Pananaw ng PKP-1930 sa Repormang Agraryo at mga Kaugnay na Isyung Pangsakahan

(Ang artikulong ito ay bahagyang pinalawak mula sa nakasulat na kontribusyon ng PKP-1930 sa “National Political Conference on Agrarian Reform” na dinaos sa Asian Center ng U.P. Diliman sa Lungsod Quezon noong Hunyo 25, 2014.)

Maikling Balik-Tanaw sa Ginampanan ng PKP-1930 sa

Nakaraang mga Pakikibaka para sa Repormang Agraryo

Ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP-1930) ay nakibaka para sa repormang agraryo simula pa noong maitatag ito ng mga lider ng mga kilusang manggagawa at magbubukid noong Agosto 26, 1930. Ilan sa mga pundador ng PKP-1930 ay mga pinuno ng pinakamalaking pederasyon ng mga samahang magsasaka sa ating bansa noon --- ang Kalipunang Pambansa ng mga Magbubukid sa Pilipinas (KPMP) na naitatag noon pang 1924.

Sa pagsasanib ng Partido Komunista ng Pilipinas at ng Partido Sosyalista noong 1938, higit pang napalawak ang hibo ng partido sa hanay ng mga magsasaka at manggagawang-bukid, dahil sa napabilang sa partido ang mga pinuno ng pinakamalaking samahan ng pinagsanib na mga manggagawa’t magsasaka sa Pampanga noon --- ang Aguman ding Maldang Talapag-obra (AMT, o samahan ng mga mamamayang gumagawa). 

Hindi matatawaran ang mga sakripisyo ng mga komunistang lider magbubukid noong mga panahong iyon, at hindi iilan sa kanila ang nagbuwis ng buhay sa pakikibaka laban sa puwersa ng mga panginoong piyudal noon. Gayunpaman, marami ring mga expropriations at pamamahagi ng mga asyenda at friar estates noon pa mang 1930s ang nangyari dahil sa pamumuno ng mga komunista sa kilusang magbubukid noon. Kabilang na sa naipamahagi sa mga magbubukid noon ay ang mga asyenda mismo ni Pangulong Manuel L. Quezon sa Nueva Ecija, dala ng militanteng pakikibaka ng mga magbubukid na pinamunuan ng mga komunista.

Sa pananakop ng mga Hapones sa Pilipinas ay itinatag ng PKP-1930 ang Hukbo ng Bayan Laban sa Hapon (HUKBALAHAP), at ang mga magbubukid sa Gitna, Timog at Hilagang Luzon ang pangunahing nagdala ng pakikibakang gerilya laban sa mga Hapones at mga papet nito. Karamihan sa mga asyendero sa mga lugar na kinilusan ng HUKBALAHAP ay nakipagkutsabahan sa mga Hapones, at lumisan sa kanayunan upang manirahan sa Kamaynilaan. Sa panahong iyon ng digmaan ay nagkaroon ng puwang upang magpatupad ng radikal na repormang agraryo sa mga lugar kung saan naging malakas ang HUKBALAHAP.

Ngunit sa pagbabalik ng pananakop ng mga Kano ay muling naka-posisyon ang mga asyenderong dating collaborators ng Hapon, sa pamumuno ng bagong rehimen ni Manuel Roxas. Ang pagbabalik sa kanayunan ng mga asyendero ay kinakitaan ng marahas at madugong pagpapaalis sa mga magbubukid na nahibuan ng PKP-1930 at ng HUKBALAHAP. Sa pamumuno ng PKP-1930 ay naitatag ang isang bagong pederasyon ng mga samahang magbubukid --- ang Pambansang Kaisahan ng mga Magbubukid (PKM), na siyang naging tampulan ng pandarahas ng mga asyendero sa panahon ng patakarang “kamay-na-bakal” ng mga rehimeng Roxas, Quirino at Magsaysay. Idineklarang illegal ang PKM, at pinatay ang maraming komunistang lider-magbubukid (pangunahin na si Ka. Juan Feleo) upang maibalik ang sistemang piyudal sa kanayunan noong mga panahong iyon.

Nadurog ang progresibong kilusang magbubukid noong 1950s, dahil marami sa mga lider ng PKP-1930 at PKM ang napatay o nakulong. Ngunit nang makalabas sa bilangguan simula noong 1959 ang ilan sa mga dedikadong dating pinuno ng PKP-1930 at PKM, ay muli nilang binuo ang kilusang magbubukid at ang kilusang makabayan sa ating bansa. Sa tulong nila ay nabuo noong Pebrero 1963 ang Lapiang Manggagawa, na nag-adhika rin ng malawakang repormang agraryo sa pamamagitan ng paglilipat ng pag-aari ng mga pataniman tungo sa mga tunay na nagsasaka sa mga lupaing iyon. Noong 1964 ay nakalatag na muli sa maraming lalawigan ng Luzon --- mula Cagayan hanggang Kabikulan --- ang progresibong mga samahan ng magbubukid, at itinatag na sa pambansang lebel ang Malayang Samahan ng Magsasaka (MASAKA).

Mga Mapanghating Gawain sa Loob ng

Kilusan para sa Repormang Agraryo

Ang MASAKA ang nanguna sa militanteng pag-aadhika ng repormang agraryo sa ating bansa noon, at lumahok ito sa lahat ng mga pambansang kilos protesta na pinangunahan ng mga kadre ng PKP-1930 noon, kasama na sa pagtutol sa pagpapadala ng mga tropang Pilipino sa giyera ng mga Kano sa Biyetnam. Ang MASAKA ay naging gulugod rin ng mas malawak na kilusang makabayan sa pagkakatatag ng Movement for the Advancement of Nationalism (MAN) noong Pebrero 1967. Nakalulungkot nga lang at ang lahat ng pagpupunyagi noon para sa malawakang pagkakaisang-hanay laban sa imperyalismo at lokal na reaksiyon ay sinira ng mapaghating idyolohiya ng maoismo na ipinunla ng Tsina sa ating bansa, sa tulong na rin ng mga pabatirang pangmadla at mga ispesyal na galamay rito ng imperyalismo.

Sa pagtingin sa kalagayan ng ating bansa hanggang noong dekada ‘60, sinapantaha ng mga lokal na maoista na ang piyudalismo daw ay batayang panlipunan o “social base” ng imperyalismo. Ngunit ang ganitong pagtingin ay hungkag, sapagkat hindi nakasalalay ang imperyalistang panghuhuthot sa pananatili ng piyudalismo sa kanayunan. Hindi napapanganib ang imperyalismo sa pagpawi sa piyudalismo ; bagkus, higit na nakikinabang ang imperyalismo sa kapitalistang transpormasyon ng agrikultura. Ito ang dahilan kung bakit ang mga bansang Hapon, Taiwan at Timog Korea ay isinailalim sa malawakang land reform matapos ng digmaan, sa panahon ng tuwiran at di-tuwirang military rule at diktasyon doon ng imperialistang Estados Unidos.

