VP Binay : Walang Kaibahan sa mga Reaksiyonaryong Pananaw

Noong pag-uumpisa ng Mayo ay nasa Washington DC si Vice-President Jejomar Binay upang magbigay ng panayam sa “Center for Strategic and International Studies” at ilan pang tagasuring ahensiyang pang-patakaran ng imperyalismong Kano. Ito bale ay maagang pagpapakilala ni Binay bilang kandidato sa pagka-pangulo ng Pilipinas sa eleksiyong 2016, at umpisa rin ng kanyang paghingi ng suporta sa imperyalismong Kano para sa kanyang kandidatura.

Dalawang bagay ang lagi niyang idinidiin sa kanyang mga panayam, upang makakuha ng suporta mula sa mga imperyalistang Kano. Una rito ang kahalagahan daw ng bagong “Enhanced Defense Cooperation Agreement” (EDCA, na pinirmahan nang dumalaw si Barack O’bomber sa Pilipinas nitong nakaraang Abril 28). Kailangan daw ang mas malakas pang pananatiling militar ng mga Kano sa ating bansa (“A stronger American military presence in the Philippines”, wika niya).

Ikalawa rito ang pangangailangan daw na amyendahan ang ating Saligang-Batas upang bigyan ng higit na karapatan ang mga dayuhan sa kanilang pamumuhunan rito. Sagka daw sa pag-akit ng ating bansa sa dayuhang pamumuhunan ang patakarang 60-40 sa ating Konstitusyon (ang limitasyon sa 40% ng bahagi na maaaring ariin ng mga dayuhan sa mga lokal na korporasyon sa negosyo). Dahil daw sa limitasyong ito kaya hindi makapasok ang Pilipinas sa mga negosasyon tungo sa pagtatayo ng Trans-Pacific Partnership (TPP).

Hinggil sa EDCA, aminado si Binay na ito’y bahagi ng “military pivot”, o pagbabalik ng mga puwersang Kano, sa Asya-Pasipiko. Mahalaga raw ang EDCA bilang panglaban sa nakikitang banta sa Pilipinas, tulad ng pagpasok ng mga puwersang Tsino sa West Philippine Sea. Kailangan rin daw ang EDCA at ang malapit na relasyong militar sa Estados Unidos para gawing “kalmado” ang “investment climate” sa Pilipinas.

Sa mga bagay na ito ay dapat maunawaan ni Binay na ang “military pivot” ng Estados Unidos pabalik sa Asya-Pasipiko ay isinasagawa nito upang isulong ang kanyang sariling mga kapakanan. Ang EDCA ay isang tratado na kakaladkad lamang sa Pilipinas sa mga naisin ng imperyalismong Kano sa ating rehiyon. Nagkakamali si Binay sa kanyang pag-asa na ang EDCA ay magiging panglaban ng Pilipinas sa ginagawang pagpasok ng mga puwersang Tsino sa West Philippine Sea. Matagal nang sinasabi ng pamahalaang Obama na ang anumang sigalot sa West Philippine Sea ay hindi pakikialaman ng Estados Unidos, at hindi daw ito sakop sa mga probisyon ng 1951 USA-Philippines Mutual Defense Agreement. Ang EDCA ay lumalabas na batayan ng pagdaragdag ng mga puwersang militar ng Kano sa Pilipinas, upang tiyakin lamang ang kaligtasan ng mga pamumuhunang Kano, at iba pang kapakanang Kano, sa ating bansa.

Hinggil sa puhunang Kano na pumapasok sa Pilipinas, pinansin ni Binay na maliit iyon kumpara sa puhunang napupunta sa iba pang mga bansang kabilang sa ASEAN. Dapat maisip ni Binay na sa ibang mga bansa sa ASEAN ay wala namang nagbibigay ng buong karapatan sa dayuhang pamumuhunan, kaya hindi naman kailangang luwagan pa natin ang patakarang 60-40 sa ating Konstitusyon. Ang mga dayuhang mamumuhunan ay naaakit sa ibang mga bansa ng ASEAN, dahil sa Pilipinas ay napakataas ng singil sa kuryente, tubig at iba pang utilities ; kulang sa mga daan at infrastructures ; at kilala sa pangongotong ang mga opisyal ng pamahalaan at maging ang mga di-masugpong mga grupong bandido.

