Multo, Virgin Birth, Anghel at Iba pang Kababalaghan

Naniniwala ka ba sa multo ? Tuwing may film festival sa ating bansa, tulad nitong nakaraang pasko, ay laging may mga pelikula tungkol sa mga multo, aswang at iba pang “masasamang espiritu”. Kaya naman hindi pa rin nababawasan nang husto ang naniniwala sa ganitong mga nakatatakot na pamahiin. Madalas pumapatok sa takilya ang ganitong mga pelikula, kahit hindi naman nakakaaliw, dahil sa mga sikat na mga artista na ginagamit at nagpapagamit sa pagpapakalat sa ganitong mga pamahiin.

Sumusunod lagi dito ang mga balita hinggil sa sinasabing mga “sinasapian” ng “masasamang espiritu”, at mga bahay o kwarto o gamit na tinitirhan daw ng masasamang kaluluwa. Syempre, kailangan daw na magpatawag (at magbayad) ng mga “banal” na tao na may kapangyarihan na magpaalis o mag-“exorcise” daw sa “masasamang espiritu”. Sa pamamagitan ng pagpapakalat ng takot sa ganitong mga sinasabing “hindi-maipaliwanag-na-mga-pangyayari”, napalalakas ang hibo ng relihiyon at ng mga pari sa mga taong madaling matakot --- bagay na ikinatutuwa ng mga simbahan. Higit ring lumalakas ang konsumo ng kuryente kapag dumadami ang natatakot magpatay ng ilaw sa gabi, bagay na ikinatutuwa ng mga ganid na may-ari ng Meralco at mga electric companies.

Sa mga probinsiya ay mas marami pang mga pamahiin --- tungkol sa mga “wakwak” o aswang na anyong malaking paniki daw, mga”santelmo” o espiritung may anyong apoy daw, mga tikbalang, mga sumpa o “gaba”, mga kulam o “barang”, atbp. Panglaban naman daw sa mga ito ang tubig na binasbasan ng pari. At mas matapang daw kung obispo o mas mataas pa ang nagdasal sa tubig, dahil siguro mas matapang ang kanilang laway at hiya, lalo na kung nakatanggap sila noon ng regalong pajero o SUV mula sa PCSO “pork barrel” ng rehimeng GMA. At syempre, panglaban din daw ang mga “anting-anting” o “agimat” na nakukuha daw sa pag-oorasyon ng mahiwagang mga dasal sa Latin. Isama na rin dyan ang pungsoy (“feng shui”) kung marunong kang mag-Intsik.  

May problema nga lang sa ganitong mga paniniwala, na makikita sa ating kasaysayan. Noong panahon ng pananakop ng Kano, at maging noong “panahon ng Hapon”, ay wala maski isang sundalong Kano o Hapones ang iniulat na napatay o nakagat ng aswang o multo, sinapian ng “masamang espiritu”, o kaya’y na-kulam. Wala ring nagawa ang mga “anting-anting” o “agimat” upang harangin ang bayoneta, bala o bomba ng mga mandarambong na Kano at Hapones. Hindi ito dahil lamang sa noong panahon ng Kano at Hapon ay sumumpa ng katapatan sa mga imperyong Kano at Hapones ang mga simbahan sa Pilipinas. Ito ay dahil sa ang mga pamahiing ito ay pawang kathang-isip lamang na naipapasa-pasa sa kasunod na henerasyon, sa impluwensiya na rin ng mga relihiyon at simbahan.

Ang mga “misteryo” at “milagro” na siyang mga ugat at naisin ng mga pamahiin ay mas madaling napapalis o napatutunayang hungkag kapag ang tao ay humaharap sa realidad nang hindi umaasa sa tulong ng mga espiritu, milagro o dasal. Noong panahon ng pananakop ng Kano, at noong “panahon ng Hapon”, humarap ang sambayanan sa realidad na ang malupit na pananakop na iyon ay hindi maaalis sa pamamagitan lamang ng pagdarasal para sa milagro o tulong ng mga espiritu. Ang mga dating kinatatakutang lugar (tulad ng mga kagubatan at kabundukan) ay sinuong upang makaiwas sa panunugpo. Ang mga dating pananangan sa dasal at “agimat” ay naaalis, at napapalitan ng siyentipikong pagsalalay sa mga materyal na gamit sa pagtatanggol at paglaban.