Ang mga pananaw at gawain ng mga maoista ay subjectivist at labis na makakaliwa, mapagmalaki at mapanghamon, walang pagkilala sa obhetibong mga kalagayan (lalo na tunay na balance of forces), at kung gayon ay mapagpahamak sa mga lumalahok sa mga kilusang kanilang pinangungunahan o sinasamahan. Ang pakikibaka ng mga magsasaka para sa repormang agraryo, at gayundin ang iba pang mga pangmasang pakikibaka, ay lagi lamang itinutulak tungo sa kanilang armadong pakikibaka. Sa maling pangangaral na may kalagayang rebolusyonaryo daw, hinamon at itinulak rin nila sa pamamagitan ng terorismo ang pagdedeklara ni Marcos ng martial law, bagay na ikinapahamak ng maraming kabilang sa mga organisasyong idineklarang illegal sa ilalim ng martial law. Ang MASAKA ang pinakamalaking organisasyong pangmasa na nadeklarang illegal nang ipataw ni Marcos ang martial law noong Setyembre 1972.

Ang agarang pagdedeklara ni Marcos, sa ilalim ng martial law, ng komprehensibong programa ng repormang agraryo sa mga taniman ng palay at mais, ay bunga ng matagal nang mga pakikibaka ng mga magsasaka. Ang programang iyon ang isa sa pangunahing dahilan sa pagpasok ng PKP-1930 sa negosasyon tungo sa pagkakaroon ng political settlement sa pamahalaan noong 1974. Matapos nito ay agad naitayo muli ng PKP-1930 ang iba’t-ibang organisasyong pangmasa, kasama na ang isang pederasyon ng mga magsasaka at manggagawa sa agrikultura. Hanggang sa ngayon, patuloy na inaadhika ng PKP-1930 ang pamamahagi ng mga lupaing agrikultural sa mga tunay na nagsasaka nito, bilang solusyon sa “land hunger” sa marami pang bahagi ng ating bansa.

Ang land reform program ni Marcos ay nakatuon sa pag-aalis sa malalim na ugat ng social discontent sa kanayunan, sa pagpapahupa ng pagtutol ng sambayanan sa martial law, at sa pagbibigay sa istratehikong naisin ng imperyalismo na maisagawa ang malawakang transpormasyong kapitalista sa kanayunan. Gayunpaman, nag-ilusyon ang mga maoista na ang pagkakaroon daw ng programang iyon ay bunga ng kanilang armadong pakikibaka, na wari ba’y sila pa lamang ang nag-umpisa sa pag-aadhika ng repormang agraryo, at wari ba’y napakalakas na ng kanilang paglalaro noon sa armadong pakikibaka para matakot at mapasunod ang pamahalaang martial law.

Pero para sa layuning ipakita na wala namang katuturan ang mga programa ng pamahalaan, nagpatuloy rin ang mga maoista sa kanilang pagpapahamak sa mga dapat na maging benepisyaryo ng repormang agraryo. Nariyan ang pagyayabang na nagsasagawa sila ng pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka nang walang bayad, saan man mayroong “liberated areas” ang kanilang mga gerilya. Ipinagmalaki nila ang programang “agaw-lupa”, at ang kanilang pamamahagi ng ng kanilang sariling mga “titulo” sa mga “naagaw” na lupang iyon, na wari ba’y permanente na ang pagiging “liberated” ng mga lugar na iyon. Doon naman sa mga lugar na nasakop ng programang land reform ng pamahalaan, nangampanya ang mga maoista sa mga benepisyaryo na huwag silang magbayad ng kanilang amortisasyon sa Land Bank.

Tulad ng inaasahan, napahamak lamang ang mga sumunod sa mga maoistang patakaran ng “agaw-lupa” at di-pagbabayad ng amortisasyon --- mga patakarang nag-uugat sa palalong pag-aakala at pagpapanggap na sila na ang nasa kapangyarihan sa mga lugar na kanilang kinikilusan, at wari’y may sapat na silang lakas upang makapanakot at makapagpasunod sa mga ahensiya ng pamahalaan. Ngunit sa katunayan, ang pangunahing natatakot nila ay ang mga nasiphayong magsasaka sa mga lugar na napasailalim sa maoistang militarisasyon. Ang mga nasiphayong magsasaka ay hindi makaangal sa ginawa sa kanilang pagpapahamak, at napipilitang tumanggap na lamang sa paliwanag ng mga maoista na ang kanilang kabiguan ay dahil sa hindi naman genuine ng anumang programang reporma ng pamahalaan.

Hanggang sa ngayon, dito pa rin umiinog ang mga pananaw at kahingian ng mga maoista, na nangangarap na magtakda ng sarili nilang genuine daw na programa, na ang katangian ay ang konpiskasyon ng lupa nang walang kompensasyon. Wari ba’y nagwagi na ang kanilang sariling rebolusyon, at pwede na silang magtakda ng mga kahingian na naaangkop sa mas mataas na antas ng sosyalistang rebolusyon sa dako pa doon. Magandang pakinggan para sa mga nag-aadhika rin ng sosyalismo, ngunit malayo sa realidad ng kalagayang pambansa at ng timbangan ng mga puwersa sa ating lipunan. Tutal, para sa kanila, kung mawawakasan na rin agad ang CARPER, makaka-puntos pa ang kanilang propaganda na wala naman talagang maaasahan sa anumang programang reporma ng pamahalaan.

Para naman sa PKP-1930, batay sa kasalukuyang dami pa ng mga lupaing dapat ring maisailalim sa repormang agraryo, isang kagyat na pangangailangan ngayon ang pagpapatuloy sa programa ng repormang agraryo na may mas malawak na coverage para sa lahat ng pananim. Samantalang ang PKP-1930 ay nag-aadhika ng pambansang demokrasya at sosyalismo, hindi nito minamaliit ang pangangailangan para sa mga repormang makapagsusulong sa kapakanan ng sambayanan, tulad ng repormang agraryo. Tinitignan rin ng PKP-1930 na malaking banta sa programa ng repormang agraryo ang mga panukala ngayon hinggil sa tinatawag na “economic cha-cha”, kung saan ang Saligang-Batas ay nais baguhin upang buksan para sa mga dayuhan ang pag-aari sa ating mga lupain.

Sa ngayon, nakatali ang repormang agraryo sa limitadong lawak ng patapos na programang CARPER, at ang balak ng pamahalaan ay ang pagpapalawig lamang sa programang ito bilang palamuti sa administrasyong PNoy. Aminado ang DAR na ang CARP extension mula noong 2009 ay nakatuon sa pagsaklaw sa 1-milyong ektarya ng lupain, ngunit sa kabuuan ay nakasaklaw lamang ito sa 300,000 ektarya ng lupain. Ngayong Hunyo 30 ay magtatapos na ang kapangyarihan ng DAR na magpalabas ng Notice of Coverage (NoC) sa programang ito. Walang ilusyon ang PKP-1930 na ang pagpapalawig pa ng CARPER ay magdudulot ng pag-usad ng coverage ng repormang agraryo, dahil sa dami ng mga exemptions at palusot na sinasandalan ng malalaking panginoong maylupa at korporasyong agrikultural. Nararapat ang muling paglulunsad ng isang bago at pinalakas na kampanya para sa mas malawakang land redistribution, at ito ang pangunahing kinakaharap natin sa ngayon.