Ang mapandambong na singilin ng mga public utilities na kontrolado ng iisang oligarkiya (sa kuryente, tubig, telekomunikasyon, LRT/MRT at expressways) ; ang patuloy na corruption sa pamahalaan ; at ang paglala ng peace-and-order situation --- ito ang mga tunay na sagka sa pag-akit ng Pilipinas ng dayuhang puhunan. Gayunpaman, dapat ring maunawaan ni Binay na ang pag-unlad ng Pilipinas ay nasa sarili nating kakayahan (kung hindi lamang winawaldas sa “pork barrel”), at hindi dapat iniaasa sa pamumuhunan ng mga dayuhan.

Kung inaakala ni Binay na ang Trans-Pacific Partnership (TPP) ay makabubuti sa ating ekonomya, siya ay nagkakamali sapagkat ang TPP ay mangangahulugan lamang ng higit na pagbubukas ng pamilihan ng Pilipinas sa pagpasok ng mga kalakal mula sa ibang mga bansang kabilang rin sa TPP. Higit lamang na kompetisyon mula sa mga dayuhang kalakal ang idudulot sa atin ng TPP. 

            Maswerte si Binay dahil bilang isang “oposisyonistang” bise-presidente sa isang pangulong matagal rin naman niyang naging kasangga, walang siyang natatanggap na tuligsa, o mabigat na tungkulin, mula kay PNoy. Ang tanging gawain niya ay ang pag-iwas sa kontrobersiya habang nangangampanya para sa 2016. Mapapansin na patuloy siyang umiiwas sa mga imbestigasyon sa corruption, tulad ng kanyang pananahimik sa impeachment ni dating chief justice Renato Corona, sa pag-uusig kay dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, sa pagtugis sa mga nakulimbat ng pamilyang Marcos, at sa pag-uusig ngayon kina Enrile, Jinggoy, Bong Revilla at iba pang mga mandarambong na mambabatas na pawang mga kaalyado niya. Minsan niyang sinubukang pumapel noong Zamboanga siege ng MNLF, bilang tagapaghatid ng pasabi kay PNoy mula sa kaibigan daw niyang si MNLF chairman Nur Misuari, ngunit siya’y isinangtabi lamang.

 

Kung tutuusin, si PNoy mismo ay hindi kumbinsido na kailangang ma-liberalize para sa mga dayuhang mamumuhunan ang patakarang 60-40 sa ating Konstitusyon. Sang-ayon kay Finance Secretary Cesar Purisima, hanggang sa pagtatapos ng kanyang termino ay walang balak si PNoy na amyendahan para rito ang ating Konstitusyon. Isa ring delikadong isyu kapag magkaroon ng anumang “Charter-Change” ay ang kahingian ng mga dayuhang mamumuhunan na tuwiran silang makapag-ari ng mga lupain sa Pilipinas.

Sa mga pahayag ni Binay ay makikita na mas reaksiyonaryo pa ang kanyang mga posisyon kumpara kay PNoy, lalo na’t tungkol sa mga patakarang pangkabuhayan. Kung malalagay sa kapangyarihan si Binay ay malamang na higit lamang na pagtatamasa ang maibibigay sa mga dayuhang mamumuhunan, samantalang higit namang paghihirap ang idudulot sa sambayanang Pilipino. Malamang na higit rin tayong mapapailalim sa presensiyang militar ng mga Kano sa ating bansa, na maaaring magbalik sa mga kabulukang tulad ng nakapaligid noon sa mga dating base militar ng Kano rito.

Sa katauhan ni Binay ay malinaw na makikita ang masaklap na katotohanan na ang “oposisyon” at “administrasyon” sa ating bansa ay dalawang mukha lamang ng iisang naghaharing uri. Ang mga imperyalista at lokal na oligarkiya ang siyang naghaharing uri na nagpopondo sa kanilang mga kinatawan sa pulitika --- sa “administrasyon” o “oposisyon” man ---  na nagtatagisan lamang para makakuha ng kapangyarihan at kurakot, ngunit pare-parehas ring nagtatanggol sa pinakikinabangan nilang neokolonyal na sistemang kapitalista na siyang humuhuthot at nagpapahirap sa sambayanang Pilipino. 

Ang partidong pampulitika ni Binay, na kinabibilangan ng marami ring mga bulok at mandarambong na political dynasties sa ating bansa, ay dapat nang magpalit ng pangalan --- mula sa “United Nationalist Alliance”, tungo marahil sa mas makatotohanang “United Neocolonial Alliance”.