Pagbati ng PKP-1930 sa Ika-19 na Anibersaryo ng Aniban ng mga Magsasaka, Mangingisda at Manggagawa sa Agrikultura (AMMMA)

Mga kasama at mga kaibigan  :

 

Isang mainit at militanteng pagbati ang ipinapaabot ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP-1930) sa Ika-19 na Taong Anibersaryo ng Aniban ng mga Magsasaka, Mangingisda at Manggagawa sa Agrikultura (AMMMA). Inaasahan ng PKP-1930 ang matagumpay na pagdaraos ng inyong pagdiriwang ngayong araw na ito. Sana, ang anibersaryong ito ay maging lunsaran ng higit na militanteng pagkilos ng AMMMA para sa taong ito ng 2015.

Hindi maaaring hindi maging militante ang mga pagkilos natin sa 2015. Dahil kukulo ang dugo natin sa mga kalagayan ng bansa. Kung hindi magiging militante ang ating mga pagkilos, matatabunan tayo ng mga pangyayari at ng ibang mga grupong kumikilos rin hinggil sa mga isyung kinakaharap natin.          

Sang-ayon mismo sa mga ekonomista ng UN, 30% ng ating populasyon ay nabubuhay sa kulang pa sa $1.00 bawat araw. Ibig sabihin, ang kita ng isang pamilya bawat araw, kapag pinaghati-hati sa bilang ng mga miyembro ng pamilya ay kulang pa sa $1.00 para sa bawat isa. Isipin ninyo kung paano naghihikahos ang bawat Pilipino --- kasama na ang mga bata’t matatanda --- na nabubuhay lamang kulang pa sa $1.00 (o kulang pa sa mga P44.00) bawat araw.

Sinasabi rin ng mga ekonomista na ang pinakamalaking problema ng ating bansa ay unemployment --- 3 milyon ang walang trabaho, at 7 milyon ang under-employed (kasama na ang mga nagtratrabaho nang walang suweldo sa mga maliliit na tindahan o negosyo ng kanilang mga pamilya, o iyong tinatawag na unpaid family workers).

Pinakamataas ang unemployment sa Pilipinas kung ikukumpara sa Singapore, Indonesia, Malaysia at Thailand na pawang mga orihinal na kasapi ng ASEAN. Kung susuriin natin ang track record ng administrasyong PNoy hinggil sa employment, makikita natin na sang-ayon mismo sa Labor Force Survey ng DOLE ay tumaas ang lebel ng unemployment mula 6.5% noong Oktubre 2013, tungo sa 7.5% noong Enero 2014.

At ano ang epekto ng pagtaas ng unemployment ? Iyon ay ang pagdami ng naghihirap, ang pagdami ng hindi makapag-aral na kabataan, ang pagdami ng nagugutom, at maging ang pagtaas ng kriminalidad. Hindi nakapagtataka na kumpara sa mga naturang bansa sa ASEAN, ang Pilipinas ang nakapagtala ng pinakamataas na proportion ng Out-of-School Youth na 11%. Ang ibig sabihin, mahigit isa sa bawat sampung bata at kabataan na dapat sanang nasa paaralan ang hindi nag-aaral.

Sang-ayon sa UNICEF, 32% ng mga batang Pilipino na wala pang edad 5 taon ang malnourished. Ang bagay na ito ay pinansin mismo ni Sen. Grace Poe, na nagsabi na isang malaking kabalintunaan na 15 milyong bata sa Pilipinas ang nagugutom at malnourished habang sinasabing umuunlad ang  ating ekonomya. Habang namamayagpag ang oligarkiyang naghahari sa ating ekonomya, higit na paghihikahos at gutom ang nangyayari sa hanay ng ating mga manggagawa, magsasaka at iba pang saray ng masang gumagawa.

Sang-ayon pa rin sa mga ekonomista, ang pinakamalaking tulong na natatanggap ng ekonomya ng Pilipinas ay hindi ang inaasahang foreign investments, kundi ang remittances ng mga OFWs. At sa katunayan ay malaki ang inilalabas ng mga kapitalista na yaman mula sa ating bansa.

