na pangunahing layunin ng  ating Partido noon :
 
1. Makibaka para sa kagyat, kumpleto at lubos na kalayaan ng Pilipinas ;
 
2. Lumaban para sa pagpapabagsak ng imperyalismong Amerikano sa Pilipinas;
 
3. Makibaka laban sa panghuhuthot sa masa, at para sa pagtatanggol sa kanilang
mga karapatan ;
 
4. Palakasin ang pagkakaisa ng mga manggagawa’t magsasaka, at patibayin
ang kilusan ng paggawa sa pamamagitan ng pagbaka sa repormismo at oportunismo ;
 
5. Magtatag ng isang sosyalistang pamahalaan na pangungunahan ng
masang gumagawa ; at
 
6. Makiisa sa pandaigdigang kilusang rebolusyonaryo na kinabibilangan ng
Unyong Sobyet at ng mga kilusang mapagpalaya sa iba pang mga kolonya, ukol sa pakikibaka para sa pagwawaksi sa pandaigdigang sistemang kapitalista.
           
Kung ating lilimiin, maraming aspeto ng mga layunin ng ating Partido noon pang 1930 ay hindi pa rin nakakamit hanggang sa ngayon. Hindi pa rin malaya ang Pilipinas mula sa imperyalismong Kano. Patuloy pa rin ang pagdalaw ng mga puwersang Kano sa ibat-ibang bahagi ng ating bansa. Patuloy pa rin ang paghimpil ng mga tropang Kano sa Mindanao, lalo na sa mga lugar kung saan tinutulungan nila ang kanilang mga alipores sa MILF. Patuloy ang manipulasyon ng mga Kano sa mga rebeldeng puwersa na nagagamit nila sa pagpapahina sa ating pambansang soberanya at integridad na pang-teritoryo. Patuloy ang diktasyon sa pamahalaan ng Pilipinas ng mga institusyong kontrolado ng mga Kano at iba pang imperyalista --- tulad ng WB, IMF, WTO, atbp.
 
Patuloy pa rin ang panghuhuthot sa masa, at ang paniniil sa kanilang mga karapatan. Ang repormismo at oportunismo ay patuloy na ipinapain at ipinakakalat upang sirain ang pagkakaisa at militansiya ng mga manggagawa’t magsasaka. Patuloy na binibigyan ng ilusyon ang sambayanan na ang kanilang kaunlaran ay matatamo pa rin sa ilalim ng kasalukuyang sistemang kapitalistang neokolonyal --- lalo pa’t kung sila’y papasok at mamumuhunan sa maliliit na negosyo ; sasama sa mga partido ng mga “trapo” o tradisyunal na pulitikong pawang nakasahod rin naman ang mga palad sa suporta ng mga dayuhan at lokal na oligarkiya sa negosyo at pinansiya ; laging susunod sa makapangyarihang pangaral ni Obama ; at patuloy na mananalig sa milagrosong basbas ng Papa at sa engkantadang langit ng mga anghel at santo.
 
Inaaliw tayo ng mga pabatirang pangmadla, at sinusubuan ng mga kasinungalingan --- mga kasinungalingan hinggil sa kahusayan daw ng privatization ng mga power plants, mga dam at irigasyon, mga riles at expressways, at maging mga ospital at unibersidad. Kasinungalingan hinggil sa kabutihan daw ng deregulasyon sa presyo ng petrolyo at mga singilin sa utilities tulad ng kuryente, tubig at komunikasyon. Kasinungalingan hinggil sa katumpakan kuno ng liberalization ng importasyon ng mga kalakal at serbisyo sa ilalim ng mga free trade agreements at ng ASEAN economic integration. At kasinungalingan hinggil sa diumano’y misyon at krusada ng USA at ng NATO na labanan ang terorismo sa Iraq, Syria, Libya, Afghanistan at sa iba pang mga bansa na winasak ng  USA at ng NATO mismo sa pamamagitan ng mga puwersa na Al-Qaeda o Islamic State na sila rin naman ang nagbuo at nagtustos.
 
Napakalaki ng pagkakaiba ng ating Partido mula sa mga partidong pampulitika ng mga burges. Habang ipinagtatanggol nina PNoy, Binay, Roxas, Drilon, Erap at iba pang “trapo” ang naturang mga kasinungalingan ng imperyalismo, tayo naman ay naglalantad at tumutuligsa sa mga kasinungalingang iyon. Habang ang mga “trapong” iyon ay nagtatanggol sa pagpapatuloy ng kapitalistang sistemang neokolonyal sa ating bansa, tayo naman ang naglalantad sa katotohanan na ang sistemang ito ay dapat nang wakasan at palitan, sapagkat ang pagpapalawig pa sa sistemang ito ay magdudulot lamang ng higit na kahirapan, paghihikahos at kagutuman sa masang Pilipino.
 
Habang ang mga “trapo” ay nakikiisa sa APEC (Asia-Pacific Economic Community), sa World Economic Forum at iba pang mga institusyong imperyalista, tayo naman ay nakikipagkaisa sa mga bansang sosyalista tulad ng Cuba, at sa mga bansang maka-sosyalista tulad ng iba pang mga bansang kabilang sa ALBA (o ang Alyansa Bolivariana sa Amerika). Samantalang ang mga “trapo” ay nakikipaglapit sa pandaigdigang samahan ng mga korporasyon at bangkong transnasyunal, tayo naman ay nagpapatibay sa prinsipyo ng internasyunalismong proletaryo, o ang pakikipagkaisa sa pandaigdigang kilusang Komunista, sa pandaigdigang kilusan ng paggawa, at sa mga kilusan ng pambansang pagpapalaya tulad ng sa Palestine at Puerto Rico. 
 
