Mensahe sa Ika-5 Kongreso at Ika-20 Anibersaryo ng Kaisahan ng Maliliit na Magsasaka (KMM)

MENSAHE NG PKP-1930 SA IKA-5 KONGRESO NG

KAISAHAN NG MALILIIT NA MAGSASAKA

(KMM)

-------------------------------------------------------------------------

(Cabiao, Nueva Ecija, Ika-25 ng Abril, 2015)

 

Mga kasama :

 

            Sa pamamagitan ninyo na mga pambansang pinuno at mga delegado sa Ika-5 Kongreso ng Kaisahan ng Maliliit na Magsasaka (KMM), ay ipinapaabot ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP-1930) ang mainit na pagbati sa buong kasapian ng KMM sa okasyon ngayon ng inyong Ika-5 Kongreso at Ika-20 Anibersaryo.

            Ang inyong Kongreso at Anibersaryo ay idinaraos sa gitna ng nakalulunos na kalagayan kung saan ang kabuhayan ng maliliit na magsasaka, at ng iba pang mahihirap na uri at saray sa ating bansa, ay patuloy na nasa krisis.

Ang mga inputs na kinakailangan sa pagsasaka ay kontrolado ng mga ganid na korporasyong transnasyunal at mga korporasyong kontrolado ng lokal na oligarkiya. Ang presyo naman ng mga produkto ng mga magsasaka ay kontrolado ng mga ganid na mga middlemen at processors. Ang kailangang patubig, sa halip na gawing libre para sa magsasaka, ay isinasa-pribado upang maibigay sa kontrol ng ganid na mga korporasyon sa tubig na hawak rin ng oligarkiyang kasapakat ng pamahalaan. Ang tubig na dapat na karapatan sa buhay at produksiyon ng magsasaka ay dumadaan na sa higit na pagtutubo ng hidhid na mga kapitalista, dayuhan man o lokal.

            Ang mga produkto ng ating mga magsasaka ay higit na nababarat dahil sa kumpetensiya ng kahalintulad na mga produkto mula sa ibang bansa, dahil na rin sa patakarang import liberalization ng pamahalaan, at bilang pagtupad rin sa mga patakaran ng World Trade Organization (WTO). Higit pa rito, talamak ang katiwalian sa pagbibigay ng pamahalaan ng mga import permits para sa mga produktong agrikultural mula sa ibang bansa. Pinadadaan pa kunwari sa mga samahan ng magsasaka ang ilan sa mga import permits na ito, ngunit sa katunayan ay pinagpapasasaan lamang ang mga ito ng mga pekeng lider-magsasaka at ng kanilang mga among kabilang sa mga kartel.

Ang mga kartel na ito ay pangunahin nang kontrolado ng mga Tsinoy --- maging iyon man ay kartel sa bigas, kartel sa bawang, kartel sa sibuyas, at iba pang mga kartel sa produktong agrikultural. Sila bale ang may kinalaman sa talamak na katiwalian sa Department of Agriculture at sa iba’t-ibang ahensiya nito, at gayundin sa Bureau of Customs kung saan dumadaan ang imported na mga produktong agrikultural, may permit man o smuggled. Ganito rin ang kalagayan sa negosyo ng pagtrotroso, kung saan kartel rin ng mga Tsinoy ang namamayagpag, sa tulong ng tiwaling mga opisyal ng Bureau of Forest Development (BFD) at ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Nitong nakaraang ilang araw lamang ay ibinunyag mismo ng Commission on Audit ang paglulustay ng Department of Agriculture (DA), sa ilalim ni Kalihim Proceso Alcala, sa pondong nagkakahalaga ng P14.4-Bilyon. Partikular na binanggit bilang mga katiwalian sa DA ay ang ilang proyekto ng National Agriculture & Fishery Council (NAFC), at ang Farm-to-Market Road Development Project ng DA. Kasunod na ibinunyag ang paglulustay ng Department of Agrarian Reform, sa ilalim ni Kalihim Virgilio de los Reyes, sa pondong nagkakahalaga ng mga P12.8-Bilyon, sa maanomalyang infrastructure support projects para daw sa mga agrarian reform communities.

Sa Bureau of Customs (BoC) naman, nagbitiw ang commissioner nito na si John Philip Sevilla dahil hindi na daw niya kaya ang pressure mula sa mga pulitikong nais gumamit sa BoC upang makalikom ng pondo para sa eleksiyong 2016. Syempre pa, ang sinasabing mga pulitikong nais mangotong sa BoC ay iyong mga kabilang sa Liberal Party ni PNoy. Tinuligsa rin ni Sevilla ang pressure ng Iglesia ni Kristo para mailagay ang mga tauhan ng simbahang ito sa sensitibong mga puwesto sa BoC. Ipinalit agad ni PNoy bilang commissioner ng BoC ang dati na ring hepe ng BoC na si Albert Lina, may-ari ng LGC Logistics at iba pang mga kompanya na may mga transaksiyon sa BoC. Inulan agad ng pagtuligsa si Albert Lina dahil sa conflict of interest, bagamat sinabi ng Malacanang na agad raw magda-divest si Lina ng kanyang mga pag-aari sa mga kompanyang may transaksiyon sa BoC.

