“SONA” : Hindi Salamin ng Tunay na Kalagayan ng Bayan

(Halaw mula sa talumpati ng kalihim pangkalahatan ng PKP-1930 sa martsa-rally sa Commonwealth Avenue, malapit sa Batasang Pambansa, Lungsod Quezon, noong araw ng “SONA”, Hulyo 28, 2014.)

            Ang “State of the Nation Address” o SONA, na iniuulat ng pangulo sa taunang pagbubukas ng magkasamang sesyon ng Kongreso, ang sinasabing pangunahing ulat ng pangulo hinggil sa kalagayan ng bansa. Dito tinatalakay kung ano ang mga nagawa ng administrasyon sa nakaraang isang taon, at kung anong mga programa at proyekto ang popondohan sa panukalang budget ng pamahalaan para sa susunod na taon.

            Batay sa pangangailangang mapabango ang imahe ng kanyang administrasyon, ang SONA ng pangulo ay hindi sasalamin sa tunay na kalagayan ng paghihirap ng bayan. Hindi rito tatalakayin ang pangangailangan para sa pagbabago ng sistemang pangkabuhayan at pampulitika ng bansa. Ang tinatalakay taun-taon ay ang pagbibigay ng bagong ilusyon sa sambayanan na ang pag-unlad ay maaari pa ring matamo sa pamamagitan ng pagmamantine sa kasalukuyang neokolonyal na sistemang kapitalista sa ating bansa.

            Ang SONA ay nagiging pagkakataon pa para sa administrasyon na i-focus ang pagtingin ng bayan sa ilang maliliit na limos na naibigay nito sa ilang kahabag-habag na mamamayan. Nariyan ang pag-display noon ni Ramos sa kanyang naitulong daw kay Mang Pandoy noong panahon niya, sa pagtatangkang mapahupa ang galit ng sambayanan dahil sa malawakang privatization ng mga utilities noong panahon niya na nakaka-perwisyo pa rin sa sambayanan hanggang sa ngayon.

Nariyan rin ang pag-display ng GMA sa 2 bata na humingi raw ng tulong niya sa pamamagitan ng mensahe sa bangkang papel na ipinaanod sa ilog Pasig patungo sa Malakanyang. Iyon ay bilang pagtatangka na mapahupa ang galit ng sambayanan dahil sa malawakang kabulukan ng kanyang pamilya at administrasyon. Malamang ay mayroon ring ganitong pakulo si PNoy sa  kanyang SONA ngayon, upang mapagtakpan ang kabulukan ng privatization at deregulation na ipinatutupad niya sa ilalim ng kanyang Public-Private Partnership Program (PPPP), na tiyak na higit na magbabaon sa sambayanan sa kahirapan ngayon at sa mga darating pang mga panahon.

Ang SONA ay paraan rin upang mag-ulat ang pangulo sa oligarkiyang nagpondo sa kanya upang maluklok sa kapangyarihan. Sa pagtatala sa SONA kung anu-anong pangunahing proyekto ang natapos o ginagawa, naiuulat kung gaanong halaga ang ginastos, at makikita kung aling mga pribadong kompanya ang nakinabang. Dahil nasa SONA rin ang paglalahad ng mga pangunahing proyektong isasagawa batay sa hinahaing budget para sa susunod na taon, makikita kung sinu-sino namang mga pribadong kompanya ang susunod na mabibiyayaan ng administrasyong PNoy, lalo na sa ilalim ng PPPP.

            Ito bale ay bahagi ng pag-uulat kung paano nakapagbabayad ng “utang-na-loob” ang administrasyon sa oligarkiya ng mga pribadong kompanya na nagpondo sa pagluklok niya sa kapangyarihan. Kung titignan natin ang sistema ng ating pulitika, sino ba ang pumili kay PNoy at sa kanyang alyansa upang tumakbo sa posisyon ? Mula sa nominasyon bilang kandidato, at hanggang sa pagpopondo sa partidong gagamiting makinarya sa kampanya, ay wala namang naging bahagi ang mga manggagawa, magsasaka at iba pang ordinaryong saray ng sambayanan. Tanging ang oligarkiya ng negosyo sa ating bansa --- ang mga imperyalistang korporasyong transnasyunal, ang mga Tsinoy taipans, at ang mga katutubong tycoons --- ang nasa likod ng pagpili at pagtakbo ng mga pangunahing kandidato sa ating mga halalan.

