Pagbati sa Ika-26 na Anibersaryo ng PATAMABA (Mayo 5, 2016

Gng. Lourdes Gula, Pambansang Pangulo ng PATAMABA,

Mga kasama at mga kaibigan,

Ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP-1930) ay nagpapaabot ng rebolusyonaryong pagbati sa Pambansang Kalipunan ng mga Manggagawang Impormal sa Pilipinas (PATAMABA) na nagdaraos ngayon ng Ika-26 na Anibersaryo dito sa Lungsod ng Malolos, Lalawigan ng Bulakan.

Ang PATAMABA ay pormal na itinatag noong 1990 bilang Pambansang Tagapag-ugnay ng mga Manggagawa sa Bahay, kung saan nagmula ang “acronym” na PATAMABA. Ang PATAMABA noon ay kumakatawan lamang sa mga manggagawa sa bahay --- tulad ng mga sub-contracted na mga mananahi at mga tagagawa ng mga handicrafts at iba pang kahalintulad na produkto –- na por-piraso ang trabaho at kita. Karamihan ay kababaihan, sila'y binabagsakan ng mga materyales na kanilang gagawing finished products sa bahay nila mismo, batay sa estilo at disenyo na itinatakda rin sa kanila.

Ito ang uri ng gawaing walang employer-employee relationship, walang tiyak na kita, walang katiyakan sa trabaho o job security, walang maaasahang benepisyo, at halos walang karapatan. Sinasagad mismo ng mga manggagawa sa bahay ang kanilang pagtratrabaho upang makarami ng matatapos na produkto, lalo na iyong mga nakabaon pa sa utang dahil sa kanilang pagbili o paghuhulog sa high-speed sewing machines o iba pang makinarya at special tools na kailangan sa kanilang gawain.

Sa ngayon, bilang Pambansang Kalipunan ng mga Manggagawang Impormal sa Pilipinas, ang PATAMABA ay kumakatawan rin sa mga maliliit na manininda, vendors, drivers at iba pang mga nabubuhay sa iba’t-ibang mga impormal na larangan ng kabuhayan --- o iyong tinatawag na “underground economy”. Sila ang pinaka-marginalized na mga manggagawa na walang pormal na trabaho, walang tiyak na kita, walang job security, walang maaasahang benepisyo, hindi pwedeng mag-unyon, at halos wala ring karapatan.

Ang pagdami ng informal workers ay bunga na rin ng patuloy na paglala ng kabuhayan sa ating bansa –- ng kawalan ng sapat na trabaho para sa mga bagong pumapasok sa labor force, at ng paulit-uit na pagkaka-tanggal sa trabaho ng napakaraming mga “contractuals” na hindi binibigyan ng pagkakataon para maging permanente sa trabaho. Ito’y dahil sa neokolonyal na sistemang kapitalista sa ating bansa, kung saan ang industriya at manufacturing na siyang makalilikha ng maraming permanenteng trabaho ay hindi pinauunlad. Sa halip, ang puhunan ay itinutuon sa mga speculative na negosyong agad pagkakakitaan, tulad ng mga condominiums at mga malls na nagiging daluyan ng bumubuhos na mga imported na bilihin.

Ang kakulangan sa mga regular na trabaho ang siyang nagtutulak sa malaking bahagi ng ating labor force na maghanap ng trabaho sa ibang bansa, o kaya’y makipagsapalaran sa iba’t ibang larangan ng “pagnenegosyo” o “micro-entrepreneurship” dito sa ating bansa. Kaya naman may mga nagtatapos sa mga paaralan at maging sa mga kolehiyo na napipilitan na lamang mamasada ng anumang sasakyan, o kaya’y mangutang sa informal na “micro-financing” o “5:6” para magtitinda-tinda ng mga kalakal.

Ang bilang ng mga “self-employed” ay tinatayang hindi kukulangin sa  13 milyon, samantalang ang bilang naman ng mga “unpaid family workers” ay mga 5 milyon. Ang mga ito, na may kabuuang bilang ng 18 milyon, ang maituturing na mga manggagawang impormal na kinakatawan ng PATAMABA. Nakaatang sa PATAMABA ang tungkuling ipagtanggol at isulong ang iba’t-ibang kapakanan ng samut-saring mga kabilang sa mga manggagawang impormal. Pangunahin sa tungkuling ito ang pagtutol sa mga balak ng pamahalaan na higit pang privatization ng mga hydro-power, geothermal at iba pang planta ng kuryente, mga paliparan, pantalan, post office, ospital, irrigasyon, local waterworks, atbp., na pawang matutungo sa higit na pagtaas ng mga singilin at sa higit na pagpapahirap sa ating sambayanan.

