Pagdalaw ni Papa Francisco --- Walang Himala !

Mayroong anecdote o kwento hinggil kay Napoleon Bonaparte na noong una niyang makuha ang kapangyarihan sa Pransiya ay agad niyang ipinatawag ang pinakakilalang mga pantas sa larangan ng siyensiya upang sumangguni sa mga iyon. Humiling siya ng komprehensibong buod ng pinaka-makabagong mga tuklas noon hinggil sa likas na mga katangian ng mundo, at sa pag-inog ng mundo at ng iba pang mga planeta at “heavenly bodies” sa kalawakan.

            Matapos na maipaliwanag sa kanya ang kalikasan ng mga pagkilos ng mundo, ng pag-inog ng buwan sa paligid ng mundo, at ng pag-inog ng mga planeta sa  paligid ng araw, pinansin ni Napoleon na ang mga kaalamang ito ay kontra sa itinuturo ng bibliya at ng simbahang Katoliko --- na ang mundo ay ginawa daw bilang sentro ng buong kalawakan. Tinanong din niya kung bakit wala man lamang paliwanag kung ano ang kapangyarihan o papel ng diyos sa ibabaw ng lahat ng mga ito.

            Ipinaliwanag ng mga siyentista noon na walang katotohanan ang mga turo ng bibliya at ng simbahan hinggil sa diumano’y pagiging sentro ng mundo sa gitna ng buong kalawakan. Ipinaliwanag rin nila na walang papel ang anumang diyos hinggil sa mga natural na pangyayari o kalamidad sa mundo, at hinggil sa pag-inog ng mundo at mga planeta sa kabuuan ng universe. Sa katunayan, paliwanag pa nila, walang naging pangyayari o magiging kaganapan sa buong mundo at sa buong sanlibutan ang nakasalalay sa anumang diyos, simbahan o pananampalatayang pang-relihiyon. Dahil sa kaalamang ito, noong coronation ni Napoleon sa harap ng mga royal families ng Europa ay hindi niya sinunod ang tradisyon na ang pagpuputong ay isagawa ng “Santo Papa” bilang kinatawan ng diyos sa mundo. Nang lumapit ang Papa dala ang korona ay inagaw iyon ni Napoleon at siya mismo ang nagputong ng korona sa sarili niyang ulo.

            Nakalulungkot lamang na sa kabila ng higit pang mga kaunlaran sa mga kaalamang siyentipiko, marami-rami pa rin sa mga Pilipino ang naka-tanikala sa paniniwala at pag-asa sa misteryosong kapangyarihan ng simbahan at ng mga pinuno nito, pangunahin na ng “santo papa”. Ang ganitong kalagayan ay muling nakita nitong nakaraang buwan nang dumalaw sa Pilipinas ang sinasabing kinatawan ng diyos sa mundo, na si Papa Francisco (ang dating Heswitang paring Argentino na si Jorge Mario Bergoglio) .

Sa isang okasyon sa open field ng Unibersidad ng Santo Tomas sa Maynila ay nakaharap ng papa ang isang 12-anyos na batang babae --- si Glyzel Iris Palomar, isang dating batang kalsada na pinili ng simbahan para sa okasyong iyon. Tinanong ni Glyzel kay Papa Francisco kung bakit pinapayagan ng diyos ang kalagayan na maraming mga batang walang kasalanan ang nabibiktima ng droga at prostitusyon. Walang maisagot si Papa, at sinabi na lang niya na iyon ay isang katanungang walang kasagutan.

Siyempre, hindi maisagot ng Papa na wala naman talagang kinalaman ang anumang diyos sa anumang pangyayari sa mundo ; at ang droga, prostitusyon at mga bisyo, tulad rin ng lahat ng mga racket sa sistemang kapitalista, ay gawa ng mga sindikato at korporasyong kapitalista na handang humuthot kaninuman para sa sariling pagpapayaman. Gayunpaman, mabuti na lang at hindi gumaya si Papa Francisco sa mga gasgas nang paliwanag na ang paghihirap at trahedya ay “pagsubok” lamang ng diyos, at ang mga problema ay hindi nalulutas habang kulang ang pananalig at pagdarasal sa diyos ng mga tao. Hindi rin gumaya si Papa Francisco sa estilo ni Cardinal Tagle at mga lokal na prinsipe ng simbahan, na nagpapayo ng mga “magic formula” para sa paglutas ng mga suliranin, tulad halimbawa ng pagdarasal ng “Horation Emperata” para magka-ulan, pumigil sa bagyo, magkaroon ng kapayapaan, atbp.