Gayunpaman, habang may mga organisadong relihiyon ay laging may magpapatuloy sa pagtuturo ng mga pamahiin --- hinggil sa labanan ng demonyo at anghel, hinggil sa mga “misteryo” at “milagro”, at hinggil sa pangangailangan ng bulag na pagsampalataya sa kanilang mga kwento at sa kanilang simbahan na siyang tanging tagapagligtas daw ng mga kaluluwa. Ang mga turo ng simbahan na ang ibat-ibang personalidad ng “diyos” ay pawang mga lalake lamang --- at kung gayon ay pawang lalake lamang ang maaaring maging pari, obispo, kardinal at papa --- ay nagpalala pa sa pangkalahatang diskriminasyon laban sa kababaihan. Maging sa larangan ng pamahiin, hindi pwedeng maging pinaka-makapangyarihang “diyos” ang babae --- pero pwede lang siyang maging pinaka-makapangyarihang aswang, mangkukulam (witch) at manananggal.

“Virgin Birth” ?

Isang “misteryo” o “milagro” na hindi daw dapat pagdudahan ay ang “virgin birth” ni Maria kay Hesus. Si Maria daw ay binuntis ni Holy Ghost matapos pasabihan ng isang archangel, kaya nanatiling birhen hanggang sa manganak. Hindi maipaliwanag kung paano binuntis ni Holy Ghost si Maria, o kung inunahan ni archangel si Holy Ghost. Hindi rin daw ginalaw si Maria ng kanyang kalaguyong si Jose (Joseph), kaya naman virgin birth nga daw ang panganganak ni Maria. Huwag mo raw pagdudahan si Jose. Basta “misteryo” nga, na dapat lang paniwalaan. At dahil ang tiyak daw na bumuntis kay Maria ay si Holy Ghost na isang “diyos”, ang anak nilang si Hesus ang siyang “diyos-anak”.

Huwag mo nang tanungin kung bakit si Holy Ghost, na siyang tunay na ama daw ni Hesus, ay naiiba pa kay “diyos-ama”. Basta misteryo nga raw. Dito sa nakalolokong kwentong ito nagsimula, noong panahon ng malawakang kamangmangan, ang relihiyong Kristiyanismo. Bagamat nahati sa magkakalabang simbahan na iisa naman ang pinag-uugatang kwento, ang relihiyong ito ay naging malawak at mayamang imperyo na siyang nagtulak sa pandaigdigang kolonyalismo ng mga bansang Europeo.

Kung ang dogma ng “virgin birth” ay malawakang pinaniwalaan noong panahon ng kamangmangan, ito kaya ay katanggap-tanggap pa rin sa panahon ngayon ? Sa survey na inilabas ng British Medical Journal nitong buwang ito, isa daw sa bawat 200 nanganganak sa USA ang nagsasabi na sila ay nabuntis nang hindi naman sila nakikipagtalik, at hindi rin naman ginamitan ng “in-vitro fertilization” o anumang “assisted reproductive technology”. “Virgin birth” daw ang kanilang panganganak, sang-ayon sa ilang nanganak.

Ngunit pinansin ng British Medical Journal na ang “virgin birth” ay nangyayari lamang sa ilang non-human organisms na nakapagsasagawa ng “asexual reproduction”. Tungkol sa tao, malamang daw ay “makakalimutin” lang iyong mga nagsasabi na ang kanilang panganganak ay “virgin birth” dahil wala silang naging katalik. Kailan kaya aaminin ng mga simbahang kristiyano na imposible nga ang “virgin birth”, at malamang ay “makakalimutin” rin si Maria ? Mahirap siguro nilang aminin ang ganitong katotohanan, dahil guguho ang lahat ng pundasyon ng kanilang mga ipinakalat na pamahiin tungkol sa existence nina Holy Ghost at ng messenger niyang archangel, at tungkol sa kabanalan nina SusMarYosep (Hesus, Maria at Joseph).