            Bagama’t mayroong mga pulitikong “kumikita” na doon pa man sa kanilang pangangalap ng suporta para sa kanilang pagtakbo sa eleksiyon (manalo man o matalo), ang “kalakaran” ay ang pagtiyak ng kandidato na ang kanyang mga ginastos sa eleksiyon ay kanyang “mababawi” nang labis-labis sa limitadong panahon ng kanyang panunungkulan. Ito ay sa pamamagitan ng “pork barrel” na nakalaan para sa mga mambabatas, at kung anu-ano namang mga pondo para sa mga proyekto para sa mga lokal na opisyales.

            Para sa pambansang administrasyon, maliban sa pagbawi sa gastos nito sa eleksiyon ay tungkulin nito na “mabayaran” ang mga nagpondo sa pagkampanya at pagwawagi nito sa eleksiyon. Ang mga nagpopondo sa pagtakbo ng mga pambansang pulitiko sa Pilipinas ay ang pamahalaang Kano, ang mga chambers of commerce and industry na pinatatakbo ng mga korporasyong transnasyunal, at ang mga korporasyong pag-aari ng mga nabibilang sa pinakamayayamang bilyonaryo ng bansa (SM, SMC, Ayala, Meralco, DMCI, PNB, Aboitiz, atbp.). Sila ang oligarkiyang siyang tunay na estado o naghaharing uri sa ating bansa. Sila ang nakapangyayari sa pamahalaan, na makinarya lamang nila sa pagtatanggol at pagsusulong ng kanilang mga mapanghuthot na kapakanan.

            Paano babayaran ang “utang na loob” ng administrasyon sa mga nagpondong ito sa kanyang pananalo sa eleksiyon ? Sa pamamagitan ng pagtiyak na sila ang mabibiyayaan sa mga patakaran ng pamahalaan. Kaya naman ang mga “trapo” sa Kongreso ay handang baguhin ang mga economic provisions ng Saligang-Batas ng bansa, para sa kapakinabangan ng dayuhang puhunan. Kaya naman nariyan ang patakarang privatization ng mga assets ng pamahalaan (mga power plants, dams, water systems, railways, tollways, ospital, atbp.), na siyang nalilipat sa kontrol ng oligarkiya. Nariyan rin ang patakarang deregulation, o pag-aalis ng kontrol sa pagpapatubo ng mga negosyante, at tumitiyak sa pagkakamal ng labis na kita ng oligarkiya. At nariyan rin ang liberalisasyon sa importasyon ng mga kalakal mula sa mga bansang nagpondo o “tumaya” sa eleksiyon sa ating bansa.

            Hindi nakapagtataka na ang mga mahahalagang proyekto na dapat sanang isinasagawa ng pamahalaan (at kaya naman nitong gawin kung hindi lamang sasalaulain ng mga pulitiko ang mga pondo ng pamahalaan) ay hindi nito ginagawa. Sa halip ay ipinapaubaya sa ilang piling dayuhan at lokal na mga pribadong korporasyon ang pagsasagawa ng mga proyekto na dapat sanang pagkikitaan sa pangmatagalang panahon ng pamahalaan. Hindi nakapagtataka na ang mga nananalo sa bidding para sa pagtatayo ng mga malalaking proyektong ganito (at gayundin ang nananalo sa bilihan ng malalaking assets na isinasa-pribado) ay iyon ring oligarkiya ng mga korporasyong pag-aari ng mga dayuhan, Tsinoy at lokal na mga bilyonaryo.

            Sa ganitong kalagayan, malinaw na ang pamahalaan ay nananatiling isang bulok na makinarya lamang ng naghaharing uri sa ating bansa. Ang administrasyon ay kumakatawan --- hindi sa kapakanan ng sambayanan na dapat sana nitong pinaglilingkuran --- kundi sa kapakanan ng naghaharing oligarkiya sa ating bansa. Ang privatization --- o ang pagpapanatili sa pangingibabaw ng pribadong sektor sa ating pambansang kabuhayan, tulad ng makikita sa PPPP ni PNoy --- ang pinaka-grabe at sistematikong paraan ng corruption o kabulukan sa pamahalaan. Ito ang ugat ng lahat ng kabulukan sa pamahalaan, na pinakikinabangan ng lahat ng mga pulitikong nakasuso sa bulok na sistema ng “pork barrel” (tulad ng “disbursement acceleration program” o “DAP” na pilit pa ring ipinagtatanggol ng administrasyong PNoy).

