Tutulan ang Pambobomba sa Syria ng U.S.A. at mga Kasapakat Nito

Inumpisahan ng USA ang arogante at walang-pakundangang pambobomba sa ilang bahagi ng teritoryo ng Syrian Arab Republic nitong Setyembre 23.
 
Upang palabasin na hindi nag-iisa ang USA sa mapanalakay na aksiyong ito, inutusan ni Obama ang 5 papet nitong mga mapaniil na diktadura sa mga kahariang Arabo (ang Kingdom of Saudi Arabia, Kingdom of Bahrain, Emirate of Qatar, Hashemite Kingdom of Jordan, at United Arab Emirates) na lumahok rin sa pambobomba sa Syria. At matapos lumahok ang mga ito sa pananalakay, pasok na rin ang mga bombers ng mga pangunahing Europeong bansang imperyalista na kasapi ng North Atlantic Treaty Organization (NATO).
 
Sinasabi ng tagapagsalita ng NATO na ang mga target ng pambobomba ay iyon lamang mga lugar sa Syria malapit sa hangganan ng Iraq na kontrolado ng mga puwersa ng “Islamic State” (IS/ISIS/ISIL o anupaman ang tawag nila doon). Ito raw ay kaugnay sa ginagawa ring pambobomba sa mga lugar sa Iraq na nasakop rin ng “IS”. Ngunit ang operasyong ito ay napakalaking banta sa mga puwersa ng pamahalaan ng Syria.
 
Walang-kahihiyang binalaan pa ni Obama ang Syria na huwag daw humadlang sa mga operasyong militar na ito, at kundi ay tuwirang aatakihin ng USA ang pamahalaan ni Pangulong Bashar Al-Assad. Kunwari pa ay walang kamay ang USA sa tatlong taon nang panggi-giyera ng mga mersenaryo laban sa pamahalaan ng Syria. Ngunit nitong nakaraang buwan lamang ay naglaan pa ang USA ng $500-Milyong pondo para magsasanay sa Kingdom of Saudi Arabia ng mga 5,000 “rebelde” (mga mersenaryo) na ipupuslit patungong Syria upang ipanglalaban sa pamahalaan ni Bashar Al-Assad.
 
Ang arogante at palalong pananakot ni Obama sa Syria ay isa na namang bandidong pag-atake sa soberanya at integridad na pang-teritoryo ng ibang bansa. Walang pahintulot ang pamahalaan ng Syria sa ginagawang pambobomba ng USA at mga kasapakat nito sa ilang bahagi ng teritoryo ng Syria. Ang pagyurak na ito sa soberanya at integridad na pang-teritoryo ng Syria ay isang grabeng paglabag sa pandaigdigang batas. Ang pamahalaan ng Syria ay nag-alok ng kooperasyon sa USA para sa isang joint military campaign laban sa “IS”. Ngunit ang alok na iyon ay  agad ring binale-wala ng USA, na ang namumunong mga sirkulo ay nagpahayag na ang pamahalaan ng Syria ay dapat daw ibagsak.
 
Ang buong oligarkiyang namumuno sa USA ay determinado na ang pag-atake ng USA sa mga puwersa sa Syria ng nalikha nitong “Frankenstein” (ang “IS”) ay gagamiting tabing lamang para sa tuluyang pang-militar na “regime change” sa Syria. Ito ay sa kabila ng katotohanan na ang pamahalaan ng Syria ang pinaka-epektibong puwersang bumabaka sa “IS”.
 
Ang ginawa ng USA na pambobomba sa ilang bahagi ng Syria ay isang grabeng banta sa pandaigdigang kapayapaan. Ang anumang tuwirang pag-atake ng USA sa pamahalaan ni Pangulong Al-Assad ay maaring maging mitsa ng isang pang-rehiyong digmaan, lalo pa at ang maka-sosyalistang pamahalaang ito ay marami ring taga-suporta sa Iran, Iraq, Lebanon, Palestine at iba pang lugar sa Gitnang Silangan.
 
Pinalalabas ni Obama na ang pambobomba sa ilang bahagi ng Syria at Iraq ay nakatuon lamang laban sa “IS” na nakasakop na sa mga bahaging iyon ng Syria at Iraq. Ngunit sa katotohanan, ang nagpalakas sa “IS” ay ang pagpopondo at pag-supply ng armas rito na ginawa mismo ng USA at ng mga kasapakat nitong mga islamikong rehimen sa Saudi Arabia, Turkey at Qatar. Ang “IS” ay unang binuo at sinanay ng C.I.A. ng USA, at ng Mossad ng Israel, upang gamiting panglaban sa pamahalaang Al-Assad sa Syria.
 
Ngunit ikinagalit ng USA na matapos ma-kontrol ng “IS” ang ilang oilfields sa Syria at Iraq, nag-umpisa silang magtayo ng isang “black-market” na negosyo ng pagbebenta ng petrolyo, na kadalasang dinadala sa Turkey. Upang hindi naman mahalata na ang pangunahing pakay ng panggi-giyera ng imperyalismo sa Syria ay ang mga oilfields nito, pinalabas ni Obama na ang pag-atake sa “IS” ay bilang ganti sa ginawa ng “IS” na pamumugot ng ulo ng ilang hostages na mula sa USA at UK.
 