Pangmalayuang Pananaw

sa Sistemang Agraryo

Bahagi ng pambansang demokratikong sistema na siyang kagyat na inaadhika ng PKP-1930 ang pag-kompleto sa repormang agraryo. Ito’y mangangahulugan ng mas malawakang land redistribution na sasakop sa lahat ng pangunahing pananim (staple crops), at gayundin ng malawakang pagsasa-kooperatiba (mga kooperatibang hawak at ari dapat ng mga magsasaka) sa mga pataniman ng mga cash crops at export crops.

Gayunpaman, walang ilusyon ang PKP-1930 na ang land redistribution ang katapusang solusyon sa kalagayang agraryo at para sa kaunlarang pang-agrikultura sa ating bansa. Ito’y sapagkat ang kalagayang agraryo ay dapat na iugnay sa isyu ng patuloy na kasapatan sa pagkain (food security) para sa ating sambayanan. Alam natin na ang pagkain ang siyang pangunahing pangangailangan ng anumang lipunan, at ang katiwasayan sa pagkain ay dapat na tiyakin ng estado. Ngunit sa isang kapitalistang kalagayan tulad ng sa atin, walang makapipigil sa mga magsasaka na i-convert o ibenta na lamang ang lupang kanilang pribadong pag-aari.

            Para sa mga benepisyaryo ng land reform, wala rin silang katiyakan na ang lupang ipapamana nila sa kanilang mga anak ay mananatiling viable pa rin para sa nakagawiang produksiyong agrikultural. Wala ring katiyakan na mayroon silang anak na nais magpatuloy sa pagsasaka, at hindi lilipat sa ibang gawain. Higit pa rito, kailangan pa ba ng napakaraming tao na magtratrabaho sa lupa, sa harap ng trend tungo sa agricultural mechanization ? Hindi ba’t ang tunguhin talaga ay ang paglipat ng karamihan ng mga tao mula sa gawain ng pagsasaka, at tungo sa mga trabahong pang-manggagawa ? Ano kung gayon ang kahihinatnan ng income level para sa magsasaka, ng food security para sa bayan, at ng industrial development para sa ating bansa ? Ano ang kahihinatnan ng produksiyong agrikultural habang ang lupa ay sunod-sunod na napaghahati at naililipat sa maraming bilang ng mga anak at mga apo ?

            Sa mga panulat nina Karl Marx at Friedrich Engels ay binigyang diin nila na ang pag-aari sa lupa (tulad rin ng pag-aari sa mga kagamitan sa kapitalistang produksiyon) ay dapat maibalik sa kabuuan ng lipunan. Marami rin silang mga panulat laban sa konsepto ng pamana (inheritance) --- maging ito man ay pamanang titulo ng mga royal families, pamanang pag-aari ng mga kapitalistang negosyo, o pamanang pag-aari ng lupa. Sa totoo lang, ang pinakamahalagang pamana ay ang isang malinis at marangal na pangalan --- ang alaala ng mahusay na pagtulong at paglilingkod sa kapwa at sa buong lipunan.

            Hinggil sa pag-aari ng lupa, mayroong ilang ehemplo na kapag alisin mo lang ang naghaharing royal family at kanilang mga cronies ay agad mo nang maso-socialize ang mga lupain, dahil ang mga royals na iyon ang may-ari ng karamihan ng lupain. Ito’y nangyari sa Libya nang mapatalsik si Haring Idris nang mag-rebolusyon sina Khadaffy noong 1969. Ito’y nangyari rin sa Nicaragua sa panahon ng Rebolusyong Sandinista noong 1980s, matapos mapatalsik ang dynastic na rehimen ni Heneral Anastacio Somoza.

Pero ang pinaka-siyentipikong paraan ng pagbabago sa relasyong agraryo ay inumpisahan sa “Decree on Land” na ipinalabas ng bagong-tatag na pamahalaang Sobyet noong Nobyembre 8, 1917, isang araw matapos magtagumpay ang Dakilang Rebolusyong Sosyalista sa Rusya. Doon ay inalis ang pribadong pag-aari sa lupa, at ang lahat ng lupain ay inilipat sa pag-aari ng buong lipunan. Ang pamamahala sa mga land estates (o asyenda) ay inilipat sa grupo ng mga tuwirang nagsasaka roon, at ang mga asyendang ginagamitan ng mataas na lebel ng siyentipikong pamamaraan ay ginawang mga model farms na hawak ng estado (sa pamamagitan ng mga communes).

Ipinagbawal ang pag-upa ng sinumang magsasaka sa lakas-paggawa ng ibang tao. Ang karapatan sa pagsasaka ay binuksan sa lahat ng mamamayan, lalake man o babae, habang sila ay may tuwirang kakayahan sa pagsasaka. Kapag sila ay tumanda na, sila ay binibigyan ng retirement pension ng estado, at ang kanilang lupang sinasaka ay inililipat naman sa iba na may kakayahang tuwirang magsaka roon.

Ang pang-kooperatiba o pang-kolektibong mga paraan ng pagsasaka ay pinaunlad, upang mapahusay ang daan tungo sa mechanization at mga siyentipikong paraan ng produksiyon. At para sa mga lugar na labis ang bilang ng mga magsasaka kaysa sa pangangailangan ng pagsasaka roon, inumpisahan ang sistema ng resettlement papunta sa ibang mga lugar na maraming lupaing maaaring buksan para sa pagsasaka. Sa katunayan, ang rebolusyong Sobyet ang nag-umpisa sa konsepto ng stewardship sa paggamit sa mga lupain --- sa rural at urban lands --- at maging sa kalikasan. Ngunit pangunahin rito ang pangangailangan na ang pamamahala sa lipunan, o ang kapangyarihang pampulitika, ay dapat munang mailipat sa kamay ng mga manggagawa’t magsasaka. Ito ang batayang prinsipyo ng sosyalismo.

            Ang sosyalismo ay nakatuon sa pagtiyak na mapupunan ang mga batayang pangangailangan ng sambayanan. Kaya naman tinitiyak sa ilalim ng sosyalismo ang food security o katiwasayan sa pagkain, ang pagkakaroon ng trabaho para sa lahat, ang pagtatakda ng nakabubuhay na pasahod (living wage) para sa mga nagtratrabaho --- maging sa industriya o sa agrikultura --- at gayundin ng disenteng pabahay at sapat na kalinga para sa bawat pamilya. Sa sosyalismo ay ipinagbabawal ang pamamalimos, ang hindi pag-aaral ng mga bata, ang pagiging tamad at palaboy, at ang pagsasamantala sa kapwa. Ito’y naisasagawa sa pamamagitan ng paglilipat sa pag-aari ng buong sambayanan ng mga negosyo at kagamitan sa paglikha --- kasama na ang lupa --- na sa ngayon ay ginagamit lamang para sa higit na pagpapayaman at pagpapagarbong personal ng mga kapitalista.