Mapapansin na ang sinasabing maanomalyang paglulustay ng pondo ng DA at DAR ay isinasagawa sa pamamagitan ng mga proyektong ipinangangalandakan na para daw sa kabutihan ng maliliit na magsasaka na tulad ng kinakatawan ninyo sa KMM. Ang mga paglulustay na ito sa kaban ng bayan ay tulad rin ng naunang ibinunyag na mga katiwalian sa mga “pork barrel” ng mga senador at kongresista --- na kung tawagin ay “Priority Development Assistance Program” o PDAP, at “Disbursement Acceleration Program” o DAP --- na isinangkalan rin kunwari para sa kabutihan ng maliliit na magsasaka at iba pang mahihirap na saray sa ating kanayunan at kalungsuran.

Maliban pa sa mga anomalyang ito, nariyan rin ang lantarang kapabayaan ng pamahalaan sa mga infrastructures sa pang-estadong sektor, upang ihanda ang daan para sa privatization ng mga ito. Sa kapabayaan ng pamahalaan ay unti-unting bumababaw ang mga dams dahil sa siltation, at nasisira ang mga sistema ng irigasyon. Nariyan rin ang kapabayaan sa pagmamantine ng mga hydro-electric plants. Ikinatutuwa lamang ito ng oligarkiya na naghahanda sa pag-take-over sa mga plantang ito, at gayundin ng mga subdivision developers na nais talaga na masira ang mga sistema ng irigasyon upang madali nilang maipa-convert ang kasalukuyang mga lupaing agrikultural.

 

Sa kapabayaan ng pamahalaan ay walang nakalaang pautang na magaan para sa mga maliliit na magsasaka, kaya naman ang maliliit na magsasaka ay kapit-patalim pa rin sa pautang ng mga usurero. Sa kapabayaan rin ng pamahalaan, walang post-harvest facilities na nailalaan para sa maliliit na magsasaka, at walang nagiging pagkakataon para sa mga samahan ng maliliit na magsasaka na maging processors ng sarili nilang mga produkto.

Higit pa rito, ang maliliit na mga magsasaka ay kaisang-palad rin ng mga manggagawa, mga self-employed at iba pang mahihirap na sektor, sa pagiging biktima ng mapanghuthot na oligarkiya na may kontrol sa kuryente, tubig, telekomunikasyon, expressways, LRT/MRT, atbp. Ang mga utilities at pasilidad na ito ay pawang na-privatize, gawa ng sunod-sunod na mga administrasyong sunud-sunuran sa World Bank, IMF at iba pang ahensiyang pampinansiya ng imperyalismo. 

Sa ganitong huthot na kalagayan ng maliliit na magsasaka, ang Kaisahan ng Maliliit na Magsasaka (KMM) ay dapat makapagbigay ng pangunguna sa sektor na ito upang ang mga tunay na ugat ng kahirapan ay matukoy, at ang mga nagpapahirap sa mga magsasaka ay mabaka. Sa nakaraang dalawang dekada ng pag-iral nito, ang KMM ay hindi nagmaliw sa pakikiisa sa pambansang pakikibaka upang kontrahin ang mga programa ng privatization, ng import liberalization, at ng deregulasyon sa pagpapatubo ng malalaking mamumuhunan sa ating bansa. Laging kalahok rin ang KMM sa mga pambansang pakikibaka tulad ng laban sa pamamalagi ng mga puwersang militar ng Kano sa ating bansa, laban sa pagbabayad sa mga maanomalyang utang panlabas ng pamahalaan, laban sa pagpasok ng Pilipinas sa World Trade Organization, laban sa mga kabulukan sa pamahalaan, laban sa pagkasira ng ating kapaligiran, at para sa tunay na repormang agraryo.

Kung paanong nagpatuloy sa matatag na pakikibaka ang KMM sa nakaraang dalawang dekada, inaasahang higit pang magpupunyagi ang KMM sa pagpapanukala ng pagbabago ng sistemang pangkabuhayan at pampulitika sa ating bansa. Dapat maipabatid ng KMM sa sektor ng maliliit na magsasaka na ang kanilang huthot na kalagayan ay dala ng sistemang kapitalista, lalo na sa ating neokolonyal na sistemang kapitalista na nilulukuban ng imperyalismo. Sa panahon ngayon ng mas ibayong panghuhuthot sa maliliit na magsasaka at iba pang mahihirap na sektor sa ating bansa, dapat bigyan ng tumpak na pananaw ang sambayanan na ang katubusan natin mula sa kahirapan ay nasa pagbalikwas sa sistemang neokolonyal, at sa pagsulong sa sistemang sosyalista na ating matatamo sa landas ng pambansang demokrasya.

Tampok na kahingian sa ating agarang layuning pambansang demokrasya ang pagkakaroon ng karampatang bahagi sa kapangyarihang pampulitika ng mga magsasaka. Tungo sa pagsusulong sa pambansang demokrasya ay kinakailangan ang paglahok ng organisadong mga magsasaka sa mga prosesong elektoral. Hinggil rito, sana ay matagumpay na makalahok at magwagi ang KMM sa darating na eleksiyong 2016, upang higit na makatulong ang KMM sa pagsusulong sa pamparliyamentaryong pakikibaka para sa pambansang demokrasya at sosyalismo. 

            Mabuhay ang Kaisahan ng Maliliit na Magsasaka (KMM) !

            Mabuhay ang pakikibaka para sa Pambansang Demokrasya at Sosyalismo !

           

                                                                                                --- Ka. Tony Paris

                                                                                                    Pangkalahatang Kalihim

                                                                                                    PKP-1930