Pagbati sa Ika-39 Anibersaryo ng Samahan sa Ika-uunlad ng Kabataang Pilipino (SIKAP).

Mga kasama :

 

            Ikinalulugod lagi ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP-1930) na magkaroon ng puwang sa inyong pagdaraos ng inyong mahahalagang okasyon, tulad ng inyong Ika-39 na Anibersaryo ngayon.

            Ang inyong Ika-39 na Anibersaryo ay inyong idinaraos sa gitna ng malubhang krisis na kinakaharap ng kabataang Pilipino --- ang dumaraming bilang ng mga tumitigil sa pag-aaral sa iba’t-ibang antas, dahil sa kakulangan ng panustos sa pag-aaral ; ang tuloy-tuloy na pagtaas ng mga singilin sa mga pribadong paaralan, lalo na sa mga paaralan at kolehiyong pinatatakbo ng mga simbahan ; ang kakulangan ng mga pasilidad sa mga pampublikong paaralan at kolehiyo ; at ang kakulangan ng mapapasukang trabaho para sa mga nagtatapos ng pag-aaral.

Dagdag pa rito ay ang pagpapatupad simula sa darating na pasukan ng programang K+12, na magdaragdag ng 2 taon pa sa high school, para lamang gumaya sa bilang ng taon ng pag-aaral sa USA at Europa. Mangangahulugan ito ng higit na panahon at gastos bago makapagtapos sa high school ang mga mag-aaral, bagay na higit na magpapalubha sa pasanin ng kanilang mga magulang. Mangangahulugan ito ng higit na kita para sa mga pribadong high schools, ng higit na bilang ng mga titigil sa pag-aaral sa 2 dagdag na taon sa high school, at ng malaking dagdag na gastusin mula sa kaban ng bayan para sa mga pampublikong high schools.

Mangangahulugan rin ito na sa darating na dalawang taon ay wala munang magtatapos sa high school, wala munang papasok sa mga kolehiyo, wala munang magtuturo sa mga unang taon ng mga kurso sa kolehiyo. Masisira bale ang kabuhayan ng mga academic at non-academic personnel ng mga kolehiyo sa darating na 2 taon. Mangangahulugan rin ito na ang mga pasilidad para sa lahat ng antas hanggang high school ay kukulangin, lalo na sa mga pampublikong paaralan.

Imbes kasi na mag-graduate na ang mga magtatapos sa ika-4 na baytang ng high school, sila ay mananatili pa sa paaralan at gagamit pa sa mga pasilidad nito sa susunod na 2 taon. Iyon sanang mga pasilidad na mapapakawalan sa pag-graduate agad ng mga magtatapos sa 4 na taon ng high school ang siya namang magagamit ng mga bagong papasok sa high school. Ngunit sa pagpapatupad sa K+12 ay higit na magsisiksikan sa dati pa ring mga pasilidad ang mas malaking bilang ngayon ng mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan.

Sang-ayon sa pamahalaan, kailangan daw tayong gumaya sa ehemplo ng paturuan sa USA at Europa. Ngunit kung ikukumpara ang kaalaman ng mga nagtatapos sa ibat-ibang kurso sa ating bansa hanggang sa ngayon, hindi naman tayo nahuhuli sa kabila ng pagkakaroon lamang ng 4 na taon sa ating high school. May pansin rin na kulang ang mga high school graduates natin sa mga vocational skills na kailangan para sa agarang employment matapos ng graduation sa high school.

Ngunit ito ay malulutas sa pamamagitan ng pagpapalawak sa mga vocational high schools na may 4 na taon rin lang ang haba, sa halip na ipilit na ang lahat ng estudyante sa high school ay dumaan sa mas mahabang 6 na taon ng magkasanib na pag-aaral na akademiko at vocational. Magkaiba rin naman ang nilalaman ng pag-aaral na akademiko para sa magtatapos ng high school at magpapatuloy sa kolehiyo, at ng pag-aaral na vocational para sa nais agad magtrabaho matapos ng high school. At nariyan na rin naman ang TESDA na may maiikling training para sa partikular na mga technical skills.

Sinasabi rin ng mga nagpanukala ng K+12 na masyadong bata pa daw kasi ang edad ng mga nagtatapos sa mga kolehiyo sa ating bansa. Ngunit kung ito ay problema, bakit pinapayagan ng Commission on Higher Education ang pagkakaroon sa mga pribadong kolehiyo ng pasukang trimester at maging quadrimester, sa halip ng dating 2 semesters lamang bawat shool year ? Hindi ba’t ang pagpaparami ng semesters sa bawat school year ay paraan, hindi lamang para sa mabilis na pag-graduate sa mas mababang edad ng mga estudyante, kundi para rin sa intensification ng pagpapatubo ng mga pribadong kolehiyo ?

Ang krisis na umaapekto sa mga kabataan at mag-aaral ay bahagi lamang ng malawakang krisis na kinakaharap ng ating buong sambayanan sa ilalim ng neokolonyal na sistemang kapitalista. Nariyan ang nagpapatuloy na mataas na mga lebel ng unemployment at under-employment, ang kababaan ng pasahod, ang di-pagtalima ng mga kapitalista sa mga occupational safety at health standards, ang sexual harassment at diskriminasyon laban sa kababaihan sa larangan ng employment, at ang panunugpo ng mga kapitalista sa karapatan ng mga manggagawa ukol sa pag-uunyon at sa organisadong pagkilos. 