Higit pa rito, may mahalagang tungkulin ang PATAMABA sa pagmumulat sa mga manggagawang impormal upang sila’y makiisa sa rebolusyonaryong pagbabago ng ating buong sistemang pangkabuhayan at pampulitika. Walang maaasahan sa pananatili ng neokolonyal na sistemang kapitalista sa ating bansa, lalo pa at ang pandaigdigang krisis ng kapitalismo ay may mas grabeng epekto sa mga neokolonyal na bansa tulad ng Pilipinas. Ang batas ng kapitalismo ay ang higit na pagtutubo para sa kapitalista, lalo na para sa dayuhan at lokal na elitistang bahagi nito na kung tawagin ay  oligarkiya, sa pamamagitan ng higit na panghuhuthot sa lakas-paggawa ng mga manggagawa at sa labis-labis na paniningil sa consuming public. Walang pakialam ang oligarkiya sa malawakang paghihirap at pagdarahop na idinudulot ng kanilang greed o pagka-ganid.

Ang kanilang pagka-ganid ay nagiging “legal” sa pamamagitan ng mga batas at patakarang privatization, deregulation at liberalization na itinatakda ng mga pambansang pinuno na ang pagtakbo sa posisyon ay kanilang pini-pinansiyahan. Sa panahon ngayon ng kampanyang elektoral, ang oligarkiya muli ang lantad at lihim na financiers ng mga kandidato, lalo na iyong tumatakbo sa pagka-pangulo, pangalawang pangulo at senador. Ang lahat ng mga kandidatong ito ay pawang tagapagtanggol ng neokolonyal na sistemang kapitalista sa ating bansa, at hindi maaasahang magsulong ng tunay na pagbabago. Kaya naman ang mga boboto ay pwede lamang pumili kung sinu-sino ang “lesser evil” sa mga kandidato.

Sa 4 na seryosong kandidato sa pagka-pangulo, nariyan ang isang bastos at mamamatay-tao na walang paggalang sa kababaihan at pabali-baliktad ang sinasabi, at nagbabanta pa na siyang bubuwag sa Kongreso para maging diktador. Nariyan ang isang oportunistang dati nang naging US citizen sampu ng kanyang pamilya, at kung gayon ay nagsisilbing insulto sa konsepto ng pagiging Pilipino. Nariyan ang isang mandarambong na ang tanging depensa ay wala pa namang korteng humatol na siya at kanyang mga kapamilya ay nandambong nga. At nariyan din ang isang dating kalihim ng DOTC na masisisi sa mga kontrata sa privatization ng LRT/MRT na nagresulta sa patuloy na pagdanas ng malaking paghihirap ng mga mananakay o commuters sa Kamaynilaan.

Sa larangan naman ng pagka-bise-presidente, tampok ang anak ng dating diktador na si Ferdinand Marcos, na walang pagsisisi sa ginawang mga pamamaslang, pagpapahirap at pandarambong noon ng kanilang pamilya. Nariyan din ang 2 nakilala lamang dahil sa kanilang paglulunsad ng mga kudeta na hindi naman pwedeng suportahan ng masa. At nariyan din ang 2 supling ng mga political dynasties na kilalang mina-manok ng ilang oligarko. Mabuti na lamang at may bagong mukha sa larangang ito, sa katauhan ng isang kongresistang babae na dating naging manananggol ng isang inaaping grupo ng mga magsasaka.

Sinuman ang mahalal bilang pangulo at pangalawang pangulo ng Pilipinas sa Mayo 9 –- maging bilang produkto ng mga boto, o bilang produkto ng “hocus-PCOS” –- ay tiyak na magagamit rin ng oligarkiya sa pagtatanggol at pagpapatuloy sa neokolonyal na sistemang kapitalista na ating bansa. Sa ganitong kalagayan, ang mahalaga ay magkaroon tayo ng kinatawan sa Kongreso na magbubunyag at tutuligsa sa mga pakana ng imperyalismo at ng lokal na mga oligarko sa larangan ng pagbubuo ng mga batas at patakaran. Hinggil rito ay kailangang higit pa nating paigtingin ang kampanyang elektoral para mahalal ang Kaisahan ng Maliliit na Magsasaka (KMM, na #33 na partylist sa balota) na siyang tanging maaasahan nating magtatanggol sa kapakanan ng mga magsasaka at manggagawa (kasama na ang mga manggagawang impormal) doon sa Kongreso.