Samantalang ang pamahalaan ay nananawagan para sa mga dayuhang pamumuhunan para sa paggawa ng mga pangunahing pangangailangan ng Pilipinas, ang taipan na si Andrew Tan, may-ari ng Emperador Inc., ay binili noong Okt. 31 ang Whyte & Mackay Group Ltd ng UK, na pang-5 sa pinakamalaking gumagawa ng scotch whisky sa mundo. Ang halaga ng pagbili ay 430-Million Pounds Sterling, o PhP31-Billion. Ipinagmalaki pa ni Tan na ang pagbili niya sa Whyte & Mackay ay makapagdadala sa Pilipinas ng “mahusay na kultura ng pag-inom ng whisky”.

Si Andrew Tan ay pinuno rin ng Alliance Global Group na franchise holder ng McDonalds sa buong Pilipinas, at hindi nakapagtataka na ang malaking perang ipinupuhunan niya sa ibang bansa ay nagmula sa tinubo niya sa ating sambayanan. Ang taipan rin na si Tony Tan Caktiong (may-ari ng Jollibee, Greenwich, Red Ribbon, Mang Inasal, Chow King at ilan pang food chains) ay hindi magpapahuli sa paglalabas ng tinubo mula sa ating bansa. Balak kasi ng Jollibee na mag-invest ng USD$300-Million (mahigit PhP13-Billion) sa pagtatayo ng 1,459 na branches sa Tsina. Samantala, ang isa pang taipan na si Alfredo Yao (tagagawa ng Zest-O at bottler dito ng RC Cola), ay nagbabalak ring maglabas ng malaking tinubo mula sa ating bayan upang bilhin ang isang planta ng RC Cola sa Estados Unidos.

Kung susuriin natin ang mga balitang pangpinansiya, maganda ang sinasabing hinaharap sa 2015 ng mga malalaking kapitalista sa ating bansa, bagamat sabi nga lang ng San Miguel Corp. na ang tanging negosyong delikadong magkaproblema sa ating bansa ngayong 2015 ay ang property development. Ito ay dahil sa dami na ng mga condominium towers na ipinatayo at ipinatatayo pa sa mga urban centers ng ating bansa. Sa isang banda ay dapat lamang mapaso ang mga malalaking kapitalista na pawang pang-mayamang mga condominium lamang ang itinatayo, samantalang milyong-milyong manggagawa ang hirap makakuha ng affordable housing. (Maraming dukha ang naninirahan pa rin sa ilalim ng mga tulay at sa gilid ng mga kalsada.) Ngunit ang pagtumal at pagtigil ng tinatawag na property market sa ating bansa ay mangangahulugan rin ng masamang balita para sa libo-libong mga manggagawa sa larangan ng construction.

ANG MADILIM NA HINAHARAP NG KABUHAYAN NG ATING SAMBAYANAN

Isa pang masamang balita para sa 2015 ay may kinalaman sa agrikultura, sa ilalim ng ASEAN economic integration. Tiyak daw na talo tayo sa kumpetisyon. Unang tatamaan ang sugar industry, at sinabi mismo ng Sugar Regulatory Administration (SRA) na mga 600,000 manggagawa sa tubuhan --- mga nagtratrabaho para sa mga 60,000 mga pamilyang may mga lupaing tubuhan --- ang maaaring mawalan ng trabaho.

Dahil sa neokolonyal na katangian ng ating ekonomya, napakadali itong maapektuhan ng mga financial developments sa mga bansang imperyalista. Tinataya ng mga bank analysts ng Banco de Oro na malamang na tumaas ang palitan ng piso sa dolyar, na aabot daw sa mga P46.00 bawat US dollar sa pagtatapos ng 2015, at sa mga P48.00 o P49.00 bawat US dollar sa pagtatapos ng 2016. Malamang din daw na tumaas na muli ang pandaigdigang presyo ng petrolyo. Kapag nangyari ang ganitong mga sapantaha, tiyak na mas grabeng paghihirap ang hinaharap ng ating hikahos na sambayanan sa taong ito at sa kasunod pang mga taon. 