            Upang maalis ang malalim na kultura ng corruption sa pamahalaan, kailangan ang radikal na mga pagbabago. Una na rito ang paglalantad at pagwawaksi sa malawak na latag at dynasties ng mga bulok na pulitiko na matagal nang namamayagpag sa ating pamahalaan. Ang mga bulok na opisyales, gaano man ang pagpapanggap bilang mga “popular”, relihiyoso at “mapagkawanggawang” mga pinuno, ay walang karapatang mamatnugot saan mang lebel ng pamahalaan.

            Higit pa rito, dapat ay may pagbabago sa mga patakaran upang ang pamahalaan ang tuwirang magsasagawa ng mga proyektong kinakailangan ng sambayanan --- mga power plants, dams, expressways, railways, ospital, paaralan hanggang kolehiyo, atbp. Hindi dapat sa pribadong sektor ipinapaubaya ng pamahalaan ang pagtatayo sa mga ito. Kaya itong gawin ng pamahalaan, at ang kasaysayan ng iba’t-ibang uri ng “pork barrel” (tulad ng PDAP at DAP) ay nagpapakita na ang pamahalaan ay may nalilikom na sapat na pondo para sa mga proyekto, kung hindi nga lamang pinaghahati-hatian at nilulustay ito ng mga opisyales mismo ng pamahalaan.

Higit pa rin dito, kailangang bawiin ng pamahalaan mula sa mga pribadong korporasyon ang mga utilities na na-privatize nito : ang mga sistema ng distribusyon ng tubig at patubig ; ang mga power plants at transmission grids ; ang oil refineries at distribution systems ; atbp. Hindi ito gagawin, at hindi rin ito kayang gawin, ng kasalukuyang latag ng mga pulitiko na siyang nagsagawa at nakinabang rin sa bulok na patakarang privatization. Kinakailangan na manggaling na sa mga uring gumagawa ang mga magpapatakbo sa pamahalaan.

Kaya ng mga uring manggagawa, mabubukid at mga impormal na sektor ---sa pamamagitan ng kanilang mga progresibong kinatawan --- ang pagpapatakbo sa pamahalaan nang malinis, episyente at epektibo para sa paglilingkod sa kapakanan ng lahat ng mahihirap na saray sa ating lipunan. Dapat lamang nating alisin ang bulok na pananaw na iyong mga kabilang lamang sa oligarkiya at sa mga political dynasties --- tulad ng mga nagpa-fashion-show ngayon sa SONA sa Batasang Pambansa --- ang siya lamang may kakayahang mamahala sa ating pamahalaan.

Ang mga uring gumagawa --- sa pamamagitan ng kanilang mga progresibong kinatawan --- ay mas may kakayahan at may mas simpleng paraan ng pamamahala dahil kapakanan lamang ng bayan ang pagtutuunan. Kaya ng mga uring gumagawa at ng kanilang mga progresibong kinatawan ang pagpapatakbo sa pamahalaan, lalo pa at tanging sila ang makapag-gigiya sa landas tungo sa pambansang demokrasya at sosyalismo.

Habang ang mga kabilang sa burgesya at kanilang mga utusan ang nasa pamahalaan, laging ipagtatanggol nila ang neokolonyal na kapitalistang sistema na puno ng kabulukan na kanilang pinagpapasasaan, at puno naman ng pagpapahirap sa mga uring gumagawa. Tanging ang mga uring gumagawa at ang kanilang mga progresibong kinatawan ang makapagbabago sa sistema at makapagliligtas sa sambayanan sa pamamagitan ng pakikibaka tungo sa pambansang demokrasya at sosyalismo.

            TANGING KABULUKAN, PAGSASAMANTALA AT PAGPAPAHIRAP

                        ANG DULOT NG BURGES NA PAMAMAHALA !

            KAYA DAPAT NA ANG MGA URING GUMAGAWA ANG MAMAHALA !

            DAPAT AY PAMAMAHALA TUNGO SA PAMBANSANG DEMOKRASYA

                        AT SOSYALISMO !