Ang KMM ang tanging makapagdadala sa Kongreso ng mga panukalang nakatuon sa paglipat sa isang bagong sistemang papawi sa panghuhuthot ng tao sa kanyang kapwa, isang sistemang sosyalista na may pantay na pag-unlad para sa lahat. Nasa sistemang sosyalista ang paglaya ng mga uring gumagawa, kasama na ang malawak na saray ng mga impormal na sektor na kinakatawan ng PATAMABA. Ang sosyalismo ay nakabatay sa maunlad na industriya at agrikultura, na makapagbubukas ng regular at makabubuhay na trabaho para sa lahat. Para sa ating bansa, ang sosyalismo ay makakamit sa landas ng pambansang demokratikong pagbabago, kung saan pagtutuunan ang pagpapaunlad sa ating malayang pambansang kakayahang industriyal, na siyang magiging batayan ng pagpapaunlad sa employment, agrikultura, at lahat ng larangang panlipunan.

Isang layunin rin sa yugto ng pambansang demokrasya ang transpormasyon ng buong sambayanan --- kasama na ang mga kabilang sa mga impormal na sektor --- tungo sa pagiging isang disiplinadong uring manggagawa na siyang magtatakda sa pag-unlad, at siyang tuwirang hahawak, sa ating pambansang ekonomya, pulitika, paturuan, kultura at lahat ng larangan ng pambansang buhay.

Tungkulin kung gayon ng PATAMABA na ituro sa mga manggagawang impormal ang pangmalayuang pananaw na ang lundo ng pagbabago mula sa kasalukuyang neokolonyal na sistemang kapitalista ay ang paglipat sa sistemang sosyalista. Ang landas tungo doon ay ang pambansang demokratikong landas kung saan maaalis ang marginalized na kalagayan ng maraming mamamayang gumagawa na ngayon ay kabilang sa mga impormal na sektor. Bahagi ng paglipat sa sosyalismo ang paglipat ng mga impormal na sektor tungo sa pagiging regular at produktibong bahagi ng uring manggagawa.

Tanging sa sosyalistang sistema lamang tunay na matatamo ang kaunlaran at katiwasayan ng uring manggagawa, na siyang hahawak sa kapangyarihang pang-estado, at siyang magtatakda na ang lahat ng yaman ng lipunan ay dapat gamitin sa kapakanan at kaunlaran ng buong sambayanan. Sa sosyalistang sistema lamang tuluyang mapapawi ang unemployment, at magkaroon ng tunay na nakabubuhay na pasahod, na nakakawing sa mga patakaran ng mababang halaga ng pagkain, tubig, kuryente, tirahan, pananamit at pamasahe. Tanging sa sosyalistang sistema magkakaroon ng komprehensibong social security para sa lahat, na nakakawing sa mga patakaran ng libreng edukasyon at hospitalisasyon.

Tanging sa sosyalistang sistema magkakaroon ng ispesyal na mga karapatan ang kababaihan, at mahigpit na ipagbabawal ang pagtratrabaho ng mga bata. At tanging sa sosyalistang sistema magkaroon ng kapangyarihan ang mga unyon ng mga manggagawa sa pamamalakad ng mga pagawaan at ng buong ekonomya. Ang sosyalistang sistema kung gayon ang magiging kalutasan sa mga suliranin ng mga sektor na kinakatawan ng PATAMABA, at maging ng lahat ng mga uring gumagawa sa ating bansa.

Mga kasama at mga kaibigan :

            Bilang pangwakas, nananawagan muli ako sa pagtulong ng lahat upang mai-kampanya at maipagwagi sa darating na halalang pang-partylist ang KMM (#33 sa balota) na tunay na maglilingkod upang maisulong ang pagbabagong panlipunan tungo sa pambansang demokrasya at sosyalismo sa ating bansa.

Mabuhay ang Ika-26 na Anibersaryo ng PATAMABA !

Mabuhay ang mga uring gumagawa sa Pilipinas !

Mabuhay ang sosyalismo !

Magtatagumpay tayo !

                                                                                            KA. TONY PARIS

                                                                            Pangkalahatang Kalihim, PKP-1930