Ilang Paglingon sa Kasaysayang

Nagdala sa Kasalukuyang mga Suliranin

Sa pagdating ng mga Espanyol --- ng mga conquistadores na may gamit na espada at kanyon, at ng mga fraile na may gamit na bibliya at krusipihiyo --- ay pag-aari pa ng mga katutubo sa ating bansa ang mga lupain at katubigan. Ngunit dala ng pagkalupig na pang-militar, at dahil rin sa pagkakagapos ng kaisipan ng ating mga ninuno sa isang bagong relihiyon na kasangkapan ng kolonyalismo, hindi naglaon ay ari na ng mga manlulupig ang ating kapuluan, samantalang nag-aaway-away na ang ating mga ninuno hinggil sa kung ano ang kahulugan ng mga milagro at misteryo sa bibliya.

Ang ating buong kapuluan ay napaghati-hati sa mga encomienda (mga buong bayan at maging mga buong lalawigan) na inari ng mga angkang Espanyol, at maging ng mga orden ng mga fraile (pangunahin na ng mga Agustinians at Dominicans, at bandang huli ay gayundin ang mga Hesuwita, Recolletos, atbp.). Sa pagdaan ng panahon ay napaghati-hati ang mga encomienda sa mga hacienda, lalo na noong itinakda ng pamahalaang kolonyal ang pagkakaroon ng iisang uri ng tanim (halimbawa : ng tubo, tabako, abaka, atbp.) sa buong mga lalawigan o rehiyon.

Nagkaroon ng mga mono-crop monopolies na kontrolado ng mga peninsulares at insulares, na siyang nagluluwas ng mga produkto patungo sa ibang bansa, kasama na sa Tsina, at maging sa Espanya sa pamamagitan ng Mexico. (Iyon nga palang mga peninsulares ay mga Espanyol na ipinanganak sa Espanya, na tumuturing sa sarili bilang superyor kaysa sa mga insulares na mga Espanyol na ipinanganak sa Pilipinas at siyang unang tinawag na “Filipino”.)

            Nang lumaon pa ay nagkaroon ng sistemang “inquilino” o pagpapaupa ng malalaking mga lupain sa mga lokal na pinuno at mangangalakal na naging kasapakat ng mga kolonyalista at fraile. Ang mga lokal na pinuno o “cabeza”, na kadalasa’y mga mestisong Espanyol o mestisong Intsik, ang naging galamay sa paglikom ng upa, tribute at “polo” (o libreng pagtratrabaho) mula sa mga katutubong Pinoy, na kung tawagin noon ay mga Tagalog o Indios. Ang mga katutubo na siyang tunay na nagtratrabaho sa bukid noon (ang mga “timawa” na wari’y nakatali sa lupa ng kanilang panginoon) ay walang karapatang maging may-ari ng mga lupang kanilang sinasaka. Maaari pa silang patalsikin mula sa mga lupang iyon kapag hindi sila nakakabayad ng utang sa mga haciendero, fraile o cabeza. Maaari rin silang paalisin sa lupang kanilang sinasaka kapag hindi sila nakatutupad sa obligadong pagtratrabaho (polo) sa paggawa ng mga simbahan/kapilya, palasyo, lansangan, galleon, atbp. ; o kaya’y kung hindi natutupad ang obligadong paninilbihan ng kanilang mga asawa at dalagang anak sa mga kabahayan at kumbento ng kanilang mga “panginoon” (katulad nina “Padre Damaso” at “Padre Salvi”).

            Noong 1880 hanggang 1884 ay ginawang sistematiko ang pagsusukat at pagpapatala ng mga lupain, at ito ang naging pagkakataon para sa pagbebenta ng mga haciendero at fraile ng baha-bahagi ng kanilang mga lupain sa mga may-kayang sektor ng mga mestizo at katutubo. Ang mga mestizo o katutubo na nakapagpa-rehisto ng kanilang mga nabili o nakamkam na lupa ay tinawag na mga “cacique”. Sila ang nagkaroon ng pagkakataon na makapagpaaral ng kanilang mga anak sa mga unibersidad rito at maging sa Espanya, kaya sila bale ang pinagmulan ng mga ilustrado. Ganito ang mga kalagayang pangsakahan na kinamumuhian ng nakararaming mga timawa, at nagbunsod sa kanila na suportahan ang KKK (Katipunan) ni Gat Andres Bonifacio at ang rebolusyong 1896. Ang rebolusyong 1896 ay isang pambansang rebolusyong anti-kolonyal na ang pangunahing nagdala ay ang mga magsasaka na nais maalis na ang piyudal na sistemang pangsakahan na kontrolado ng mga asyendero at fraile.  

            Ang kolonyal na pangingibabaw sa Pilipinas ay naagaw mula sa palubog na imperyong Espanyol, nang salakayin ng Estados Unidos ang ating bansa. Matapos tayong ibenta ng Espanya ay dinurog ng mga Kano ang ating pambansang rebolusyon. Sa halip na maalis ang mga sistemang kolonyal at piyudal, pinalitan lamang ito ng pangingibabaw ng imperyalismong Kano. Ipinatupad agad ng mga Kano ang bagong sistema ng Titulo Torrens, kung saan inalisan ng karapatang mag-ari ng lupa ang sinumang lumalaban sa bagong kolonyal na sistema ng pangingibabaw ng mga Kano sa ating kapuluan. Dahil rito, karamihan sa mga ilustrado na umanib sa Katipunan at sumama sa Rebolusyong 1896 ay agad bumaligtad at nakipagsabwatan na sa mga Kano para huwag lamang mawala ang kanilang pag-aaring mga lupain.

            Naging patakaran rin ng mga kolonyalistang Kano ang pananatili sa mga asyenda at mga friar lands, bilang sukli sa pagsuporta ng mga haciendero at ng simbahang katoliko sa kolonyalismong Kano. Ipinagpatuloy rin ang mga hatiang piyudal at ang mga usurerong porsiyentuhan sa pagpapautang sa mga magsasaka --- tulad ng terciahan (33%), talindua (50%) at takipan (100%). Dahil sa nakapupuot na mga kalagayang ito, naging mabilis ang paglawak ng mga progresibong samahan ng mga magsasaka, pangunahin na ng Kalipunang Pambansa ng mga Magbubukid sa Pilipinas (KPMP), at gayundin ng Aguman ding Maldang Talapag-obra (AMT). Ang panahong kolonyal ng mga Kano ay kinakitaan rin ng maraming pagbabangon ng mga magsasakang walang lupa, pangunahin na ng mga Colorum sa Pangasinan, ng mga Sakdal sa Laguna, at ng mga Pulajanes sa Leyte at Samar.

