Mensahe sa Pandaigdigang Araw ng mga Manggagawa (Mayo 1, 2016).

Ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP-1930) ay nagpapaabot ng pakikiisa sa lahat ng mga kabilang sa uring manggagawa sa ating bansa at sa buong daigdig na nakikibaka laban sa kapitalistang panghuhuthot at barbarismo. Saan mang bansang kapitalista ngayon ay ipinapakita ng uring manggagawa ang ganitong pakikibaka sa pamamagitan ng mga pag-aaklas, pamamahayag at iba pang porma ng pagtutol sa pamamahala ng uring kapitalista o burgesya.

            Dala ng patuloy na paglala ng kapitalistang krisis, ang pampulitika at pang-organisasyong paglakas ng pandaigdigang proletaryo ang magiging isa sa mga pangunahing salik sa pagbabago ng mundo sa nalalapit na panahon. Puno ng pag-asa sa pagtatagumpay ng pakikibaka ng uring manggagawa, sinasaluduhan ng PKP-1930 ang Pandaigdigang Araw na ito ng Uring Manggagawa.

            Tinutuligsa at pinabubulaanan ng PKP-1930 ang mga burges at oportunistang teorya na ang labanan ng mga uri ay napapawi na. Sa katunayan, sa kabila ng mga pagbabago sa istruktura at komposisyon ng uring manggagawa –- dala ng mga pagbabago sa mga proseso ng produksiyon dulot ng mga kaunlarang pang-teknolohiya –- ang uring manggagawa ay lumalago sa dami at kalidad bilang siyang batayang puwersang produktibo ng lipunan, at patuloy na lumalaban sa kapitalistang panghuhuthot.

            Sa bawat bansa ay may mga pagkakaiba at pagbabago-bago sa pagkakatalatag at konsentrasyon ng uring manggagawa sa iba't-ibang sektor. May iba't-iba ring trends o bilis ng pagkasira at pagkawala ng mga maliliit na produksiyong agrikultural at maging ng mga panggitnang mga latag ng mga manggagawang nasa tagapangasiwang mga tungkulin. Maging ang mga pagbabago sa mga agos ng migration dala ng pagbubukas ng gawain sa ibang bansa o dahil sa paglikas mula sa mga digmaan, o ng paglipat ng gawain at tirahan sa loob ng bansa dala ng pagbubukas ng mga bagong sentro ng pagpro-prosesong industriyal, ay may impact sa bilang at kalidad ng pamumuhay ng uring manggagawa.

            Ang lahat ng mga salik na ito ay patuloy na pinag-aaralan ng mga komunista sa bawat bansa, upang mapahusay ang kanilang mga istratehiya at taktika, upang mapaunlad ang makauring pagkakaisa ng mga manggagawa, at upang mapalakas ang pakikipag-alyansa sa iba pang mga mahihirap na saray ng lipunan. Ang ganitong mga pagbabago ay nagpapatunay lamang sa dati nang konklusyon na ang uring manggagawa ang siyang makinang pwersa na nagtutulak sa panlipunang kaunlaran, at ang misyon ng uring ito sa kasaysayan ay ang pagbabagsak sa uring kapitalista, ang pagwawaksi sa pribadong pag-aari sa mga kagamitan sa paglikha, at ang pagpawi sa mga uri at sa panghuhuthot ng tao sa tao. Walang ibang puwersang panlipunan ang makatutungkol sa ganitong makasaysayang gawain.

            Ang realidad ngayon ng grabeng krisis pangkabuhayan ng kapitalismo, na pare-parehas na makikita sa karamihan ng mga bansang kapitalista, ay nagpapatunay lamang muli na ang kapitalismo ay nakabalaho na sa kanyang pinaka-parasitikong yugtong imperyalista. Ito ang yugto ng sadyang pagdudulot ng malawakang kawalang-trabaho at paghihikahos sa maraming bansa ; ng grabeng panghuhuthot at pagpapahirap ng mga oligarko sa bilyun-bilyong manggagawa sa buong mundo ; at ng paglulunsad ng mga digmaan para sa pagpapalawak ng mga negosyo ng mga monopolyo, para sa paghahati-hati sa mga merkado, at para sa pag-agaw sa mga likas na yaman at iba pang pinanggagalingan ng yaman.

            Saan mang bansang kapitalista, ang karapatan sa regular at disenteng kondisyon ng paggawa ay hindi na natitiyak. Ang kontraktwalisasyon --- ang paglimita sa bilang ng buwan ng trabaho para hindi maging regular ang status, at ang tuloy-tuloy na pagkuha ng iba't-ibang temporaryong mga manggagawa mula sa mga “ahencia” o labor-contractors --- ay kalakaran hindi lamang sa ating bansa kundi maging sa mauunlad na bansang kapitalista. Ang mga manggagawa saan mang bansang kapitalista ay nagdurusa sa kalagayan ng kawalang-katiyakan at kawalang-proteksiyon.

