Pagbati ng PKP-1930 sa Ika-11 Kongreso at Ika-38 Anibersaryo ng SIKAP (Abril 22, 2014)

Mga kabataang pag-asa ng ating Inang Bayan :

 

            Ang PKP-1930 ay nagpapaabot ng rebolusyonaryong pagbati sa Samahan sa Ika-uunlad ng Kabataang Pilipino (SIKAP) sa okasyong ito ng pagdaraos ng inyong Ika-10 Kongreso at Ika-38 Anibersaryo. Umaasa ang PKP-1930 na ang Kongresong ito ay magdadala ng momentum tungo sa paglakas, paglawak at mas militanteng pagkilos ng SIKAP.

            Kapag sinasabi natin na ang kabataan ang tagapagmana ng ating bansa o ng kinabukasan, ito ay isang tumpak na pagsasaad ng isang katotohanan --- na kayong kabataan, bilang kasunod na saling-lahi, ang siyang kasunod na magmamana sa lahat ng pagsulong at lakas, at maging sa lahat ng suliranin at kahinaan, ng ating lipunan.

            Pero kapag sinabi natin na ang kabataan ang pag-asa ng ating bayan, ito ay hindi isang eksaktong katotohanan. Tulad rin ng nakatatandang mga saray ng ating lipunan, ang kabataan ay nahuhubog sa iba’t-ibang pananaw hinggil sa ating bansa at sa ating lipunan, at dahil doon, ang kabataan ay may iba’t-ibang interest at direksiyon sa buhay.

Kapag tinukoy natin ang kabataan bilang pag-asa ng ating bayan, ang natitiyak lamang natin na iyong kabataan na tulad ninyo ay nagnanais na baguhin ang ating bansa at lipunan tungo sa tunay na paglaya at pag-unlad. Wala tayong makikitang anumang pag-asa para sa paglaya at pag-unlad ng ating bansa at lipunan kung ang papalit rin lang sa pangingibabaw ay iyong kabataang ayaw ng tunay na pagsulong --- ayaw ng paglaya at demokratikong pagbabago --- para sa ating bansa at lipunan.

Ang kabataang nagtatanggol sa status quo --- sa pananatili ng kasalukuyang kalagayan ng pangingibabaw ng mga dambuhalang dayuhan at lokal na mga kapitalistang korporasyon sa ating bansa, at sa pananatili ng napakalaking yaman ng iilan sa gitna ng grabeng paghihirap ng napakalawak na latag ng ating sambayanan --- ay hindi ang siyang tunay na pag-asa ng ating inang bayan.

Alam natin na ang  sistema ng  edukasyon at ng mga  pabatirang  pangmadla --- mga radyo, TV, dyaryo, atbp. --- ay nakatuon sa pagtatanggol at pagpapalawig pa sa kasalukuyang status quo sa ating bansa at sa daigdig. Nais ng mga ito na mahubog ang pananaw ng kabataan na mahusay naman daw ang kasalukuyang kalagayan sa ating bansa at sa ating daigdig. Maganda naman daw na may mga puwersang militar ang mga Kano sa Pilipinas, kahit na ang presensiyang ito ay nagsasa-panganib sa ating pambansang seguridad. Maganda naman daw na ginigiyahan ang ating ekonomya ng World Bank, IMF, WTO, at iba pang ahensiya ng imperyalismo, kahit na ang mga ito ang siyang nagdidikta ng mga patakarang gumagapos sa pag-unlad ng ating kabuhayan. Maganda naman daw at namamayagpag ang mga korporasyong transnasyunal sa ating bansa, kahit na ang mga ito ang humihigop sa malaking bahagi ng yaman ng ating lipunan.

Maganda naman daw at kontrolado na ng malalaking mga pribadong kapitalista ang mga dating public utilities ng gobyerno, kahit nahihirapan naman ang sambayanan sa patuloy na pagtaas ng kanilang mga singil sa tubig, kuryente, expressways, atbp. Maganda naman daw at may mga katulad nina Henry Sy, Lucio Tan, Zobel de Ayala, Manuel Pangilinan, Danding Cojuangco at ilan pang mga Tsinoy at Castilanoy, na nabibilang sa pinakamayayamang mga tao sa buong mundo, kahit na ang pagkakatampok sa yaman ng mga ito ay kabilang-mukha lamang ng labis na pagkakahuthot  at paghihirap ng sambayanang Pilipino. Maganda naman daw at may mga ankang pulitiko na patuloy pa ring “nagtitiyaga” sa mahirap na tungkulin ng pamamahala sa ating bayan, kahit na ang pagkapit-tuko ng mga political dynasties sa ibat-ibang sangay ng pamahalaan ay patunay lamang ng masikip na puwang para sa tunay na demokrasyang pampulitika sa ating bansa.