            Sa pagkakaroon ng pamahalaang Commonwealth ay nagkaroon ng iilang hakbang tungo sa paglutas sa problema ng “land hunger” ng mga magsasaka. Ipinilit ang pagbebenta sa pamahalaan ng ilang mga friar lands, na ibinenta naman ng pamahalaan nang pahulugan sa mga magsasaka (bagama’t naipagpatuloy ng simbahang katoliko ang pag-aari sa malalawak pang mga lupain, lalo na iyong mga lupaing komersiyal at urban). Nagkaroon rin ng programa ng resettlement ng mga magsasakang walang lupa patungo sa Mindanaw, bagama’t ito’y nakapagbukas lamang ng mga 165,000 ektarya sa buong panahon ng Commonwealth (mga dalawa’t-kalahating ulit lamang ng mga 67,000 ektaryang lawak ng mga base militar ng Kano sa Pilipinas noong 1980s). Maliban sa halimbawang ginawa ni Pangulong Quezon na pagbebenta sa mga tenants niya ng ilan sa kanyang sariling asyenda, walang komprehensibong repormang agraryo ang isinagawa upang sistematikong mailipat ang pag-aari sa mga asyenda tungo sa mga tunay na nagsasaka sa mga iyon.

            Sa panahon ng pananakop ng mga Hapones, kung kailan ang karamihan ng mga asyendero ay namalagi sa Kamaynilaan at iba pang lungsod, at nakipagsabwatan sa mga Hapones, nagkaroon ng repormang agraryo doon lamang sa mga lugar na kinilusan ng HUKBALAHAP at ng mga organisasyon na pinatnubayan ng PKP-1930 (mga Barrio United Defense Corps o BUDCs). Kaya naman sa pagbabalik ng mga puwersang Kano ay agad bumaligtad at nakipagsabwatan muli sa mga Kano ang mga asyendero, upang madurog ang HUKBALAHAP. Karamihan sa mga asyendero ay nagtayo pa ng “civilian guards” at iba pang mga private armies upang muli nilang mailapat ang sistemang piyudal sa kanilang binabalikang mga asyenda.

            Sa bagong neo-kolonyal na yugto ng ating kasaysayan, ang sistemang mala-piyudal ay namalagi, kung saan ang kabuhayang agrikultural ay iniasa sa iilang export crops na kontrolado ng mga asyendero (pangunahin na ang asukal na naka-depende sa sugar quota na itinatakda noon ng Estados Unidos). Ang nakararaming mga magsasaka naman ay nakatali bilang mga tenants o nangungupahan sa mga palayan at maisan na maituturing na mga subsistence crops dahil hindi ito nakapagbibigay ng sapat na kita sa mga tunay na nagsasaka sa lupa.

Ang Kapitalistang Transpormasyon ng Agrikultura

Ang mga problema sa agrikultura ay masalimuot, dahil na rin sa mga tagibang na kalagayan sa pagmamay-ari ng lupa na ipinamana sa atin ng matagal na kasaysayan ng kolonyal na pananakop rito ng Espanya at ng Estados Unidos. Batay sa kasalukuyang pambansang kalagayan, at sa pandaigdigang takbo ng mga pag-unlad sa agrikultura, masasabi natin na ang kalutasan ng mga suliranin sa kabuhayang agrikultural, at ang katubusan ng mga uring magsasaka at manggagawang-bukid, ay hindi matatagpuan sa loob lamang ng mga patakarang pang-agraryo at pang-agrikultura. Ang mga ito ay matatagpuan sa kabuuan ng kapitalistang sistemang pangkabuhayan sa ating bansa. 

            Noong dekada 70, ang kabuhayang rural ay napangibabawan na ng mga korporasyong transnasyunal (mga bangko, plantations at agribusinesses, lalo na iyong mga tagapamahagi ng mga farm inputs). Sa ilalim nila ay may maliit na sektor ng mga lokal na kapitalista (mga rural bankers, panginoong maylupa, contract growers, processors at traders). Ang reporma sa lupa na ipinatupad sa panahon ng martial law ni Marcos, lalo na sa mga palayan at maisan, ay nakalikha ng isang sektor ng mga magsasakang may-ari o amortizers ng mga lupa. Ngunit ang nakararami pa rin sa bilang ay ang mga manggagawa sa agrikultura na nagtratrabaho bilang mga seasonal na manggagawa (mga manananim at manggagapas sa palayan, mga sakada sa tubuhan, atbp.), at bilang mga plantation workers (tulad sa Dole, Del Monte at mga kumpanyang exporters ng saging at iba pang prutas).

            Nananatiling suliranin ng nakararaming magsasaka ang kakulangan ng kita mula sa kanilang inaani. Mas nakalulunos naman ang nagpapatuloy na mga suliranin ng nakararaming manggagawa sa agrikultura --- ang kawalan ng sariling lupang masasaka, ang kawalan o kakulangan ng trabaho sa kanilang mga kanayunan, at ang kababaan ng kita o sahod kung sila man ay nakakahanap ng panaka-nakang trabaho. Ang resulta ng mga ito ay ang paghayap ng paghihirap o pagdarahop sa kanayunan, ang pagkakahuli sa larangang pang-edukasyon, at maging ang pagdanas ng kagutuman at mahinang kalusugan, ng malawak na sektor o hanay na ito.   

Sa pambansang larangan, ang mga suliraning ito ay nag-uugat sa mga patakaran ng imperyalismo, sa pamamagitan ng WB-IMB-ADB-WTO, na idinidikta sa magkakasunod na mga rehimen sa Pilipinas. Ang mga patakarang ito ay ang sumusunod :

Una, ang import liberalization, na sanhi ng pagbuhos ng mga inaangkat na produkto na kumukumpetensiya sa ating mga lokal na produkto, pangunahin na sa ating mga produktong agrikultural. Bumabagsak ang kita ng ating mga magsasaka, at nawawalan ng insentibo para sa produksiyong lokal. Kapag nasira na ang ating lokal na produksiyon, maitataas na nang labis ang presyo ng mga inaangkat na produkto.  

Ikalawa rito ang privatization, o ang pag-aalis sa mga ahensiyang maaaring makakumpetensiya sa pribadong sektor (pangunahin na sa mga TNCs) at maaaring makatulong sa mga mahihirap na sektor tulad ng mga magsasaka. Ang mga dating kumpanya ng pamahalaan sa langis, elektrisidad, fertilizer at tubig ay na-privatize na. Isang target ngayon ang irrigasyon, na unti-unting napa-privatize sa ginagawang pagbebenta ng mga hydro-electric power plants. Matagal na ring target ang NFA, na nais i-abolish ng mga imperyalista upang mabawasan raw ang gastos ng pamahalaan sa subsidy para sa support prices sa produktong palay at mais ng mga magsasaka, at upang mabawasan rin daw ang gastos sa pagmamantine ng buffer stocks ng bigas sa lahat ng panig ng ating kapuluan. Maaalala na ang mga dating Kadiwa Centers ng NFA sa mga depressed communities (na nagbebenta ng murang mga produktong pagkain na binibili mula sa mga magsasaka at mangingisda) ay ipinasarado ng rehimeng Cory Aquino batay sa kahingian ng samahan ng mga may-ari ng supermarkets. Nawala ang konsepto ng social obligation ng pamahalaan sa kanyang mga mamamayan.