Ang bawat gawin at bigkasin ni Papa Francisco sa buong panahon ng kanyang pagdalaw ay sinubaybayan ng buong bansa, lalo na ng marami sa tinatayang 80% ng mga Pilipino na nabinyagan bilang mga Katoliko. Ang kanyang pagdalaw, ilang araw lamang matapos ng fiesta ng Quiapo (na taun-taon ay may kaakibat na namamatay at nao-ospital na mga panatikong humihila at sumasakay sa karosa ng idol nilang “itim na Nazareno”), ay ginawang pambansang fiesta ng simbahang Katoliko. Sa tulong ng media hype ay wari’y tumigil ang normal na buhay sa Kamaynilaan, upang panoorin ng mga mamamayan ang ilang araw na paglilibot ng isang bisitang superstar.

Nang tanggapin ni PNoy si Papa Francisco sa Malacanang bilang opisyal na bisita mula sa Estado ng Batikano, mahusay naman ay ipinaalala ni PNoy na ang pagiging Katoliko ng karamihan sa mga Pilipino ay bunga ng matagal na panahon ng kolonyalismo. Hindi man niya tuwirang sinabi, ngunit ang pagiging “espesyal” ng Pilipinas bilang kaisa-isang Kristiyanong bansa sa Asya, na may pang-4 na pinakamaraming bilang ng mga Katoliko sa mundo, ay hindi ninais ng ating mga ninuno, kundi ipinilit lamang sa atin ng mga mananakop na Espanyol. Binanggit rin ni PNoy na ang patuloy na kapangyarihan ng simbahang Katoliko ay makikita pa rin sa impluwensiya ng pagbatikos o pagsuporta nito sa sinumang administrasyon, at sa hibo ng lantad na pakikialam ng simbahang ito sa mga pambansang usapin tulad ng reproductive health. Dahil sa pagbanggit sa ganitong mga katotohanan, inulan ng batikos si PNoy mula sa simbahan, at maging mula sa ultra-left na nais gumamit sa pagdalaw ng Papa para sa kanilang sariling mga demands o kahingian. 

Ang ilang araw na pagbisita ni Papa Francisco ay ginastusan ng pamahalaan ng hindi kukulangin sa P200-Milyon para sa seguridad pa lamang para sa Kamaynilaan at ilang bahagi ng Leyte (Tacloban at Palo). Ang halagang iyon ay katumbas ng budget para sa isang taong pag-aaral sa elementarya ng 15,000 bata. Bilyong piso rin ang tinatayang ginastos para sa mabilisang pagsasaayos sa mga lugar ng pagmimisa ng Papa, at sa kanyang mga daraanan, sa Luneta at Kamaynilaan, at gayundin sa Tacloban airport at sa Palo sa Leyte. Ang pagkaka-deklara ng 3 araw na non-working holidays ay nagdulot ng hindi kukulangin sa P3.6-Bilyong economic losses, at bilyong piso rin ang nawala sa ilang milyong arawang manggagawa na hindi nakapag-trabaho. Kapalit ng lahat ng gastos at pagkalugi ay ang higit na pagkakatanim ng pamahiin o superstition hinggil sa “suwerte” at milagrosong kapangyarihan ng mahal na bendisyon ng mga prinsipe ng simbahan, lalo na ng santo papa mismo.