Aminin natin na karamihan sa mga kabataang Pilipino, dahil na nga sa impluwensiya ng sistema ng edukasyon at ng mga pabatirang pangmadla, ay nahuhubog sa pananaw na maganda naman ang ating pambansang kalagayan, at maging ang pandaigdigang kalagayan kung saan namamayagpag pa rin ang sistemang kapitalista. Itinatanim sa kanila ang pananaw na sa ilalim ng ganitong sistema, sila rin ay maaaring makapagkamal ng yaman, karangyaan at kapangyarihan, kung sila lamang ay magiging mahusay na kapitalista o tradisyunal na politico (‘trapo’).

Sa ganitong kalidad ng karamihan sa mga kabataang nagnanais na ipagtanggol ang kasalukuyang status quo upang sila naman ang makaakyat sa posisyon sa darating na panahon --- maging ito man ay sa pamamagitan ng pagpapagamit sa mga dayuhang kapakanan at mga korporasyong transnasyunal, sa pamamagitan ng panghuhuthot sa lakas paggawa ng mga manggagawang Pilipino, sa pamamagitan ng pagsasalaula sa mga likas na yaman ng ating bansa, o sa pamamagitan ng pandarambong sa kaban ng bayan na nagmumula sa mas pinabibigat na mga buwis na ipinapataw ng gobyerno --- sa mga ganitong klase ng kabataan ay walang kapag-a-pag-asa ang kinabukasan ng ating bansa at lipunan.

Ngunit sa kabilang dako ay nariyan kayo --- mga kasapi ng Samahan sa Ikauunlad ng Kabataang Pilipino (SIKAP), na nagnanais ng malalim na mga pagbabago sa sistema ng ating lipunan. Kayo ang mga tunay na pag-asa ng ating inang bayan.  Kayo na nagnanais mapaalis ang mga puwersang militar ng Kano mula sa ating bansa, ang siyang mga tunay na makabayan na nagsusulong sa ating pambansang kalayaan, soberanya at integridad na pang-teritoryo.

Kayo na nagnanais magwaksi sa diktasyon sa ating ekonomya ng WB-IMF, WTO at iba pang pandaigdigang ahensiyang imperyalista, ang siyang mga tunay na makabayan na nagsusulong sa industriyalisadong pag-unlad ng ating kabuhayan. Alam naman natin na walang pag-asa na matamo ang full employment ng labor force ng ating bansa sa ilalim ng ating kasalukuyang neokolonyal na sistemang pangkabuhayan, at tanging sa pagwawaksi sa diktasyong imperyalista maaaring matamo ang makabayang industriyalisasyon na magbubukas ng sapat at makabubuhay na trabaho para sa dumaraming mga manggagawang Pilipino.

Kayo na nag-aadhika sa pagsasabansa sa mga korporasyong transnasyunal  ang siyang mga tunay na makabayan na nagsusulong sa malawakang pag-unlad ng kabuhayan sa ating bansa. Kayo na tumutuligsa sa privatization ng mga dating public utilities ng gobyerno, ang siyang mga tunay na makabayan na tatapos sa panghuhuthot ng pribadong mga korporasyon sa sambayanang bihag ngayon ng matataas na singil sa kuryente, tubig, toll fees, celfone load, atbp.

Taliwas sa paghanga at pagdakila ng ibang kabataan, at maging ng pamahalaan at mga simbahan, sa yaman at kapangyarihan nina Henry Sy, Lucio Tan,  Zobel de Ayala, Manuel Pangilinan, Danding Cojuangco at ilan pang mga dambuhalang kapitalistang Tsinoy at Castilanoy, kayo sa SIKAP ay may matalinong pagkamuhi sa panghuhuthot, pandarambong at pagkaganid na siyang tunay na pinagmulan ng yaman at kapangyarihan ng mga dambuhalang  iyon. Kayo sa SIKAP ay may tumpak na pananaw na ang pagsasabansa sa yaman ng lahat ng mga dambuhalang iyon --- ang pagsasabansa sa mga yamang tunay namang nagmula rin sa kabuuan ng sambayang Pilipino --- ay bahagi ng tunay na katarungang panlipunan at demokratisasyong pangkabuhayan para sa ating bansa.

Kayo na tumutuligsa sa mga dynasties ng mga traditional politicians o “trapos” ang siyang mga tunay na tagapagsulong ng pampulitikang demokrasya sa ating sistema ng gobyerno. Kayo na mga kabilang sa SIKAP ay dapat magsulong sa prinsipyo na ang status quo, o ang pagpapatuloy ng neokolonyal na sistemang kapitalista sa ating bansa, ay magpapalubha lamang sa sistema ng kawalang-trabaho, kakulangan sa pag-aaral, kahirapan at maging kagutuman para sa malaking latag ng ating sambayanan, lalo na sa kabataang Pilipino.