Ikatlo rito ang deregulasyon, o ang pag-aalis sa anumang kontrol sa presyo ng mga kalakal at serbisyong ibinebenta ng mga kapitalista. Isa itong investment incentive para sa mga korporasyong transnasyunal, kaya naman walang kontrol ang pamahalaan sa pagpapatubo ng mga korporasyong transnasyunal na nangangalakal rito ng mga binhi, pataba, agricultural chemicals, atbp.   

Ilan pa sa mga investment incentives para sa TNCs ay ang wage freeze, ang strike ban, mga tax incentives, at ang pag-aalis sa anumang pampamahalaang sektor na makaka-kompitensiya sa kanila. Tinitiyak pa ng mga imperyalista na ang budget ng pamahalaan ay naitutungo sa pagtatayo ng mga infrastructures na kailangan at pagkikitaan ng mga TNCs, at sa automatic appropriation para sa pagbabayad sa lahat ng mga utang panlabas (kahit na gaano pa man kawalang-katwiran o “odious” ang mga utang na ito).

Higit pa rito, tinitiyak ng imperyalismo na walang administrasyon rito ang magtatangkang magsagawa ng malayang industriyalisasyon na maaaring maka-absorb sa malaking bilang ng unemployed, lalo na ng mga sisante mula sa agrikultura. Sa halip, laging ipinapanukala ng mga imperyalista ang pagpapatuloy sa labor-export (pagpapadala sa ibang bansa ng maraming mga domestic helpers, manual workers, entertainers, atbp.) bilang kosmetikong paraan ng “pagbabawas” sa unemployment.

Ang Programang Reporma sa Lupa

Ang programang land reform ay unang ginawang komprehensibo para sa mga palayan at maisan sa panahong kadedeklara pa lamang ng martial law ni Marcos. Ito’y ginawang paraan upang maibsan ang panlipunang tensiyon dahil sa “land hunger” ng napakaraming mga kasama o tenants. Sa teorya, ang ganitong land reform sa ilalim ng sistemang kapitalista ang inaasahang sasagip sa mga tenants mula sa kahirapan, dahil magkakaroon ng insentibo na pataasin nila ang produksiyon kung sila’y naghuhulog na sa mga lupang kanilang magiging pag-aari. Sa teorya rin, ang yaman ng mga dating panginoong maylupa, na nakatali sa mga lupain nila, ay magiging pera dahil sa paunang ibabayad sa kanila ng pamahalaan at sa magiging hulog ng mga dating tenants, at ito ang magagamit nila upang maging mga bagong negosyante sa ilalim ng sistemang kapitalista.

            Pero sa realidad, dahil sa kakulangan ng suporta para sa mga dating tenants sa ilalim ng sistemang kapitalista, lalo na sa paglilimita sa mga programang pautang para sa kanila, kaunti lamang sa kanila ang naging matagumpay na nag-aaring magsasaka (bagamat mayroon rin namang mga naging “kulaks” at traders, na nagkaroon na ng pagkakataong makapagsamantala sa ibang mga magsasaka at sa maraming mga manggagawang bukid). Ang karamihan sa mga naging benepisyaryo ng programang land reform ay patuloy pa rin sa pagiging mga naghuhulog o amortizing owners hanggang sa ngayon. Ang iba pa ay nababaon sa utang, napipilitang ibenta na ang kanilang nga CLT o CLOA, at may bumabagsak pa sa pagiging marginalized na manggagawa sa agrikultura.

Sa realidad rin, walang katiyakan na ang mga dating panginoong maylupa ay makakapagnegosyo mula sa partial payment at mga paghuhulog na ibinabayad sa kanila ng mga dati nilang tenants. Ang mga halagang ito ay kadalasang napupunta lamang sa pagbili ng magagarbong mga sasakyan at maluluhong gamit-pambahay na laging naka-advertise sa sistemang kapitalista. Ilan lamang sa kanila ang nakakapag-pundar mula rito ng mga bagong negosyo, at ang kanilang pamumuhunan ay kadalasang nahihigop sa pagiging sub-contractors o distributors lamang ng mga malalaking korporasyong transnasyunal.

            Maaasahan naman natin na talagang hindi magkakaroon ng tunay na kalutasan ang mga suliraning agraryo at agrikultural sa ilalim ng sistemang kapitalista. Totoong ang paghahati-hati at pagbebenta sa mga tenants ng kanilang sinasakang lupa ay napakahalaga upang angkupan ang land hunger ng mga tenants. Ngunit hanggang kailan makakasuporta ang maliliit na sakahan sa dumaraming bilang ng kanilang mga anak at apo, lalo pa at ang average na sukat ng palayan na ari ng bawat magsasaka sa ating bansa ay mga 1.2 ektarya lamang, at samantalang karaniwan sa kanila ay may 3 hanggang 4 na mga anak ? Paano makatutustos sa pangangailangan sa kinabukasan ng lumalaking pamilya ang ganitong sukat ng lupa, lalo pa kung ang karamihan ng anak ay magpapatuloy sa gawain ng pagsasaka dahil wala namang pagkakataong lumipat sa pagiging manggagawa o empleyado na mas may katiyakan ang kabuhayan ? Sa katunayan, dahil sa pag-unlad ng siyensiya at teknolohiya, kasama na ng mekanisasyon, paliit nang paliit ang bilang ng mga kinakailangang magtrabaho sa agrikultura.

Mayroon ring negatibong epekto ang fragmentation ng mga lupain na tinatamnan ng mga cash crops (tulad ng tubo) na nangangailangan ng mga sentralisadong pagpro-proseso. Kailangan rito ang paglilipat sa kooperatibang paraan ng pag-aari at pangangasiwa, upang matiyak ang tinatawag na “economics of scale” o ang mas mababang gastos sa produksiyon kapag mas malaki ang lawak ng sakahan para sa ganoong pananim. Ang viability kasi ng ilang cash crops ay nakabatay sa lawak ng lupa na angkop sa mekanisasyon. Ngunit sa ating kalagayan, ang mekanisasyon ay nakapagpapalubha lamang sa unemployment dahil wala namang mga industriyang binubuksan na may kapasidad na ma-absorb ang mga walang trabaho sa agrikultura na kinakailangan nang lumipat tungo sa pagiging mga manggagawa sa industriya at serbisyo.

            Batid ng PKP-1930 na ang land redistribution ay hindi ang katapusang solusyon sa  kalagayang agraryo sa ating bansa, sapagkat ang kalagayang agraryo ay dapat na iugnay rin sa isyu ng patuloy na food security para sa ating sambayanan. Alam natin na ang pagkain ang siyang pangunahing pangangailangan ng anumang lipunan, at ang katiwasayan sa pagkain ay dapat na tiyakin ng estado. Ngunit sa isang kapitalistang kalagayan tulad ng sa atin, walang tunay na kapangyarihan ang pamahalaan upang kontrolin ang supply, presyo at sistema ng pamamahagi ng mga pangunahing pagkain (food staples) na hawak ng pribadong sektor (kasama na ang tinatawag na “Binondo cartel”). At sa kapitalistang kalagayan tulad ng sa atin, wala ring makapipigil sa mga magsasaka na i-convert o ibenta na lamang ang mga lupang kanilang pribadong pag-aari, kahit na ang mga iyon ay irrigated at may panlipunang tungkulin na maituon sa produksiyon ng kinakailangang pagkain para sa ating sambayanan.

