Mensahe sa Pandaigdigang Araw ng mga Manggagawa (Mayo 1, 2015).

Mga kasama !

Rebolusyonaryong pagbati ang ipinapaabot ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP-1930) sa inyong lahat na mga kalahok sa pamamahayag na ito ; sa lahat ng mga manggagawang kinakatawan ninyo sa pamamahayag na ito ; sa lahat ng manggagawang lumalahok ngayon sa iba pang mga pagkilos sa ating bansa bilang pagdiriwang sa Pandaigdigang Araw ng mga Manggagawa ; at sa lahat ng manggagawa sa buong mundo na nagdiriwang rin ngayon sa Pandaigdigang Araw ng mga Manggagawa, maging sila man ay naglilingkod sa pampublikong sektor o sa pribadong sektor, at maging sila man ay nasa larangan ng industriya, agrikultura, serbisyo at mga impormal na gawain.

            Ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP-1930) ay may ginampanang makasaysayang pangunguna sa ating pambansang pakikibaka, simula pa noong 1930, para sa pambansang kalayaan at makauring katubusan. Marami sa mga kagalingang panlipunan simula noon ang naipagtagumpay sa pamamagitan ng legal na mga pakikibakang pinangunahan ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP-1930) at ng mga organisasyong pangmasa na kaugnay nito.

Ilan sa mga iyon ay ang sumusunod : ang pagtatakda ng minimum wage ; ang limitasyon ng arawang trabaho sa 8 oras ; ang limitasyon sa pag-aari sa lupa ng simbahan at mga asyenda, at ang pagkakaroon ng reporma sa lupa ; ang karapatan sa pagboto ng kababaihan ; ang pagpapalawak sa pampublikong edukasyon ;  ang pagkakaroon ng sistema ng workmen’s compensation kung nagkakaroon ng aksidente sa trabaho ; ang pagkakaroon ng sistema ng pensiyon para sa mga retirado ; at ang iba pang mga naunang aspeto ng social security.

            Ang pakikibaka para sa pambansang kalayaan at mga kagalingang lipunan ay laging dinarahas ng mga reaksiyonaryo, at maraming komunista ang nagbuwis ng buhay. Ilan sa mga ito ay sina Crisanto Evangelista na pinaslang ng mga pasista, Juan Feleo na kinidnap at pinatay ng mga asyendero, Manuel Joven na sinalvage ng mga kapitalista, at sina Mariano Balgos, Mateo del Castillo at Guillermo Capadocia na tinugis ng mga puwersang neokolonyal. 

            Sa ngayon, ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP-1930) ay kaagapay ninyo sa patuloy nating mga legal na pakikibaka para sa mga sumusunod : para sa pagkakaroon ng nakabubuhay na sahod at mga benepisyo para sa mga manggagawa ; para sa pagpapalawak sa reporma sa lupa ; para sa abot-kayang pabahay para sa mga manggagawa ; para sa pagpapahusay sa pamantayan ng kaligtasan at kalusugan sa trabaho (o occupational safety and health) ; para sa makabubuhay na pensiyon at iba pang benepisyo para sa mga retirado ; at para sa pagpapalawak sa serbisyo ng pampublikong edukasyon at ospitalisasyon para sa mga manggagawa, magsasaka at iba pang mahihirap na saray ng ating lipunan.

            Gayundin, ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP-1930) ay kaagapay ninyo sa patuloy nating mga legal na pakikibaka : para sa pag-aalis sa mga puwersang Kano mula sa ating bansa ; para sa pag-aalis sa impluwensiya ng Estados Unidos hinggil sa dapat na maging sistema ng pamahalaan sa Mindanao; para sa pag-aalis sa diktasyon sa ating bansa ng World Bank, IMF, World Trade Organization at iba pang pandaigdigang ahensiyang pangkabuhayan ng imperyalismo ; para sa pagtatakwil sa mga bulok at corrupt na mga utang panlabas ng ating bansa ; para sa pagbaka sa mga patakarang privatization, corporate deregulation at import liberalization na labis nang nagpapahirap sa ating sambayanan ; para sa muling pagpapalakas sa pang-estadong sektor ng ating ekonomya; para sa muling pagsasabansa sa mga mahahalagang public utilities tulad ng tubig, irigasyon, kuryente, supply ng petrolyo, transportasyon tulad ng LRT at MRT, telekomunikasyon at mga expressways at tollways ; at para sa pagkakaroon ng mga patakaran para sa pambansang industriyalisasyon, sa pagpapataas ng pambansang produksiyon, at sa pagpaparami ng oportunidad para sa trabaho upang mapawi ang unemployment. 

            Higit pa rito, at ito ay tinungkol nito simula pa noong 1930, ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP-1930) ay patuloy na nagbabandila sa pangangailangan para sa pagsulong ng Pilipinas tungo sa sistemang sosyalista. Tanging ang sistemang sosyalista --- na unang sinapantaha sa siyentipikong paraan nina Karl Marx at Friedrich Engels, at unang matagumpay na naitatag sa Rusya sa pamumuno ni Vladimir Lenin noong 1917 --- ang papawi sa malawakang krisis na likas sa sistemang kapitalista, lalo na sa neokolonyal na sistemang kapitalista na siyang patuloy na kalakaran sa ating bansa.