            Habang umaasa ang mga “trapo” sa patuloy na pamamayagpag ng USA at NATO sa buong mundo, tayo naman ang may pagkaunawa na ang pampinansiyang lakas at pampulitikang hibo ng mga  bansang imperyalista ay papahina na rin, at labis nang apektado ng pang-ekonomikong krisis na likas sa sistemang kapitalista. Tayo rin ang nakapapansin na sa maraming bansang kapitalista mismo --- tulad sa Gresya, Portugal, Espanya at Ireland --- ay lumalakas ang panawagan para sa pagbaklas sa NATO, sa pag-aalis sa sistemang kapitalista, at sa pagtatayo ng sosyalismo.
 
Tayo rin ay may pagkaunawa sa paglakas ng mga alyansang kontra USA-NATO --- tulad ng ALBA, ng CELAC (ang Komunidad ng mga Estado sa Latin America at Caribbean), at ng BRICS (Brazil, Rusya, India, China at South Africa). Gayunpaman, nauunawaan rin natin na dahil sa kapitalistang orientasyon ng 2 pangunahing katunggali ng USA-NATO bloc --- ang Tsina at Rusya --- ang namumuong tunggalian nila ngayon ay isang inter-imperialist confrontation na may malaking banta sa pandaigdigang kapayapaan.
 
Kung susuriin natin ang kalagayan ng ating Partido matapos ng kanyang pag-iral nang 84 na taon, makikita natin na naalpasan natin ang maraming panahon ng kahigpitan. Sa pagsusulong sa ating mapayapa at pamparliyamentaryong landas ng pakikibaka, dapat tayong maging higit na militante ngayon, at dapat itong makita sa pagkilos ng bawat kadre ng ating Partido. Hindi sapat na tayo’y nagsusuri sa mga kalagayan, gumagawa ng mga plano ukol sa mga kinakailangang pagbabago sa lipunan, at nagsasagawa ng mga kampanya at pamamahayag hinggil sa partikular na mga isyu. Sa harap ng sinasadyang pagsasa-isang-tabi sa atin ng mga pabatirang pangmadla, dapat tayong higit na maging masigasig sa pamumuno sa mga pagkilos ng masa para sa kanilang mga karapatan at kapakanan.
 
Higit pa rito, dapat ay bigyan natin ng pangunahing tuon ang pagkakaroon natin ng bahagi ng kapangyarihang pampamahalaan --- hindi lamang sa lokal na mga larangan, kundi maging sa pambansang larangang pamparliyamento. Kung paanong nilalayon ng LP, NP, UNA at iba pang mga partido pulitikal ang kanilang patuloy na pagkontrol sa kapangyarihang pampamahalaan, gayundin ay nilalayon natin na makahawak rin ng bahagi ng kapangyarihang pampamahalaan. Kung paanong ang mga political dynasties ay naghahanda na ngayon pa man para sa paglahok sa eleksiyon ng kanilang mga asawa, kabit, anak at apo, tayo naman ay dapat na naghahanda na rin para sa puspusang paglahok sa pakikibakang elektoral.
 
Gagawin ng ating Partido ang lahat upang maihanda ang ating mga kadre -- lalo na iyong nasa hanay ng kabataan --- upang mahasa sa pagkampanya at paghawak ng mga pampamahalaang posisyon, sa lokal at pambansang mga larangan. Nakatuon ang ating pananaw sa paghubog sa ating mga kadre --- pangunahin na sa nakababata nating mga kadre --- upang makapagpapakita ng gilas sa pamamalakad sa mga pampamahalaang posisyon, at sa pagbibigay ng matapat, epektibo at malinis na paglilingkod sa sambayanan.
 
            Sa nakaraang 84 na taon ng pag-iral nito, ang ating Partido --- sa inspirasyon ng Dakilang Rebolusyong Sosyalista sa Rusya noong Nobyembre 7, 1917 --- ay nanatiling matapat sa kanyang batayang makauri, sa kanyang pagiging Partido ng mga uring manggagawa’t magsasaka sa ating bansa, sa kanyang pagsusulong sa internasyunalismong proletaryo, at sa kanyang pakikibaka para sa pambansang-demokratikong landas tungo sa sosyalismo. Mananatili tayong matatag sa pagtalunton sa landas na ito ng katapatan sa idyolohiya ng Marxismo-Leninismo. Sa paggabay ng idyolohiyang ito, at sa masikhay na pagkilos ng bawat kasapi ng  ating Partido, higit tayong lalakas, uusad at magtatagumpay.
 
MABUHAY ANG IKA-84 NA ANIBERSARYO NG ATING PARTIDO !
MABUHAY ANG PARTIDO KOMUNISTA NG PILIPINAS (PKP-1930) !
MABUHAY ANG IKA-97 ANIBERSARYO NG DAKILANG REBOLUSYONG
SOSYALISTA SA RUSYA !
MABUHAY ANG PAMBANSANG-DEMOKRATIKONG LANDAS TUNGO SA
SOSYALISMO!
MABUHAY ANG PAKIKIBAKA TUNGO SA SOSYALISMO AT KOMUNISMO !
 
 
                                                                                                    KA. TONY PARIS
                                                                                    Pangkalahatang Kalihim, PKP-1930