Panukalang “Bangsamoro Basic Law” - Nahaharap sa mga Balakid

Inihain sa Kongreso ng administrasyong PNoy nitong nakaraang buwan (Setyembre 2014) ang panukalang “Bangsamoro Basic Law” (BBL), na maaaring maka-apekto sa ating pambansang soberanya, integridad na pang-teritoryo, at ilang probisyon ng ating pambansang Saligang-Batas. Ang mga probisyon ng BBL ay matagal na pinanday ng mga negotiating panels ng administrasyong PNoy at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), kasama na rin ang maraming “miron” o pakialamero sa mga negosasyon. Ang “Bangsamoro” ay isang bagong konsepto ng mas malawak na awtonomiya para sa pamamahala sa mga teritoryong Muslim, na magiging iba sa kasalukuyang pamamalakad ng Autonomous Region of Moslem Mindanao (ARMM) na bubuwagin matapos maipasa ang BBL.

 
Nabuo ang mga panukala hinggil sa Bangsamoro sa matagal na panahon ng mga usapang pangkapayapaan, pangunahin na sa pagitan ng administrasyong PNoy at ng MILF, na ang mga pormal na paghaharap ay ilang ulit na ginanap sa Malaysia. Ang BBL ay kakaiba sa dating konsepto ng “Bangsamoro Juridical Entity (BJE)” na itinulak ng imperyalismong Kano bilang pagpabor nang husto sa papet nitong MILF --- sa pamamagitan ng mga tinatawag na “peace research foundations” sa USA --- noong panahon ng rehimeng Gloria M. Arroyo.
 
Maaalala na napigilan lamang ang pirmahan sa kasunduang “BJE” sa Kuala Lumpur (sa pagitan ng rehimeng Arroyo at ng MILF, na kaharap pa sana sina US Ambassador Kristie Kenney at ang mga tagapalakpak mula sa grupong maoista)  nang madaliang idineklara ng korte suprema na ang “BJE” ay labag sa ating pambansang Saligang-Batas. Ang “BJE” kasi ay may konseptong halos nagsasarili, at may malaking kapangyarihan sa pagbibigay-pahintulot sa mga dayuhang korporasyon sa pagkuha ng mga likas na yaman sa teritoryo nito.
 
Ang ‘BJE” ay sasakop rin sa malawak na teritoryo na kabibilangan ng ilang lalawigan na hindi naman kabilang ngayon sa ARMM (dahil hindi naman predominantly Moslem ang populasyon). Higit pa rito, ang armadong puwersa ng MILF (ang “Bangsamoro Islamic Army”) ay bibigyan ng tungkulin sa pangangalaga ng seguridad sa ilalim ng “BJE”. Maaalala rin na noong idineklarang unconstitutional ang “BJE” ay nagwala ang mga puwersa ng MILF at nanunog sa mga lugar ng mga kristiyano sa ilang lalawigan ng Cotabato. Bandang huli, ang mga teroristang pag-atakeng iyon ay isinisi na lamang sa “break-away” group na nagmula sa MILF, na kung tawagin ay “Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF)”.
 
            Sa panahon ng administrasyong PNoy ay muling pinayuhan ito ng mga Kano na ipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan sa MILF. Naghanda ang bansang Hapon ng sikretong pagpupulong sa Tokyo sa pagitan ni PNoy at ng pinuno noon ng MILF na si MURAD EBRAHIM. Sa pamamagitan ng patuloy na impluwensiya ng mga dayuhang pamahalaang nagsilbing miron o “contact group” at “facilitators” sa usapang pangkapayapaan, naipilit pa rin ang maraming probisyon na halos katulad ng sa dating “BJE”, lalo na sa aspeto ng “wealth-sharing” sa pagitan ng pambansang pamahalaan at ng pamahalaang Bangsamoro. Pangunahin sa dayuhang mga bansang nagpayo hinggil sa bagong konsepto ng “Bangsamoro” ay ang USA, Hapon at UK --- na pawang interesado sa likas na yaman ng Mindanao at ng mga karagatan nito.
 
Ang pangunahing “facilitator” naman ng mga pag-uusap ay ang Malaysia, na matagal na nagtustos sa pagbabangon ng MNLF at ng MILF, simula pa noong 1970s, upang kontrahin ang pag-aangkin sa Sabah ng Pilipinas at ng sultanato ng Sulu. Hindi nakapagtataka na ang isinusulong na bagong konsepto ngayon ng “Bangsamoro” ay convenient pa rin sa anumang nanaisin sa hinaharap ng imperyalismo --- ang pagkontrol sa yaman ng teritoryong mapapasailalim sa Bangsamoro, at maging ang paghihiwalay sa teritoryong iyon bilang isang nagsasariling “statelet” kung sakaling nanaisin ng imperyalismo ang higit na pagpapahina sa kabuuan ng ating bansa. 
 
