Pagpaslang ng Sundalong Kano sa Transgender na si “Jennifer” sa Olongapo, Isang Resulta na naman ng Visiting Forces Agreement (VFA), ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), at ng Mutual Defense Treaty (MDT).

 Nitong Oktubre 11 ay natagpuang patay sa kubeta ng isang motel sa lungsod ng Olongapo, Zambales, ang (baklang) transgender na si Jeffrey Laude, alias “Jennifer”. Ito ay matapos siyang mag-“check-in” sa motel kasama ng isang Kanong sundalo na bahagi ng isang US naval force na nakadaong noon sa Subic Naval Base kaugnay ng isang joint military exercise na isinagawa ng mga tropang Kano at Pilipino.
 
Si “Jennifer” ay iniulat na napatay sa bugbog ng sundalong Kano, matapos na sila ay “magtalik” at napagtanto ng Kano na ang nakatalik pala niya ay hindi isang babae, kundi isa ngang (baklang) transgender. Sa imbestigasyong isinagawa ay naituro ang salarin bilang si Private First Class Joseph Scott Pemberton ng US Marine Corps na naka-base sa bansang Hapon.
 
Isang pangunahing ebidensiya ang natagpuang condom na ginamit sa “pakikipagtalik” kay “Jennifer”, at mahalaga para sa prosecution ang pagtiyak na may matching sa DNA ng akusado. Dahil rito, ipinipilit naman ng akusado na hindi siya dapat kunan ng anumang tissue sample (tulad halimbawa ng buhok) para hindi matukoy ang kanyang DNA.
 
Sa pagpapatuloy ng kaso ay ipinilit ng pamahalaang Kano ang kanilang custody kay Pemberton, bagay na hindi tinutulan ng administrasyong PNoy. Dito makikita ang pagbibigay ng administrasyong PNoy sa pamahalaang Kano, bagay na yumuyurak sa ating pambansang soberanya.
 
Maaalala na ilang taon pa lamang ang nakararaan mula nang pumutok ang grabeng balita mula rin sa lungsod ng Olongapo hinggil sa panggagahasa sa isang dalagang itinago sa pangalang “Nicole”. Si “Nicole” ay kinaibigan at nilasing sa isang bar ng isang grupo ng mga sundalong Kano hanggang sa nalango. Matapos nito ay pinasan at isinakay siya sa likuran ng isang van, kung saan siya ginahasa ng isang sundalong Kano habang tumatakbo ang naturang van papunta sa pier.
 
Ang panggagahasa ay pinanood ng iba pang sundalong Kano. Nang malapit na ang grupo nila sa pier kung saan nakadaong ang kanilang warship, ibinaba nila sa tabi ng daan ang hubad na si “Nicole”, na nakalawit pa sa ari niya ang condom na ginamit sa panghahalay sa kanya. Sa imbestigasyon ay natukoy ang nanggahasa na si Lance Corporal Daniel Smith na bahagi ng US 7th Fleet na nakabase sa bansang Hapon.
 
Ipinilit din noon ng USA na manatili sa kanilang custody si Smith, bagay na pinayagan ng pamahalaan ng Pilipinas. Kaya naman si Smith ay na-detain sa isang air-conditioned na container van sa compound ng US embassy. Naging malaking isyu iyon sa pagitan ng Pilipinas at USA, at ilang pulitiko ang nagbanta na magsasagawa ng aksiyon upang malansag na ang Visiting Forces Agreement (VFA).
 
Ngunit sa huli ay walang nangyari sa kaso --- iniurong ni “Nicole” ang kaso (kapalit ng pagtanggap ng USA sa kanya at sa kanyang pamilya bilang mga migrante doon), at pinalaya si Smith. Hindi lamang nanatili ang VFA (na isang balakyot na pamana sa atin ng rehimeng Erap), kundi pinatibay pa ito ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) na pinirmahan ng mga kinatawan ng Pilipinas at USA nang dumalaw si Barack Obama sa Maynila noong Abril 28, 2014.
 
Sa simula pa lamang ay mariing tinutulan na ng PKP-1930 at ng mga kaugnay nitong mga organisasyong pangmasa ang Mutual Defense Treaty at ang dating Military Bases Agreement. Tinutulan rin ng PKP-1930 at ng mga kaugnay nitong mga organisasyong pangmasa ang pagkakaroon ng VFA sa panahon ng rehimen ni Erap, at ang pagkakaroon ng EDCA sa panahon ngayon ni PNoy. Ang pagdalaw sa ating bansa ng mga US fleets ay nagdadala ng banta ng pagkalipol sa ating sambayanan, kung sakaling maganap ang isang aksidenteng nukleyar sa mga US fleets na iyon. Ang military exercises na isinasagawa rito ng mga puwersang Kano ay nagdudulot rin ng malawakang pagkasira sa ating kalikasan at kapaligiran.
 
Ang mga puwersang Kano rito ay nagsisilbing banta rin laban sa ating pambansang soberanya at integridad na pang-teritoryo. Hindi lingid sa atin ang kasaysayan ng pagsuporta ng USA sa mga Islamic secessionists, lalo na sa Mindanao na inaasahan nila na kakikitaan ng mayamang mga balon ng petrolyo. Hindi rin lingid sa atin na maging ang teroristang grupong bandidong “Abu Sayyaf”, na kamakailan lamang ay nagpahayag ng pakikiisa sa “Islamic State” sa Syria at Iraq, ay nag-ugat sa lihim na pandirigma ng CIA sa Afghanistan noong 1990s.
 
Dahil sa mga ito, ang PKP-1930 at mga kaugnay nitong mga organisasyong pangmasa ay patuloy na humihingi ng agarang pagpapaalis sa lahat ng puwersang militar ng USA mula sa ating teritoryo, at para sa agad na pagbaklas sa lahat ng mga kasunduang militar sa pagitan ng Pilipinas at USA.
 
Ang nangyaring pagkakapatay kay “Jennifer” Laude, dahil na rin sa pagtuturing sa kanya bilang isang sex worker na nagpapanggap bilang babae, ay isang “hate crime” na karumal-dumal. Ito ay katulad rin ng naunang pangyayari ng panggagahasa at parang-baboy na “pagtatapon” kay “Nicole”. Ang pagkontra sa “sex visits” ng mga tropang Kano sa ating bansa (na tinatawag na “rest-and-recreation” o “R&R”) ay mahalagang isyu sa kampanya laban sa MDT, VFA at EDCA.
 
Kondenahin ang pagkakapatay kay “Jennifer” Laude ! Itigil na ang “sex visits” ng mga tropang Kano sa ating bansa ! Baklasin na ang Visiting Forces Agreement (VFA), ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), at ang Mutual Defense Treaty (MDT) !