            Ang sosyalismo ay natural na tunguhin ng uring manggagawa na ang kapakanan ay nasa paglaya mula sa paghihirap at huthot na kalagayang dulot ng kapitalismo. Ang sosyalismo ay ang paghawak sa pamahalaan ng uring manggagawa. Ang sosyalismo ay ang paglilipat sa pag-aari sa industriya, bangko at mga pangunahing yaman ng bansa, mula sa kamay ng iilang kabilang sa oligarkiya, tungo sa pag-aari ng kabuuan ng lipunan. Ang sosyalismo ay ang pagtatakda ng planong pangkabuhayan para sa buong bansa, upang ang krisis ay maiwasan, upang ang mga batayang pangangailangan ng sambayanan ay mapunan, upang matiyak ang pagkakaroon ng trabaho para sa lahat, at upang maitakda ang patuloy na pagtataas sa lebel ng pamumuhay at kasaganahan para sa lahat.

Sa ilalim ng sosyalismo ay mapapawi ang unemployment, matitiyak ang nakabubuhay na pasahod at mga benepisyo para sa lahat ng nagtratrabaho, at matitigil ang kahiya-hiyang pag-e-export natin ng mga Pilipino upang gumawa ng mabababang uri ng gawain sa ibang bansa. Sa ilalim ng sosyalismo ay mahusay na mapapatakbo ng uring manggagawa ang pambansang kabuhayan, upang ang pagtutubo ay hindi na mapupunta sa bulsa ng mga kabilang sa oligarkiya, kundi matutuon na sa pagtustos sa libreng edukasyon, libreng ospitalisasyon, libreng patubig, abot-kayang pabahay, murang kuryente at pampublikong transportasyon at komunikasyon, at sapat na pensiyon para sa lahat ng matatanda. Sa ilalim ng sosyalismo ay mapapawi rin ang negatibong aspeto ng rehiyonalismo at pagsasarili ; maitatanim ang kultura ng pambansang pakikipagkaisa at internasyunalismo ; at mapapayabong ang tunay na pagmamahal at pagkalinga sa kapwa.

Maraming bansa sa ngayon --- pangunahin na ang Venezuela at iba pang kaanib sa Alyansa Bolivariana (o ALBA) sa Timog Amerika --- ang tumatahak sa mapayapang mga landas tungo sa sosyalismo. [Sa bagay nga palang ito ay dapat nating ipakita ang ating pakikipagkaisa sa rebolusyong Bolivariana sa Venezuela, sa pangunguna ngayon ni Pangulong Nicolas Maduro, na nais ibagsak ng imperyalismong Kano.] Ang sosyalismo, maging sa ating bansa, ay maaaring matamo sa mapayapa at pamparliyamentaryong pakikibaka. Para sa Pilipinas na isang neokolonyal na bansa na kulang sa mauunlad at nagsasariling mga industriya, ang sosyalisasyon ay hindi maaaring maisagawa sa isang iglap. Ang landas tungo sa sosyalismo para sa ating bansa ay sa pamamagitan ng Pambansang Demokrasya, kung saan ang mahahalagang industriya at mga utilities na kailangan ng sambayanan ay dapat alisin mula sa kuko ng oligarkiya, at maibalik sa pampublikong sektor, at kung saan ang uring manggagawa ay dapat magkaroon ng mahalagang papel sa pamahalaan.

Sa yugto ng Pambansang Demokrasya ay maihahanda ang maliliit na mga sakahan at ang maliliit na negosyo ng mga self-employed tungo sa pagsasa-kooperatiba, upang maipaunawa sa mga maliliit na magsasaka at sa mga self-employed na ang pangmalayuang kapakanan ng kanilang mga pamilya ay hindi sa patuloy sa pagiging maliit na magsasaka o maliit na negosyante, kundi nasa malawak na larangan ng pagiging manggagawa na mabubuksan para sa lahat.

            Kung gayon, sa okasyon ngayon ng Pandaigdigang Araw ng mga Manggagawa, ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP-1930) ay nananawagan sa lahat ng manggagawang Pilipino na magsuri at umunawa na ang ating katubusan bilang uring anak-pawis --- ang ating paglaya mula sa panghuhuthot at karalitaan --- ay nasa pakikibaka para sa Pambansang Demokrasya at Sosyalismo.

            Mabuhay ang Pandaigdigang Araw ng mga Manggagawa !

            Mabuhay ang pakikibaka para sa Pambansang Demokrasya at Sosyalismo !

            Mabuhay ang pagkakaisa ng uring manggagawa !

            MAGTATAGUMPAY TAYO !

                                                                                                     KA. TONY PARIS

                                                                                    Pangkalahatang Kalihim, PKP-1930