            May agarang pangangailangan para sa kabuuan ng kilusang paggawa at ng progresibong  mga samahan na kumprontahin ang ganitong tipo ng panghuhuthot, at makibaka para sa seguridad sa trabaho, panlipunang proteksiyon, disenteng pasahod, at makataong mga karapatan. Ang pandaigdigang lawak at pagkakaparehas ng ganitong problema ay nangangailangan ng koordinasyon at komprehensibong pagkilos sa pandaigdigang larangan din.

            Kaugnay ng higit na mapanghuthot at mapanupil na mga patakaran ng burgesya laban sa uring manggagawa, pinauunlad rin ng burgesya (lalo na sa Europa ngayon) ang racist, religious supremacist at iba pang mga reaksiyonaryong idyolohiya na naglalayong paghiwa-hiwalayin at paglaban-labanin ang mga manggagawa. Ang ganitong mga idyolohiya ay nagliligaw sa mga manggagawa mula sa kanilang makauring pagkakaisa at nagkakaisang pakikibaka para sa pagkaka-pantay-pantay, katarungang panlipunan at sa pagtatayo ng lipunang sosyalista.

            Ang pangkabuhayan at panlipunang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista ay nagpapakita sa makasaysayang hangganan ng sistemang ito. Ang patuloy pa nitong pananaig –- ang patuloy pang pagpapalawak at  sentralisasyon ng mga pribadong kagamitan sa paglikha, para sa higit na pagpapayaman ng iilang kabilang sa burgesya at sa mga elitistang oligarkiya –- ay mangangahulugan ng barbarikong pagkalagas ng mga mamamayan dala ng paghihikahos at mga digmaan.

            Ang uring manggagawa, na walang pag-aaring kagamitan sa paglikha, ay may tungkuling pigilan ang ganitong barbarismo sa pamamagitan ng pagganap sa makasaysayang papel nito bilang “tagapaglibing” sa sistemang kapitalista. Ngunit ang ganitong makasaysayan at rebolusyonaryong papel ng uring manggagawa ay naka-depende sa makauring kamalayan ng uring manggagawa, at sa kanilang pagkaka-organisa bilang masugid na kalaban ng burgesya at bilang militanteng tagapagsulong ng pag-agaw ng kapangyarihang pang-estado para sa kanilang sariling uri.

            Ang uring manggagawa ay hindi magtatagumpay habang nakatali ito sa mga konsepto ng “pakikipag-unawaan”, “pakikipag-tulungan” at “pakiki-pamayapa” sa uring burges, tulad ng itinuturo ng mga repormista at oportunista. Ang maraming dekada ng kawalang-pagsulong ng kapakanan ng uring manggagawa ay dahil na rin sa pagkakatali ng malaking bahagi ng kilusang unyonismo sa ganitong mga konsepto na pinalaganap ng mga puwersang “soc-dem” at oportunista. Sa ngayon, isang pangangailangan na para sa patuloy na pagpapayaman ng burgesya ang pagbawi sa pinakabatayang mga karapatan at benepisyo na napagtagumpayan ng uring manggagawa sa nakaraang mga dekada ng makauring mga pakikibaka sa pambansa at pandaigdigang mga larangan.

            Ang pakikibaka ng uring manggagawa para pigilan ang mga kontra-mamamayang gawain ng burgesya, at para isulong ang mga pangkabuhayan at panlipunang mga kahingian sa ilalim ng sistemang kapitalista, ay epektibong kaugnay sa pakikibaka para sa isang lipunang sosyalista. Dapat na maging mulat ang uring manggagawa na ang ganitong mga pakikibaka at kahingian ay mga hakbang tungo sa pagwawaksi sa sistemang kapitalista --- para sa pagtatatag sa sistemang sosyalista. Sa neokolonyal na kalagayan ng ating bansa, dapat malinaw sa mga uring gumagawa sa ating bansa na ang ating nilalayong mga pambansang-demokratikong pagbabago ay daan tungo sa sosyalismo.

            Ang paglalatag ng mga pangkabuhayan, panlipunan at pampulitikang mga kahingian, batay sa mga pangangailangan ng uring manggagawa at ng sambayanan, ay dapat na nakatuon sa pagtitipon at paghahanda sa lakas ng uring manggagawa para sa mahayap na mga pakikipag-komprontasyon sa sistemang mapaghuthot. Ang mga kahingian ay hindi dapat limitado sa pagtatamo ng iilang mga benepisyo lamang, kundi dapat ay may pangmalayuang pananaw ukol sa pagbabalikwas sa kapitalistang barbarismo. Ang uring manggagawa ang siyang gumagawa ng yaman ng lipunan, at ang yamang ito ay dapat kunin at maibalik sa uring manggagawa sa pamamagitan ng pakikibaka nito para sa pagtatamo ng kapangyarihang pang-estado.

            Mabuhay ang Pandaigdigang Araw ng Uring Manggagawa !

            Mabuhay ang internasyunalistang pagkakaisa ng uring manggagawa, ng  internasyunalismong proletaryo !

            Manggagawa ng lahat ng bansa, magkaisa !

                                                                                                KALIHIMAN NG KOMITE SENTRAL

                                                                                                                        PKP-1930