Sa isang balita mula sa Italya, sinabi ni Don Fabrizio Borrelio, isang pastor sa bayan ng Rieti, na maaaring “virgin birth” nga ang nangyari sa isang 31-taong-gulang na madre na nanganak doon nitong buwang ito. Ang madreng iyon, na hindi pinangalanan, ay nabigla daw nang ipanganak niya ang isang sanggol na lalake matapos siyang dalhin sa isang ospital dahil sa inaangal niyang “stomach cramps”. Ang sanggol ay pinangalanan niyang “Francis”, bilang parangal daw sa kasalukuyang pope na si Francis. Ang madreng nanganak ay kabilang sa “Little Disciples of Jesus'' convent sa Campomoro, katabi ng Rieti, na nangangasiwa sa isang tuluyan para sa matatanda (home for the aged) doon.

Nang kumalat ang balita hinggil sa panganganak na ito, hiniling ni Mayor Simone Petrangi ng Rieti na bigyan na lang ng privacy ang nanganak na madre. Ang mga kasamahang madre sa kumbentong iyon ay nabigla rin daw sa “misteryosong” pagbubuntis ng kanilang kasamahang “holy sister”. Ipinilit pa ni holy sister sa isang panayam sa Ansa News Agency na hindi raw niya alam na buntis siya, at nakaramdam lang daw siya ng pananakit ng tiyan. Siguro talagang makakalimutin lang si holy sister. Wala kayang nagngangalang Padre Damaso sa lugar na iyon ? 

Anghel at Demonyo ?

           Sa isa pang balita mula rin sa Italya, nagdaos daw ng isang mahalagang kumperensiya saPalazzo della Cancelleria, isang palasyo sa Roma na pag-aari ng Batikano. Ang paksa ay hinggil samga anghel at mga demonyo. Nag-lecture doon ang sinasabing pangunahing expert na “angelologist” ng Batikano, na si Padre Renzo Lavatori. Alam naman natin na wala namang anumang siyentipikong batayan ang paniniwala sa mga anghel at espiritu, kaya mahirap isipin kung paano siya naging expert na “angelologist”.

Ngunit sa kabila ng pagiging expert, hindi niya masabi kung ano ang kasarian ng mga anghel, at kung maypersonal na “guardian angel” ang bawat tao (anuman ang kanyang relihiyon). Pero ano nga kaya ang kasarian ng anghel – lalake, babae o LGBT ? Batay kaya iyon sa kasarian ng binabantayang tao ? O may kinalaman kaya ang “anghel-de-la-guardia” sa nagiging sexual preference ng kanyang binabantayang tao ? Walang maibigay na sapantaha ang expertong ito. Kahit man lang hula (tutal puro guni-guni lang naman ito, kaya pwede naman siyang manghula na lang sana).

Pero mayroon siyang bagong “natuklasan” mula sa kanyang mga “pagsusuri” : wala daw palang pakpak ang mga anghel. Dito masisira ang lahat ng imahen sa lahat ng mga simbahan, kung saan ang mga anghel ay laging may dalawang pakpak. Sa mga Russian Orthodox churches, may mga nakapintura pang mga archangels na apat (4) ang pakpak, na para bang eroplano na mas mabilis kung apat ang makina kaysa kung dalawa lang ang makina. Masisira rin dito ang paniniwala ng ibang relihiyon tungkol sa mga banal na kabayong may pakpak, tulad sa nangyari daw sa pagpanaw ni Mohamad kung kailan siya ay inilipad ng kabayong si Bouraq patungong kalangitan. (Mas “classy” nga lang ang istoryang ito kaysa sa tradisyunal na istorya ng “ascension” o “paglutang” nina Hesus, Maria at ilang naunang propeta patungong “langit”.)