Ang SIKAP ay may pananaw, mula pa sa kanyang pagkakatatag, na ang sistemang kapitalista ay hindi panghabang-panahon. Ang sistemang ito ay mapapalitan ng mas mahusay na sistema ng sosyalismo kung saan maaalis ang panghuhuthot ng tao sa kanyang kapwa-tao, at ng bansa sa kanyang kapwa-bansa. Ang sosyalismo ay isa pa ring lunggati ng SIKAP, na naniniwala na tanging sa sistemang sosyalista magkakaroon ng kaganapan ang mga karapatan sa trabaho, karapatan sa edukasyon, karapatan sa lahat ng kalingang pangkalusugan, karapatan sa pabahay at mga batayang pangangailangan, at iba pang mga pantaong karapatan tungo sa pag-unlad.

Ang siyentipikong pagbubuo ng mga teorya o konsepto ng sosyalismo ay sinimulan nina Karl Marx at Friedrich Engels sa Europa sa panahon ng kanilang kabataan, at nasa harap natin ang mga larawan ng kanilang kabataan. Ang unang pakikibaka naman para sa matagumpay na pagsasa-praktika ng sosyalismo ay inumpisahan ni Vladimir Lenin sa Rusya sa panahon  ng kanyang  kabataan, at nasa harap rin natin ang larawan ni Lenin sa kanyang kabataan sa unibersidad.

Ngayon ang ika-144 na kaarawan ni Lenin --- ang dakilang lider ng pandaigdigang kilusang komunista --- at kahanga-hanga na sa araw na ito idinaraos ang Ika-10 Kongreso at Ika-38 Anibersaryo ng SIKAP. Sa iba pang bahagi ng daigdig, sina Ho Chi Minh ng Biyetnam at Fidel Castro ng Cuba ang naging pinaka-tampok na mga tagapagsulong ng sistemang sosyalista sa panahon pa man ng kanilang kabataan. Nasa harap rin natin ang mga larawan nila noong panahon ng kanilang kabataan.

Dito sa Pilipinas, marami sa mga pangunahing nanguna sa pambansang rebolusyon laban sa kolonyalismong Espanyol at laban sa imperyalistang pananalakay ng mga Kano, ay nagmula sa hanay ng kabataan. Nasa harap rin natin ang mga larawan ng ilan sa kanila, na dapat lamang magbigay ng dagdag na inspirasyon sa pagdaraos ngayon ng Ika-10 Kongreso at Ika-38 Anibersaryo ng SIKAP. Mabanggit ko na rin na marami sa mga pundador ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP-1930) --- ang partidong nanguna at patuloy na nagsisikap na makapanguna sa pakikibaka para sa kalayaan ng ating bansa at ng mga uring gumagawa, ang nagmula sa hanay ng kabataan noon.

Inaasahan namin sa PKP-1930 na ang SIKAP ay patuloy, at higit pang lalakas, sa pagsusulong ng mga progresibong pagbabago tungo sa pag-unlad ng kabataang Pilipino, tungo sa paglaya ng ating bansa mula sa imperyalismo, at tungo sa pagkakamit ng kapangyarihan ng mga uring gumagawa sa ating bansa. Inaasahan rin namin na sa Ika-10 Kongresong ito ay makauugit ang SIKAP ng mga bagong balakin tungo sa paglawak at mas militanteng pagkilos ng SIKAP at ng buong kasapian nito.

Matapos lamang ng Kongresong ito, tayong lahat ay nahaharap agad sa ilang matinding pagsubok. Nariyan ang kampanya ng pamahalaan para sa charter change (Cha-Cha) o pagbabago ng saligang-batas upang higit pang buksan ang ating ekonomya sa pagpasok ng mapanghuthot na mga dayuhang kapakanan. Nariyan rin ang napipintong pagdalaw ng Numero Unong terorista sa mundo ngayon, si Barack O’bomber, upang pasinayaan ang bagong kasunduan na magpapalawak sa pananatili ng mga puwersang militar ng Kano sa ating bansa.

Inaasahan namin sa PKP-1930 na sa mga gagawing pagkilos laban sa Cha-Cha at laban sa pagdalaw ng teroristang si O’bomber ay naroon lagi sa unahan ang SIKAP. Mapapansin natin na may mga posters at banners na rito ngayon ang SIKAP bilang paghahanda sa pagdalaw ni O’bomber, at inaasahan natin na makikita natin ang mga posters at banners na ito sa gagawing mga pagkilos ng SIKAP.

Muli pa, rebolusyonaryong pagbati ang ipinaaabot ng PKP-1930 sa Ika-10 Kongreso at Ika-38 Anibersaryo ng SIKAP.

Mabuhay ang SIKAP !

Mabuhay ang ating Pambansang-Demokratikong Rebolusyon !

Mabuhay ang Sosyalismo !                        

                                                                                                KA. TONY PARIS

                                                                            Pangkalahatang Kalihim, PKP-1930