Gayunpaman, walang naging suwerte o naipakitang kapangyarihan ang Papa sa ibabaw ng lakas ng kalikasan. Ang pagdalaw ng Papa ay hindi nakapigil sa pagdaan ng bagyo sa mga lugar na dinalaw. Ang ilang aktibidad ng Papa na nakahanda sa katedral sa Palo, Leyte, ay kinailangang putulin upang makabalik agad siya sa Tacloban kung saan naghihintay ang eroplanong sasakyan niya pabalik sa Maynila. Kung nahuli pa ang pagbalik ng Papa sa Tacloban ay maaaring naging delikado ang pag-take-off ng naturang eroplano. Sa katunayan, ang isang eroplanong lulan ang matataas na opisyales ng pamahalaan na umaalalay sa papal visit ay sumadsad sa runway ng Tacloban nang subukan nitong mag-take-off matapos lamang na makalipad ang eroplanong sinakyan ng Papa. Nauna pa rito, samantalang nagmimisa ang Papa sa gitna ng masamang panahon sa Tacloban airport, ay namatay ang isang babaeng program volunteer nang mabagsakan siya ng sound system tower na natumba dahil sa lakas ng hangin.

Sa idinaos ng Papa sa Arena ng Mall of Asia, na tinaguriang pakikipag-pulong sa mga pamilyang Pilipino, ihinarap sa kanya ang isang 3-taong gulang na bata na si Brandon Emmanuel Lao. Ang batang iyon ay nauna nang na-diagnose na may butas sa puso at may pulmonary hypertension dala ng pagkasira ng kaliwang baga. Siya ang napili ng Vatican security upang tumanggap ng ispesyal na bendisyon mula sa Papa, bagay na nagbigay ng malaking pag-asa sa kanyang mga magulang at sa maraming sumubaybay sa buong pagdalaw rito ng Papa. Kung mabubuhay si Brandon sa kabila ng kanyang karamdaman ay magiging simbolo siya ng milagrosong kapangyarihan ng bendisyon ng Papa. Ngunit sa kasamaang palad, si Brandon ay namatay isang linggo lamang matapos na mabigyan ng ispesyal na bendisyon ng Papa. Hanggang sa kanyang paglisan, si Papa Francisco ay walang nagawang himala na siyang inaasahan ng mga nananampalataya, lalo na ng mga panatiko sa simbahan.

Sa kanyang pagdalaw sa ating bansa, si Papa Francisco ay nagbigay rin naman ng ilang mahusay na tagubilin : hinggil sa pagpigil sa global warming, hinggil sa pagrespeto sa mga pagkakaiba ng pananaw sa mga gawaing relihiyoso, at hinggil sa paglaban sa kahirapan. Sang-ayon sa mga tagapayo ng Batikano hinggil sa siyensiya, ang global warming ay maituturing na pangunahing salik na nagdudulot ng mga super-typhoons tulad ng bagyong “Yolanda” (o “Haiyan”) na sumalanta sa ating bansa noong Nobyembre 2013. Magandang pananaw ito, na kaiba sa dating sinasabi ng mga pinuno ng simbahan na ang mga kalamidad ay dulot ng diyos bilang “pagsubok” sa pang-relihiyong pananalig ng mga tao.

Sana nga lang ay mapalawak pa ang maka-agham na paninindigan ng Batikano upang matukoy na ang global warming ay pangunahing kagagawan ng dambuhalang mga korporasyong kapitalista na sumisira sa mga gubat, kabundukan, karagatan at iba pang mga fragile eco-systems sa mundo. Sa Pilipinas mismo, dapat tiyakin na ang mga pondo ng simbahan ay hindi ipinupuhunan (o naka-invest) sa mga korporasyon ng pagtrotroso, pagmimina at iba pang negosyong sumisira sa kapaligiran at nagdudulot ng global warming. Sana rin, mapalawak pa ang maka-agham na mga pananaw ng simbahan upang mapawi na ang mga kontra-siyensiyang pananaw nito hinggil sa “virgin birth”, anghel at demonyo, langit at impyerno (kasama na ang purgatoryo at limbo), multo at santo, sumpa at milagro, atbp.

Hinggil sa tagubilin ng Papa na pagrespeto sa mga pagkakaiba ng pananaw sa mga gawaing pang-relihiyon, dapat magbigay mismo ng ehemplo ang simbahang Katoliko sa pamamagitan ng pagwawaksi sa dogma nito na tanging ang simbahang ito ang tama, at siyang tanging may kapangyarihang “makapagligtas”. Kung ito ay gagawin ng simbahang Katoliko, mas maaaring iwaksi na rin ng iba pang mga relihiyon ang ganito rin nilang dogma, na isang ugat ng malawakang paglalabanan ng mga tao. Sa ating bansa, dapat ring sundin ng simbahang Katoliko ang tagubiling ito ng Papa sa pamamagitan ng pagtitigil na sa ginawang kaso laban sa Intramuros tourist guide na si Carlos Celdran.

