Pork Barrel : Pinagpasasaan rin pala ng mga Taong-Simbahan

Inilathala sa pahayagang Inquirer ang nilalaman ng computer hard disc ni Benhur Luy, kung saan nakatala daw ang listahan ng mga “pork barrel” ng mga mambabatas na na-divert sa mga pekeng NGOs ni Janet Lim Napoles mula 2002 hanggang 2012, at ang halaga ng mga komisyon na natanggap mula sa bawat transaksiyon. Damay ang halos lahat ng senador at mahigit 150 kongresista, mga pinuno ng mga departamento at ahensiya, at maging ang mga nag-ahente sa katiwalian.

Damay rin ang ilang mga mamamahayag tulad daw ni Erwin Tulfo, at mga pinuno ng simbahan tulad ni Monsignor Josefino Ramirez, dating rector ng Quiapo diocese. Si Monsignor Ramirez, na tinatawag sa “Luy Files” na “Monsi”, ay tumanggap daw mula kay Napoles ng P2.5-Milyong tseke, P0.8-Milyong iba’t-iba pang donasyon, P0.3-Milyong perang pang-birthday-party, at P0.4-Milyong mga tiket sa eroplano para sa biyahe niya at ilang paring Intsik patungong Batikano.

Nabulgar din na si “Monsi” Ramirez at ilang paring Intsik ang tumestigo sa pagtatanggol para kay Napoles, laban sa pagsasakdal ni Luy ng serious illegal detention na isinagawa diumano kay Luy sa isang retreat house para sa mga pari na pinopondohan ni Napoles sa isang marangyang village sa Makati. Ipinagtanggol agad si “Monsi” nina Cardinal Luis Antonio Tagle ng Maynila, Bishop Honesto Ongtioco ng Cubao, at Bishop Emeritus Teodoro Bacani ng Novaliches. Sinabi nila na hindi naman kailangang tanungin pa ng mga taong-simbahan kung saan nanggaling ang perang donasyon sa kanila. (Ahh, kaya pala pati yung mga jueteng lords, gambling lords, drug lords, political lords at warlords ay binabasbasan at napatatawad ng simbahan.)

Sang-ayon sa kanyang mga tagapagtanggol, si “Monsi” daw ay dating rector ng Binondo church, at dati nang malapit sa nanay ni Napoles na si Dona Magdalena Luy Lim. Hindi naman daw nakapagtataka ang malalaking donasyon mula sa mga Intsik. Pero ganoon nga kaya sila ka-generous kung walang inaasahang kapalit, tulad ng mga basbas at pagpapatawad sa mga kasalanan at mga lihim na krimen, at gayundin sa nakukuhang stature ng pagiging malapit sa mga pinuno ng simbahan na inaakalang mga banal ? Kapag tungkol na sa tunay na pagtulong sa ating sambayanan, dapat nating alalahanin lagi ang sinabi ni Senate Pres. Franklin Drilon na maraming proyekto ng Fil-Chinese Chambers of Commerce & Industry ay tunay na nagmula sa kanyang “pork barrel”.