            Sa pagtingin sa parating na kalagayang agrikultural, tinitignan ng PKP-1930 ang kabuuang scenario ng kahihinatnan ng income level para sa magsasaka, ng food security para sa bayan, at ng employment-generation at industrial development para sa ating bansa.

Ang Mahalagang Papel ng Kooperatiba

at ng Makabansang Industriyalisasyon

            Dapat magtakda ang pamahalaan ng mga komprehensibong patakaran hinggil sa pagtulong nito sa kooperatibang sektor, na dapat na magkaroon ng malaking papel sa agrikultura. Bahagi ng pambansang demokratikong programa na ipinapanukala ng PKP-1930 ang restructuring sa agrikultura, kung saan dapat magkaroon ng mga sumusunod na 3 sektor :

Una rito ang sektor pang-estado, sa pamamagitan ng mga state farms mula sa pagsasabansa ng mga malakihang plantations na nagsasagawa ng canning, bottling o iba pang industrial processing (tulad ng plantations ng tubo, goma, pinya, saging at iba pang export crops).

Ikalawa rito ang sektor pang-kooperatiba, sa pamamagitan ng mga cooperative farms na dapat tulungan ng pamahalaan, lalo na sa pag-uumpisa ng pagtatayo nito ng kapasidad sa pagpro-proseso ng kanilang mga ani. Ang ganitong pagtulong ng pamahalaan sa kooperatibang sektor ay magiging pagtulong na rin sa lokal na negosyo ng paggawa ng mga makinaryang pang-agrikultura. Sa tulong at direksiyon ng pamahalaan, kailangang makontrol rin ng kooperatibang sektor ang pamamahagi ng mga farm inputs na kailangan ng mga magsasaka, ang pagpapautang ng mga production loans, ang marketing ng mga ani ng mga magsasaka, at ang pangangalap ng mga angkop na post-harvest at processing facilities. 

Ikatlo rito ang pribadong sektor ng mga indibidwal na sakahan, na dapat bigyan rin ng suporta at direksiyon ng pamahalaan. Mahalaga ang pagbibigay-direksiyon ng pamahalaan kung aling mga pananim (cropping patterns) ang dapat isagawa ng pribadong sektor na ito bilang pagtupad sa plano upang mapunan ang pangangailangan ng bawat lugar. Dapat ring kontrolin ng pamahalaan ang conversion ng mga lupang agrikultural na naaangkop sa mga mahahalagang pagkain at pananim (lalo na iyong saklaw ng malawakang irrigation projects), at kung kinakailangan ay bigyan ng subsidyo ang patuloy na produksiyon ng ganoong mga pananim upang huwag i-convert ang gayong mga lupain tungo sa ibang gamit.

            Ang kalutasan sa mga suliranin ng kabuhayan ng agrikultura, at ang katubusan ng mga uring magsasaka at manggagawang-bukid, ay hindi matatagpuan sa loob lamang ng mga patakarang pang-agrikultura. Ito’y matutugunan lamang sa kabuuan ng sistemang pangkabuhayan ng ating bansa. Ang pag-asa para sa uring magsasaka at manggagawa sa agrikultura ay nasa pagbubukas ng pagkakataon para sa kanilang paglipat tungo sa pagiging manggagawa sa industriya at serbisyo, at ito ay sa pamamagitan lamang ng makabansang industriyalisasyon. Ang makabansang industriyalisasyon, o ang pagpapalakas sa kapasidad ng ating bansa na gumawa ng mga kalakal mula sa mga hilaw na sangkap na galing rin sa ating bansa, ay matagal nang pinipigilan sa pamamagitan ng mga diktasyon ng WB, IMF, ADB, WTO at iba pang ahensiyang pampinansiya ng imperyalismo.

Dahil sa diktasyong imperyalista ay wala tayong mga batayang industriya, kaya nananatili tayong tagapagluwas ng mga hilaw na sangkap at taga-angkat ng mga yaring produkto. Hindi nakapagtataka na samantalang tayo ay nagluluwas ng maraming iron ores na pangunahing sangkap sa paggawa ng bakal at asero, nakadepende naman tayo sa importasyon ng mga kinakailangan nating mga martilyo, pliers, screw drivers at iba pang batayang kasangkapan o basic tools. Lalong wala sa kakayahan natin hanggang sa ngayon ang paggawa ng mga magagaan at mabibigat na makinarya. Sa pamamagitan ng makabansang industriyalisasyon, ang malaking “value-added” o dagdag na halaga mula sa pagproseso ng mga hilaw na sangkap tungo sa mga yaring produkto, ay mapupunta na sa ating bansa, at mabubuksan pa ang kapasidad na ma-absorb ang labor force na hindi na kailangan sa larangan ng pagsasaka. Ang makabansang industriyalisasyon ay pangunahing tungkulin sa yugto ng pambansang demokrasya na kagyat na inaadhika ng PKP-1930 para sa ating bansa.

Ang Sosyalistang Pananaw para sa Agrikultura

Isang pangunahing tungkulin ng agrikultura ang pagtiyak sa patuloy na pagkakaroon ng sapat na buffer stocks ng mga batayang pagkain (o staple food) na maaaring ipamahagi sa abot-kayang mga presyo sa lahat ng dako ng ating kapuluan. Ang mga gawain sa ilalim ng pangkalahatang tungkuling ito ay ang mga sumusunod : (1) ang pagtatakda ng kapaki-pakinabang na mga presyong pang-alalay (support prices) para sa mga batayang pagkain, upang matiyak na may pakinabang ang mga nagsasaka nito ; (2) ang pagmamantine ng mga makinarya at pasilidad para sa post-harvest processing, transportasyon at pangmatagalang pag-iimbak ng mga batayang pagkain sa lahat ng dako ng ating kapuluan, bilang paghahanda rin sa anumang kalamidad na maaaring tumama sa alinmang bahagi ng ating kapuluan ; at (3) ang pamamahagi at pagbebenta ng mga pagkain sa abot-kayang mga presyo.

Ang mga gawaing ito ay mangangailangan ng patuloy na mga subsidyo mula sa pamahalaan, dahil ang seguridad sa pagkain ay laging may kaakibat na “social costs”. Kahit sa ilalim ng sistemang kapitalista, mas mura pa rin ang pag-subsidize sa lokal na produksiyon ng mga batayang pagkain, kumpara sa paggastos sa importasyon nito. Sa dako pa roon, sa ilalim ng sistemang sosyalista, ang kita ng pamahalaan mula sa mga industriyang pinatatakbo nito ang siyang magtutustos na sa mga pangangailangan ng agrikultura, pangunahin na upang maging kaganapan ang batayang karapatan ng sambayanan sa pagkain.

