Pagbati ng PKP-1930 sa AMP at AMP-Lingap-Kabuhayan (Abril 27, 2014)

Mga kasama at mga kaibigan :

 

          Maalab na pagbati ang ipinaaabot ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP-1930) sa inyong lahat sa okasyon ngayon ng Ika-23 Anibersaryo ng Aniban ng Maralitang Pilipino (AMP), at ng Ikalawang Anibersaryo ng AMP-Lingap-Kabuhayan. Ipagpaumanhin po ninyo na ako ay hindi makadadalo nang personal sa inyong selebrasyon ngayon, dahil po sa mahigpit na pangangailangan na ma-coordinate ang mobilisasyon ng pagkilos laban sa pagdating bukas ng Numero-Unong Pandaigdigang Terorista sa ngayon --- si Pangulong Barack Obama ng Estados Unidos.

          Alam naman ninyo na si Obama, o kung tawagin ngayon ay O’bomber, ang pangunahing pandaigdigang kinatawan ng imperyalismo. Sa nakaraang ilang taon ng kanyang panunungkulan ay ilang milyong sibilyan na ang napapatay sa pakikialam ng mga puwersang militar ng USA at iba pang bansang imperyalista sa Iraq at Afghanistan, sa Pakistan at Somalia, sa Libya, at ngayon ay sa Syria.

Sa pagdalaw bukas at makalawa ni O’bomber sa Pilipinas ay inaasahang malalagdaan ang isang bagong kasunduan kung saan mapapalawak pa ang pananatili ng mga puwersang Kano sa Pilipinas, sa ilalim ng Visiting Forces Agreement (na inaprobahan ng rehimeng Erap noong Pebrero 1998), at ng Mutual Defense Treaty (na inaprobahan ng rehimeng Quirino noon pang Agosto 1951).   

          Para ipatanggap sa sambayanang Pilipino ang pagpapalawak ng mga puwersang Kano sa ating bansa, isinasangkalan nina O’bomber at PNoy ang pagpapalawak rin ng mga puwersang militar ng Tsina sa West Philippine Sea. Ang PKP-1930 ay kontra sa paghimpil ng mga puwersang Tsino sa mga isla at karagatang bahagi ng 200-nautical-miles na Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas. Ngunit ang PKP-1930 ay kontra rin sa higit na pagpapalawak ng mga puwersang Kano sa ating bansa, sapagkat ang mga puwersang Kano rito ang siya mismong pangunahing banta sa ating pambansang seguridad.

At hindi naman natin maaasahan na ang USA ay awtomatikong papanig sa atin laban sa Tsina. Alalahanin natin na ang USA ang pinakamalaking mamumuhunan sa Tsina, at ang mga dambuhalang kapitalista ng mga bansang ito (USA at Tsina) ay partners o magkasapakat sa mga pandaigdigang larangan ng produksiyon at kalakalan.

          Ang Visiting Forces Agreement ay isang tagibang na kasunduan kung saan ang ating bansa ay ginagamit bilang himpilan, at larangan ng mga bombing practice at iba pang military exercises, ng mga puwersang Kano. Dahil rito, ang Pilipinas ay nakakaladkad rin sa mga pananakot at panggugulo ng rehimeng O’bomber sa ating rehiyon.

Higit pa rito, ang mga puwersang Kano rito sa ating bansa, na ang karamihan ay nasa Mindanao, ay nakapanggugulo rin sa ating pambansang seguridad. Hindi kaila sa atin na ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) ay malapit sa imperyalismong Kano, at siyang inaasahan bilang tagapangalaga sa kapakanan ng imperyalismong Kano sa pag-kontrol sa mga likas na yaman sa binubuong “Bangsamoro Entity” sa Mindanao.

          Isang istratehiya ngayon ng imperyalismong Kano ang pagpapahina sa soberanya at pagsira sa territorial integrity ng mga bansa kung saan may mga likas na yaman --- pangunahin na ang petrolyo --- na nais kontrolin ng Estados Unidos. Ang paraan tungo rito ay ang pagpaypay sa mga ethnic at religious conflicts.

Ito ang ginagawa ng imperyalismo sa winasak nitong bansang Iraq, kung saan sinisilaban ngayon ng rehimeng O’bomber ang paglalabanan ng mga sektang Shia at Sunni, at ang paghiwalay ng mga ethnikong Kurdish. Ito rin ang ginagawa ng rehimeng O’bomber sa winasak nitong bansang Libya, kung saan ang paghahati sa bansang iyon sa 3 bahagi ay isinasagawa sa pamamagitan ng pagpaypay sa mga lumang paglalabanan ng mga tribo. Ito rin ang ginagawa ni O’bomber sa ginugulo niyang mga bansang Syria at Lebanon, kung saan pinapaypayan ang mga sectarian at ethnic conflicts.