Sang-ayon kay Padre Lavatori, ang mga anghel daw ay hindi nakikita, at maaari lamang “madama” tulad ng mga silahis ng liwanag ng araw. Naks, ang galing naman ng bagong findings na ito. Sinegundahan pa ito niMonsignor Giovanni Tonucci, pinuno ng Loreto Marian Sanctuary, na nagsabi na ang mga anghel daw ay mga “purong kaluluwa” ("pure souls"). Mukhang mahirap din talaga ang role ng mga relihiyoso bilang mga parasites sa lipunan --- dahil sa kanilang kawalan ng produktibong gawain o output para sa lipunan (maliban sa laway, sa porma ng mga dasal at bendisyon o pangaral), at namamalagi sila sa mundo ng walang kapararakang imahinasyon.

Maliban sa pagiging expertong “angelologists”, sila raw ay mga experto ring "demonologists", at nasuri daw nila na higit na nakapapasok sa mga tao ang mga demonyo habang lumalawak ang secularization ng lipunan at ang mga kaalaman hinggil sa siyentipikong materyalismo. Bale ang paglawak ng secularization at siyentipikong mga kaalaman ang nagdudulot daw ng higit na “interference” at “pagsanib” sa mga tao ng mga “diabolical forces”. Ang galing naman ng sapantaha nilang ito. May problema nga lang. Sa katotohanan, ang sinasabing pagsanib ng mga “diabolical forces” ay nangyayari lang sa mga taong madaling maloko (“gullible”) sa relihiyon, at hindi sa mga taong may siyentipikong pananaw tulad ng mga komunista.

“Healing” Miracle ?

Isang raket ng mga pari ang pagpapanggap na may kapangyarihan daw silang magpalayas o mag-“exorcise” sa mga demonyo o “masasamang espiritu”. Pero dahil sa kaunti lang naman ang sinasabing “sinasapian” ng mga ito, mahina na ang nakakabig nila mula sa raket na ito. Kaya naman mas maugong na ngayon ang pagpapanggap na sila ay may kapangyarihang magpagaling ng mga sakit, o “healing powers”. Kahit hindi naman sila mga duktor ng medisina, mas marami silang kinikita sa raket na ito.

Kaya naman maya’t-maya ay may dumarating sa Pilipinas na mga dayuhang “healing priests” at “healing pastors”. Malalaki ang advertisements nila sa mga diaryo na nag-aanyaya sa kanilang mga “prayer rallies”, na kadalasan ay ginaganap sa magagarbong malls at coliseums. Dati ay pinapayuhan lang ang may-sakit na magdasal sa isang partikular na santo na expert daw sa pagpapagaling sa kanyang partikular na sakit. Pero ngayon, kailangan daw ang presensiya ng lahat sa harapan ng “healing priest” na experto daw sa lahat ng uri ng sakit.

“Cure-all” daw ang kanilang pagdarasal. Nanghihingi nga lang sila ng “offerings” --- mas malaking halaga kung mas malala ang sakit. At kadalasan ay sinasabi nila na ang mga “offerings” ay mapupunta sa mga malalaking simbahan o “healing shrines” na kanilang ipatatayo. Isa na rito ang Pilipinong “healing priest” daw na si Fr. Bernardo Suarez, na lumilikom ng mga “offerings” mula sa mayayamang mga may-sakit na umaasang mapagagaling niya. Gagamitin daw niya ang mga “offerings” upang makapagpatayo daw niya ng isang malaking “healing shrine” sa Cavite. Dati ay sinasabing tutulungan pa siya ng malalaking korporasyon (tulad ng SMC) sa pagpapatayo ng shrine na ito, pero nagkaproblema ito nang mahalata ng mga donors ang kanyang magarbong lifestyle.

Pero sa pagiging magarbo ay walang makatatalo sa ngayon kay Bishop Franz-Peter Tebartz van Elst ng katolikong diocese ng Limburg sa Alemanya, na nagpapatayo ng isang bagong bishop’s residence na nagkakahalaga ng 31-Milyong Euros (USD$42-Million). Ang pondong ito ay galing sa church tax na kinukulekta ng pamahalaan mula sa mga deklaradong miyembro ng mga relihiyon, at ibinibigay sa kanilang mga simbahan. Bale ang pamahalaang Aleman ang kolektor ng church tax para sa mga simbahan, at ilang bilyong Euros na koleksiyon ang ibinibigay ng pamahalaan para sa ibat-ibang simbahan taun-taon, pangunahin na sa simbahang katoliko. Si Bishop Tebartz ay inihabla na rin ng mga piskal sa Hamburg kaugnay sa mga maling mga pahayag niya hinggil sa mga pondong natanggap niya mula sa gobyerno.