Kung kumukulo ang dugo natin sa mga kalagayang pambansa ngayon, lalong kululo ang dugo natin dahil sa mga huling pangyayari tulad ng sa MRT-LRT at Maynilad/Manila Water. Kahapon ay  kasama ang AMMMA sa paghahain ng petisyon para sa “Temporary Restraining Order” o TRO na isinampa ng United Filipino  Consumers and Commuters (UFCC) sa Korte Suprema. Dapat lamang na gawin agad ang lahat ng paraan upang matigil ang paniningil ng mas mataas na pasahe sa MRT at LRT.

Dapat nating maunawaan na ang taas pasahe ay hindi sa kapakinabangan ng pamahalaan. At alam naman natin ang tinatawag ni Senadora Grace Poe na “paghu-hudas” ng DOTC, na matapos mapa-aprobahan ang budget na kailangan nila para sa pag-aayos ng MRT at LRT, ay agad itinaas ang pasahe nang walang anumang konsultasyon sa publiko o sa Kongreso.

Samantalang sa mga jeepney at bus ay ipinapababa ang pasahe, dahil sa malaking ibinaba ng presyo ng petrolyo, para naman sa MRT at LRT na kontrolado ng mga mga kabilang sa oligarkiya --- tulad ng mga Ayala, Zobel, Henry Sy, Manny Pangilinan, David Consunji, John Gokongwei, atbp. --- ay dagdag pasahe ang iniregalo ng pamahalaan para sa kanila !

Dagdag na hambalos pa sa atin ang pagtataas ng singil sa tubig. Naniningil sa atin ang Maynilad at Manila Water ng dagdag na singil na kung tawagin ay Foreign Currency Differential Adjustment (FCDA), dahil daw sa pagbabago ng palitan ng piso sa dolyar. Ngunit ito ay isang panloloko dahil sa ngayon pa man ay may sinisingil na rin sila sa atin na Currency Exchange Rate Adjustment (CERA), na may kinalaman rin sa mga pagbabago sa foreign currency rates.

Maliban pa rito, may darating pang hambalos sa atin dahil natalo ang MWSS sa international arbitration na pinaghainan ng reklamo ng Maynilad at Manila Water. Noon kasing 2013, sa ilalim ng tinatawag na “rate rebasing review” para sa mga taong 2013-2014, ay humiling ng pagtataas ng singil ang Manila Water na P5.83/cubic meter (dagdag sa basic water charge nila na P24.57/cu.m.). Ang Maynilad naman ay humiling na magtaas ng P8.58/cu.m. sa basic charge nito na P31.28/cu.m.

Ngunit sa review ng MWSS ay iniutos nito na magkaroon ng rollback ang Manila Water na halagang P7.24/cu.m.  dahil sa mga disallowances sa maraming gastos na ipinapasa nito (ng Manila Water) sa mga consumers. Para naman sa Maynilad, iniutos ng MWSS ang rollback na P1.46/cu.m. Ilan sa pandaraya ng mga water concessionaires ay ang pagpapasa sa consumers ng income tax (samantalang ang mga concessionaires ay exempt naman sa income tax) ; at maging ng mga gastos sa mga junkets sa ibang bansa ng kanilang mga opisyales. May mga katanungan rin kung ang “pagpapa-pogi” ni Manny Pangilinan sa kanyang sponsorship sa Gilas Pilipinas basketball team ay sinisingil naman niya sa mga consumers ng kuryente (Meralco) at tubig (Maynilad) na kanyang kontrolado.

Ang mga naturang utos ng MWSS na rollback sa singil ay agad iniangal ng Manila Water at Maynilad sa arbitral tribunal ng International Chamber of Commerce (ICC). Ang ganitong arbitration (o paghahatol sa kasong ihaharap sa isang pribadong grupo ng mga arbitrators) ay may confidential na procedures, at sikreto rin ang komposisyon ng arbitral tribunal. Naglabas ang arbitral tribunal ng desisyon nitong Disyembre 29 na dapat daw payagan ng MWSS ang pagtataas ng rate ng Maynilad sa halagang P3.07 bawat cu.m. (o 9.8% ng basic water charge nito na P31.28/cu.m.). Ang ICC ay laging kapanig sa negosyo at kontra sa kapakanan ng consumers at sambayanan, kayat inaasahan na papabor din iyon sa Manila Water sa desisyong inaasahang lalabas sa pagtatapos ng buwang ito.

