Sugpuin na agad ang teroristang grupong “Abu Sayyaf” !

Nitong Hunyo 13 ay pinugutan ng teroristang grupong Abu Sayyaf ang isa pang bihag nilang Canadian na si Robert Hall, at ang ulo ay iniwan malapit sa Jolo cathedral. Ito ay matapos dumaan ang deadline nila para sa kanilang ransom demand na P600-Milyon para kay Hall at 2 iba pang nabihag nila sa Samal Island (isang Norwegian at isang Pilipina). Nauna rito, ang isa pa nilang bihag na Canadian na si John Ridsdell ay pinugutan noong Abril 25, nang walang nagbayad sa kanilang ransom demand na P300-Milyon.
 
Ibinuhos ng AFP ang 5,000 sundalo sa Talipao at iba pang kalapit na bayan ng Sulu upang tugisin ang mga bandido, ngunit hindi pa rin daw matukoy kung nasaan ang kuta ng mga teroristang ito. Nitong Hunyo 23 ay pinakawalan ng mga bandido ang kanilang bihag na Pilipinang si Maritess Flor (ang girlfriend ni Hall), sa pakikipag-ugnayan ni incoming Peace Process chairman Jesus Dureza at ni Sulu Vice-Governor Sakur Tan. Gayunpaman, nagbanta pa rin ang mga bandido na pupugutan ang bihag nilang Norwegian na si Kjartan Sekkingstad kapag hindi nila natanggap ang ransom na P300-Milyon.
 
Nitong Hunyo 21 naman ay 7 Indones na tripulante ng isang tugboat na dumaan sa Sulu Sea ang binihag rin ng teroristang Abu Sayyaf, na nag-demand ng tig-P13-Milyong ransom para sa paglaya ng bawat isa sa mga ito. Nanawagan ang Pilipinas sa pamahalaang Indones na huwag magbayad ng ransom. Paboritong I-kidnap ng Abu Sayyaf ang mga Indones at Malaysians dahil agad daw nagbabayad ng ransom ang kanilang mga pamahalaan. Kamakailan ay iniulat na P130-Milyon ang ibinayad ng Malaysia para sa paglaya ng 4 nilang nationals na kinidnap ng teroristang Abu Sayyaf. Hinihinala na maliban sa naturang Norwegian, may mga kidnap-hostages pa ang Abu Sayyaf na 1 Dutch, 1 Intsik, at 7 Pilipino.
 
Sang-ayon mismo sa teroristang grupong Abu Sayyaf, ang kanilang barbarikong pagpatay kay Hall ay “regalo” daw nila sa papasok na pangulong si Rodrigo Duterte, ang mayor ng Davao City na katabi lamang ng Samal Island (kung saan nila dinukot sina John Ridsdell, Robert Hall, Maritess Flor at Kjartan Sekkingstad). Ito ay isang hamon sa papasok na administrasyong Duterte na agad nang sugpuin ang teroristang grupong ito na matagal nang naghahasik ng ligalig sa Mindanao, Palawan at maging sa Sabah. Kasabay na dapat sugpuin ang kanilang mga supporters sa hanay ng mga lokal na opisyales, at maging sa hanay ng militar at pulisya, na sinasabing nakikinabang rin sa ransom na natatanggap ng teroristang grupong ito.