Pero balik tayo sa mga “healing priests”. Kung totoong may ganitong kapangyarihan sila, bakit hindi na lang nila patunayan ito sa pamamagitan ng paglagi sa emergency wards ng mga ospital ng pamahalaan ? Kung totoong makapagpapagaling sila sa bokada at laway lang nila, e di ang laki sanang katipiran sa gastos na pangkalusugan ng mga mamamayan. Pero hindi nila ginagawa ito dahil mabubuko ang kanilang pagpapanggap. Wala silang tunay na galing, maliban sa pagpapataba ng kanilang bulsa.

Ang Paniniwala sa mga “Kababalaghan”

Sa ngayon, wala tayong mapapala sa pakikipagtalo sa mga taong naniniwala sa mga espiritu at mga “paranormal”, dahil sila ang tipong maniniwala pa rin lagi na “may-mga-bagay-na-hindi-maipapaliwanag-ng-siyensiya”. Sila mismo ang nagnanais na ang ilang bahagi ng realidad sa mundo ay huwag nang malaman o maipaliwanag. Nagkakaroon sila ng maginhawang pakiramdam na kung sila man ay ignorante, ito ay hindi dahil sa ayaw nilang matuto, kundi dahil sa likas lamang na may mga bagay na hindi nakatadhana para maintindihan ng tao. Sapat na sa kanila ang katwiran na talaga lamang “mahiwaga” ang mga pamamaraan ng “diyos” o ng mundo ng mga “espiritu”.

Gayunpaman, ang ganitong pagnanais na manatiling ignorante, at ang ganitong panlilinlang sa sarili (self-delusion), ay nakaiinis tanggapin sa panahong ito ng pag-unlad ng siyensiya. Nakapagtataka na marami pa ring tao ngayon ang naniniwala sa mga espiritu, anghel, demonyo, aswang at multo. Ngunit kung ating susuriin, ang mga mamamayan ay hindi naman tinuturuan na mag-isip sa makatwiran at siyentipikong paraan. Sa mga paaralang kontrolado ng mga simbahan, at maging sa mga pabatirang-pangmadla na hawak ng mga kapitalista, ang mga mamamayan ay laging pinaaalalahanan na ang mga pangyayari sa mundo ay walang kapaliwanagan at nakasalalay lamang sa kagustuhan ng “diyos” na dapat nating sambahin lagi upang tayo’y mabigyan ng “suwerte”. Ang dapat lang daw nating naisin lagi ay ang pag-iwas na mapunta sa “impyerno”, sa “purgatory” o sa “limbo”, at ang pagtiyak na maliligtas ang ating kaluluwa sa langit. At syempre, ang kaligtasang ito ay matitiyak lamang sa pananampalataya at mga “offerings” para sa simbahan at mga pinuno nito. Para bang ang buhay ay isa lamang sugal na kailangang tayaan upang baka-sakali ay mayroong maipanalo.

Ang ganitong mga kahungkagan ay mapapawi kung ang paturuan, kultura, at lalo na ang mga pabatirang pangmadla, ay magagamit sa isang malawakang kampanya upang maturuan ang sambayanan na mapahusay ang kanilang pagkaunawa sa mga prinsipyo ng siyensiya. Kapag ito’y maisagawa, mauunawaan na ang mga walang-katwirang paniniwala sa mga anghel, demonyo, aswang, espiritu, diyos, atbp., ay mga labi lamang ng mga lumipas na superstisyon. At kapag mangyari ito, ang sistema ng paturuan, kultura at mga pabatirang pangmadla ay masasabak sa isang puspusang pakikipaglaban sa mga ugat ng superstisyon : ang mga relihiyon at mga simbahan, lalo na ang mga nangungunang relihiyon at simbahang kolonyal sa ating bansa.

           O nga pala, naniniwala ka pa ba sa mga mangkukulam, manghuhula, “nuno-sa-punso”, sirena at siyokoy ?