Nakabubwisit na bakit pumasok ang MWSS sa arbitration, samantalang ang MWSS ang regulator ng Manila Water (Ayala) at Maynilad (MVP). Inutil ang gobyerno kung mas mataas pa sa government regulator na MWSS ang dayuhang arbitral tribunal ng ICC. Sa ilalim ng kapitalistang sistema, lalo na sa ating neokolonyal na sistema, hindi talaga pwedeng ma-regulate ng pamahalaan ang buwayang oligarkiya.

Ang kontrata o “Concession Agreement” ng MWSS sa Manila Water at Maynilad na ginawa noon pang panahon ng isa ring korap na pangulo na si Fidel V. Ramos. Sa panahon ni Ramos ay maraming public utilities ang na-privatize. Ang mga problema ngayon hinggil sa pagtataas ng mga singil ng mga concessionaires ng public utilities, ay nag-uugat lahat sa patakarang privatization na siyang pinaka-grabeng porma ng corruption. Ang privatization na pinasimulan ni Cory ay sinundan ni Ramos at ng lahat ng iba pang sumunod na administrasyon hanggang sa ngayon.

Sa ngayon, maraming proyekto sa infrastructure at power sectors ang ipapa-subasta ng pamahalaang PNoy bilang Public-Private Partnership Projects (o PPPP). Ito ay sa kabila ng katotohanan na kaya naman ng pamahalaan mismo na isagawa ang mga proyektong iyon. Kasama sa mga iyon ay ang Cavite-Laguna Expressway (CALAX na 45 kilometro, na magkakahalaga ng P35.4-Bilyon), ang NLEX-SLEX connector road (P18-Bilyon), ang Makati-Taguig-Pasig Mass Transit System Loop (P374.5-Bilyon), ang PNR Railway project mula Maynila hanggang Legazpi (P177.2-Bilyon), at ang 15 kilometrong LRT-1 extension patungong Cavite. Tinataya na ang mga infrastructure projects na ito ay magkakahalaga ng mga P625-Bilyon.

Tiyak naman na ang mga ito ay pagwawagian na naman ng mga backers ni PNoy na mga korporasyon ng mga oligarkong pamilyang Zobel de Ayala (Ayala Corp), ang grupo nina Eduardo M. Cojuangco at Ramon S. Ang (San Miguel Corp.), Henry Sy (SM Investments), property developer na si Andrew Tan (Megaworld), Manuel V. Pangilinan (Metro Pacific Investments, Inc., na nasa ilalim ng Salim Group ng dating diktadurang Suharto sa Indonesia), Gokongwei (Robinsons), Consunji (DMCI), Aboitiz atbp. Ang mga ito ay mayroong mga bangkong maaari nilang kunan ng puhunan para sa mga proyekto. Ngunit dahil mayroong limitasyon sa pandaigdigang sistema ng pag-utang (ang limitasyon sa pangungutang sa sariling bangko ng “DOSRI” --- Directors, Officers, Stockholders and Related Interests), hindi magagawa ng mga ito na mahigop lahat ng pondo mula sa kanilang sariling mga bangko.

            Para maisagawa ang PPPP, kailangang mangutang sa labas ng bansa ang mga oligarkong malapit sa administrasyong PNoy. Pero ang uutangin nila ay kailangang bigyan ng pamahalaan ng sovereign guarantee. Ang ibig sabihin, kung hindi mababayaran ng mga oligarko ang kanilang pagkaka-utang, ang gobyerno ang siyang magbabayad. E bakit hindi pa ang gobyerno mismo ang magsagawa sa mga proyektong ito, at siya na ring tuwirang mangutang mula sa labas ng bansa ? Nariyan kasi ang dambuhalang corruption --- kung ang mga proyekto ay mapupunta at pagkikitaan ng mga oligarko, ang mga oligarkong iyon ang inaasahang magpipinansiya sa bulok na namamahala, lalo na sa panahon ng kampanyang elektoral. At kung hindi man makabayad sa mga utang panlabas ang mga korporasyon ng mga oligarko, ang pamahalaan naman ang siyang magbabayad.