Higit pa rito ay marami pang larangan ng pang-sistemang krisis ang kinakaharap ng ating sambayanan. Nariyan ang panganib ng digmaan at pagkakawatak-watak ng ating bansa dahil sa secessionistang mga tunguhin na sinusuportahan ng imperyalismo. Ang pagpapaunlad ng imperyalismong Kano sa Islamic fundamentalism, hindi lamang sa Gitnang Silangan kundi maging sa ating rehiyon ng Timog-Silangang Asya, ay sa layuning magamit ito sa paghahati-hati sa mga bansa at sambayanan. Sa katimugang bahagi ng ating bansa, ang imperyalismong Kano rin ang nagpapanukala sa pagbubuo ng isang “sub-state” para sa kanilang mga kasapakat sa MILF, na inaasahan nilang mangangalaga sa imperyalistang pangingibabaw sa mga likas na yaman doon.

Nariyan rin ang patuloy na kontrol ng mga dayuhang korporasyon sa mga industriya ng petrolyo, natural gas at geothermal power generation. Nariyan rin ang pamamayagpag ng isang ganid na oligarkiyang kinabibilangan ng mga Chinoy at Kastilanoy na may kontrol sa tubig, kuryente, MRT/LRT, tollways at iba pang mga pangunahing pasilidad, na nakatuon lamang ngayon sa labis na pagpapatubo at hindi sa serbisyong publiko.

Sa pag-aaral ng Credit Suisse Global Wealth Watch noong 2014, ang pinakamayamang 1% ng mga angkan sa Pilipinas ang siyang may-ari sa 40% ng kabuuang yaman sa ating bansa. Ang kasunod namang pinakamayamang 9% ng mga angkan sa Pilipinas ang may-ari sa 36% ng kabuuang yaman sa ating  bansa. Bale ang natitirang 90% ng mga Pilipino, na siyang mga tunay na gumagawa ng yaman sa ating bansa, ang naghahati-hati sa 26% lamang ng kabuuang yaman sa ating bansa. Kung tutuusin, ang pinakamahirap na 10% ng ating sambayanan ay salat sa anumang matatawag na “yaman”.

Kung ganito ang mukha ng kawalan ng demokrasya sa ating larangang pangkabuhayan, ang pamamayagpag naman ng mga political dynasties and mukha ng kawalan ng demokrasya sa larangang pampulitika sa ating bansa.  Sang-ayon sa pananaliksik ng Asian Institute of Management Policy Center noong 2014, mga 70% ng mga miyembro ng Senado at Kamara, at mga 80% naman ng mga gobernador at mga mayors, ay kabilang sa mga political dynasties --- kadalasang mga warlords, gambling lords, mga datu at sultan, at iba pang angkang masisiba sa mga posisyon ng kapangyarihan, kurakot at yaman. Tulad sa pagiging kabilang sa pampinansiyang oligarkiya, ang pagiging kabilang sa mga political dynasties ay hindi rin karangalan, kundi bagkus ay tanda ng kawalang-kahihiyan.

Sa ganitong mga kalagayan, higit na kailangan ang SIKAP upang magbigay ng patriotiko at rebolusyonaryong gabay sa kabataan at estudyanteng Pilipino. Kailangan ang SIKAP upang palawakin ang progresibong pampulitikang kamulatan at militanteng pagtatalaga na ang kabataan ay hindi susunod, at sa halip ay magbabalikwas, sa papel ng pagiging tagapagdala ng yaman para sa mga imperyalistang korporasyong transnasyunal at sa oligarkiyang pampinansiya at mga political dynasties na siyang sama-samang humuhuthot sa ating lipunan.

            Kailangan ang SIKAP upang magbigay ng ehemplo ng paglalantad at paglaban sa kasakiman ng imperyalismo at ng lokal na oligarkiya at mga political dynasties, na siyang sagka sa pagkakaroon ng magandang kinabukasan para sa ating bayan at lalo na sa kabataang Pilipino. Kailangan ang SIKAP upang ipaunawa sa kabataang Pilipino na ang mga galamay ng imperyalismo at ang mga kabilang sa oligarkiya at sa mga political dynasties ay hindi dapat tingalain at parangalan, kundi dapat ay tuligsain at kamuhian. Walang karangalan sa pagiging pangunahing mga manghuhuthot sa ating lipunan.

 

Kailangan ang SIKAP upang tumulong sa pagpapalaganap sa hanay ng kabataan ng siyentipikong pananaw hinggil sa realistikong landas ng paglaban sa imperyalismo at mga lokal na manghuhuthot, ng pakikibaka para sa isang makatarungang sistemang panlipunan --- sa sistemang sosyalista na ating mararating sa landas ng pambansang demokrasya.

Sa okasyong ito ay nagpapaabot ang PKP-1930 ng pag-asa na ibayong lakas at militansiya ang maipapakita ng SIKAP sa inyong mga pagkilos sa darating na mga panahon.

Sulong sa militanteng pakikibaka laban sa imperyalismo at mga lokal na manghuhuthot !

Mabuhay ang SIKAP !

Mabuhay ang pakikibaka para sa pambansang demokrasya at sosyalismo !

                                                                                    Ka. Tony Paris

                                                                        Pangkalahatang Kalihim, PKP-1930