Maaalala na si Celdran, bilang protesta sa ginagawang malawakang paninira ng simbahan sa mga nagpapanukala ng Reproductive Health, ay pumasok sa isang simbahan sa Intramuros habang may misa, na may dalang placard na may nakatitik na “DAMASO”. Ito ay bilang paalala sa masamang imahe ng mga pari (na kinakatawan ni “Padre Damaso”, ang tunay na tatay ni “Maria Clara” sa nobela ni Jose Rizal). Si Celdran ay kinasuhan ng pagkakasala laban sa damdaming relihiyoso ng mga nagsisimba sa okasyong iyon.

Sa bagay na ito, wari ba’y walang pagkakasala ang simbahang Katoliko laban sa  damdaming relihiyoso ng mga taong sistematikong sinisiraan nito dahil lamang sa kanilang pagsuporta sa Reproductive Health (RH) law. Sa kabila ng paghingi ng paumanhin ni Celdran ay patuloy pa rin ang kaso laban sa kanya, na nakarating na hanggang sa Court of Appeals. Sa kasong ito makikita kung ang simbahang Katoliko ay may tunay na paggalang sa pananaw ng iba na hindi umaayon sa kanilang sariling pananaw.

Ang pinakamahalagang tagubilin ni Papa Francisco ay tungkol sa pagbaka sa kahirapan. Sana nga lang ay tumulong ang simbahang Katoliko sa pagpapalawak sa kaalaman na ang kahirapan ay bunga ng sistemang kapitalista, kung saan ang pagkakataon sa pag-unlad ng nakararaming gumagawa ay sinasagkaan ng iilang mapanghuthot na mga kapitalista --- lalo na iyong mga kabilang sa pambansang oligarkiya. Ngunit mukhang malabong mangyari ito dahil sa malapit na relasyon ng simbahan sa mapanghuthot na oligarkiya ng bansa --- na kinakatawan ng mga pamilya at korporasyong Zobel de Ayala, Henry Sy, Lucio Tan, Manuel Pangilinan, John Gokongwei, Andrew Tan, David Consunji, Eduardo Cojuangco, Enrique Razon, Roberto Ongpin, George Ty, Tony Tan Caktiong at iba pang may hawak sa mga monopolyo ng tubig, kuryente, telekomunikasyon, MRT/LRT, expressways, pinansiya, gamot, pagkain at iba pang mga pangunahing pangangailangan, etcetera. 

            Ang kahirapan ay malulutas lamang sa pamamagitan ng pagwawaksi sa sistemang kapitalista, at hindi sa pamamagitan ng kawanggawa o paglilimos sa mahihirap na kadalasang iminumungkahi ng simbahan. Magiging kapani-paniwala ang panawagan ni Papa Francisco para sa pagbaka sa kahirapan, kung tutuligsain ng simbahang Katoliko ang panghuhuthot sa ating bansa ng sakim na oligarkiyang may kontrol sa mga mahahalagang utilities (lalo na ang tubig at kuryente) at mga pangunahing pangangailangan ng ating sambayanan.

Dapat ring matututunan mismo ng simbahang Katoliko na bakahin ang kanyang sariling tendensiya sa pagkakamal ng yaman --- una na sa pamamagitan ng pagbabawas sa mga singilin at presyo ng mga aklat at gamit sa mga paaralan at unibersidad na pinangangasiwaan ng simbahang ito mismo. Dahil sa taas ng mga bayarin sa mga institusyong Katoliko sa ating bansa, ang edukasyon sa mga institusyong iyon ay hindi maabot ng karaniwang pamilya, at nagiging laan na lamang para sa mga pinakamayayaman (lalo na sa mga dayuhan na narito sa ating bansa). Sa usapin ng pagbaka sa kahirapan ay maraming dapat baguhin ang simbahang Katoliko sa kanyang sariling mga patakaran na nagpapalala lamang sa kahirapan.