Sa pag-uumpisa ng buwang ito ay iniulat na halos P4.3-Bilyon ang nalugi sa Philippine Export-Import Credit Agency (PhilEXIM, na dating kilala bilang Phil. Export and Foreign Loan Guarantee Corp) dahil sa ibinigay nitong loan guarantee noong 2003 sa isang kumpanya na kung tawagin ay “World Granary Inc. (WGI)”. Hindi nagbayad ang WGI ng kahit anumang halaga sa pagkakautang nitong P1.8-Bilyon sa bankong ABN-AMRO ng Netherlands, kaya bandang huli ay napilitan ang PhilEXIM na magbayad sa kanilang utang at sa lahat ng interests at penalties sa ABN-AMRO na umabot na sa P4.229-Bilyon hanggang noong 2012. Kinasuhan ng Ombudsman sa Sandiganbayan ang dalawang dating opisyal ng PhilEXIM (sina EVP Rolando Alonzo at Account Officer Teresita Cometa), at ang 5 shareholders ng WGI (sina Nena Ang, Alison Sy, Guillermo Sy, Derick Chester Sy at Renato Ang). Pero wala nang magagawa ang pamahalaan sa nangyaring pagkalugi nito. Hirap na hirap lumikom ng pondo ang pamahalaan, na mabilis namang nawawaldas sa kapakinabangan ng mga negosyanteng Chinoy sa pamamagitan ng kanilang mga corrupt na kasapakat sa pamahalaan.

Ang solusyon sa mga problemang ganito ay ang pag-aalis ng sovereign guarantee sa mga pribadong pangungutang sa labas ng bansa ng mga pribadong negosyante rito (maging sila man ay Pinoy, Chinoy, Kastilanoy, atbp.). Higit pa rito, dapat nang itigil ang patakarang privatization, at ibalik sa pampublikong pag-aari ang lahat ng mga pangunahing public utilities na kailangan ng sambayanan.

Tulad ng nakasulat na slogans sa inyong banners na naka-display dito ngayon, ang tunay na solusyon ay ang pagbabalik ng tubig, kuryente, MRT/LRT, tollways, pantalan, paliparan at iba pang vital na mga public utilities sa pag-aari at kontrol ng pamahalaang makabayan. Ito ay isang mahalagang aspeto ng ipinaglalaban nating sistema ng pambansang demokrasya.

ANG PAGPAPALAKAS SA PAMPUBLIKONG SEKTOR ANG SUSI SA PAMBANSANG KAUNLARAN

Upang matigil na ang higit na pagpapahirap sa sambayanan ng dambuhalang oligarkiya na patuloy na pinayayaman ng administrasyon sa pamahalaan, dapat lamang na isagawa ang nasyunalisasyon sa mga public utilities at maging mga vital industries. Mangangailangan ito ng pagbabagong pulitikal sapagkat hindi maaasahan ang kasalukuyang administrasyon at burokrasya na magkaroon ng political will para patakbuhin nang tuwiran at epektibo ang ating ekonomya.

Kayang-kaya ng pamahalaan, kung mayroon lamang itong pagtatalaga o political will, na magsagawa ng lahat ng mga programa at proyektong kinakailangan ng sambayanan. Para magkaroon ng ganitong political will, kailangan na ang mamamahala sa gobyerno ay mula sa mga uring gumagawa, at hindi na ang mga corrupt na kasapakat ng oligarkiya. Ito ang landas tungo sa inaasam nating pambansang demokrasya at sosyalismo. Tanging ang landas na ito ang makasasagip sa ating sambayanan mula sa kahirapan at kagutuman.

Ngunit tungo sa pagbubukas at pagtahak sa ganitong landas ay kinakailangan ang higit na militanteng pagkilos ng mga uring manggagawa’t magbubukid at ng iba pang saray ng masang gumagawa. Ang AMMMA, bilang kumakatawan sa mga magsasaka, mangingisda at manggagawa sa agrikultura, ay dapat na tunay na manguna sa militanteng pagkilos sa mga ito. Tungo rito ay inaasahan ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP-1930) ang pagkakamit ninyo ng lakas at tagumpay.

            MABUHAY ANG AMMMA !

MABUHAY ANG PAKIKIBAKA PARA SA PAMBANSANG DEMOKRASYA AT SOSYALISMO !

                                                                                                      Ka. Tony Paris

                                                                                    Pangkalahatang Kalihim, PKP-1930