Patuloy ang Usapang Pangkapayapaan para sa Timog-Silangang Ukraine

Sa kasunduang nilagdaan sa Minsk, Belarus, noong Setyembre 5 ay nagkaroon ng truce sa pagitan ng mga puwersa ng pamahalaan sa Kiev ng rehimeng Petro Poroshenko at ng mga break-away republics sa Donetsk at Lugansk. Nito namang Setyembre 20 ay napagkasunduan rin nila sa Minsk na magkaroon ng 15-kilometrong pag-urong ang kani-kanilang mga heavy weapons mula sa mga lugar ng labanan. Bale magkakaroon ng 30-kilometrong buffer zone upang matiyak na walang magiging pag-atake sa mga civilian centers. Mga 3,000 na ang nasasawi sa labanan sa Timog-Silangang Ukraine (karamihan ay mga ethnic Russians) sa nakaraang 5 buwan.
 
Sinabi ng pinuno ng break-away na Lugansk People’s Republic na si Igor Plotinsky na dapat nang pag-usapan ang status ng break-away republics sa Lugansk at Donetsk. Sinabi naman ni President Vladimir Putin na hindi nais ng Rusya na kunin ang mga rehiyon ng Lugansk at Donetsk. Wari ay sagot ito sa alok ng rehimen sa Kiev ng “self-rule” para sa mga separatist-controlled regions na iyon, at gayundin ng amnesty daw para sa mga nagbangon sa mga rehiyong iyon.
 
Ipinahayag ng Ukraine na sasanib nito sa European Union (EU), ngunit binalaan ng Rusya ang Ukraine na mahihirapan ang Ukraine sa kalakalan nito sa Rusya, lalo na sa fuel (gas) supply para sa Ukraine, kung itutuloy ng  Ukraine ang pagsanib nito sa EU.