Ang pagpapahina sa sentral na mga pamahalaan, at ang pagpapalakas sa mga “sub-states” na hawak ng mga kasakpakat ng imperyalismo, ay nagiging scenario rin ng rehimeng O’bomber para sa Pilipinas at sa Mindanao. Ito ang dahilan kung bakit natin sinasabi na ang pananatili ng mga puwersang Kano rito ang siyang pangunahing banta sa ating pambansang seguridad.

Hindi nakapagtataka na mga ahensiyang Kano rin ang nagdisenyo sa mga burador ng mga kasunduan sa pagitan ng MILF at ng pamahalaan ng Pilipinas. Dito pa lamang ay kitang-kita na ang pakikialam at pangmalayuang destabilisasyon ng Estados Unidos sa ating bansa, bagay na pabor lamang sa mga korporasyong transnasyunal ng Kano na nais kumontrol sa mga likas na yaman ng Mindanao.

Mga kasama at mga kaibigan :

Mahalaga ang tema ng pagdaraos ng mga anibersaryo, at kapansin-pansin na ang tema ninyo ngayon ay : “Pag-oorganisa ng masa, sagot sa kahirapan.” Tunay lamang, ang susi sa pagpawi ng kahirapan ay sa tamang pag-oorganisa ng masa. Ngunit ang pag-oorganisa ay hindi dapat na nasa layuning mapanatili pa ang status quo o kasalukuyang sistema ng kapitalismong neokolonyal sa ating bansa. Ang kailangan ay ang pag-oorganisa na nakatuon sa layunin na mabago ang sistemang ito tungo sa pambansang demokrasya at tungo pa sa sosyalismo.

          Huwag nating asahan na ang ating kabuhayan ay uunlad, at mapapawi ang kahirapan, sa ilalim ng sistema na ang ating ekonomya ay nasa ilalim ng diktasyon ng World Bank, International Monetary Fund, World Trade Organization, at iba pang ahensiya ng imperyalismo. May pitong dekada na silang nagdidikta sa atin, kaya naman hanggang ngayon ay wala tayong industriyalisasyon na siyang tanging lulutas sa unemployment at makapapawi sa kahirapan.

Huwag nating asahan na malulutas ang kahirapan habang namamayagpag ang mga korporasyong transnasyunal sa ating bansa. Panahon pa ng kolonyalismong Kano ay sila na ang may kontrol sa malaking bahagi ng ating kabuhayan, kaya naman wala tayong pag-unlad habang nahihigop lamang nila ang ating mga yaman.

Huwag nating asahan na mapapawi ang kahirapan habang hawak ng mga kapitalistang monopolyo ang mga public utilities. Ang asahan natin ay ang mas grabe pang kahirapan sa pagtaas ng kanilang mga singil sa tubig, kuryente, pamasahe sa LRT/MRT, toll fees, celfone load, atbp. Huwag nating gawing huwaran ang mga katulad nina Henry Sy, Lucio Tan, Zobel de Ayala, Manuel Pangilinan, Danding Cojuangco at ilan pang mga dambuhalang kapitalistang Tsinoy at Castilanoy, na ipinagyayabang na kabilang sa pinakamayayamang mga tao sa mundo. \

Imbes na dakilain, ang mga dambuhalang negosyanteng ito ay dapat kamuhian, dahil ang kanilang yaman at kapangyarihan ay kabilang-mukha lamang, at tunay na nagmula rin, sa labis na pagkakahuthot at paghihirap ng sambayanang Pilipino.

Huwag rin nating gawing huwaran ang kasalukuyang mga pulitiko sa ating bansa, lalo na iyong mga kabilang sa sampung dosenang mga political dynasties na nag-ugat pa sa panahong kolonyal sa ating bansa. Ang pagkapit-tuko nila sa ibat-ibang sangay ng pamahalaan ay patunay lamang ng masikip na puwang para sa tunay na demokrasyang pampulitika sa ating bansa.