Bagamat idineklarang “priority” ng administrasyong PNoy ang panukalang BBL, hindi agad umuusad ang deliberasyon hinggil rito dahil sa agam-agam ng isang bilang ng mga mambabatas tungkol sa kaugnay nitong mga kinakailangang pagbabago sa ating pambansang Saligang-Batas. May pagkabahala rin sa panig ng di-Muslim na mga sektor sa Mindanao (mga tribong Lumad, at mga kristiano), at gayundin sa panig ng mga Muslim na tagasuporta naman ng MNLF at ng MNLF-Reformist wing, hinggil sa inaasahang pangingibabaw ng MILF sa mabubuong Bangsamoro.
 
Kapag maipasa na kasi ang BBL ay bubuwagin na ang kasalukuyang ARMM, at itatatag ang isang transitional na pamahalaang Bangsamoro na inaasahang mapangingibabawan ng MILF. Ang MILF ay pangunahin nang nagmula sa teritoryo ng mga Maguindanao, at ang kanilang pangingibabaw sa mga teritoryo ng mga Tausug, Maranaw at iba pang tribo ay makapagdudulot ng komplikasyon sa mga relasyong panloob sa bubuuing Bangsamoro.
 
Matapos ring maipasa ang BBL ay magtatakda ng plebisito kung saan dapat alamin kung alin-alin sa mga lalawigan, siyudad at maging mga bayan sa Mindanao ang nais mapabilang sa teritoryo ng Bangsamoro. Depende sa magiging resulta ng plebisito, may posibilidad na ang ilang siyudad at bayan na hindi kabilang sa kasalukuyang ARMM ay mapabilang sa bubuuing Bangsamoro. Gayunman, may posibilidad rin na ang mayorya ng electorate sa ilang siyudad at bayan na kabilang sa kasalukuyang ARMM, ay maaaring bumoto upang huwag mapabilang sa bubuuing Bangsamoro --- bagamat ito ay inaasahang mamasamain ng MILF, at maaaring magdulot ng tensiyon sa mga lokalidad na iyon.
 
May pagtuligsa rin na sa mga kasunduan ng pamahalaan sa MILF ay walang binabanggit na pagwawaksi ng MILF sa kanilang dati nang layon na secession, at pagtatatag ng kanilang sariling “Islamic state”. Tungkol naman sa pagdidis-arma ng MILF, wala ring banggit sa mga kasunduan hinggil sa pagsusuko ng MILF sa kanilang mga mabibigat na armas (tulad ng mga kanyon, mortar at machine guns). Ito ay subject pa sa patuloy na mga negosasyon, at ang panukala ng MILF ay ipaubaya na lamang daw ito sa “decommissioning” na tanging ang MILF ang magsasagawa.
 
Sa mga kasunduan ng pamahalaan sa MILF ay wala ring banggit hinggil sa pagsusuko ng MILF sa iba pa nilang mga baril, na ipinapanukala ng MILF na ipapa-rehistro na lamang daw nila sa pamahalaan. Sa mga isyu ng pagdidis-arma ay wala ring mapagkasunduang timetable o time-frame. Gayunpaman, ipinangako ng MILF na makikipagtulungan sila sa pamahalaan na mapigilan ang pag-usbong ng anumang grupong maka-“Islamic State” (IS/ISIL/ISIS) dito sa Pilipinas.
 
Pero ang problema, nauna nang mag-deklara ang teroristang grupong “Abu Sayyaf” na sila ay sumusuporta sa IS/ISIL/ISIS. Ang “Abu Sayyaf” ay isang bandidong pangkat na ang pangunahing gawain ay ang pag-kidnap upang makapangikil ng “ransom”. Nitong buwang ito ay ipinagyabang pa ng “Abu Sayyaf” na nakakuha daw sila ng “ransom” na P250-Milyon, bilang kapalit daw sa pagpapalaya sa 2 bihag nilang Aleman (sina Stefan Viktor Okonek at Henrike Dielen). Sa ngayon ay may natitira pang 11 bihag ang “Abu Sayyaf” --- 1 Dutch at 1 Swiss na kapwa birdwatchers, 1 Malaysian at 1 Intsik na dinukot sa Sabah, at 7 Pilipino --- na ginagamit nilang sangkalan upang makapangikil.
 
            Sang-ayon sa mga education advocates sa kasalukuyang ARMM, isang pangunahing hakbang upang maalis ang impluwensiya ng mga “jihadists” o fundamentalists, at maging ng mga bandido sa kanilang lugar, ay ang paglulunsad ng malawakang kampanya ukol sa adult education. Ito raw ay dahil mahigit sa 715,000 ang illiterate sa kabuuang 1.88-milyong botante sa ARMM, batay sa mga tala noong 2010. Ang mataas na lebel ng adult illiteracy ang nagsisilbi daw bilang matabang lupa para sa pag-akit at recruitment ng masasamang elemento sa ARMM.