Ang pambansang demokrasya na kagyat na inaadhika ng PKP-1930 para sa ating bansa ay isang transitional na sistema at yugto na magbubukas ng daan tungo sa isang mas mataas at mas makatao pang sistema at yugto sa pag-unlad ng sangkatauhan --- ang sosyalismo. Ang sosyalismo ay nakatuon sa pagtiyak na mapupunan ang mga batayang pangangailangan ng sambayanan. Kaya naman tinitiyak sa ilalim ng sosyalismo ang katiwasayan o seguridad sa pagkain, bilang pagtiyak sa karapatan sa sapat na nutrisyon ng bawat mamamayan. Tinitiyak rin sa ilalim ng sosyalismo ang pagkakaroon ng trabaho para sa lahat, at ang pagtatakda ng nakabubuhay na pasahod (living wage) para sa mga nagtratrabaho --- maging sa industriya, sa agrikultura o sa mga serbisyo --- bilang pagtiyak sa karapatan sa dignidad ng bawat mamamayan.

Sa sosyalistang kalagayan nga pala ay inaalis na ang konsepto ng pribadong pag-aari sa lupa. Ang lahat ng lupain ay ibinabalik sa pag-aari ng buong lipunan, at wala nang karapatan sinuman na ipamana nang personal ang anumang lupain. Ang pamamahala sa mga lupain sa bawat lugar ay inililipat sa grupo ng mga tuwirang nagsasaka roon. Ang karapatan sa pagsasaka ay binubuksan sa lahat ng mamamayan, lalake man o babae, may karanasan man o wala, habang sila ay may kagustuhan at tuwirang kakayahan sa pagsasaka. Kapag sila ay tumanda na, sila ay binibigyan ng retirement pension ng estado, at ang kanilang puwesto sa pagsasaka ay inililipat naman sa iba na may kakayahang tuwirang magsaka roon.

Ang pang-kooperatiba o pang-kolektibong mga paraan ng pagsasaka ay pinauunlad, upang mapahusay ang daan tungo sa mekanisasyon at sa paggamit ng mga bagong siyentipikong paraan ng pagsasaka, at nang mapagaan ang mga gawaing bukid at mapayabong ang produksiyon. Ngunit pangunahin muna rito ang pangangailangan na ang pamamahala sa buong lipunan, o ang kapangyarihang pampulitika, ay dapat mailipat sa kamay ng mga manggagawa’t magsasaka. Ang pamamahala sa buong lipunan na gagampanan ng mga uring gumagawa --- ang pagganap ng mga uring gumagawa bilang estado, kapalit ng mga uring kapitalista at panginoong maylupa --- ang batayang prinsipyo ng sosyalismo.

            Gayundin, tinitiyak sa ilalim ng sosyalismo ang disente at abot-kayang pabahay ; ang abot-kayang mga utilities (tubig, kuryente, komunikasyon, atbp.) ; ang compulsory at libreng edukasyon para sa mga bata ; ang libreng edukasyon para sa mga may kakayahang mag-aral hanggang sa pinakamatataas na antas ; ang libreng serbisyong medikal, kasama na ang gamot at hospitalisasyon ; ang sapat na serbisyong panlipunan bilang kalinga para sa bawat pamilya (kasama na ang mga crèches, nursing homes at iba pang serbisyong pangkomunidad na magpapagaan sa mga gawaing-bahay) ; ang sapat na pensiyon para sa mga nagreretiro sa katandaan ; at ang pagkakaroon ng mga pagkakataon sa pangkulturang kaunlaran at malusog na pagliliwaliw o recreational activities para sa lahat.

Ang sosyalismo ay unang naging realidad sa pagtatagumpay ng Dakilang Rebolusyong Sosyalista sa Rusya noong Nobyembre 7, 1917. Ang rebolusyong iyon rin ang nag-umpisa sa konsepto ng stewardship sa paggamit sa mga lupain --- sa rural at urban lands --- at maging sa kalikasan. Ang sistemang sosyalista ay may pandaigdigang relevance para sa lahat ng bansa. Batay dito, ang PKP-1930 ay hindi nawawalan ng pananaw at pag-asa na dito man sa ating bansa ay makakamit rin natin ang sosyalismo, na siyang tanging sistemang magwawakas sa kamangmangan at panghuhuthot, at siyang huhubog sa sangkatauhan tungo sa tunay na makataong pagtuturingan.

Ang lahat ng ito ay maisasagawa sa ilalim ng sosyalismo, dahil mawawakasan rito ang pagsasamantala ng tao sa kanyang kapwa. Ang pagsasamantala ay nakabatay sa pribadong pag-aari sa mga kagamitan sa paglikha --- sa puhunan (kasama na ang lupa) at mga negosyo na hindi naman napagyayaman mula sa personal na gawa lamang ng indibidwal na kapitalista. Sa ilalim ng sistemang kapitalista, bagamat ang puhunan ay napagyayaman dahil sa sama-samang paggawa, ang mga biyaya naman mula rito ay napupunta lamang sa may-aring kapitalista. Ang lumalaking yaman ay hindi naibabahagi sa mga tunay na gumawa rito, at nagagamit lamang para sa higit na pagpapagarbong personal ng mga kapitalista.

Sa paglilipat ng puhunan at ng kabuuan ng pambansang kabuhayan tungo sa pag-aari ng buong sambayanan, doon lamang magkakaroon ng pagkakataon upang ang pambansang yaman ay mapakinabangan ng lahat --- upang matiyak ang pagbibigay ng mga serbisyong kinakailangan ng mga mamamayang siyang tunay na sama-samang gumagawa ng pambansang yaman. Tulad nga ng nabanggit na, sa sistemang sosyalista ay hawak ng estado ang mga industriya na pangunahing pagkakakitaan ng pondo upang tustusan ang lahat ng mga kinakailangang serbisyong panlipunan, kasama na ang pag-subsidize sa tumataas na gastos sa produksiyon ng mga batayang pagkain at ng iba pang mahahalagang pagkain at pananim.

            Ang PKP-1930 ay patuloy na kumikilos upang dito sa ating bansa ay makamit natin ang pambansang demokrasya na magpapalaya sa atin mula sa kontrol ng imperyalismo ; at upang sumulong pa tayo sa mas mataas pang yugto ng sosyalismo na siyang tanging sistemang magwawakas sa anumang pang-aapi at panghuhuthot, at siyang huhubog sa ating sambayanan tungo sa tunay na makataong pagtuturingan.

Ang PKP-1930 ay nagpupugay sa mga nag-organisa sa “National Political Conference on Agrarian Reform” na idinaraos natin ngayon, at umaasa na ito ay matutungo sa isang aktibo at matagumpay na kampanya para isang progresibong repormang pang-agraryo. Higit pa rito, inaasahan ng PKP-1930 na ito’y magsisilbing bagong simula ng mas malawak na pagkakaisa sa pagkilos at pakikibaka tungo sa pagtatayo ng pambansang demokrasya at sosyalismo sa ating bansa.

                                                                                                      Ka. Tony Paris

                                                                                    Pangkalahatang Kalihim, PKP-1930