Ang papel ng mga political dynasties at iba pang elitistang pulitiko sa ating bansa ay ang pagiging collaborators para sa mga dayuhang kapakanan at mga korporasyong transnasyunal na humuhuthot sa ating lakas paggawa, humihigop sa mga likas na yaman ng ating bansa, at sumasalaula sa ating kapaligiran. Ang mga pulitikong ito rin ang patuloy na nagpapabigat sa ating mga pasaning buwis, na kanila namang kinukulimbat sa pamamagitan ng lahat ng klase ng katiwalian at scams.

Tungo sa tunay na pagpawi sa kahirapan, ang masa ay dapat organisahin para sa malalim na mga pagbabago sa sistema ng ating lipunan --- ang pagbawi sa ating pambansang ekonomya mula sa kontrol ng WB-IMF-WTO ; ang paglulunsad sa makabansang industriyalisasyon ; at ang pagsasabansa sa mga korporasyong transnasyunal at sa mga public utilities tulad halimbawa ng Meralco, Transco, Maynilad, Manila Water, mga tollways at mga telecommunication companies.

Ilan sa kumokontrol sa mga public utilities na ito ay sina Henry Sy, Lucio Tan, Zobel de Ayala, Manuel Pangilinan, Danding Cojuangco at iba pang mga angkang Tsinoy at Castilanoy na matagal nang nagpapahirap sa sambayanang Pilipino.  Ang pagsasabansa sa kanilang mga yaman --- na totoo namang nagmula rin sa kabuuan ng sambayang Pilipino --- ay bahagi ng tunay na katarungang panlipunan at demokratisasyong pangkabuhayan para sa ating bansa.

May nag-oorganisa sa masa na ang layunin ay magtanim ng ilusyon na ang kahirapan ay mapapawi sa pamamagitan ng pagpapatuloy sa kasalukuyang sistemang pangkabuhayan, pampulitika, panlipunan at pangkultura sa ating bansa. Nariyan iyong mga sumusuporta sa Charter Change o “Cha-Cha” na higit na magbubukas sa ating ekonomya sa pagpasok ng dayuhang puhunan. Nariyan iyong nagtuturo ng pagsalalay sa mga political dynasties at mga traditional politicians o “trapos”. Ngunit ang mga ito ay magpapatuloy at magpapalubha lamang sa sistema ng kawalang-trabaho, kakulangan sa pag-aaral, kahirapan at maging kagutuman para sa malaking latag ng ating sambayanan.

Sa kabilang dako, dapat tayong mag-organisa sa masa na ang layunin ay ang pagwawaksi sa neokolonyal na sistemang kapitalista, at ang pagtahak sa tunay na landas ng pag-unlad at pagkaka-pantay-pantay. Iyan ay ang landas tungo sa pambansang-demokrasya na magwawaksi sa mga dayuhang puwersang militar, magwawaksi sa diktasyon ng WB-IMB-WTO at iba pang ahensiyang imperyalista, at maglulunsad sa makabansang industriyalisasyon.

Ito rin ang landas na tutungo sa mas mahusay pang sistema ng sosyalismo na siyang tanging papawi sa panghuhuthot ng tao sa kanyang kapwa-tao, at ng bansa sa kanyang kapwa-bansa. Tanging sa sistemang sosyalista magkakaroon ng kaganapan ang mga karapatan sa trabaho, karapatan sa edukasyon, karapatan sa lahat ng kalingang pangkalusugan, karapatan sa pabahay at mga batayang pangangailangan, at iba pang mga pantaong karapatan tungo sa pag-unlad.

Inaasahan namin sa PKP-1930 na ang AMP at ang AMP-Lingap-Kabuhayan ay magsusulong ng mga radikal na pagbabago tungo sa pagpawi sa kahirapan, tungo sa paglaya ng ating bansa mula sa imperyalismo, at tungo sa pagkakamit ng kapangyarihan ng mga uring gumagawa sa ating bansa. Inaasahan namin na ang mga anibersaryo ngayon ng AMP at AMP-Lingap-Kabuhayan ang uugit ng landas tungo sa mas militanteng pagkilos ng buong kasapian ninyo. Sana’y makasama namin kayo sa gagawing motorcade-rally at picket bukas, bilang pag-protesta sa pagdalaw sa ating bansa ng pangunahing kinatawan ng pandaigdigang imperyalismo na si O’bomber.

Muli pa, rebolusyonaryong pagbati ang ipinaaabot ng PKP-1930 sa Ika-23 Anibersaryo ng AMP, at sa Ikalawang Anibersaryo ng AMP-Lingap-Kabuhayan.

                                                                                                                                                                                                KA. TONY PARIS

                                                            Pangkalahatang Kalihim, PKP-1930