Oplan “Exodus” sa Mamasapano --- Nasa Tuwirang Direksiyon ng mga Kano

       Sa isang ulat sa Philippine Daily Inquirer nitong Pebrero 16, kinumpirma ng ilang SAF survivors na ang Oplan “Exodus” na kanilang isinagawa sa Mamasapano, Maguindanao, noong nakaraang buwan ay isang operasyong nasa tuwirang direksiyon ng mga puwersang Kano. Ang operasyong iyon, na pangunahing nakatuon sa pagpatay sa teroristang Malaysian bomb-maker na si Zulkifli bin Hir, alias Marwan, ay nasa direksiyon ng mga Kano mula umpisa hanggang sa pagtatapos.

      Ang SAF ay unang sinanay ng mga trainors na Kano sa La Vista del Mar Beach Resort sa Upper Calarian Village sa Zamboanga City, at ang buong operasyon ay pinondohan at nakabatay sa intelligence information mula sa mga tropang Kano. Kasama na sa pondo ang pangsuhol sa 2 tauhan ng MILF upang gumanap na guides para sa SAF, bagamat iniulat na ang 2 MILF guides na iyon ay napatay rin sa operasyong iyon.

     Sinabi rin sa ulat na hindi totoo ang mga pahayag ni SAF Chief Superintendent Getulio Napeñas na ang involvement ng mga Kano ay sa medical evacuation lamang ng mga casualties, at ang operasyon ay nasa direksiyon ni Sr. Inspector Gednat Tabdi, ang bagong-hirang na commanding officer ng 84th (Seaborne) Company ng SAF. (Si Tabdi ay napatay sa labanan sa Mamasapano, matapos niyang putulin ang isang daliri ni Marwan para sa gagawing DNA testing.)

      Sa katotohanan, sang-ayon sa mga nag-ulat, ang tunay na nagbibigay ng utos sa SAF ay isang opisyal na militar ng Kano na nagngangalang Allan Konz, na nasa command post noon ng 43rd SAF Co. sa Sharif Aguak. Si Allan Konz ay nakatatanggap ng impormasyon mula sa “drone” na lumilipad sa ibabaw ng target area sa Barangay Tukanalipao ng Mamasapano. Maging si Napeñas ay kailangan lamang daw sumunod sa mga utos ng mga Kano, upang hindi maputol ang ipinangakong tulong ng mga Kano para sa SAF. Ang mga Kano mismo ang ayaw sa pakikipag-koordinasyon ng SAF sa mga opisyales ng Philippine Army sa lalawigan ng Maguindanao.

     Samantalang ang orihinal na plano ni Napeñas ay ang pagsasanib ng 84th at 55th SAF Companies bilang assault team, ang mga Kano rin sa bandang huli ang pumili sa 84th Co. bilang assault team, at sa 55th Co. bilang blocking force, sa operasyong iyon. Ang 300 iba pang tauhan ng SAF ay naiwan sa layong mga 2 hanggang 3 kilometro mula sa target area.

   Sang-ayon pa sa ulat, sa pagpa-plano ng operasyon ay tiniyak ng mga Kano na mabibigyan ang SAF ng suporta mula sa Philippine Army units sa Maguindanao. Ngunit lumabas nga na wala silang natanggap na agarang tulong dahil na rin sa pagtutol ng mga Kano sa pakikipag-koordinasyon ng SAF at Philippine Army doon.

            Batay sa mga ulat na ito, higit na lumiwanag ang larawan ng manipulasyon at pagpapahamak ng mga Kano sa mga tauhan ng SAF. Sa ganitong kalagayan, dapat nang hubaran ng pagpapanggap ng USA bilang “kaibigan” ng Pilipinas. Sa harap ng malaking banta sa ating pambansang seguridad, soberanya at integridad na pang-teritoryo na dala ng pamamalagi ng mga puwersang Kano sa Mindanao at iba pang bahagi ng ating bansa, dapat lamang na tapusin na ang Visiting Forces Agreement (VFA) at Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), at putulin na rin ang naunang Mutual Defense Treaty (MDT), sa pagitan ng USA at Pilipinas.