Pero lumalabas na ang 2 journalist-hostages na Kano na pinugutan ng ulo ng mga tauhan ng “IS” ay iyong nagpahayag ng pagtutol sa pakikialam ng USA sa Syria. Ang iba namang journalist-hostages, na pabor sa USA ang mga panulat, ay sinagip mula sa “IS” sa pamamagitan ng pagbabayad ng ransom. Tulad ng inaasahan, ang nakaririmarim na pamumugot ng “IS”, na kinunan pa nila ng video na ipinakalat sa internet, ay ikinagalit ng mundo. Ito ay pumanig lamang sa mapandigmang plano ni Obama, na ang tunay na target ay hindi ang “IS” kundi ang Syria (at kasunod pa nito ay ang Iran).
 
Mula sa ehemplong pamumugot na isinagawa ng “IS”, gaya-gaya na ang mga nagsasabing kapanalig ng “IS” sa pagbabanta ng pamumugot sa kanilang hostages. Isang French hostage ng grupong maka-“IS” sa Algeria ang binantaang pupugutan ng ulo kung hindi daw ititigil ng Pransiya ang pambobomba sa “IS” sa Iraq. Ang bandidong grupong “Abu Sayyaf” naman dito sa Sulu ay biglang nagpahayag ng pagsuporta sa “IS”, at nagbantang pupugutan rin ng ulo ang 2 German hostages nila sa Sulu kung hindi ititigil ng Alemanya ang pambobomba sa “IS” sa Iraq. Pero syempre pa, mas mahalaga sa “Abu Sayyaf” na may magbayad ng ransom na matagal na nilang hinihingi bilang kapalit ng kalayaan ng kanilang hostages.
 
            Sa kabila ng lahat ng mga panggugulo at panglilito, isang bagay ang dapat tandaan : ang sinasabing “IS” ay hindi magiging isang puwersa sa loob ng Iraq, Syria at iba pang bansang Arabo, kundi lamang dahil sa pananalakay ng USA na nagwasak sa secular na katangian at sa integridad na pang-teritoryo ng mga pamahalaan sa Iraq noong 2003, sa Libya noong 2011, at ngayon ay sa Syria.
 
Ang tunay na layunin ng imperyalismong Kano ay ang paglalagay ng mga permanenteng base militar nito sa Iraq, Syria at iba pang lugar sa Gitnang Silangan. Ang layunin ay ang pagpapalawak at pagsasa-permanente ng kanyang imperial power at dominasyon (sa tulong na rin ng zionistang Israel) sa rehiyong ito kung saan naroon ang 66% ng oil reserves ng buong mundo. Bahagi ito ng tinatawag na “New Middle East Plan” kung saan ang mga bansa doon ay paghahati-hatiin matapos pag-laban-labanin ang mga mamamayan nila batay sa kanilang mga sektang pang-relihiyon (Sunni kontra Shiite kontra Alawite kontra iba pa), at batay sa kanilang ethnikong background (Arabo kontra Kurdish kontra Yazidi kontra Farsi kontra iba pa). Kapag napaghati-hati na ang mga bansa sa maliliit at mahihinang mga “statelets”, lalong matitiyak ang pangmatagalang pangingibabaw ng imperyalismo sa rehiyong iyon.
 
Sa nakaraang 24 na taon ay tuloy-tuloy ang ginawang pambobomba ng USA sa Iraq. Ngayon ay binobomba naman nito ang Syria. Ang Iraq at Syria kailanman ay hindi lumusob sa USA o umatake sa sambayanang Kano. Ang nangyayari ngayon ay isang patuloy na panggi-giyera ng USA sa mga sambayanang matagal nang nagbangon at nagwagi laban sa kolonyalismo, upang ang mga sambayanang iyon ay maibalik sa pagkakagapos at pagkalugmok. Ang panggi-giyerang ito ay inilunsad sa pamamagitan ng iba’t-ibang mga kasinungalingan at pananakot sa mga mamamayan, nang walang anumang katwiran, legalidad o moralidad.
 
Bilang bagong pagpapakita ng kapangyarihang imperyalista, ang panggi-giyerang ito ay naghahasik ng mas malawakang kamatayan, at mas grabeng pagkawasak at kaguluhan, sa mga tina-target na bansa. Pero sa paglaon, ang mga bangkay at dugo ng mga biktima, at ang malawakang lagim ng pagkawasak, ay hindi pa rin makabubusog sa pagnanais ng mga aroganteng kapangyarihan sa mga bansang imperyalista ---  lalo na ng military industrial complex --- para sa higit na pagtutubo. Maghahanap pa rin ng panibagong mga lugar at rehiyon na pagdadalhan nila ng kaguluhan at giyera.
 
Kaya naman ang panggi-giyera ng USA at iba pang kasapakat nitong bansa laban sa Syria at Iraq ay dapat kondenahin at labanan. Sa diwa ng pandaigdigang pakikipagkaisa (international solidarity) ay dapat nating ilantad sa ating sambayanan ang mapanakop na layunin ng imperyalismo sa Syria at Iraq ; ang pinagmulan at tunay na papel ng “IS” ; at ang mas grabe at malawak na “New Middle East Plan” kung saan nais ng imperyalismo na pagwatak-watakin at paglaban-labanin ang mga sambayanan upang malupig ang buong rehiyong iyon.